Martes, Mayo 20
Nakita mo ang pagdurusa ko; alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.—Awit 31:7.
Kapag natatakot ka dahil sa mga problema mo, tandaan na nakikita ni Jehova ang mga pinagdadaanan mo at ang epekto nito sa iyo. Halimbawa, nakita ni Jehova, hindi lang ang pagmamalupit ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita, kundi pati na ang “hirap na dinaranas nila.” (Ex. 3:7) Kapag natatakot ka dahil sa pinagdadaanan mo, baka hindi mo makita kung paano ka tinutulungan ni Jehova. Ano ang puwede mong gawin? Hilingin sa kaniya na tulungan kang makita kung paano ka niya sinusuportahan. (2 Hari 6:15-17) Pagkatapos, pag-isipan: Mayroon bang pahayag o komento sa pulong na nakapagpatibay sa iyo? Mayroon bang publikasyon, video, o original song na nakapagpalakas sa iyo? Mayroon bang nag-share sa iyo ng nakakapagpatibay na punto o teksto? Baka hindi natin masyadong napapahalagahan ang pagmamahal ng mga kapatid at ang espirituwal na pagkain na natatanggap natin. Pero espesyal na mga regalo ito ni Jehova. (Isa. 65:13; Mar. 10:29, 30) Patunay ang mga ito na nagmamalasakit siya sa iyo at na dapat tayong magtiwala sa kaniya.—Isa. 49:14-16. w24.01 4-5 ¶9-10
Miyerkules, Mayo 21
Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.—Gawa 4:29.
Bago bumalik si Jesus sa langit, ipinaalala niya sa mga alagad niya ang atas nilang magpatotoo tungkol sa kaniya “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Luc. 24:46-48) Di-nagtagal, inaresto ng mga Judiong lider sina apostol Pedro at Juan at dinala sila sa harap ng Sanedrin. Inutusan silang tumigil sa pangangaral, at pinagbantaan pa nga sila. (Gawa 4:18, 21) Sinabi nina Pedro at Juan: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.” (Gawa 4:19, 20) Pagkalaya nina Pedro at Juan, nanalangin sila kasama ng iba pang mga alagad. Sinagot iyon ni Jehova.—Gawa 4:31. w23.05 5 ¶11-12
Huwebes, Mayo 22
Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.—Mat. 17:5.
Sa buong uniberso, si Jehova at ang Anak niya ang may pinakamatagal na pinagsamahan. Sa loob ng bilyon-bilyong taon na magkasama sila sa langit, naging napakalapit nila sa isa’t isa. Malinaw na sinabi ni Jehova na mahal niya si Jesus, gaya ng mababasa natin sa teksto sa araw na ito. Puwede namang sabihin lang ni Jehova, ‘Ito ang kinalulugdan ko.’ Pero gusto niyang malaman natin kung gaano niya kamahal si Jesus, kaya sinabi rin niya, “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.” Ipinagmamalaki ni Jehova si Jesus, lalo na dahil handa siyang ibigay ang buhay niya. (Efe. 1:7) At siguradong-sigurado si Jesus na mahal siya ni Jehova. Paulit-ulit niyang sinabi na mahal siya ng kaniyang Ama.—Juan 3:35; 10:17; 17:24. w24.01 28 ¶8