-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
huwag ninyong patigasin ang puso ninyo: Kapag sinasabi sa Hebreong Kasulatan na matigas ang puso (o leeg) ng isang tao, ibig sabihin, ayaw niyang magtiwala at sumunod kay Jehova. (2Ha 17:14, tlb.; Ne 9:16, 17, mga tlb.; Kaw 28:14; Jer 17:23, tlb.; Zac 7:12) Kapag paulit-ulit na sumusuway ang isang tao kay Jehova, unti-unting titigas ang puso niya—magiging manhid ito at hindi na magpapagabay sa kalooban ng Diyos. (Exo 8:15, 32; 9:34) Pinayuhan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na magkaroon ng masunuring puso, o ng pusong “nakikinig” sa tinig ng Diyos. (Heb 3:7, 12-15) Kapag nakikinig ang isa, hindi lang niya basta naririnig ang sinasabi ng Diyos; sumusunod din siya. Sa paggawa niyan, maiiwasan ng mga Hebreong Kristiyano na maging manhid at masuwayin ang masunurin nilang puso.—Deu 10:16.
gaya noong galitin ako nang husto ng mga ninuno ninyo, gaya noong araw ng pagsubok: Ang talatang sinipi rito, Aw 95:8, ay tumutukoy sa nangyari sa mga Israelita sa ilang. Noong nasa Repidim sila, nagbulong-bulungan sila dahil sa kakulangan sa tubig, kaya pinangalanan ni Moises ang lugar na iyon na Meriba (nangangahulugang “Pakikipag-away”) at Masah (nangangahulugang “Pagsubok”). (Exo 17:1-7; tingnan ang mga tlb. sa tal. 7; Deu 6:16; 9:22; tingnan ang Ap. B3.) Hindi lang ito ang pagkakataong nagbulong-bulungan ang mga Israelita. (Bil 14:11, 22, 23) Halimbawa, nagreklamo ulit sila dahil sa kawalan ng tubig sa isa pang lugar na tinatawag ding Meriba, sa Kades. (Bil 20:1-13) Hindi ginamit ang “Meriba” at “Masah” sa salin ng Griegong Septuagint para sa Aw 95:8 (94:8, LXX), na sinipi ni Pablo. Sa halip, ang ginamit dito ay mga ekspresyong Griego na puwedeng isaling “noong galitin ako nang husto” at “subukin.” Posibleng ipinapahiwatig ng ekspresyong ginamit ni Pablo na hindi lang ito tumutukoy sa isang espesipikong pangyayari, kundi sa kawalan ng pananampalataya ng mga Israelita sa buong 40 taon nilang pagpapagala-gala sa ilang.—Bil 32:13; Heb 3:9.
-