-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Maging masipag: Ang salitang Griego na ginamit dito, spou·deʹ, ay literal na nangangahulugang “bilis; bilis ng pagkilos; pagmamadali.” (Luc 1:39) Pero sa maraming konteksto, nangangahulugan itong “matinding kagustuhan na magampanan ang isang pananagutan; pananabik; pagiging handa; sigasig.” Ang salitang Griego na ito ay lumitaw sa Ro 12:8 sa ekspresyong “maging masipag siya.” Isinalin itong “kasipagan” sa Heb 6:11 at “magsikap” sa 2Pe 1:5. Ang kaugnay na pandiwang spou·daʹzo ay isinaling ‘gawin ang buong makakaya’ (2Ti 2:15; 2Pe 1:10; 3:14) at “sikapin” (2Ti 4:9, 21).
Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu: Ang salitang Griego na isinaling “masigasig” ay literal na nangangahulugang “kumulo.” Dito, tumutukoy ito sa pag-uumapaw sa sigasig o sigla dahil sa impluwensiya ng “espiritu” (sa Griego, pneuʹma), o aktibong puwersa, ng Diyos. Ang espiritung ito ay puwedeng magpakilos at magpalakas sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Mar 1:12.) Ang banal na espiritu ng Diyos ay nakakaapekto rin sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao, kaya napupuno siya ng sigasig at sigla para sa kung ano ang tama. Iniisip ng iba na ang ekspresyong Griego na ito ay isa lang idyoma na nagpapakita ng matinding kagustuhan at sigla, pero isinalin pa rin itong “banal na espiritu” ng Diyos sa Bibliyang ito.—Para sa ilang pamantayan sa pagsasalin ng Bibliya, gaya ng ginamit sa pariralang Griego na ito, tingnan ang Ap. A1.
Magpaalipin: O “Maglingkod.” Ang pandiwang Griego (dou·leuʹo) na ginamit dito ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang alipin, na pag-aari ng isang panginoon at sumusunod sa mga utos nito. Lumitaw rin ang pandiwang Griego na ito sa Mat 6:24 (tingnan ang study note), kung saan ipinaliwanag ni Jesus na ang isang Kristiyano ay hindi puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan. Sa Septuagint, ang pandiwang ito ay ipinanunumbas kung minsan sa katulad na mga payo sa Hebreo na “maglingkod . . . kay Jehova,” kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo.—1Sa 12:20; Aw 2:11; 100:2 (99:2, LXX); 102:22 (101:23, LXX).
Jehova: Sa natitirang mga manuskritong Griego, “para sa Panginoon” (toi Ky·riʹoi) ang mababasa dito, pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa talatang ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Ro 12:11.
-