-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sinuman na nagkukunwaring mapagpakumbaba: Dito, nagbababala si Pablo laban sa huwad na mga guro na gustong-gustong magmukhang mapagpakumbaba. Lumilitaw na iginigiit ng ilan sa kanila na makukuha lang ng isa ang pabor ng Diyos kung susunod siya sa Kautusan at pagkakaitan ang sarili. Kasama sa mga ito ang pagkakait sa sarili ng materyal na mga bagay, pag-iwas sa ilang pagkain, o pagdiriwang ng ilang relihiyosong kapistahan; pero ang lahat ng ito ay hindi naman iniuutos sa mga Kristiyano. Puwede silang magmukhang mapagpakumbaba dahil sa mga ito, pero ang totoo, “nagmamataas” sila at may “makalamang pag-iisip,” at ginagawa lang nila ang mga ito para pahangain ang iba.—Mat 6:1.
nagkukunwaring mapagpakumbaba: Ang salitang Griego na ginamit sa ekspresyong ito ay literal na nangangahulugang “mapagpakumbaba,” o “may kababaan ng isip.” Pero sinabi rin ni Pablo sa talatang ito na ang huwad na mga guro ay “nagmamataas,” kaya maliwanag na ang kapakumbabaan na tinutukoy niya dito ay hindi totoo.—Para sa paliwanag kung ano ang tunay na kapakumbabaan, tingnan ang study note sa Gaw 20:19.
sumasamba: Ang salitang Griego na ginamit dito (thre·skeiʹa) ay tumutukoy sa “pagsamba,” tunay man ito o huwad. (Gaw 26:5) Lumitaw rin ang salitang ito sa San 1:27, kung saan isinalin itong “uri ng pagsamba” sa mismong teksto at “relihiyon” sa talababa. Sa San 1:26, isinalin itong “pagsamba.”
sumasamba sa mga anghel: Walang binanggit na detalye si Pablo tungkol sa ganitong uri ng pagsamba. Maraming puwedeng maging kahulugan ang pariralang Griego na ito. Posibleng ginagaya ng ilan sa Colosas ang pagsamba ng mga anghel; akala nila, natutularan nila ang kabanalan ng mga anghel sa pagsamba. Posible ring ang mga anghel mismo ang sinasamba nila at sa mga ito sila humihingi ng tulong at proteksiyon. May mga ebidensiya na sumasamba sa anghel ang mga pagano sa Colosas, pati na ang mga nag-aangking Kristiyano. Noong ikaapat na siglo, kinondena ng mga lider ng simbahan sa Laodicea ang ganiyang pagsamba; pero nagpatuloy pa rin ito sa loob ng isang siglo o higit pa. Pero maliwanag na ayaw ng tapat na mga anghel ni Jehova na sambahin sila. (Apo 19:10; 22:8, 9) Sinabi dito ni Pablo na ang mga gumagawa ng ganiyang pagsamba ay kadalasan nang “nagkukunwaring mapagpakumbaba.” (Tingnan ang study note sa nagkukunwaring mapagpakumbaba sa talatang ito.) Kung sasamba ang mga Kristiyano sa mga nilalang, ‘hindi nila makukuha ang gantimpala’ nilang buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Mat 4:10; Ro 1:25.
“naninindigan sa” mga bagay na nakita niya: Lumilitaw na inilalarawan dito ni Pablo ang paninindigan ng huwad na mga guro. Ang ekspresyong “naninindigan sa [lit., “tumatapak sa,” Kingdom Interlinear]” ay posibleng nangangahulugan na detalyado nilang ipinapaliwanag ang mga bagay na sinasabi nilang nakita nila. Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga ritwal ng mga pagano o ang mga pangitain na inaangkin ng huwad na mga guro na tinanggap nila. Alinman diyan ang totoo, iniisip ng huwad na mga gurong ito na nakahihigit ang karunungan nila kumpara sa mga kapuwa nila Kristiyano. Kaya pakiramdam nila, mas mataas sila sa iba. Iginigiit ng gayong mga tao na may ibang mapagkukunan ng kaalaman at karunungan ang kongregasyon bilang gabay bukod sa Anak ng Diyos. Kaya pinayuhan sila ni Pablo.—Tingnan ang study note sa Col 2:3.
-