Mga Petsa
Kahulugan: Ang mga petsa ay nagtatakda ng panahon kung kailan nagaganap ang mga pangyayari. Binabanggit ng Bibliya ang mga petsa kaugnay ng yugto ng buhay ng mga tao, yugto ng panahon na ipinaghari ng ilang tagapamahala, o iba pang kapansinpansing pangyayari. Naglalaman ito ng tanging kompletong kronolohiya na umaabot pabalik sa panahon ng paglalang kay Adan. Tiniyak din nang patiuna ng kronolohiya ng Bibliya kung kailan magaganap ang ilang mahalagang pangyayari bilang katuparan ng layunin ng Diyos. Ang kalendaryong Gregorian, na ngayo’y siyang kinikilala sa kalakhang bahagi ng daigdig, ay noon lamang 1582 pinasimulang gamitin. Sa sekular na mga reperensiya ang mga petsang ibinibigay ukol sa mga pangyayaring naganap sa sinaunang kasaysayan ay hindi magkakatugma. Gayumpaman, ang ilang partikular na petsa ay natitiyak nang husto, gaya ng 539 B.C.E., nang bumagsak ang Babilonya, at kung magkagayo’y ang 537 B.C.E., nang magbalik ang mga Judio mula sa pagkaalipin. (Ezra 1:1-3) Sa pamamagitan ng paggamit sa mga petsang ito bilang panimula, posibleng sabihin ang mga petsa ukol sa sinaunang mga pangyayari sa Bibliya sa tulong ng kasalukuyang mga kalendaryo.
Napatunayan ba ng mga siyentista na ang tao ay naririto na sa lupa sa loob ng angaw-angaw na taon, hindi libu-libong taon lamang gaya ng ipinakikita ng Bibliya?
Ang mga paraan ng siyentista sa pagtiyak ng petsa ay salig sa mga palapalagay na, bagama’t maaaring makatulong, ay madalas na umaakay sa lubhang pagkakasalungatan. Kaya, ang mga petsang ibinibigay nila ay madalas na binabago.
Ganito ang sinasabi ng isang ulat sa New Scientist ng Marso 18, 1982: “ ‘Ako’y nagtataka kung bakit nasabi ko ang aking sinabi mga isang taon pa lamang ang nakakaraan.’ Ganito ang sinabi ni Richard Leakey, sa harap ng mariringal na panauhin sa isang panggabing pahayag sa Royal Institution noong nakaraang Biyernes. Dumalo siya upang isiwalat na ang kasalukuyang karunungan, na hindi pa natatagala’y iniharap niya sa serye ng telebisyon sa BBC na pinamagatang The Making of Mankind, ay ‘malamang na mali sa maraming mahahalagang bahagi nito.’ Pangunahin na, kaniyang nakikita ngayon na ang pinakamatandang ninuno ng tao ay mas nakababata kaysa sa 15-20 milyong taon na kaniyang tahasang ipinahayag sa telebisyon.”—P. 695.
Sa panapanahon, bago at bagong mga paraan ng pagtatakda sa petsa ang nalilinang. Maaasahan ba ang mga ito? Ganito ang sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica (1976, Macropædia, Tomo 5, p. 509), hinggil sa isa na kung tawagi’y thermoluminescence: “Pag-asa sa halip na katuparan ang siyang pangunahing kalagayan ng kasalukuyang pagtatakda ng petsa sa pamamagitan ng thermoluminescence.” Isa pa, iniuulat ng Science (Agosto 28, 1981, p. 1003) na isang kalansay na nagbigay ng edad na 70,000 taon sa pamamagitan ng amino acid racemization ay nagbigay lamang ng 8,300 o 9,000 taon sa pamamagitan ng radyo-aktibong pagpepetsa.
Iniuulat ng Popular Science (Nobyembre 1979, p. 81) na ang pisikong si Robert Gentry ay “naniniwala na lahat ng mga petsa na tinataya sa pamamagitan ng radyo-aktibong pagkabulok ay maaaring lumabis—hindi lamang ng mga ilang taon, kundi nang mas malaki pa.” Ipinakita ng artikulo na ang kaniyang natuklasan ay aakay sa pasiya na “ang tao, sa halip na 3.6 milyong taon nang naglalakad sa lupa, ay baka narito lamang ng mga ilang libong taon.”
Gayumpaman, dapat pansinin na ang mga siyentipiko ay naniniwala na ang edad mismo ng lupa ay higit na matanda kaysa edad ng tao. Ang Bibliya ay hindi tumututol dito.
Ang edad ba ng mga tao bago mag-Baha, gaya ng isinasaad sa Bibliya, ay sinusukat ayon din sa mga taon na ginagamit natin ngayon?
Kung ipangangatuwiran na ang “mga taon” ay dapat na kasinghaba lamang ng ating mga buwan, kung gayon si Enos ay naging ama nang siya’y pipitong taong gulang pa lamang, at si Kenan ay lilimang taon lamang nang siya’y magkaanak. (Gen. 5:9, 12) Maliwanag na ito’y imposible.
Ang detalyadong kronolohiya na inilaan kaugnay ng Baha ay nagpapahiwatig sa haba ng mga buwan at taon na ginamit nang panahong yaon. Ang paghahambing ng Genesis 7:11, 24 at 8:3, 4 ay nagpapakita na ang limang buwan (mula sa ika-17 ng ika-2 buwan hanggang sa ika-17 ng ika-7 buwan) ay katumbas ng 150 araw, o limang buwan na tig-30 araw. May tuwirang pagtukoy sa “ikasampung buwan” at sa karagdagan pang mga yugto pagkaraan nito bago sumapit ang susunod na taon. (Gen. 8:5, 6, 8, 10, 12-14) Maliwanag, na ang mga taon na ito ay binubuo ng labindalawang buwan na tig-30 araw. Noong unang panahon, ang kalendaryo na nakasalig sa buwan (lunar) ay manakanakang iniaangkop sa haba ng taong solar, gaya ng ipinahihiwatig ng pagdaraos sa Israel ng panapanahong kapistahan ng pagtitipon sa tiyak na mga petsa. Sa paraang ito ang mga kapistahan ay patuloy na tumatama sa angkop na mga kapanahunan.—Lev. 23:39.
Tandaan na nilikha ng Diyos ang tao upang mabuhay magpakailanman. Kasalanan ni Adan ang umakay sa kamatayan. (Gen. 2:17; 3:17-19; Roma 5:12) Yaong mga nangabuhay bago ang Baha ay higit na malapit sa kasakdalan kaysa sa atin ngayon. Subali’t ang bawa’t isa ay namatay sa loob ng isang libong taon.
Bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag noong 1914?
Dalawang hanay ng patotoo ang tumitiyak sa taóng ito: (1) Kronolohiya ng Bibliya at (2) ang mga pangyayari mula noong 1914 bilang katuparan ng hula. Dito’y isasaalang-alang natin ang kronolohiya. Ukol sa katuparan ng hula, tingnan ang paksang “Mga Huling Araw.”
Basahin ang Daniel 4:1-17: Ipinakikita ng mga Dan 4 bersikulo 20-37 na ang hulang ito ay nagkaroon ng katuparan kay Nabukodonosor. Subali’t mayroon pa itong mas malaking katuparan. Papaano natin nalaman ito? Ipinakikita ng Dan 4 bersikulo 3 at 17 na ang panaginip na ipinagkaloob ng Diyos kay Haring Nabukodonosor ay tumutukoy sa Kaharian ng Diyos at sa pangako ng Diyos na ipagkaloob ito sa “kaninomang kaniyang ibigin . . . maging sa pinakamababa sa mga tao.” Ang buong Bibliya ay nagpapakita na layunin ni Jehova na ang sarili niyang Anak, si Jesu-Kristo, ay maghari bilang Kaniyang kinatawan sa buong sangkatauhan. (Awit 2:1-8; Dan. 7:13, 14; 1 Cor. 15:23-25; Apoc. 11:15; 12:10) Ang paglalarawan ng Bibliya tungkol kay Jesus ay nagpapakita na tunay ngang siya ang “pinakamababa sa mga tao.” (Fil. 2:7, 8; Mat. 11:28-30) Kung gayon, ang makahulang panaginip ay tumutukoy sa panahon kapag ipinagkaloob na ni Jehova sa sarili niyang Anak ang pamamahala sa buong sangkatauhan.
Samantala, ano ang nakatakdang mangyari? Ang pamamahala sa tao, na kinakatawanan ng punong-kahoy at ng tuod nito, ay magtataglay ng “puso ng isang hayop.” (Dan. 4:16) Ang kasaysayan ng tao ay pangingibabawan ng mga pamahalaan na magpapamalas ng mga katangian ng mababangis na hayop. Sa makabagong panahon, ang oso ay karaniwan nang ginagamit upang kumatawan sa Rusya; ang agila, sa Estados Unidos; ang leon, sa Britaniya; ang dragon, sa Tsina. Ginagamit din ng Bibliya ang mababangis na hayop bilang sagisag ng mga pandaigdig na pamahalaan at ng buong pangglobong sistema ng pamamahala ng tao na nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. (Dan. 7:2-8, 17, 23; 8:20-22; Apoc. 13:1, 2) Gaya ng ipinakita ni Jesus sa kaniyang hula na tumutukoy sa katapusan ng sistema ng mga bagay, ang Jerusalem ay “yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay mangatupad. (Luc. 21:24) Ang “Jerusalem” ay kumatawan sa Kaharian ng Diyos sapagka’t ang mga hari nito ay sinasabing nakaupo sa “luklukan ng kaharian ni Jehova.” (1 Cron. 28:4, 5; Mat. 5:34, 35) Kaya, ang mga pamahalaang Gentil, na isinasagisag ng mababangis na hayop, ay ‘yuyurak’ sa karapatan ng Kaharian ng Diyos na mamahala sa mga kapakanan ng tao at sila mismo ang mangaghahari sa ilalim ng pamumuno ni Satanas.—Ihambing ang Lucas 4:5, 6.
Gaano katagal pahihintulutang magpuno ang mga pamahalaang ito bago ipagkaloob ni Jehova ang Kaharian kay Jesu-Kristo? Sinabi ng Daniel 4:16 na “pitong panahon” (“pitong taon,” AT at Mo, gayon din ang talababa ng JB sa Dan 4 bersikulo 13). Ipinakikita ng Bibliya na sa pagtantiya sa isang makahulang panahon, ang isang araw ay ibinibilang na isang taon. (Ezek. 4:6; Bil. 14:34) Ilang “araw,” kung gayon, ang nasasangkot? Maliwanag na ipinakikita ng Apocalipsis 11:2, 3 na ang 42 buwan (3 1/2 taon) sa hulang iyon ay ibinibilang na 1,260 araw. Ang pitong taon ay magiging doble nito, o 2,520 araw. Kung ikakapit ang tuntuning “bawa’t araw ay isang taon” ito ay magiging 2,520 taon.
Kailan nagpasimula ang pagbilang ng “pitong panahon”? Pagkaraan na si Zedekias, ang huling hari ng makalarawang Kaharian ng Diyos, ay alisin ng mga taga-Babilonya sa trono sa Jerusalem. (Ezek. 21:25-27) Sa wakas, maaga pa noong Oktubre ng 607 B.C.E., ang kahulihulihang bakas ng Judiong soberanya ay naglaho. Nang panahong yaon, ang Judiong gobernador, si Gedalias, na iniwan ng mga taga-Babilonya upang mamahala, ay pinatay at ang nalalabing mga Judio ay nagsitakas tungo sa Ehipto. (Jeremias, kabanata 40-43) Ipinahihiwatig ng maaasahang kronolohiya ng Bibliya na ito ay naganap 70 taon bago ang 537 B.C.E., ang taon ng pagbabalik ng mga Judio mula sa pagkabihag, alalaong baga’y, naganap ng maaga pa noong Oktubre 607 B.C.E. (Jer. 29:10; Dan. 9:2; ukol sa karagdagang detalye, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” mga pahina 186-189.)
Papaano, kung gayon, tatantiyahin ang panahon hanggang 1914? Kung bibilang ng 2,520 taon mula sa pasimula ng Oktubre 607 B.C.E., hahantong tayo sa pasimula ng Oktubre 1914 C.E., gaya ng ipinakikita sa tsart.
PAGTANTIYA SA “PITONG PANAHON”
“Pitong taon” = 7 X 360 = 2,520 taon
Ang “panahon” sa Bibliya, o taon = 12 X 30 araw = 360. (Apoc. 11:2, 3; 12:6, 14)
Sa katuparan ng “pitong panahon” bawa’t araw ay katumbas ng isang taon. (Ezek. 4:6; Bil. 14:34)
Pasimula ng Oktubre, 607 B.C.E., hanggang Disyembre 31, 607 B.C.E. = 1/4 taon
Enero 1, 606 B.C.E., hanggang Disyembre 31, 1 B.C.E. = 606 taon
Enero 1, 1 C.E., hanggang Disyembre 31, 1913 = 1,913 taon
Enero 1, 1914, hanggang sa pasimula ng Oktubre, 1914 = 3/4 taon
Kabuuan: 2,520 taon
Ano ang nangyari nang panahong iyon? Ipinagkatiwala ni Jehova ang pamamahala ng buong sangkatauhan sa kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo, na niluwalhati sa mga langit.—Dan. 7:13, 14.
Kung gayo’y bakit laganap pa rin ang kasamaan sa lupa? Pagkaraang lumuklok si Kristo, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis mula sa langit pababa dito sa lupa. (Apoc. 12:12) Bilang Hari hindi agad pinuksa ni Kristo ang lahat ng tumatangging kumilala sa soberanya ni Jehova at sa kaniya bilang Mesiyas. Sa halip, gaya ng inihula niya, isang pandaigdig na gawaing pangangaral ay dapat munang isagawa. (Mat. 24:14) Bilang Hari pangangasiwaan niya ang pagbubukud-bukod ng mga tao sa lahat ng bansa, na yaong mga napapatunayang tapat ay pagkakalooban ng pag-asa ng buhay na walang hanggan, at yaon namang mga balakyot ay itatalaga sa walang-hanggang pagkalipol sa kamatayan. (Mat. 25:31-46) Samantala ay iiral ang mahihirap na kalagayang inihula para sa “mga huling araw”. Gaya ng ipinakikita sa paksang “Mga Huling Araw,” ang mga pangyayaring ito ay maliwanag na nasasaksihan mula pa noong 1914. Bago pumanaw ang kahulihulihang miyembro ng lahing nabubuhay noong 1914, lahat ng bagay na inihula ay dapat maganap, pati na ang “malaking kapighatian” na kung saan magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sistema.—Mat. 24:21, 22, 34.
Kailan sasapit ang wakas ng masamang sanlibutang ito?
Sumagot si Jesus: “Tungkol sa araw at oras na yaon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” Gayumpaman, sinabi din naman niya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito [yaong nabubuhay nang “ang tanda” ng “mga huling araw” ay nagsimulang matupad] hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.”—Mat. 24:36, 34.
At, pagkaraang banggitin ang mga pangyayari na kasunod ng pagkatatag ng Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo noong 1914, ganito pa ang dagdag ng Apocalipsis 12:12: “Mangagalak kayo, o mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”