-
Juan 10:22Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
22 Nang panahong iyon ay Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem. Taglamig noon,
-
-
Juan 10:22Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
22 Nang panahong iyon ang kapistahan ng pag-aalay ay naganap sa Jerusalem. Panahon noon ng taglamig,
-
-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 10Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Kapistahan ng Pag-aalay: Sa Hebreo, ang kapistahang ito ay tinatawag na Hanukkah (chanuk·kahʹ), na nangangahulugang “Inagurasyon; Pag-aalay.” Walong araw itong ipinagdiriwang, simula sa ika-25 araw ng buwan ng Kislev, malapit sa winter solstice, (tingnan ang study note sa Taglamig sa talatang ito at Ap. B15) para alalahanin ang muling pag-aalay ng templo sa Jerusalem noong 165 B.C.E. Walang paggalang si Haring Antiochus IV Epiphanes ng Sirya kay Jehova, ang Diyos ng mga Judio, kaya nilapastangan niya ang templo ng Diyos. Halimbawa, nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar, kung saan araw-araw na iniaalay ang handog na sinusunog. Noong Kislev 25, 168 B.C.E., para lubusin ang paglapastangan niya sa templo ni Jehova, naghandog si Antiochus ng baboy sa altar at isinaboy sa buong templo ang pinagpakuluan ng karne nito. Sinunog niya ang mga pintuang-daan ng templo, sinira ang mga silid ng saserdote, at kinuha ang gintong altar, mesa ng tinapay na pantanghal, at gintong kandelero. Pagkatapos, inialay niya ang templo ni Jehova sa paganong diyos na si Zeus ng Olympus. Makalipas ang dalawang taon, nabawi ni Judas Maccabaeus ang lunsod at ang templo. Matapos linisin ang templo, muli itong inialay noong Kislev 25, 165 B.C.E., eksaktong tatlong taon mula nang mag-alay si Antiochus sa altar ng kasuklam-suklam na handog kay Zeus. Naibalik ang araw-araw na pag-aalay kay Jehova ng handog na sinusunog. Hindi tuwirang sinasabi ng Kasulatan na si Jehova ang nasa likod ng tagumpay ni Judas Maccabaeus at na siya ang nag-utos dito na ibalik sa ayos ang templo. Pero gumamit noon si Jehova ng banyagang mga lalaki para isakatuparan ang ilang layunin niya may kinalaman sa pagsamba, gaya ni Ciro ng Persia. (Isa 45:1) Kaya makatuwiran ding isipin na puwedeng gumamit si Jehova ng isang lalaki mula sa bansang nakaalay sa kaniya para isakatuparan ang Kaniyang kalooban. Ipinapakita ng Kasulatan na mahalagang manatili ang templo at patuloy itong magamit para matupad ang mga hula tungkol sa Mesiyas, sa kaniyang ministeryo, at sa kaniyang hain. Kailangan ding magpatuloy ang paghahain na ginagawa ng mga Levita hanggang sa ihandog ng Mesiyas ang mas malaking hain, ang buhay niya alang-alang sa mga tao. (Dan 9:27; Ju 2:17; Heb 9:11-14) Hindi inutusan ang mga tagasunod ni Kristo na ipagdiwang ang Kapistahan ng Pag-aalay. (Col 2:16, 17) Pero wala namang ulat na kinondena ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pagdiriwang nito.
Taglamig: Taglamig ng 32 C.E., ang huling taglamig noong ministeryo ni Jesus. Ang Kapistahan ng Pag-aalay ay ipinagdiriwang sa buwan ng Kislev, ang ikasiyam na buwan, na tumatapat sa Nobyembre/Disyembre. Noong 32 C.E., ang unang araw ng kapistahan, Kislev 25, ay pumatak sa kalagitnaan ng Disyembre. (Tingnan ang Ap. B15.) Alam ng mga Judio na ipinagdiriwang ang kapistahang ito kapag taglamig. Kaya posibleng binanggit lang dito ang taglamig para idiin kung bakit pinili ni Jesus na magturo sa loob ng “kolonada ni Solomon.” (Ju 10:23) Sa lugar na ito, mapoprotektahan sila mula sa malakas na hanging silangan sa panahon ng taglamig.—Tingnan ang Ap. B11.
-