-
Mga Study Note sa 1 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ang mga babae ay manatiling tahimik . . . habang tinuturuan: Kinokontra dito ni Pablo ang paniniwala ng maraming Judiong lider ng relihiyon nang panahon niya na hindi dapat turuan sa Kasulatan ang mga babae. Alam niyang walang basehan sa Hebreong Kasulatan ang ganitong tradisyon, at hindi rin ito sinasang-ayunan ni Jesus. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang mga babae. (Jos 8:35; Luc 10:38-42; Ju 4:7-27) Pero ipinasulat ng Diyos kay Pablo na ang mga babae sa kongregasyon ay dapat na “manatiling tahimik” habang tinuturuan. Gumamit siya ng salitang Griego na puwede ring isaling “kalmado.” Ang payo niyang ito ay kahawig ng isinulat niya noon sa kongregasyon sa Corinto, kung saan lumilitaw na may mga babaeng sumasabat at kumukuwestiyon sa mga nangunguna.—Tingnan ang study note sa 1Co 14:34.
lubos na nagpapasakop: Pinapayuhan dito ni Pablo ang mga babaeng Kristiyano na tanggapin at suportahan ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo sa loob ng kongregasyon. Makikita sa sumunod na talata na mga lalaki ang inatasan ng Diyos na magturo sa kongregasyon. (1Ti 2:12) Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpapasakop, hindi lang mga babae ang sinabi ni Pablo na gumagawa nito. Halimbawa, sinabi niya na “magpapasailalim” si Jesus kay Jehova (1Co 15:27, 28) at “ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo” (Efe 5:24). Sinabihan din ni Pablo ang lahat ng Kristiyanong lalaki at babae na “maging mapagpasakop” sa mga nangunguna sa kongregasyon.—Heb 13:17.
-