-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
lahat ng may mataas na posisyon: Tumutukoy ang ekspresyong ito sa mga awtoridad at iba’t ibang opisyal ng gobyerno. (Tingnan ang study note sa Ro 13:1.) Kasama sa mga hari sa talatang ito ang lokal na mga tagapamahala, pati na ang emperador ng Roma. Nang isulat ni Pablo ang liham niya kay Timoteo (mga 61-64 C.E.), ang emperador ay si Nero, na namahala noong 54 hanggang 68 C.E.
para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik: Sinabi dito ni Pablo ang isang dahilan kung bakit dapat ipanalangin ng mga Kristiyano ang matataas na opisyal ng gobyerno. Puwedeng pakilusin ng Diyos ang mga nasa awtoridad na payagan ang mga Kristiyano na malayang makapaglingkod sa Kaniya at patuloy na makapamuhay nang payapa, “seryoso, at may makadiyos na debosyon.” (Ihambing ang Jer 29:7.) Sa gayon, mas malayang makakapangaral ang mga Kristiyano para maligtas ang “lahat ng uri ng tao.” (1Ti 2:4) Malamang na naiintindihan ng mga Kristiyano noon sa Efeso, kung saan naglilingkod si Timoteo nang panahong iyon, kung paano nakakaapekto sa ministeryong Kristiyano ang mga desisyon ng matataas na opisyal ng gobyerno. Halimbawa, noong nasa ikatlong paglalakbay si Pablo bilang misyonero mga ilang taon bago nito (mga 52-56 C.E.), pinatahimik ng isang opisyal ang mga mang-uumog na kontra sa pangangaral ni Pablo at ng mga kasamahan niya. (Gaw 19:23-41) Pero anuman ang gawin ng sekular na mga tagapamahala, sa Diyos umaasa ang mga Kristiyano para patuloy silang makapangaral.—Gaw 4:23-31.
makadiyos na debosyon: Ang terminong Griego na ginamit dito (eu·seʹbei·a) ay tumutukoy sa matinding paggalang sa Diyos. (Para sa paliwanag sa ekspresyong Griego na isinalin ditong “makadiyos na debosyon,” tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Ginamit din sa Septuagint ang salitang Griegong ito. Halimbawa, lumitaw ito sa Isa 11:2 at 33:6, kung saan ginamit sa tekstong Hebreo ang “pagkatakot kay Jehova,” na tumutukoy rin sa matinding paggalang sa Diyos na Jehova. Nang isalin ang 1Ti 2:2 sa Syriac (ang Peshitta) noong ikalimang siglo C.E., ang terminong Griegong ito ay isinaling “matinding paggalang sa Diyos,” kung saan sadyang isinama ang salitang “Diyos.” Nang maglaon, sa ilang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, isinalin ang eu·seʹbei·a na “pagkatakot kay Jehova” sa talatang ito at sa iba pang teksto kung saan ito lumitaw. (1Ti 3:16; 4:7, 8; 6:3, 6, 11) Pero naniniwala ang New World Bible Translation Committee na walang sapat na basehan ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa mismong teksto ng talatang ito.—Tingnan ang Ap. C, kung saan ipinaliwanag ang mga dahilan sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa ilang talata; ihambing ang study note sa Ro 10:12.
-