Ang Dakilang Espirituwal na Templo ni Jehova
“Tayo ay may ganitong mataas na saserdote, . . . isang pangmadlang lingkod ng banal na dako at ng totoong tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.”—HEBREO 8:1, 2.
1. Anong maibiging paglalaan ang ginawa ng Diyos para sa makasalanang sangkatauhan?
ANG Diyos na Jehova, udyok ng kaniyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan, ay naglaan ng hain upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan. (Juan 1:29; 3:16) Kinailangan nito ang paglilipat sa buhay ng kaniyang panganay na Anak buhat sa langit tungo sa bahay-bata ng Judiong birhen na nagngangalang Maria. Buong linaw na ipinaliwanag ng anghel ni Jehova kay Maria na ang batang ipaglilihi niya ay “tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Lucas 1:34, 35) Si Jose, na katipan ni Maria, ay sinabihan tungkol sa makahimalang paglilihi kay Jesus at nalaman niya na ang isang ito ang ‘magliligtas ng kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.’—Mateo 1:20, 21.
2. Ano ang ginawa ni Jesus nang siya’y mga 30 taóng gulang, at bakit?
2 Habang lumalaki si Jesus, tiyak na naunawaan niya ang ilan sa mga bagay na ito tungkol sa kaniyang makahimalang pagsilang. Batid niya na ang kaniyang makalangit na Ama ay may nagliligtas-buhay na gawain para sa kaniya sa lupa. Kaya naman, nang sumapit sa hustong gulang na 30, pumunta si Jesus sa propeta ng Diyos na si Juan upang pabautismo sa Ilog Jordan.—Marcos 1:9; Lucas 3:23.
3. (a) Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa mga salitang, “Hain at handog ay hindi mo ninais”? (b) Anong kahanga-hangang halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa lahat ng ibig na maging alagad niya?
3 Nanalangin si Jesus nang siya’y bautismuhan. (Lucas 3:21) Maliwanag, sa yugtong ito ng kaniyang buhay, tinupad niya ang mga salita ng Awit 40:6-8, gaya nang ipinakita ni apostol Pablo nang dakong huli: “Hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.” (Hebreo 10:5) Sa gayo’y ipinakita ni Jesus na batid niyang ‘hindi ninais’ ng Diyos na ang mga haing hayop ay patuloy na ihandog sa templo sa Jerusalem. Sa halip, natanto niya na ang Diyos ay naghanda ng isang sakdal na katawang tao para sa kaniya, kay Jesus, upang ihandog bilang hain. Papawiin na nito ang anupamang pangangailangang maghandog ng mga hayop bilang hain. Upang ipakita ang kaniyang taos-pusong hangarin na gawin ang kalooban ng Diyos, patuloy na nanalangin si Jesus: “Narito! Ako ay pumarito (sa rolyo ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Hebreo 10:7) Ano ngang kahanga-hangang halimbawa ng lakas ng loob at walang-pag-iimbot na debosyon ang ipinamalas ni Jesus nang araw na iyon para sa lahat ng magiging mga alagad niya!—Marcos 8:34.
4. Paano ipinakita ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa paghahandog ni Jesus ng kaniyang sarili?
4 Ipinakita ba ng Diyos ang pagsang-ayon sa panalangin ni Jesus nang siya’y bautismuhan? Hayaan nating sagutin tayo ng isa sa mga piniling apostol ni Jesus: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad-agad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang mga langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa mga langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan.’ ”—Mateo 3:16, 17; Lucas 3:21, 22.
5. Ano ang inilalarawan ng altar sa literal na templo?
5 Ang pagtanggap ni Jehova sa paghaharap ng katawan ni Jesus bilang hain ay nangangahulugan na, sa espirituwal na diwa, mayroon nang isang altar na mas dakila kaysa sa naroroon sa templo sa Jerusalem. Ang literal na altar na doon inihaharap ang mga hayop bilang hain ay lumalarawan sa espirituwal na altar, na sa katunayan ay ang “kalooban” o kaayusan ng Diyos sa pagtanggap ng paghahain ng buhay ni Jesus bilang tao. (Hebreo 10:10) Kaya naman maisusulat ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Tayo ay may altar na mula roon yaong mga gumagawa ng sagradong paglilingkod sa tolda [o, templo] ay walang awtoridad na kumain.” (Hebreo 13:10) Sa ibang pananalita, nakikinabang ang mga tunay na Kristiyano sa mas nakahihigit na pambayad-sa-kasalanang hain, na tinanggihan ng karamihan sa mga Judiong saserdote.
6. (a) Ano ang naitatag noong bautismuhan si Jesus? (b) Ano ang kahulugan ng titulong Mesiyas, o Kristo?
6 Ang pagpapahid ng banal na espiritu kay Jesus ay nangangahulugang itinatag na ngayon ng Diyos ang kaniyang buong kaayusan sa espirituwal na templo, anupat si Jesus ang naglilingkod bilang Mataas na Saserdote. (Gawa 10:38; Hebreo 5:5) Kinasihan ang alagad na si Lucas upang tukuyin ang taon ng mahalagang pangyayaring ito bilang ang “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar.” (Lucas 3:1-3) Iyon ay pumatak sa taóng 29 C.E.—eksaktong 69 na sanlinggo ng mga taon, o 483 taon, buhat nang ibigay ni Haring Artajerjes ang utos na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem. (Nehemias 2:1, 5-8) Ayon sa hula, ang “Mesiyas na Lider” ay lilitaw sa ipinahiwatig na taóng iyon. (Daniel 9:25) Maliwanag na alam ito ng maraming Judio. Iniulat ni Lucas na “ang mga tao ay may inaasahan” tungkol sa paglitaw ng Mesiyas, o Kristo, na mga titulong buhat sa Hebreo at Griegong mga salita na may iisang kahulugan, ang “isa na pinahiran.”—Lucas 3:15.
7. (a) Kailan pinahiran ng Diyos “ang Banal ng Mga Banal,” at ano ang kahulugan nito? (b) Ano pa ang nangyari kay Jesus nang siya’y mabautismuhan?
7 Nang mabautismuhan si Jesus, ang makalangit na tahanan ng Diyos ay pinahiran, o ibinukod, bilang “ang Banal ng Mga Banal” sa kaayusan ng dakilang espirituwal na templo. (Daniel 9:24) Ginamit na noon ang “totoong tolda [o, templo], na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Hebreo 8:2) Gayundin, sa pamamagitan ng kaniyang bautismo sa tubig at sa banal na espiritu, ang taong si Jesu-Kristo ay ipinanganak muli bilang espirituwal na Anak ng Diyos. (Ihambing ang Juan 3:3.) Nangangahulugan ito na sa takdang panahon ay tatawagin ng Diyos ang kaniyang Anak sa makalangit na buhay, kung saan siya ay maglilingkod sa kanang kamay ng kaniyang Ama bilang Hari at Mataas na Saserdote “alinsunod sa paraan ni Melquisedec magpakailanman.”—Hebreo 6:20; Awit 110:1, 4.
Ang Makalangit na Kabanal-banalang Dako
8. Anong mga bagong katangian ang tinaglay ngayon ng trono ng Diyos sa langit?
8 Nang araw na bautismuhan si Jesus, nagkaroon ng mga bagong katangian ang makalangit na trono ng Diyos. Ang pagtatakda ng isang sakdal na tao bilang hain upang maging pambayad sa mga kasalanan ng sanlibutan ay nagpapatingkad sa kabanalan ng Diyos kung ihahambing sa pagkamakasalanan ng tao. Itinampok din ang awa ng Diyos sa bagay na ipinakita niya ngayon na siya’y handang mapahupa, o mapaglubag ang loob. Sa gayon ang trono ng Diyos sa langit ay naging tulad ng kaloob-loobang silid ng templo, kung saan pumapasok ang mataas na saserdote nang minsan isang taon taglay ang dugo ng hayop upang ibayad sa kasalanan sa isang makasagisag na paraan.
9. (a) Ano ang inilalarawan ng kurtina sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan? (b) Paano nakapasok si Jesus sa kabila ng kurtina sa espirituwal na templo ng Diyos?
9 Ang kurtina na naghihiwalay sa dakong Banal at sa Kabanal-banalan ay lumalarawan sa laman ni Jesus. (Hebreo 10:19, 20) Iyon ang hadlang sa pagpasok ni Jesus sa harap ng kaniyang Ama habang siya ay isang tao sa lupa. (1 Corinto 15:50) Nang mamatay si Jesus, “ang kurtina ng santuwaryo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.” (Mateo 27:51) Mariing ipinakikita nito na ang hadlang sa pagpasok ni Jesus sa langit ay naalis na ngayon. Pagkaraan ng tatlong araw, ang Diyos na Jehova ay nagsagawa ng isang mahalagang himala. Ibinangon niya si Jesus mula sa mga patay, hindi bilang isang mortal na tao na may laman at dugo, kundi bilang isang maluwalhating espiritung nilalang na “nagpapatuloy na buháy magpakailanman.” (Hebreo 7:24) Makalipas ang apatnapung araw, si Jesus ay umakyat sa langit at pumasok sa “Banal ng Mga Banal,” ‘upang magpakita sa harap ng persona ng Diyos para sa atin.’—Hebreo 9:24.
10. (a) Ano ang nangyari matapos iharap ni Jesus ang halaga ng kaniyang hain sa kaniyang makalangit na Ama? (b) Ano ang kahulugan ng pagpapahid ng banal na espiritu sa mga alagad ni Kristo?
10 Tinanggap ba ng Diyos ang halaga ng itinigis na dugo ni Jesus bilang pambayad sa kasalanan ng sanlibutan? Tunay na tinanggap niya. Ang patotoo nito ay naganap eksaktong 50 araw pagkatapos buhaying-muli si Jesus, noong kapistahan ng Pentecostes. Ibinuhos ang banal na espiritu ng Diyos sa 120 alagad na nagkakatipon sa Jerusalem. (Gawa 2:1, 4, 33) Tulad ng kanilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, sila ngayon ay pinahiran upang maglingkod na kabilang sa “isang banal na pagkasaserdote, upang maghandog ng espirituwal na mga hain” sa ilalim ng kaayusan ng dakilang espirituwal na templo ng Diyos. (1 Pedro 2:5) Isa pa, ang mga pinahirang ito ang siyang bumubuo ng isang bagong bansa, ang “banal na bansa” ng espirituwal na Israel ng Diyos. Mula noon, lahat ng hula ng mabubuting bagay tungkol sa Israel, gaya ng ipinangakong “bagong tipan” na nakaulat sa Jeremias 31:31, ay kakapit sa pinahirang Kristiyanong kongregasyon, ang totoong “Israel ng Diyos.”—1 Pedro 2:9; Galacia 6:16.
Iba Pang Katangian ng Espirituwal na Templo ng Diyos
11, 12. (a) Sa kalagayan ni Jesus, ano ang inilalarawan ng looban ng mga saserdote, at ano naman iyon sa kalagayan ng kaniyang mga pinahirang tagasunod? (b) Ano ang inilalarawan ng palanggana ng tubig, at paano iyon ginagamit?
11 Bagaman ang Kabanal-banalang dako ay lumalarawan sa “langit mismo,” kung saan nakaluklok ang Diyos, ang lahat ng iba pang katangian ng espirituwal na templo ng Diyos ay nauugnay sa mga bagay sa lupa. (Hebreo 9:24) Sa gawing loob ng templo sa Jerusalem, may isang looban para sa mga saserdote na doo’y may altar para sa hain at isang malaking palanggana ng tubig, na ginagamit ng mga saserdote para linisin ang kanilang sarili bago gumanap ng sagradong paglilingkod. Ano ang inilalarawan ng mga bagay na ito sa kaayusan ng espirituwal na templo ng Diyos?
12 Sa kalagayan ni Jesu-Kristo, ang looban para sa mga saserdote ay lumalarawan sa kaniyang pagiging walang-kasalanan bilang isang sakdal na taong Anak ng Diyos. Sa pananampalataya sa hain ni Jesus, ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo ay ibinibilang na matuwid. Sa gayon, wastong makikitungo sa kanila ang Diyos na para bang sila’y walang kasalanan. (Roma 5:1; 8:1, 33) Sa gayon, ang loobang ito ay lumalarawan din sa itinuturing na matuwid na kalagayan bilang tao na tinatamasa ng indibiduwal na mga miyembro ng banal na pagkasaserdote sa harapan ng Diyos. Kasabay nito, ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi pa rin sakdal at maaari pa ring magkasala. Ang palanggana ng tubig sa looban ay lumalarawan sa Salita ng Diyos, na ginagamit ng Mataas na Saserdote upang baytang-baytang na linisin ang banal na pagkasaserdote. Sa pagpapasailalim sa paraang ito ng paglilinis, nakamtan nila ang karapat-dapat na kalagayan na nagpaparangal sa Diyos at nakaaakit sa mga tagalabas tungo sa kaniyang dalisay na pagsamba.—Efeso 5:25, 26; ihambing ang Malakias 3:1-3.
Ang Dakong Banal
13, 14. (a) Ano ang inilalarawan ng dakong Banal sa templo sa kalagayan ni Jesus at ng kaniyang mga pinahirang tagasunod? (b) Ano ang inilalarawan ng ginintuang patungan ng lampara?
13 Ang unang silid ng templo ay lumalarawan sa isang kalagayan na nakahihigit doon sa looban. Sa kalagayan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo, inilalarawan nito ang kaniyang muling pagsilang bilang espirituwal na Anak ng Diyos na nakatakdang magbalik sa makalangit na buhay. Pagkatapos na maipahayag na matuwid salig sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo, nararanasan din ng mga pinahirang tagasunod na ito ang pantanging pagkilos na ito ng banal na espiritu ng Diyos. (Roma 8:14-17) Sa pamamagitan ng “tubig [samakatuwid nga, ang kanilang bautismo] at espiritu,” sila ay ‘ipinanganak muli’ bilang espirituwal na mga anak ng Diyos. Sa gayon, taglay nila ang pag-asa na buhaying-muli sa makalangit na buhay sa langit bilang mga espiritung anak ng Diyos, kung mananatili silang tapat hanggang kamatayan.—Juan 3:5, 7; Apocalipsis 2:10.
14 Ang mga saserdoteng naglingkod sa loob ng dakong Banal sa makalupang templo ay hindi nakita ng mga mananamba sa labas. Gayundin naman, nararanasan ng mga pinahirang Kristiyano ang isang espirituwal na kalagayan na hindi nararanasan o lubusang nauunawaan ng karamihan sa mga sumasamba sa Diyos, yaong mga may pag-asa na mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Ang ginintuang patungan ng lampara sa tabernakulo ay lumalarawan sa naliwanagang kalagayan ng mga pinahirang Kristiyano. Ang pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos, tulad ng langis sa mga lampara, ay nagbibigay-liwanag sa Bibliya. Hindi sinasarili ng mga Kristiyano ang kaunawaan na natatamo nila bunga nito. Sa halip, sinusunod nila si Jesus, na nagsabi: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. . . . Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.”—Mateo 5:14, 16.
15. Ano ang inilalarawan ng tinapay sa mesa ng pantanghal na tinapay?
15 Upang makapanatili sa naliwanagang kalagayang ito, ang mga pinahirang Kristiyano ay kailangang regular na kumain mula sa isinasagisag ng tinapay sa mesa ng pantanghal na tinapay. Ang kanilang pangunahing pinagmumulan ng espirituwal na pagkain ay ang Salita ng Diyos, na kanilang sinisikap na basahin at bulay-bulayin sa araw-araw. Ipinangako rin ni Jesus na maglalaan siya sa kanila ng “pagkain sa tamang panahon” sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Ang “alipin” na ito ay ang buong lupon ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa sa alinmang partikular na panahon. Ginagamit ni Kristo ang pinahirang lupon na ito upang maglathala ng impormasyon tungkol sa katuparan ng mga hula sa Bibliya at magbigay ng napapanahong tagubilin sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kasalukuyang pang-araw-araw na pamumuhay. Kaya naman, may pagpapahalagang tinatanggap ng mga pinahirang Kristiyano ang lahat ng gayong espirituwal na paglalaan. Subalit ang pagsustine sa kanilang espirituwal na buhay ay nakasalalay hindi lamang sa pagkuha ng kaalaman ng Diyos sa kanilang isip at puso. Sinabi ni Jesus: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Gayundin naman, ang mga pinahirang Kristiyano ay nasisiyahan sa araw-araw na pagbubuhos ng kanilang sarili sa paggawa ng isiniwalat na kalooban ng Diyos.
16. Ano ang inilalarawan ng paglilingkuran sa altar ng insenso?
16 Sa umaga at sa gabi, isang saserdote ang naghahandog ng insenso sa Diyos sa ibabaw ng altar ng insenso na nasa dakong Banal. Kasabay nito, ang mga mananambang di-saserdote ay nananalangin sa Diyos samantalang nakatayo sa mga looban sa gawing labas ng templo. (Lucas 1:8-10) “Ang insenso,” paliwanag ng Bibliya, “ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8) “Ang akin nawang mga panalangin ay mahandang gaya ng insenso sa harap mo,” ang isinulat ng salmistang si David. (Awit 141:2) Pinakamamahal din ng mga pinahirang Kristiyano ang kanilang pribilehiyong makalapit kay Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang marubdob na mga panalangin na nag-uumapaw buhat sa puso ay tulad ng mabangong insenso. Pinupuri din ng mga pinahirang Kristiyano ang Diyos sa iba pang paraan, anupat ginagamit ang kanilang mga labi sa pagtuturo sa iba. Ang kanilang pagbabata sa harap ng mga kahirapan at ang kanilang integridad sa ilalim ng pagsubok ay lalo nang nakalulugod sa Diyos.—1 Pedro 2:20, 21.
17. Ano ang kasangkot sa katuparan ng makahulang larawan na inilaan ng unang pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalang dako sa Araw ng Pagbabayad-Sala?
17 Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang mataas na saserdote sa Israel ay kailangang pumasok sa dakong Kabanal-banalan at magsunog ng insenso sa isang ginintuang insensaryo na may nag-aapoy na mga uling. Ito ay kailangang gawin bago niya dalhin ang dugo ng mga handog ukol sa pagkakasala. Bilang katuparan ng makahulang larawang ito, nanatiling ganap ang katapatan sa Diyos na Jehova ng taong si Jesus bago ihandog ang kaniyang buhay bilang isang walang-hanggang hain para sa ating mga kasalanan. Sa gayo’y ipinakita niya na ang isang sakdal na tao ay makapag-iingat ng katapatan sa Diyos anumang panggigipit ang idulot sa kaniya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Nang ilagay sa pagsubok, nanalangin si Jesus na “may malalakas na paghiyaw at mga luha, at pinakinggan siya nang may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” (Hebreo 5:7) Sa ganitong paraan ay niluwalhati niya si Jehova bilang ang matuwid at nararapat na Soberano ng sansinukob. Ginantimpalaan ng Diyos si Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya buhat sa mga patay tungo sa imortal na buhay sa langit. Sa matayog na posisyong ito, binigyang-pansin ni Jesus ang pangalawang dahilan ng kaniyang pagparito sa lupa, samakatuwid nga, ang ipagkasundo sa Diyos ang nagsisising mga makasalanan.—Hebreo 4:14-16.
Ang Lalong Dakilang Kaluwalhatian ng Espirituwal na Templo ng Diyos
18. Paano lubhang niluwalhati ni Jehova ang kaniyang espirituwal na templo?
18 “Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging mas dakila kaysa sa nauna,” ang patiunang sinabi ni Jehova. (Hagai 2:9) Sa pagbuhay-muli kay Jesus bilang imortal na Hari at Mataas na Saserdote, lubhang niluwalhati ni Jehova ang kaniyang espirituwal na templo. Si Jesus ay nasa kalagayan ngayon na magdulot ng “walang-hanggang kaligtasan niyaong lahat ng mga sumusunod sa kaniya.” (Hebreo 5:9) Ang mga unang nagpakita ng gayong pagsunod ay ang 120 alagad na tumanggap ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Inihula sa aklat na Apocalipsis na ang bilang ng espirituwal na mga anak na ito ng Israel ay sa wakas aabot sa 144,000. (Apocalipsis 7:4) Pagkamatay, marami sa kanila ang kinailangang manatiling nasa kawalang-malay sa pangkaraniwang libingan ng sangkatauhan, anupat hinihintay ang panahon ng pagkanaririto ni Jesus taglay ang kapangyarihan bilang hari. Itinuturo ng makahulang kronolohiya na nasa Daniel 4:10-17, 20-27 ang 1914 bilang siyang panahon upang pasimulan ni Jesus ang pamamahala sa gitna ng kaniyang mga kaaway. (Awit 110:2) Mga dekada pa bago nito, sabik na hinintay ng mga pinahirang Kristiyano ang taóng iyon. Ang unang digmaang pandaigdig at ang kaakibat na mga kaabahan sa sangkatauhan ay patotoo na si Kristo ay nakaluklok na nga bilang Hari noong 1914. (Mateo 24:3, 7, 8) Di-nagtagal pagkatapos, palibhasa’y sumapit ang panahon upang “pasimulan ang paghatol sa bahay ng Diyos,” tutuparin ni Jesus ang pangako sa kaniyang mga pinahirang alagad na nangatulog sa kamatayan: “Ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili.”—1 Pedro 4:17; Juan 14:3.
19. Paano makapapasok sa makalangit na Kabanal-banalang dako ang nalabi sa 144,000?
19 Hindi pa ganap na natatakan at natipong lahat sa kanilang makalangit na tahanan ang 144,000 miyembro ng banal na pagkasaserdote. May nalabi pa rin sa kanila na nabubuhay sa lupa sa espirituwal na kalagayan na inilarawan ng dakong Banal, na hiwalay sa banal na presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng “kurtina,” o hadlang, ng kanilang katawang laman. Kapag ang mga ito ay namatay na tapat, sila’y karaka-rakang bubuhaying-muli bilang imortal na mga espiritung nilalang upang makasama yaong kabilang sa 144,000 na naroon na sa langit.—1 Corinto 15:51-53.
20. Anong mahalagang gawain ang ginaganap ngayon ng mga nalabi na kabilang sa banal na pagkasaserdote, at ano ang mga resulta?
20 Dahil sa napakaraming saserdote na naglilingkod kasama ng Mataas na Saserdote sa langit, lalo pang naging maluwalhati ang espirituwal na templo ng Diyos. Samantala, ang mga nalabi sa banal na pagkasaserdote ay gumaganap ng isang mahalagang gawain sa lupa. Sa pamamagitan ng kanilang pangangaral, ‘inuuga ng Diyos ang lahat ng bansa’ taglay ang mga kapahayagan ng kaniyang paghatol, gaya ng inihula sa Hagai 2:7. Kasabay nito, milyun-milyong mananamba na inilalarawan bilang “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng mga bansa” ay dumaragsa sa makalupang mga looban ng templo ni Jehova. Paano nagiging kabilang ang mga ito sa kaayusan ng Diyos ukol sa pagsamba, at anong kaluwalhatian sa hinaharap ang maaasahan natin para sa kaniyang dakilang espirituwal na templo? Susuriin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong kahanga-hangang halimbawa ang ipinakita ni Jesus noong 29 C.E.?
◻ Anong kaayusan ang nagsimulang umiral noong 29 C.E.?
◻ Ano ang inilalarawan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan?
◻ Paano niluwalhati ang dakilang espirituwal na templo?
[Larawan sa pahina 17]
Nang si Jesus ay pahiran ng banal na espiritu noong 29 C.E., nagsimulang gamitin ang dakilang espirituwal na templo ng Diyos