-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
anak ko: Isa itong magiliw na tawag ni Pablo kay Timoteo.—Tingnan ang study note sa 2Ti 1:2.
patuloy mong palakasin ang sarili mo: Pinasigla ni Pablo si Timoteo na umasa sa Diyos na Jehova, na pinagmumulan ng di-nauubos na lakas. Dito, ginamit ng apostol ang pandiwang Griego na en·dy·na·moʹo; kaugnay ito ng pangngalang dyʹna·mis (kapangyarihan; lakas), na ginamit sa 2Ti 1:8 sa ekspresyong “kapangyarihan ng Diyos.” Ayon sa isang reperensiya, ang anyo ng pandiwang ginamit dito ni Pablo ay “nagpapahiwatig na kailangan ni Timoteo na patuloy na umasa sa Diyos para ‘laging maging malakas.’” Ito rin ang pandiwang ginamit ni Pablo sa Efe 6:10, kung saan pinasigla niya ang mga Kristiyano sa Efeso na“patuloy [na] kumuha ng lakas sa Panginoon [ang Diyos na Jehova] at sa kaniyang dakilang kapangyarihan.”
sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan na ipinapakita ni Kristo Jesus: Sa paggamit ng ekspresyong ito, ipinakita ni Pablo kay Timoteo na ‘mapalalakas niya lang ang sarili niya’ sa pamamagitan ng “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan sa Glosari, “Walang-kapantay na kabaitan.”) Sagana ang espesyal na pabor o kabaitan na ipinakita ni Jehova kay Jesus, kaya masasabing “nasa kaniya ang pabor ng Diyos.” (Ju 1:14 at mga study note) Dahil diyan, naipapakita rin ni Jesus ang ganitong kabaitan sa sinumang tao na nagpapahalaga rito. Kaya naman bukod sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, binabanggit din sa Bibliya ang “walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1Te 5:28; 2Te 3:18.
-