-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
handog na magsisilbing pampalubag-loob: O “handog na pambayad-sala; handog para sa pakikipagkasundo.” Ang salitang Griego na hi·la·steʹri·on ay isinalin ditong “handog na magsisilbing pampalubag-loob,” at ang kaugnay na salitang hi·la·smosʹ ay isinalin namang “pampalubag-loob na handog” sa 1Ju 2:2 at 4:10. Sa Kasulatan, ang mga terminong ito ay ginagamit para tumukoy sa pagbabalik ng magandang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Nang lalangin si Adan bilang isang “anak ng Diyos” sa lupa, mayroon siyang mapayapang kaugnayan sa kaniyang Maylalang. (Luc 3:38) Pero nang sumuway si Adan sa Diyos at magkasala, naiwala niya ang magandang kaugnayang ito at ang perpektong buhay niya. Naipagbili niya rin sa kasalanan at kamatayan ang mga inapo niya. (Ro 5:12) Batay sa perpektong katarungan ng Diyos, ang naiwala ay kailangang mapalitan ng eksaktong katulad nito para maibalik ang kaugnayan ng tao sa Diyos. (Exo 21:23-25; Deu 19:21) Nang ibigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang tao, naging handog ito na pampalubag-loob, dahil nasapatan nito ang matuwid at makatarungang kahilingan ni Jehova para sa pagpapatawad ng kasalanan. Kaya naman, masasabing “matuwid pa rin [ang Diyos] kahit ipinahahayag niyang matuwid ang [makasalanang] taong may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:26) Dahil sa handog ni Jesus, naging posible para sa mga tao na makipagkasundo kay Jehova at maibalik ang mapayapang kaugnayan sa Kaniya. (Efe 1:7) Sa Heb 9:4, 5, ang salitang Griego na hi·la·steʹri·on ay ginamit sa pantakip ng kaban na tinatawag na “kaban ng tipan,” at isinalin itong “panakip na pampalubag-loob” o gaya ng makikita sa talababa, “lugar ng katubusan.”
pinatawad niya ang mga kasalanan noon: Nagpapatawad na si Jehova ng mga kasalanan bago pa ihain ni Jesus ang buhay niya para matubos ang mga inapo ni Adan mula sa pagiging di-perpekto, sa kasalanan, at sa kamatayan. Naging posible ito mula nang isiwalat ni Jehova na maglalaan siya ng isang “supling” na magliligtas sa mga tao na mananampalataya. (Gen 3:15; 22:18; Isa 53:5, 6, 10-12; Mat 20:28; Gal 3:19) Para sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, para na ring naihain ang pantubos, dahil buo ang tiwala niya sa kaniyang Anak na ibibigay nito ang pantubos. (Aw 40:6-8; Heb 10:7-10) Walang makakahadlang sa Diyos sa pagsasakatuparan ng layunin niya. (Bil 23:19; Isa 46:10; Tit 1:2) Kaya mapapatawad ng Diyos ang nagsisising mga makasalanan nang hindi nalalabag ang sarili niyang katarungan. (Deu 32:4; Aw 32:1, 2, 5; Isa 1:18) Maipapahayag niya ring matuwid ang tapat na mga tao nang hindi ibinababa ang pamantayan niya ng pagiging matuwid. (Gen 15:1, 6; Eze 14:14; Mat 23:35; San 2:23-25) Noong nasa lupa si Jesus bilang kinatawan ng Diyos, nakakapagpatawad din siya ng kasalanan bago pa maihain ang pantubos. Ginamit niya ang halaga ng buhay na ihahain niya para mapatawad ang mga taong may pananampalataya.—Mat 9:2-6; Luc 7:36-50; Heb 2:9; tingnan sa Glosari, “Pantubos,” “Katuwiran.”
nagtitimpi: Tingnan ang study note sa Ro 2:4.
-