-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Pentecostes: Ang salitang Griego na pen·te·ko·steʹ (nangangahulugang “Ika-50 [Araw]”) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tumutukoy sa “Kapistahan ng Pag-aani” (Exo 23:16) o “Kapistahan ng mga Sanlinggo” (Exo 34:22) sa Hebreong Kasulatan. Ipinagdiriwang ang kapistahang ito sa pagtatapos ng pitong-linggong pag-aani—una, ng sebada at pagkatapos ay ng trigo. Ang Kapistahan ng Pentecostes ay ipinagdiriwang sa ika-50 araw mula Nisan 16, ang araw kung kailan inihahandog ang tungkos ng mga unang bunga ng sebada. (Lev 23:15, 16) Sa kalendaryong Hebreo, ang Pentecostes ay pumapatak ng Sivan 6. (Tingnan ang Ap. B15.) Ang mga tagubilin para sa kapistahang ito ay mababasa sa Lev 23:15-21; Bil 28:26-31; at Deu 16:9-12. Sa Kapistahan ng Pentecostes, dumadagsa sa Jerusalem ang maraming Judio at proselita mula sa malalayong lupain. Itinuturo ng kapistahang ito na dapat maging mapagpatuloy at mabait sa mga tao, anuman ang estado nila sa buhay o pinagmulan—sila man ay alipin, taong malaya, mahirap, walang ama, biyuda, Levita, o dayuhan. (Deu 16:10, 11) Kaya tamang-tama lang na naitatag ang kongregasyong Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E. sa Jerusalem, dahil layunin nitong magpatotoo sa lahat ng tao “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” (Gaw 1:8; 2:11) Naniniwala ang mga Judio na Pentecostes noon nang ibigay ng Diyos sa Israel ang Kautusan sa Bundok Sinai noong piliin niya sila bilang bayan niya. Nang pasimula ng ikatlong buwan (Sivan), nagtipon ang mga Israelita sa Bundok Sinai at tinanggap nila ang Kautusan. (Exo 19:1) Si Moises ang tagapamagitan ng Israel nang pumasok sila sa tipang Kautusan, at ngayon, si Jesu-Kristo naman ang Tagapamagitan ng espirituwal na Israel nang ang bagong bansang ito ay pumasok sa bagong tipan.
-