Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
‘Makasira Kaya sa Aking Kalusugan ang Paghitit ng Marijuana?’
Ang mga pamatak sa mata ay waring nakatutulong. Sa paano man ay naaalis nito ang pamumula sa kaniyang mga mata upang hindi ito mapansin ng kaniyang mga magulang. At kung mapansin nila, maaari naman niyang sabihin sa kanila na labis kasi ang chlorine na inilalagay sa swimming pool ng paaralan. Kung tungkol sa amoy, inaalis iyan ng pabango sa silid ni inay. Totoo, kung minsan siya ay nag-aalala na baka matuklasan ng kaniyang mga magulang balang araw ang sigarilyong marijuana na itinatago niya sa kaniyang aparador. Subalit mayroon siyang panlunas sa pagkabalisa: isa pang hitit sa kaniyang sigarilyong marijuana.
TILA ipinalalagay ng kabataang humihitit ng marijuana na ang kaniyang bisyo ay hindi nakasasamang libangan. Madalas na mas nababahala pa siya sa paglilihim ng kaniyang bisyo kaysa kung ano ang maaaring ginagawa niya sa kaniyang isipan at katawan.
Gayunman, isinisiwalat ng isang surbey na itinaguyod ng National Institute of Drug Abuse sa Estados Unidos na ang paggamit ng marijuana ay bumaba sa gitna ng mga estudyante sa high school. Ang dahilan? Tila ang takot na ang marijuana ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng isa.
Gayunman, hindi lamang ang mga tin-edyer ang nababahala. Ang Surgeon General ng U.S. Public Health Service ay hayagang nagsabi: “Hinihimok ko ang ibang mga manggagamot at mga propesyonal na payuhan ang mga magulang at mga pasyente tungkol sa nakapipinsalang mga epekto ng paggamit ng marijuana at himukin ang paghinto sa paggamit nito.” Subalit mayroon bang tunay na katibayan na ang paghitit ng marijuana ay “isang karumihan ng laman”?—2 Corinto 7:1.
Mga Epekto sa Iyong mga Bagà at Lalamunan
Mga ilang minuto lamang pagkatapos malanghap ito, ang usok mula sa isang sigarilyo ng marijuana ay nagsisimulang makaapekto sa gumagamit nito. Ang kaniyang pulso ay bumibilis, ang kaniyang bibig at lalamunan ay nanunuyo, ang kaniyang mga mata ay namumula—at ang gumagamit nito ay kadalasang masiglang-masigla o “high,” bagaman pansamantala lamang. Subalit pagkatapos pag-aralan ang libu-libong mga papeles sa pananaliksik tungkol sa paksang ito, ang Institute of Medicine sa Estados Unidos ay naghinuha na may dahilan para sa “malubhang pagkabahalang pambansa” na ang mga humihitit ng marijuana ay maaaring nagbabayad ng malaking halaga alang-alang sa kasiyahan.
Isaalang-alang ang iyong mga bagà. Inaamin kahit na ng pinakamatapat na mga tagapagtaguyod ng marijuana na ang paglanghap ng usok ay maaaring hindi makabuti sa iyo. Ang usok ng marijuana, gaya ng usok mula sa tabako, ay naglalaman ng maraming nakalalasong mga sustansiya na gaya ng tar. Gayunman, ikinakatuwiran ng iba na yamang kahit na ang mga malakas humitit ng marijuana ay hindi gaanong humihitit ng marijuana kaysa mga humihitit ng tabako, ang panganib ay kaunti.
Subalit si David, isang dating gumagamit ng marijuana, ay nagsasabi: “Humitit ako ng mga sigarilyo at marijuana, at masasabi ko na ang marijuana ay mas nagpapahirap sa iyong mga bagà, kung dahilan lamang sa paraan ng paglanghap sa usok ng marijuana. Karamihan ng mga maninigarilyo ay sisipsipin ang usok sa kanilang bibig at saka lalanghapin ito kasama ng hangin, na humahalo sa usok. Hindi nila sinisipsip ang usok karakaraka mula sa sigarilyo hanggang sa kanilang mga bagà, subalit gayon ang ginagawa ng mga humihitit ng marijuana. Sinisipsip namin nang husto ang marijuana, at pagkatapos ay pananatilihin namin ang usok sa aming mga bagà hanggang sa aming makakayanan. Tutal, ang marijuana ay mahal, at nais naming makuha ang lahat ng usok na makukuha namin mula rito!”
Kapansin-pansin, sinurbey ni Dr. Forest S. Tennant, Jr., ang 492 mga kawal ng U.S. Army na gumamit ng marijuana. Halos 25 porsiyento sa kanila ang “nagkaroon ng masakit na mga lalamunan dahilan sa paghitit ng marijuana, at mga 6 na porsiyento ang nag-ulat na sila ay nagkaroon ng brongkitis.” Sa isa pang pag-aaral, sinuri ni Tennant at mga kasama ang 30 mga gumagamit ng marijuana. Sa mga ito, 24 ang nasumpungang may “pinsala sa bagà na makikita sa maagang yugto ng kanser.” Oo, walang sinuman ang makagagarantiya na ang gayon ay mauuwi nga sa kanser. Subalit sino ang nagnanais na maging sampol para sa pananaliksik sa kanser?
Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos ay “nagbibigay sa lahat ng buhay at hininga.” (Gawa 17:25) Pagpapakita ba ng galang sa Tagapagbigay ng buhay na lumanghap ng isang bagay na pipinsala sa mga bagà at lalamunan?
Ang Marijuana at ang Iyong Utak
Sa Eclesiastes 12:6 ang utak ng tao ay matulaing tinawag na “ang ginintuang mangkok.” Mas malaki lamang ng kaunti sa iyong kamao at tumitimbang ng wala pang tatlong libra (1.4 kg), ang utak ay hindi lamang mahalagang sisidlan ng iyong mga memorya kundi ang sentro rin ng pag-uutos sa iyong buong sistema nerbiyosa. Gayunman, ang Institute of Medicine ay nagbababala: “May pagtitiwalang masasabi namin na ang marijuana ay lumilikha ng malubhang mga epekto sa utak, pati na ang kemikal at elektropisyolohikal na mga pagbabago.”—Amin ang italiko.
Kung paano ginagawa ng droga ang pagbabagong ito sa isipan ay hindi alam. Ni mayroon mang pangwakas na patotoo na permanenteng pinipinsala ng marijuana ang utak. Si Dr. Robert Heath ay gumawa ng ilang eksperimento na roon ang mga unggoy ay inilantad sa maraming dosis ng marijuana. Isiniwalat ng isang pagsusuri sa mga utak ng unggoy ang pinsala sa selula ng utak. Gayunman, ang pag-aaral ni Heath ay pinaratangan na natatakdaan (sinasabing apat na unggoy lamang ang sinuri) at kulang ng siyentipikong mga kontrol. Gayumpaman, gaya ng kinikilala ng Institute of Medicine, ang posibilidad na ang marijuana ay maaaring makapinsala sa “ginintuang mangkok” ay hindi dapat isaisang-tabi na lamang.
Mga Depekto sa Pag-aanak
Ang pagkamagulang ay maaaring malayo pa sa ngayon. Subalit malamang na napag-isipan mo na ang pag-aasawa at pagpapamilya. Makapinsala kaya ang paghitit ng marijuana sa iyong hindi pa naisisilang na supling? Ikinatatakot ng mga mananaliksik na maaaring magkagayon.
Iniuulat ng publikasyong Marijuana Effects on the Endocrine and Reproductive Systems na ang marijuana ay tila pinagmumulan ng mga aborsiyon sa babaing mga daga. Tila hinahadlangan din ng droga ang paggawa ng ilang mga hormon sa lalaking mga hayop. Totoo, ang tao ay hindi daga. Gayunman, sabi ng mga mananaliksik: “Ang klinikal na mga pag-aaral [sa marijuana] sa mga tao ay karaniwang sumasang-ayon sa mga tuklas sa hayop.” Kung gaano kahalaga o kapanganib pa nga ang epekto nito sa sistema ng pag-aanak ay hindi pa alam. Gayumpaman, ang mga mananaliksik ay nagbababala na ang marijuana ay waring isang malaking banta sa mga nagbibinata o nagdadalaga yamang ang kanilang mga sistema sa pag-aanak ay nagsisimula pa lamang.
Iniulat pa ng Institute of Medicine na ang marijuana ay napag-alaman na “sanhi ng mga depekto sa pag-aanak kapag malaking mga dosis ang ibinibigay sa mga hayop na sinusubok.” Totoo, “walang sapat na klinikal na mga pag-aaral ang naisagawa na upang tiyakin kung ang paggamit ng marijuana ay maaaring makapinsala sa hindi pa naisisilang na sanggol.” Gayunman, “ang marahang epekto [ng marijuana sa sanggol na tao] ay maaaring hindi matunton ng mga pag-aaral na ginawa.” (Amin ang italiko.) Ito’y dahilan sa ang mga depekto sa pag-aanak ay hindi karakarakang lumilitaw.
Halimbawa, mga ilang taon na ang nakalipas ibinigay ng mga doktor ang hormon na DES upang maiwasan ang paglalaglag. Ang mga sanggol na ipinanganak sa mga ina na gumamit ng gamot na ito ay tila malulusog. Gayunman, pagkaraan ng ilang mga taon, ang mga batang ito ay nagsilaki, ang ilan sa mga babae ay nagkaroon ng kanser. Maaaring mangailangan ng mga taon upang patunayan na ang marijuana ay nagdudulot ng mga depekto sa pag-aanak. Subalit kinikilala ng Institute of Medicine na ang “mga abnormalidad sa sistema nerbiyosa, at ang pagkabawas ng timbang at taas sa pagsilang ay maaari ngang umiral” sapagkat ang ilang mga magulang ay gumagamit ng marijuana.
Kaya sinabi ni Dr. Gabriel Nahas na ang paghitit ng marijuana ay maaaring maging “genetikong pakikipagsapalaran.” Maaari bang kunin ng sinuman na minamalas ang mga anak bilang “isang mana mula kay Jehova“ ang gayong panganib?—Awit 127:3.
“Wala Itong Katulad”
Samakatuwid may sapat na dahilan upang iwasan ang paghitit ng marijuana. Sabi ng Bibliya, “Ang kagandahan ng mga binata ay ang kanilang kalakasan.” (Kawikaan 20:29) Bakit mo nga isasapanganib ang iyong kalusugan sa mga kasiyahan na nakukuha mula sa droga na bumabago ng isip?
Binabanggit ng aklat na Self-Destructive Behavior in Children and Adolescents na karaniwan nang ang mga droga “ay nananatiling isa sa ilang kasiya-siyang mapagpipilian para sa maraming kabataan; maaari itong maging isang nahuhulaan, tiyak na paraan upang wakasan ang di-kapaki-pakinabang na pag-iral.” Gayunman, mayroong hindi gaanong mapanganib na paraan upang gawing makahulugan ang buhay. Ganito ang sabi ng isang dating humihitit ng marijuana: “Hindi ko na kailangan pa ang maging ‘high.’ Alam ko ang katotohanan at mayroon akong kaugnayan sa Diyos na Jehova—at wala itong katulad.”
Kaya sa halip na dumhan ang iyong katawan, pagsumikapan mong magkaroon ng kaugnayang ito sa Diyos! Hindi ito napakahirap. Sa katunayan, ganito ang pangako ng Diyos sa kanila na masigasig na ‘nagsisipaglinis sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu’: “‘Kayo’y aking tatanggapin.’ ‘At ako sa inyo’y magiging ama.’” (2 Corinto 6:17–7:1) Ikaw man ay makakasumpong na kapag tinatamasa mo ang pakikipagkaibigan sa Diyos, wala itong katulad!
[Kahon sa pahina 16]
Marijuana—Isang Bagong Kamangha-manghang Droga?
Marami nang kuskos-balungos ang nagawa tungkol sa pag-aangkin na ang marijuana ay may terapeutikong halaga sa paggamot ng glaucoma, hika, at sa pagpapaginhawa sa pagsusuka na nararanasan ng mga pasyenteng may kanser sa panahon ng chemotherapy. Kinikilala ng isang report ng Institute of Medicine na may ilang katotohanan sa mga pag-aangkin na ito. Subalit nangangahulugan ba ito na irireseta ng mga doktor sa malapit na hinaharap ang mga sigarilyong marijuana?
Malamang na hindi. Sapagkat bagaman ang mahigit na 400 mga halong kemikal ng marijuana ay mapatunayang kapaki-pakinabang, ang paghitit ng marijuana ay hindi siyang makatuwirang paraan upang makuha ang gayong mga medisina. “Ang paggamit ng marijuana,” sabi ng kilalang awtoridad na si Dr. Carlton Turner, “ay magiging gaya ng pagbibigay sa mga tao ng inamag na tinapay upang makuha ang penicillin.” Kaya kung alinmang mga kemikal sa marijuana ay maging tunay na medisina, ito ay mga kemikal “na hinango o halo,” na kahawig nito, na siyang irireseta ng mga doktor. Kaya, hindi kataka-taka na ang U.S. Secretary of Health and Human Services ay sumulat: “Dapat idiin na ang posibleng terapeutikong mga pakinabang sa anumang paraan ay hindi bumabago sa negatibong mga epekto ng marijuana sa kalusugan.”
[Larawan sa pahina 15]
Sulit ba sa sinusuong na panganib ang paghitit ng marijuana?
NAPINSALANG SISTEMA NG PAG-AANAK
KANSER SA BAGÀ
Pinsalasa Utak