-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
napawalang-sala na: O “napalaya (napatawad) na sa kasalanan.” Lit., “nabigyang-katuwiran na sa kasalanan.” Ang ginamit dito na salitang Griego, di·kai·oʹo, ay madalas isaling “ipahayag na matuwid.” Ipinapakita sa konteksto na ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pinahirang Kristiyano na buháy pa noon. Binautismuhan sila kay Kristo Jesus at tumanggap ng pag-asang mabuhay sa langit. Pero para mapahiran sila ng banal na espiritu at tanggapin ng Diyos bilang mga anak niya, kailangan nilang mamatay sa makasagisag na diwa. Ibig sabihin, kailangan nilang iwan ang dating pamumuhay nila bilang di-perpektong mga tao at mapatawad ng Diyos. Sa gayon, puwede na silang ituring na perpektong mga tao. Isang mahalagang katotohanan ang basehan ni Pablo sa paliwanag niyang ito tungkol sa mga pinahirang Kristiyano. Alam niya na ang kabayaran para sa kasalanan ni Adan ay kamatayan. (Gen 2:17) Kaya sinasabi ni Pablo na kapag namatay ang isa, napawalang-sala na siya, dahil ang kasalanan niya ay lubusan nang nabayaran ng kamatayan. Sa Ro 6:23, sinabi ni Pablo: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Kaya kapag namatay na ang isang tao, hindi na sisingilin sa kaniya ang mga kasalanan niya. Kung hindi dahil sa handog ni Jesus at sa layunin ng Diyos na bumuhay ng mga patay, wala na siyang pag-asang mabuhay muli. Pero kahit hindi na siya buhaying muli, napawalang-sala pa rin siya, dahil hindi na uungkatin ng Diyos ang mga kasalanan niya para parusahan pa siya.
-