-
Mga Study Note sa Galacia—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ibahagi . . . ang lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagtuturo: Ang isa na “tinuruan” ay pinapasiglang maging mapagbigay sa kaniyang guro, sa materyal man o espirituwal. Makikita ang prinsipyong iyan sa iba pang bahagi ng Kasulatan. (Mat 10:9, 10; Ro 15:27 at study note; 1Co 9:11, 13, 14; 1Ti 5:17, 18; Heb 13:16) Sa orihinal na wika, ang terminong isinaling “ibahagi” ay puwede ring mangahulugan na nakikinig ang estudyante sa itinuturo sa kaniya at isinasabuhay ito. Inihahayag niya ang kaniyang pananampalataya at paniniwala sa sarili niyang pananalita, kaya siya mismo ay nagiging guro ng mabuting balita. Kapag ganito ang ginagawa niya, nagiging magkabahagi sila ng guro niya sa “mabubuting bagay.”—2Ti 2:2.
tinuruan ng salita ng Diyos: Kasama sa “salita ng Diyos” ang mga turo ni Jesu-Kristo. Sa mga liham ni Pablo, lagi niyang idiniriin ang pagtuturo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa ganitong konteksto, madalas niyang ginagamit ang salitang Griego na di·daʹsko, na tumutukoy sa pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Ro 2:21; 12:7; 1Co 4:17; Col 3:16; 2Ti 2:2; tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Pero sa talatang ito, ginamit niya ang mas espesipikong termino na ka·te·kheʹo para tukuyin ang taong “tinuruan ng salita ng Diyos” at ang “isa na nagtuturo.” Ang ekspresyong ito ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo nang bibigan. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.) Kapag ang mga katotohanan sa “salita ng Diyos” ay paulit-ulit na itinatanim sa puso at isip ng isang tao, nagiging kuwalipikado siyang magturo sa iba.—2Ti 2:2.
-