-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pinutol ang ilan sa mga sanga: Ibig sabihin, ang likas na mga Judio na nagtakwil kay Jesus ay itinakwil din.
ikaw, kahit isang ligáw na olibo, ay inihugpong: Ang kinakausap pa rin dito ni Pablo ay ang mga di-Judiong Kristiyano. (Ro 11:13) Ipinagpatuloy niya ang ilustrasyon tungkol sa inaalagaang punong olibo para ipakita kung paano natupad ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa Abrahamikong tipan. (Tingnan ang study note sa Ro 11:16.) Noong una, mga Judio lang ang puwedeng maging bahagi ng tipang iyon. Ang mga di-Judio, o Gentil, ay inihalintulad sa mga sanga ng ibang puno, isang ligáw na punong olibo. Binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga Gentil na maging bahagi ng supling ni Abraham bilang espirituwal na mga Judio; makasagisag niya silang inihugpong sa inaalagaang punong olibo. Ang kongregasyon sa Roma ay binubuo ng tapat na mga Judio at Gentil na Kristiyano, at lahat ay inaasahang magpakita ng bunga ng espiritu.—Ro 2:28, 29.
inihugpong: Sa proseso ng paghuhugpong, ang isang sanga ng puno na may magandang bunga ay idinurugtong sa isang puno na di-gaanong maganda ang bunga. Kapag lubusan nang dumugtong ang inihugpong na sanga, magkakaroon ito ng magandang bunga, gaya ng sa puno na pinagkunan nito. Pero ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang paghuhugpong na “hindi . . . karaniwang ginagawa” dahil mga sanga mula sa puno na di-gaanong maganda ang inihugpong sa inaalagaang puno. Lumilitaw na may ilang nagtatanim noong unang siglo na gumagawa nito. (Tingnan ang study note sa Ro 11:24.) Dito lang ginamit sa Roma kabanata 11 ang salitang Griego para sa “ihugpong.”
-