-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Herodes: Si Herodes Agripa I, apo ni Herodes na Dakila. (Tingnan sa Glosari.) Ipinanganak si Herodes Agripa I noong 10 B.C.E., at nag-aral siya sa Roma. Marami siyang naging kaibigan sa pamilya ng emperador ng Roma. Isa sa kanila si Gayo, na mas kilalá bilang Caligula at naging emperador noong 37 C.E. Di-nagtagal, itinalaga niyang hari si Agripa sa mga rehiyon ng Iturea, Traconite, at Abilinia. Pagkatapos, idinagdag pa ni Caligula ang Galilea at Perea sa sakop ni Agripa. Nasa Roma si Agripa nang patayin si Caligula noong 41 C.E. Sinasabing malaking papel ang ginampanan ni Agripa para ayusin ang sumunod na problema. Namagitan siya sa maiigting na pag-uusap ng makapangyarihang kaibigan niyang si Claudio at ng Senado ng Roma. Dahil diyan, ipinroklamang emperador si Claudio at napigilan ang pagsiklab ng digmaang sibil. Para gantimpalaan ang ginawa ni Agripa, ginawa rin siyang tagapamahala ni Claudio sa Judea at Samaria, na pinamamahalaan ng mga Romanong prokurador mula pa noong 6 C.E. Kaya ang teritoryong sakop ni Agripa ay naging kasinlaki ng kay Herodes na Dakila. Ang kabisera nito ay Jerusalem, kung saan nakuha niya ang loob ng mga lider ng relihiyon. Sinasabing detalyado niyang sinusunod ang kautusan at tradisyong Judio. Halimbawa, araw-araw siyang naghahandog sa templo at nagbabasa ng Kautusan sa publiko. Sinasabi ring masigasig siya sa pagtataguyod ng pananampalatayang Judio. Pero pakitang-tao lang ang pagsamba niya sa Diyos dahil nagsaayos siya ng mga labanan ng mga gladiator at paganong mga palabas sa teatro. Inilarawan si Agripa na tuso, mapagkunwari, at maluho. Biglang nagtapos ang pamamahala niya nang patayin siya ng anghel ni Jehova, gaya ng mababasa sa Gaw 12:23. Sinasabi ng mga iskolar na namatay si Haring Herodes Agripa I noong 44 C.E. Siya ay 54 na taóng gulang noon at tatlong taon siyang namahala sa buong Judea.
-