KABANATA 8
Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos?
Ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos?
Kailan tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?
1. Anong tanyag na panalangin ang susuriin ngayon?
MILYUN-MILYONG tao sa buong daigdig ang pamilyar sa panalangin na tinatawag ng marami na Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon. Ang dalawang katawagang ito ay tumutukoy sa isang tanyag na panalanging ibinigay mismo ni Jesu-Kristo bilang modelo. Lubhang makahulugan ang panalanging ito, at ang pagsasaalang-alang sa unang tatlong kahilingan nito ay tutulong sa iyo na matuto nang higit pa hinggil sa kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.
2. Ano ang tatlo sa mga bagay na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga alagad?
2 Sa pasimula ng modelong panalanging ito, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ ” (Mateo 6:9-13) Ano ang kahalagahan ng tatlong kahilingang ito?
3. Ano ang kailangan nating malaman tungkol sa Kaharian ng Diyos?
3 Marami na tayong natutuhan tungkol sa pangalan ng Diyos na Jehova. At sa paanuman ay natalakay na natin ang kalooban ng Diyos—kung ano ang nagawa na niya at gagawin pa para sa sangkatauhan. Gayunman, ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya na ipanalangin natin: “Dumating nawa ang iyong kaharian”? Ano ba ang Kaharian ng Diyos? Paano mapababanal ang pangalan ng Diyos sa pagdating nito? At paano nauugnay ang pagdating ng Kaharian sa pagtupad sa kalooban ng Diyos?
KUNG ANO ANG KAHARIAN NG DIYOS
4. Ano ba ang Kaharian ng Diyos, at sino ang Hari nito?
4 Ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan na itinatag ng Diyos na Jehova na may isang Haring pinili ng Diyos. Sino ba ang Hari ng Kaharian ng Diyos? Si Jesu-Kristo. Si Jesus bilang Hari ay mas dakila kaysa sa lahat ng mga tagapamahalang tao at siya’y tinatawag na “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon.” (1 Timoteo 6:15) May kapangyarihan siyang gumawa ng higit na kabutihan kaysa sa sinumang tagapamahalang tao, kahit na ang pinakamahusay pa sa kanila.
5. Mula saan mamamahala ang Kaharian ng Diyos, at ano ang pamamahalaan nito?
5 Mula saan mamamahala ang Kaharian ng Diyos? Buweno, nasaan ba si Jesus? Tiyak na natatandaan mong pinatay siya sa isang pahirapang tulos, at pagkatapos ay binuhay siyang muli. Hindi nagtagal pagkatapos nito, umakyat siya sa langit. (Gawa 2:33) Samakatuwid, doon matatagpuan ang Kaharian ng Diyos—sa langit. Iyan ang dahilan kung bakit tinatawag ito sa Bibliya na isang “makalangit na kaharian.” (2 Timoteo 4:18) Bagaman nasa langit ang Kaharian ng Diyos, pamamahalaan nito ang lupa.—Apocalipsis 11:15.
6, 7. Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang Hari?
6 Bakit namumukod-tangi si Jesus bilang Hari? Una, hindi siya mamamatay. Sa paghahambing kay Jesus sa mga taong hari, tinatawag siya sa Bibliya na “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad, na tumatahan sa di-malapitang liwanag.” (1 Timoteo 6:16) Nangangahulugan ito na mamamalagi ang lahat ng kabutihang gagawin ni Jesus. At tiyak na gagawa siya ng dakila at mabubuting bagay.
7 Isaalang-alang ang hulang ito ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova; at magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova. At hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.” (Isaias 11:2-4) Ipinakikita ng mga pananalitang ito na si Jesus ay magiging isang matuwid at mahabaging Hari sa mga tao sa lupa. Gusto mo ba ng ganiyang tagapamahala?
8. Sinu-sino ang mamamahalang kasama ni Jesus?
8 Ito pa ang isang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos: Hindi mag-isang mamamahala si Jesus. Magkakaroon siya ng mga kasamang tagapamahala. Halimbawa, sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Kung patuloy tayong magbabata, mamamahala rin tayong magkakasama bilang mga hari.” (2 Timoteo 2:12) Oo, sina Pablo, Timoteo, at iba pang mga tapat na pinili ng Diyos ay mamamahalang kasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian. Ilan ang magkakaroon ng pribilehiyong iyan?
9. Ilan ang mamamahalang kasama ni Jesus, at kailan sila sinimulang piliin ng Diyos?
9 Gaya ng binanggit sa Kabanata 7 ng aklat na ito, binigyan si apostol Juan ng isang pangitain kung saan nakita niya “ang Kordero [si Jesu-Kristo] na nakatayo sa Bundok Sion [ang kaniyang maharlikang posisyon sa langit], at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” Sinu-sino ang 144,000 ito? Si Juan mismo ang nagsabi sa atin: “Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apocalipsis 14:1, 4) Oo, sila ay tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo na pantanging pinili upang mamahalang kasama niya sa langit. Matapos ibangon mula sa kamatayan tungo sa buhay sa langit, “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa” kasama si Jesus. (Apocalipsis 5:10) Mula pa noong panahon ng mga apostol, pumipili na ang Diyos ng tapat na mga Kristiyano para makumpleto ang bilang na 144,000.
10. Bakit isang maibiging kaayusan na mamahala sa sangkatauhan si Jesus at ang 144,000?
10 Isang napakamaibiging kaayusan na mamahala sa sangkatauhan si Jesus at ang 144,000. Unang-una, naranasan ni Jesus na maging isang tao at magdusa bilang isang tao. Sinabi ni Pablo na si Jesus ay “hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15; 5:8) Ang kaniyang mga kasamang tagapamahala ay nagdusa rin at nagbata bilang mga tao. Bukod diyan, nakipagpunyagi sila sa di-kasakdalan at tiniis ang lahat ng uri ng sakit. Tiyak na mauunawaan nila ang mga problema na napapaharap sa mga tao!
ANO BA ANG GAGAWIN NG KAHARIAN NG DIYOS?
11. Bakit sinabi ni Jesus na dapat ipanalangin ng mga alagad niya na maganap nawa ang kalooban ng Diyos sa langit?
11 Nang sabihin ni Jesus na dapat ipanalangin ng kaniyang mga alagad na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos, sinabi rin niya na dapat nilang ipanalangin na maganap nawa ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Nasa langit ang Diyos, at lagi namang ginagawa ng tapat na mga anghel doon ang kaniyang kalooban. Gayunman, sa Kabanata 3 ng aklat na ito, nalaman natin na isang napakasamang anghel ang huminto sa paggawa ng kalooban ng Diyos at naging dahilan upang magkasala sina Adan at Eva. Sa Kabanata 10, marami pa tayong matututuhan kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa napakasamang anghel na iyan, na nakilala natin bilang Satanas na Diyablo. Si Satanas at ang mga anghelikong espiritung nilalang na piniling sumunod sa kaniya—tinatawag na mga demonyo—ay sandaling pinahintulutan na manatili sa langit. Kaya naman, hindi lahat ng nasa langit noon ay gumagawa ng kalooban ng Diyos. Nagbago iyan nang magsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Ang bagong iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay nakipagdigma kay Satanas.—Apocalipsis 12:7-9.
12. Anong dalawang mahahalagang pangyayari ang inilalarawan sa Apocalipsis 12:10?
12 Inilalarawan ng sumusunod na makahulang mga pananalita kung ano ang mangyayari: “Narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsabi: ‘Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo, sapagkat ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid [si Satanas] ay naihagis na, na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!’ ” (Apocalipsis 12:10) Napansin mo ba ang dalawang napakahalagang pangyayari na inilarawan sa talatang iyan ng Bibliya? Una, nagsimula nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. Ikalawa, pinalayas si Satanas sa langit at inihagis dito sa lupa.
13. Ano ang naging resulta ng pagpapalayas kay Satanas sa langit?
13 Ano ang naging resulta ng dalawang pangyayaring iyon? May kaugnayan sa nangyari sa langit, ganito ang mababasa natin: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan!” (Apocalipsis 12:12) Oo, nagsasaya ang tapat na mga anghel sa langit dahil, ngayong wala na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ang lahat ng nasa langit ay tapat sa Diyos na Jehova. May ganap at walang-patid na kapayapaan at pagkakaisa roon. Nagaganap na ang kalooban ng Diyos sa langit.
14. Ano ang nangyari dahil inihagis si Satanas dito sa lupa?
14 Ngunit kumusta naman dito sa lupa? Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Galít si Satanas dahil pinalayas siya sa langit at dahil maikli na lamang ang kaniyang natitirang panahon. Dahil sa kaniyang galit, nagdulot siya ng kabagabagan, o ‘kaabahan,’ sa lupa. Marami pa tayong matututuhan tungkol sa ‘kaabahang’ iyan sa susunod na kabanata. Ngunit habang nasa isipan iyan, maaari nating itanong, Paano tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?
15. Ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa?
15 Buweno, alalahanin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Nalaman mo ito sa Kabanata 3. Sa Eden, ipinakita ng Diyos na kalooban niyang ang lupang ito ay maging isang paraiso na punô ng di-namamatay at matuwid na lahi ng tao. Si Satanas ang dahilan ng pagkakasala nina Adan at Eva, at iyan ay nakaapekto sa katuparan ng kalooban ng Diyos para sa lupa ngunit hindi naman ito nagbago dahil dito. Nananatili pa rin ang layunin ni Jehova na “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) At isasakatuparan iyan ng Kaharian ng Diyos. Sa anong paraan?
16, 17. Ano ang sinasabi sa atin ng Daniel 2:44 tungkol sa Kaharian ng Diyos?
16 Isaalang-alang ang hulang masusumpungan sa Daniel 2:44. Ganito ang mababasa natin doon: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa Kaharian ng Diyos?
17 Una, sinasabi nito sa atin na itatatag ang Kaharian ng Diyos “sa mga araw ng mga haring iyon,” o habang umiiral ang iba pang mga kaharian. Ikalawa, sinasabi nito sa atin na ang Kaharian ay mananatili magpakailanman. Hindi ito malulupig at hahalinhan ng ibang pamahalaan. Ikatlo, nalaman natin na magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga kaharian ng sanlibutang ito. Magtatagumpay ang Kaharian ng Diyos. Sa dakong huli, ito na lamang ang matitirang pamahalaan sa buong sangkatauhan. Pagkatapos ay tatamasahin ng mga tao ang pinakamahusay na pamamahalang mararanasan nila kailanman.
18. Ano ang tawag sa pangwakas na digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga pamahalaan ng sanlibutang ito?
18 Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pangwakas na digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Diyos at ng mga pamahalaan ng sanlibutang ito. Halimbawa, itinuturo nito na habang papalapit ang kawakasan, maghahasik ng mga kasinungalingan ang napakasasamang espiritu upang linlangin ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa.” Sa anong layunin? “Upang tipunin sila [ang mga hari] sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Titipunin ang mga hari sa lupa sa “dako na sa Hebreo ay tinawag na Har-Magedon.” (Apocalipsis 16:14, 16) Dahil sa mga nabanggit sa dalawang talatang iyon, ang pangwakas na digmaan sa pagitan ng mga pamahalaan ng tao at ng Kaharian ng Diyos ay tinatawag na digmaan ng Har-Magedon, o Armagedon.
19, 20. Ano ang nakahahadlang upang maganap ang kalooban ng Diyos sa lupa ngayon?
19 Ano ang isasakatuparan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng Armagedon? Isiping muli kung ano ang kalooban ng Diyos para sa lupa. Nilayon ng Diyos na Jehova na ang lupa ay mapuno ng matuwid at sakdal na lahi ng tao na maglilingkod sa kaniya sa Paraiso. Ano kaya ang nakahahadlang upang maganap ang kaloobang iyan sa ngayon? Una, makasalanan tayo, at nagkakasakit at namamatay. Ngunit natutuhan natin sa Kabanata 5 na namatay si Jesus para sa atin upang mabuhay tayo magpakailanman. Malamang na natatandaan mo ang mga salitang nakaulat sa Ebanghelyo ni Juan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
20 Isa pang problema ang napakasamang mga bagay na ginagawa ng maraming tao. Sila ay nagsisinungaling, nandaraya, at gumagawa ng imoralidad. Ayaw nilang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang mga taong gumagawa ng napakasamang mga bagay ay lilipulin sa digmaan ng Diyos sa Armagedon. (Awit 37:10) At ang isa pang dahilan kung bakit hindi nagaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa ay dahil hindi pinasisigla ng mga pamahalaan ang mga tao na gawin ito. Maraming pamahalaan ang mahina, malupit, o tiwali. Tahasang sinasabi ng Bibliya: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
21. Paano tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?
21 Pagkatapos ng Armagedon, iisang gobyerno na lamang ang mamamahala sa sangkatauhan, ang Kaharian ng Diyos. Gagawin ng Kahariang iyan ang kalooban ng Diyos at magdudulot ng kamangha-manghang mga pagpapala. Halimbawa, aalisin nito si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apocalipsis 20:1-3) Ikakapit ang bisa ng hain ni Jesus upang hindi na magkasakit at mamatay ang tapat na mga tao. Sa halip, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay mabubuhay sila magpakailanman. (Apocalipsis 22:1-3) Gagawing paraiso ang lupa. Sa gayon, tutuparin ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa at pababanalin ang pangalan ng Diyos. Ano ang kahulugan nito? Nangangahulugan ito na sa dakong huli, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang pangalan ni Jehova ay pararangalan ng lahat ng nabubuhay.
KAILAN KIKILOS ANG KAHARIAN NG DIYOS?
22. Paano natin nalaman na hindi dumating ang Kaharian ng Diyos noong nasa lupa si Jesus o karaka-raka pagkatapos na siya ay buhaying muli?
22 Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin, “Dumating nawa ang iyong kaharian,” maliwanag na hindi pa dumarating ang Kaharian noong panahong iyon. Dumating ba ito nang umakyat si Jesus sa langit? Hindi, dahil sinabi kapuwa nina Pedro at Pablo na matapos buhaying muli si Jesus, ang hula sa Awit 110:1 ay natupad sa kaniya: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway bilang tuntungan ng iyong mga paa.’ ” (Gawa 2:32-35; Hebreo 10:12, 13) May panahon pa ng paghihintay.
Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, magaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paano sa langit
23. (a) Kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
23 Gaano katagal? Noong ika-19 at ika-20 siglo, unti-unting naunawaan ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya na ang panahon ng paghihintay ay magwawakas noong 1914. (Hinggil sa petsang ito, tingnan ang Apendise, sa artikulong “1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng Bibliya.”) Ang mga pangyayari sa daigdig na nagsimulang maganap noong 1914 ay nagpapatunay na tama ang pagkaunawa ng taimtim na mga estudyanteng ito ng Bibliya. Ipinakikita ng katuparan ng hula sa Bibliya na noong 1914, si Kristo ay naging Hari at nagsimulang mamahala ang makalangit na Kaharian ng Diyos. Kaya naman, nabubuhay tayo sa “maikling yugto ng panahon” na natitira kay Satanas. (Apocalipsis 12:12; Awit 110:2) Masasabi rin natin nang may katiyakan na hindi na magtatagal at kikilos na ang Kaharian ng Diyos upang tuparin ang kalooban ng Diyos sa lupa. Kapana-panabik ba sa iyo ang balitang ito? Naniniwala ka bang totoo ito? Tutulungan ka ng susunod na kabanata na makitang talagang itinuturo ng Bibliya ang mga bagay na ito.