-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Anak ng: Sa Hebreo, Aramaiko, at Griego, ang pananalitang “(mga) anak ng” ay ginagamit para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian o para ilarawan ang isang grupo ng tao. Halimbawa, sa Deu 3:18, ang literal na salin para sa “matatapang na lalaki,” o matatapang na mandirigma, ay “mga anak ng abilidad.” Sa Job 1:3, ang literal na salin para sa ekspresyong “taga-Silangan” ay “anak ng Silangan.” Ang ekspresyong ‘walang-kuwentang tao’ sa 1Sa 25:17 ay “anak ng belial” sa literal, o “anak ng kawalang-kabuluhan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ang mga ekspresyong “anak ng Kataas-taasan,” “anak ng liwanag at anak ng araw,” at “anak ng pagsuway” para tumukoy sa mga taong tumatahak sa isang partikular na landasin o kilalá sa isang partikular na katangian.—Luc 6:35; 1Te 5:5; Efe 2:2, tlb.
Anak ng Kaaliwan: O “Anak ng Pampatibay.” Salin ng apelyidong Bernabe, na ibinigay sa isang alagad na nagngangalang Jose. Maraming Judio ang may pangalang Jose, kaya posibleng pinangalanan siya ng mga apostol na Bernabe para madali siyang matukoy. (Ihambing ang Gaw 1:23.) Gaya ng ipinaliwanag sa study note sa Anak ng sa talatang ito, ginagamit kung minsan ang ekspresyong ito para tukuyin ang isang tao na kilalá sa isang partikular na katangian. Maliwanag na ipinapakita ng apelyidong Anak ng Kaaliwan ang nangingibabaw na katangian ni Jose—ang pagpapatibay at pang-aaliw sa iba. Iniulat ni Lucas na nang isugo si Jose (Bernabe) sa kongregasyon ng Antioquia ng Sirya, “pinatibay” niya ang mga kapananampalataya niya. (Gaw 11:22, 23) Ang pandiwang Griego na isinaling “pinatibay” (pa·ra·ka·leʹo) ay kaugnay ng salitang Griego para sa “Kaaliwan” (pa·raʹkle·sis) na ginamit sa Gaw 4:36.—Tingnan ang study note sa Anak ng sa talatang ito.
-