Ang Pangmalas ng Bibliya
Hanggang Saan ang Lubos na Pagpapatawad ng Diyos?
“Sa palagay ko’y hindi na ako kailanman mapatatawad ng Diyos sa aking mga kasalanan. Hindi na niya ako kailanman maiibigan dahil sa aking ginawa.”—Gloria.
HINDI nahihirapan na sabihin ni Gloria sa iba na si Jehova ay makapagpapatawad sa kanilang mga kasalanan.a Subalit kapag minamalas niya ang kaniyang sariling pagkakamali, inaakala ni Gloria na siya’y hinatulan na. Wari bang ang pagpapatawad ni Jehova ay hindi matamo.
Ang pagkatanto sa isang maling gawa o paraan ng pamumuhay ay maaaring makaligalig sa budhi. “Ako’y nanghinawa sa buong maghapong aking pagtangis,” ang sulat ni David pagkatapos niyang nagkasala. “Wala na akong nalalabing kalakasan.” (Awit 32:3, 4, Today’s English Version; ihambing ang Awit 51:3.) Nakatutuwa naman, si Jehova ay nalulugod na magpatawad. Siya’y “handang magpatawad.”—Awit 86:5; Ezekiel 33:11.
Gayunman, nakikita ni Jehova ang puso. Ang kaniyang pagpapatawad ay hindi nakasalig sa basta damdamin. (Exodo 34:7; 1 Samuel 16:7) Ang nagkasala ay dapat na tahasang kumilala sa kaniyang pagkakamali, magpakita ng tunay na pagsisisi, at itinuturing ang kaniyang masamang landas bilang nakasusuklam at nakamumuhing bagay. (Awit 32:5; Roma 12:9; 2 Corinto 7:11) Saka lamang mapatatawad ang isang nagkasala at makararanas ng “mga panahon ng kaginhawahan” buhat kay Jehova.—Gawa 3:19.
Subalit kahit na pagkatapos na makapagsisi, nadarama pa rin ng ilan na sila’y may kasalanan. Dapat ba nilang taglayin ang may kasalanang damdamin magpakailanman? Anong kaaliwan ang masusumpungan sa Bibliya ng mga nagsipagsisi sa kanilang mga kasalanan at tumalikod sa mga ito subalit nadarama pa rin ang kabagabagan sa puso?—Awit 94:19.
Pag-aalis ng Bigat ng Kasalanan
Palibhasa’y naliligalig dahil sa kaniyang mga kasalanan, si David ay nanalangin kay Jehova: “Malasin mo ang aking pagkapighati at ang aking kagipitan, at ipatawad mo ang lahat ng aking mga kasalanan.” (Awit 25:18) Si David ay humiling na higit pa sa pagpapatawad ang gawin ni Jehova. Hiniling niya na ‘patawarin’ ni Jehova ang kaniyang mga kasalanan, na kaniyang alisin o dalhin ang mga ito, pawiin ang mga ito. Ang kasalanan ay may malulubhang kahihinatnan, at walang alinlangan na para kay David kalakip dito ang bigat ng nababagabag na budhi.
Taun-taon ang mga Israelita ay may nakikitang paalaala na mapapawi ni Jehova ang mga kasalanan ng bansa. Sa Araw ng Katubusan ipinapatong ng mataas na saserdote ang kaniyang mga kamay sa ulo ng kambing, na ito ang nagdadala ng mga kasalanan ng bayan, at pagkatapos ay pinakakawalan ang kambing sa ilang. Ang sinumang naroroon ay mailalarawan ang pagpawi ng kasalanan ng bansa.—Levitico 16:20-22.
Sa gayon ang mga indibiduwal na nagsisi sa kanilang mga kasalanan ay makasusumpong ng kaaliwan. Ang mga pamamaraan sa Araw ng Katubusan ay naglalarawan sa mas dakilang paglalaan upang mapawi ang kasalanan—ang pantubos na hain ni Jesu-Kristo. Ganito ang makahulang pagsulat ni Isaias tungkol kay Jesus: “Dinala niya ang kasalanan ng maraming tao.” (Isaias 53:12) Kaya naman, hindi kailangang pabigatan ng nakaraang mga kasalanan ang budhi. Subalit aalalahanin ba ito ni Jehova sa pagtagal-tagal?
Pagpapatawad sa Pagkakautang
Sa kaniyang modelong panalangin, sinabi ni Jesus: “Patawarin mo kami sa aming mga utang.” (Mateo 6:12) Ang salitang Griego rito na isinaling “patawarin” ay nasa anyong pandiwa na nangangahulugang “kalimutan.” Sa gayon, ang pagpapatawad sa kasalanan ay inihalintulad sa pagkalimot, o pagpapatawad, sa isang pagkakautang.—Ihambing ang Mateo 18:23-35.
Pinalawak pa ito ni Pedro nang kaniyang sabihin: “Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan.” (Gawa 3:19) Ang “mapawi” ay nangangahulugang lipulin, o burahin. Ito’y nagpapahiwatig ng pagbura sa nasulat na ulat, pawiin ang nakaraang pagkakautang.—Ihambing ang Colosas 2:13, 14.
Sa gayon, ang mga nagsipagsisi na ay hindi kailangang mangamba na ang Diyos ay hihingi pa ng kabayaran sa isang pagkakautang na kaniyang pinawi na. Kaniyang sinabi: “Hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.” (Isaias 43:25; Roma 4:7, 8) Ano ang ibig sabihin nito para sa isang nagsisising makasalanan?
Ang Pag-aalis ng Bahid
Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, si Jehova ay nagsabi: “Bagaman ang mga kasalanan ninyong mga tao ay maging tila mapula, ang mga ito’y magiging maputi na parang niyebe; bagaman ang mga ito’y maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging parang balahibo ng tupa.”—Isaias 1:18.
Ang pag-aalis ng makapit na dumi sa damit ay kalimitang walang-saysay. Ang pinakamagaling na magagawa ay mapapusyaw man lamang ang mantsa subalit ito’y mababanaag pa rin. Anong laking kaaliwan na maaaring pawiin ni Jehova ang mga kasalanan na kasintingkad ng matingkad na pula o pulang gaya ng dugo upang gawin itong kasimputi ng niyebe.—Ihambing ang Awit 51:7.
Sa gayon, ang nagsisising makasalanan ay hindi kinakailangang makadama na kaniyang tataglayin ang bahid sa buong buhay niya. Hindi lamang napapupusyaw ni Jehova ang mga kasalanan, anupat ang nagsisisi ay habang panahong nabubuhay sa pagkapahiya.—Ihambing ang Gawa 22:16.
Tulong Mula sa Iba
Bagaman napagagaan ni Jehova ang bigat ng kasalanan, nagpapatawad sa pagkakautang, at nag-aalis ng bahid ng kasalanan, ang isang nagsisisi ay makadarama na dinaraig paminsan-minsan ng kahapisan dahil sa kasalanan. Si Pablo ay sumulat tungkol sa isang nagsisising makasalanan sa kongregasyon ng Corinto na pinatawad na ng Diyos subalit maaaring ‘nadaig ng kaniyang malabis na kalumbayan [“maging napakalungkot na halos susuko na,” TEV].’—2 Corinto 2:7.
Papaano matutulungan ang taong ito? Si Pablo ay nagpapatuloy: “Dahil dito ay ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pag-ibig sa kaniya.” (2 Corinto 2:8) Ang salitang ginamit ni Pablo sa “papagtibayin” ay legal na katagang nangangahulugang “patunayan.” Oo, ang nagsisising tao na nagtaglay ng kapatawaran ni Jehova ay nangangailangan din ng pagpapatunay, o tanda ng pagsang-ayon, mula sa kapuwa mga Kristiyano.
Mauunawaan naman na ito’y mangangailangan ng mahabang panahon. Ang isang nagsisisi ay dapat na mag-alis ng kasiraan ng kaniyang kasalanan at magtatag ng kapani-paniwalang gawa ng katuwiran. Siya’y dapat na may katiyagaang magtiis sa ipinakikita ng sinuman na personal na naapektuhan ng kaniyang nakaraang mga pagkakasala. Samantala, siya’y makapagtitiwala sa lubos na pagpapatawad ni Jehova, gaya ni David na nagsabi: “Kung gaano ang layo ng silanganan sa kanluran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.”—Awit 103:12.
[Talababa]
a Ang pangalan ay pinalitan.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Pagbabalik ng Alibughang Anak ni Rembrandt: Scala/Art Resource, N.Y.