-
Mga Study Note sa Filipos—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
tapat na kamanggagawa: Salin ito ng ekspresyong Griego na literal na nangangahulugang “tunay na katuwang.” Kausap dito ni Pablo ang isang di-pinangalanang kapatid na lalaki sa kongregasyon sa Filipos, na pinakisuyuan niyang tumulong kina Euodias at Sintique na “magkaroon ng iisang kaisipan habang naglilingkod sa Panginoon” at ayusin ang kanilang di-pagkakasundo. (Tingnan ang study note sa Fil 4:2.) Kapansin-pansin na kahit na si Jesu-Kristo mismo ang nag-atas kay Pablo bilang apostol, itinuring niya ang sarili niya na kamanggagawa ng kapuwa niya mga Kristiyano at hindi panginoon. (Gaw 9:15; Ro 11:13) Sa halip na mag-astang panginoon, isinabuhay ni Pablo ang sinabi ni Kristo: “Lahat kayo ay magkakapatid.”—Mat 23:8; 1Pe 5:3; tingnan ang study note sa 2Co 1:24.
nagpakahirap kasama ko: Kahit na lumilitaw na nagkaroon ng di-pagkakasundo sina Euodias at Sintique at malamang na nalaman ito ng buong kongregasyon sa Filipos, kinomendahan pa rin sila ni Pablo sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita kasama niya. Inilarawan niya ang tulong sa kaniya ng mga babaeng ito gamit ang pandiwang Griego na ginamit din niya sa Fil 1:27, kung saan nangangahulugan din itong pagpapakahirap nang magkasama, o pagtutulungan.
na ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay: Ang makasagisag na aklat na ito ng buhay ay patunay na nasa perpektong alaala ng Diyos ang tapat na mga lingkod niya at na gagantimpalaan niya sila ng walang-hanggang buhay, sa langit man o sa lupa. (Apo 3:5; 20:15) Ipinapakita ng pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan na para hindi mabura sa aklat ng buhay ang pangalan ng mga lingkod ng Diyos at matanggap nila ang gantimpala, kailangan nilang manatiling tapat at masunurin. (Exo 32:32, 33; Aw 69:28, tlb.; Mal 3:16) Kakabanggit lang ni Pablo na nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Euodias at Sintique, dalawang masisigasig na pinahirang babae sa kongregasyon sa Filipos. Pero para sa kaniya, ang mga pangalan ng mga kamanggagawa niyang ito ay nakasulat din sa aklat ng buhay. Hindi niya inisip na dahil lang sa maliliit na pagkakamali ay maiwawala na nila ang gantimpala nila; siguradong tatanggapin pa rin nila ang gantimpala kung mananatili silang tapat hanggang wakas. (Ihambing ang 2Ti 2:11, 12.) Ang pagsulat ng pangalan sa isang aklat ay pamilyar sa mga Kristiyano sa Filipos, dahil ang lunsod na ito ay kolonya ng Roma at nakasulat ang pangalan ng mga mamamayang Romano sa pampublikong rehistro ng lunsod na iyon.
-