-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Gamaliel: Isang guro ng Kautusan na dalawang beses binanggit sa Gawa, dito at sa Gaw 22:3. Ipinapalagay na siya si Gamaliel na Nakatatanda, gaya ng tawag sa kaniya sa sekular na mga akda. Si Gamaliel ay apo, o posibleng anak, ni Hilel na Nakatatanda, na kinikilalang bumuo ng mas liberal na pilosopiyang pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Mataas ang paggalang ng mga tao kay Gamaliel, at sinasabing sa kaniya unang ginamit ang espesyal na titulong “Rabban.” Kaya malaki ang impluwensiya niya sa lipunan ng mga Judio noong panahon niya; marami siyang sinanay na Pariseo, gaya ni Saul ng Tarso. (Gaw 22:3; 23:6; 26:4, 5; Gal 1:13, 14) Kadalasan nang ang pananaw niya sa Kautusan at mga tradisyon ay mas makatuwiran kumpara sa iba. Halimbawa, sinasabing gumawa siya ng mga batas para protektahan ang mga asawang babae laban sa mapang-abusong mga asawang lalaki at ang mga biyuda laban sa pabayang mga anak. Sinasabi ring ipinaglalaban niya na dapat na pantay ang karapatan sa paghihimalay ng mahihirap na Judio at di-Judio. Kitang-kita ang lawak ng kaisipan ni Gamaliel sa paraan ng pakikitungo niya kay Pedro at sa iba pang apostol. (Gaw 5:35-39) Pero ipinapakita ng mga akda ng mga rabbi na mas mahalaga kay Gamaliel ang tradisyon ng mga rabbi kaysa sa Banal na Kasulatan. Kaya ang mga itinuturo niya sa kabuoan ay kahawig pa rin ng itinuturo ng karamihan sa mga ninuno niyang rabbi at mga lider ng relihiyon noong panahon niya.—Mat 15:3-9; 2Ti 3:16, 17; tingnan sa Glosari, “Pariseo”; “Sanedrin.”
-