Kabanata 34
Nalutas ang Kasindak-sindak na Hiwaga
1. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Juan nang makita niya ang dakilang patutot at ang nakatatakot na hayop na sinasakyan nito, at bakit? (b) Paano tumutugon ang uring Juan sa ngayon habang nagaganap ang mga pangyayaring katuparan ng makahulang pangitain?
ANO ang naging reaksiyon ni Juan nang makita niya ang dakilang patutot at ang nakatatakot na hayop na sinasakyan nito? Siya mismo ang sumasagot: “Buweno, sa pagkakita sa kaniya ay namangha ako nang may malaking pagkamangha.” (Apocalipsis 17:6b) Ang ganitong tanawin ay imposibleng maging katha lamang ng karaniwang guniguni ng tao. Subalit hayun—sa malayong ilang—isang mahalay na patutot na nakaupo sa ibabaw ng isang nakapanghihilakbot na kulay-iskarlatang mabangis na hayop! (Apocalipsis 17:3) Namamangha rin nang may malaking pagkamangha ang uring Juan sa ngayon habang nagaganap ang mga pangyayaring katuparan ng makahulang pangitain. Kung makikita lamang ito ng mga tao sa daigdig, mapapabulalas sila, ‘Hindi kapani-paniwala!’ at sasang-ayon din ang mga tagapamahala ng sanlibutan, ‘Mahirap paniwalaan!’ Subalit kagitla-gitlang nagkatotoo ang pangitain sa ating panahon. Nagkaroon na ng kapansin-pansing bahagi sa katuparan ng pangitain ang bayan ng Diyos, at tinitiyak nito sa kanila na matutupad ang hula hanggang sa kamangha-manghang kasukdulan nito.
2. (a) Bilang tugon sa panggigilalas ni Juan, ano ang sinabi sa kaniya ng anghel? (b) Ano ang isiniwalat sa uring Juan, at paano ito naisagawa?
2 Napansin ng anghel ang panggigilalas ni Juan. “Kung kaya,” patuloy ni Juan, “sinabi sa akin ng anghel: ‘Bakit ka namangha? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop na sinasakyan niya na may pitong ulo at sampung sungay.’” (Apocalipsis 17:7) Ah, liliwanagin na ngayon ng anghel ang hiwaga! Ipinaliliwanag niya sa nanggigilalas na si Juan ang sari-saring pitak ng pangitain at ang dramatikong mga pangyayari na malapit nang maganap. Kasuwato nito, isiniwalat din sa mapagbantay na uring Juan ang kaunawaan hinggil sa hula, samantalang naglilingkod sila ngayon sa ilalim ng patnubay ng mga anghel. “Hindi ba ang mga pakahulugan ay sa Diyos?” Gaya ng tapat na si Jose, naniniwala tayo na ganoon nga. (Genesis 40:8; ihambing ang Daniel 2:29, 30.) Sa wari, nasa gitna ng entablado ang bayan ng Diyos samantalang ipinaliliwanag sa kanila ni Jehova ang kahulugan ng pangitain at ang malaking epekto nito sa kanilang buhay. (Awit 25:14) Ipinaunawa niya sa kanila sa eksaktong panahon ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop.—Awit 32:8.
3, 4. (a) Anong pahayag pangmadla ang binigkas ni N. H. Knorr noong 1942, at paano nito ipinakilala ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop? (b) Anong mga salita ng anghel kay Juan ang tinalakay ni N. H. Knorr?
3 Idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ang kanilang Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea mula Setyembre 18 hanggang 20, 1942, samantalang nasa kasagsagan ang Digmaang Pandaigdig II. Ang pangunahing lunsod, ang Cleveland, Ohio, ay iniugnay sa pamamagitan ng telepono sa mahigit 50 iba pang lunsod na pinagdausan ng kombensiyon, at ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 129,699. Sa mga dakong may digmaan subalit posible namang magdaos ng kombensiyon, inulit ang gayunding programa sa iba pang kombensiyon sa buong daigdig. Nang panahong iyon, marami sa bayan ni Jehova ang umasa na lulubha pa ang digmaan hanggang sa humantong ito sa digmaan ng Armagedon ng Diyos; kaya pumukaw ng masidhing interes ang pamagat ng pahayag pangmadla na, “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Bakit nagsasalita ang bagong pangulo ng Samahang Watch Tower, si N. H. Knorr, tungkol sa kapayapaan gayong waring kabaligtaran ang napipinto para sa mga bansa?a Ito’y dahil nag-uukol ang uring Juan ng “higit kaysa sa karaniwang pansin” sa makahulang Salita ng Diyos.—Hebreo 2:1; 2 Pedro 1:19.
4 Anong liwanag hinggil sa hula ang isiniwalat ng pahayag na “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Matapos malinaw na ipakilala na ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop ng Apocalipsis 17:3 ay ang Liga ng mga Bansa, patuloy na tinalakay ni N. H. Knorr ang maligalig na landasin nito salig sa sumusunod na mga salita ng anghel kay Juan: “Ang mabangis na hayop na iyong nakita ay naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y malapit nang umahon mula sa kalaliman, at ito ay patungo na sa pagkapuksa.”—Apocalipsis 17:8a.
5. (a) Sa anong diwa “ang mabangis na hayop . . . ay naging siya” at pagkatapos ay “wala na”? (b) Paano sinagot ni N. H. Knorr ang tanong na, “Mananatili ba sa hukay ang Liga?”
5 “Ang mabangis na hayop . . . ay naging siya.” Oo, umiral ito bilang Liga ng mga Bansa mula noong Enero 10, 1920, at 63 bansa ang nakilahok dito sa iba’t ibang panahon. Subalit nang maglaon, kumalas ang Hapon, Alemanya, at Italya, at itiniwalag naman mula sa Liga ang dating Unyong Sobyet. Noong Setyembre 1939, pinasimulan ng diktador na Nazi ng Alemanya ang Digmaang Pandaigdig II.b Palibhasa’y nabigong panatilihin ang kapayapaan sa daigdig, halos bumulusok sa kalaliman ng kawalang-gawain ang Liga ng mga Bansa. Pagsapit ng 1942, laos na ito. Ipinaliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan ang lubos na kahulugan ng pangitain, hindi bago nito ni sa isang atrasadong petsa, kundi tamang-tama sa mapanganib na panahong iyon! Kaya naipahayag ni N. H. Knorr sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea, kasuwato ng hula, na “ang mabangis na hayop ay . . . wala na.” Pagkatapos ay nagtanong siya, “Mananatili ba sa hukay ang Liga?” Sinipi niya ang Apocalipsis 17:8, at sumagot: “Muling babangon ang samahan ng makasanlibutang mga bansa.” Ganitung-ganito nga ang nangyari—bilang pagbabangong-puri sa makahulang Salita ni Jehova!
Umahon Mula sa Kalaliman
6. (a) Kailan umahon mula sa kalaliman ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, at ano ang bagong pangalan nito? (b) Bakit masasabing ang Nagkakaisang mga Bansa ay sa katunayan, ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli?
6 Umahon nga mula sa kalaliman ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Noong Hunyo 26, 1945, sa San Francisco, E.U.A., nagkaroon ng malaking publisidad nang sang-ayunan ng 50 bansa na tanggapin ang Karta ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyong ito ay “magpapanatili ng pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Maraming pagkakatulad ang Liga at ang UN. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Sa ilang paraan, ang UN ay nakakatulad ng Liga ng mga Bansa, na inorganisa pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I . . . Marami sa mga bansang nagtatag ng UN ang siya ring nagtatag ng Liga. Gaya ng Liga, itinatag ang UN upang panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng mga bansa. Ang pangunahing mga ahensiya ng UN ay katulad na katulad niyaong sa Liga.” Kaya ang UN sa katunayan ay ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli. Di-hamak na mas marami ang miyembro nito na mga 190 bansa kaysa sa 63 miyembro ng Liga; mas marami rin itong pananagutan kaysa sa hinalinhan nito.
7. (a) Sa anong paraan masasabi na ang mga nananahan sa lupa ay nanggilalas nang may paghanga sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli? (b) Anong tunguhin ang naging mailap para sa UN, at ano ang sinabi ng kalihim-panlahat nito tungkol dito?
7 Sa simula, malaki ang inaasahan mula sa UN. Katuparan ito ng mga salita ng anghel: “At kapag nakita nila kung paanong ang mabangis na hayop ay naging siya, ngunit wala na, at gayunma’y darating, yaong mga tumatahan sa lupa ay mamamangha nang may paghanga, ngunit ang kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” (Apocalipsis 17:8b) Ang mga nananahan sa lupa ay hangang-hanga sa bagong dambuhalang ito, na kumikilos ngayon mula sa maringal na punong-tanggapan nito sa East River sa New York. Subalit mailap para sa UN ang tunay na kapayapaan at katiwasayan. Sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo, ang kapayapaan sa daigdig ay napananatili lamang dahil sa banta ng tiyak na pagkalipol ng isa’t isa (mutual assured destruction)—o MAD, gaya ng daglat nito—at ang pagpapaligsahan sa armas ay patuloy na tumitindi sa napakabilis na antas. Pagkaraan ng halos 40-taóng pagsisikap ng Nagkakaisang mga Bansa, ang dati nitong kalihim-panlahat na si Javier Pérez de Cuéllar, ay malungkot na nagsabi noong 1985: “Nabubuhay tayo sa isa na namang panahon ng mga panatiko, at hindi natin alam kung ano ang gagawin natin dito.”
8, 9. (a) Bakit wala sa UN ang mga kasagutan sa mga suliranin ng daigdig, at ano ang malapit nang mangyari sa kaniya ayon sa hatol ng Diyos? (b) Bakit hindi mapapasulat sa “balumbon ng buhay” ng Diyos ang mga pangalan ng mga tagapagtatag at tagahanga ng UN? (c) Ano ang matagumpay na isasagawa ng Kaharian ni Jehova?
8 Wala sa UN ang mga kasagutan. Bakit? Sapagkat hindi ang Tagapagbigay ng buhay sa buong sangkatauhan ang nagbigay-buhay sa UN. Hindi ito magtatagal, sapagkat ayon sa hatol ng Diyos, “ito ay patungo na sa pagkapuksa.” Hindi napasulat ang mga pangalan ng mga tagapagtatag at tagahanga ng UN sa balumbon ng buhay ng Diyos. Yamang makasalanan at mortal ang mga tao, na ang karamiha’y tumutuya sa pangalan ng Diyos, paano nila makakamit sa pamamagitan ng UN ang bagay na sinabi ng Diyos na Jehova na malapit na niyang gawin, hindi sa pamamagitan ng pamamaraan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Kristo?—Daniel 7:27; Apocalipsis 11:15.
9 Sa katunayan, ang UN ay isang mapamusong na panghuhuwad sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo—na ang maharlikang pamamahala ay hindi magwawakas. (Isaias 9:6, 7) Makapagdulot man ng pansamantalang kapayapaan ang UN, muli pa ring sisiklab ang mga digmaan. Likas na hilig ito ng makasalanang mga tao. “Ang kanilang mga pangalan ay hindi napasulat sa balumbon ng buhay mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” Ang Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo ay hindi lamang magtatatag ng walang-hanggang kapayapaan sa lupa kundi, salig sa haing pantubos ni Jesus, bubuhayin din nito ang mga patay, ang mga matuwid at di-matuwid na nasa alaala ng Diyos. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Kabilang dito ang bawat isa na nakapanatiling matapat sa kabila ng mga pagsalakay ni Satanas at ng kaniyang binhi, at ang iba na kailangan pang patunayan ang kanilang pagkamasunurin. Maliwanag na hindi kailanman mapapasulat sa balumbon ng buhay ng Diyos ang mga pangalan ng masugid na mga tagasuporta ng Babilonyang Dakila ni ng sinumang patuloy na sumasamba sa mabangis na hayop.—Exodo 32:33; Awit 86:8-10; Juan 17:3; Apocalipsis 16:2; 17:5.
Kapayapaan at Katiwasayan—Isang Bigong Pag-asa
10, 11. (a) Ano ang idineklara ng UN noong 1986, at ano ang naging tugon? (b) Ilang “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon sa Assisi, Italya, upang manalangin ukol sa kapayapaan, at tinutugon ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin? Ipaliwanag.
10 Sa pagsisikap na patibayin ang pag-asa ng sangkatauhan, idineklara ng Nagkakaisang mga Bansa ang 1986 bilang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan,” na may temang “Upang Ipagsanggalang ang Kapayapaan at Kinabukasan ng Sangkatauhan.” Nanawagan ito sa nagdidigmaang mga bansa na ibaba ang kanilang mga sandata, kahit sa loob man lamang ng isang taon. Paano sila tumugon? Ayon sa ulat ng International Peace Research Institute, umabot nang limang milyon katao ang nasawi sa mga digmaan noong 1986 lamang! Bagaman naglabas sila ng pantanging mga salapi at ilang selyo na magsisilbing tagapagpagunita, walang gaanong ginawa ang karamihan sa mga bansa upang itaguyod ang minimithing kapayapaan nang taóng iyon. Gayunman, palibhasa’y laging sabik na magpalapad ng papel sa UN—sinikap ng mga relihiyon ng daigdig na ipangalandakan ang taóng iyon sa iba’t ibang paraan. Noong Enero 1, 1986, pinuri ni Pope John Paul II ang gawain ng UN at inialay ang bagong taóng iyon sa kapayapaan. At noong Oktubre 27, tinipon niya ang mga lider ng marami sa mga relihiyon ng daigdig upang manalangin ukol sa kapayapaan sa Assisi, Italya.
11 Sinasagot ba ng Diyos ang ganitong mga panalangin ukol sa kapayapaan? Buweno, sinong Diyos ang dinalanginan ng mga relihiyosong lider na iyon? Kung tatanungin mo sila, magkakaiba ang sagot ng bawat grupo. May kalipunan ba ng milyun-milyong diyos na makikinig at tutugon sa mga pagsusumamong ginagawa sa maraming iba’t ibang paraan? Marami sa mga nakibahagi roon ay sumasamba sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan.c Ang mga Budista, Hindu, at ang iba pa ay umusal ng mga panalangin sa di-mabilang na mga diyos. Lahat-lahat, 12 “pamilya ng relihiyon” ang nagtipon, na kinakatawan ng mga dignitaryong gaya ng Anglikanong Arsobispo ng Canterbury, Dalai Lama ng Budismo, obispong Ruso Ortodokso, pangulo ng Shinto Shrine Association ng Tokyo, mga Aprikanong animista, at dalawang Amerikanong Indian na napuputungan ng plumahe. Kung sa bagay, makulay na grupo sila na napakagandang panoorin sa TV. Isang grupo ang nanalangin nang walang patid sa loob ng 12 oras. (Ihambing ang Lucas 20:45-47.) Subalit isa man kaya sa mga panalanging iyon ay nakatagos sa mga alapaap na lumalambong sa pagtitipong iyon? Wala, salig sa sumusunod na mga dahilan:
12. Sa anu-anong dahilan hindi sinasagot ng Diyos ang panalangin ng mga lider ng relihiyon sa daigdig ukol sa kapayapaan?
12 Di-tulad ng mga ‘lumalakad sa pangalan ni Jehova,’ wala ni isa man sa mga relihiyonistang iyon ang nanalangin kay Jehova, ang buháy na Diyos, na ang pangalan ay mahigit 7,000 ulit na lumilitaw sa orihinal na teksto ng Bibliya. (Mikas 4:5; Isaias 42:8, 12)d Bilang isang grupo, hindi sila lumapit sa Diyos sa pangalan ni Jesus, yamang karamihan sa kanila ay hindi man lamang naniniwala kay Jesu-Kristo. (Juan 14:13; 15:16) Wala ni isa man sa kanila ang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa ating panahon, samakatuwid nga, ang ihayag sa buong daigdig na ang dumarating na Kaharian ng Diyos—hindi ang UN—ang tunay na pag-asa ng sangkatauhan. (Mateo 7:21-23; 24:14; Marcos 13:10) Sa kalakhang bahagi, ang kanilang relihiyosong mga organisasyon ay napasangkot sa madudugong digmaan sa kasaysayan, pati na sa dalawang digmaang pandaigdig ng ika-20 siglo. Sinasabi ng Diyos sa mga ito: “Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.”—Isaias 1:15; 59:1-3.
13. (a) Bakit kapansin-pansin na nakikipagbalikatan sa UN sa panawagan ukol sa kapayapaan ang mga lider ng relihiyon sa daigdig? (b) Ang mga sigaw ukol sa kapayapaan ay magwawakas sa anong kasukdulan na inihula ng Diyos?
13 Bukod dito, lubhang kapansin-pansin na sa panahong ito, nakikipagbalikatan sa Nagkakaisang mga Bansa ang mga lider ng relihiyon sa daigdig upang manawagan ukol sa kapayapaan. Nais nilang impluwensiyahan ang UN ukol sa sarili nilang kapakinabangan, lalung-lalo na sa makabagong panahong ito kung kailan marami sa kanilang mga sakop ang tumatalikod na sa relihiyon. Gaya ng di-tapat na mga lider ng sinaunang Israel, sumisigaw sila, “‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.” (Jeremias 6:14) Tiyak na magpapatuloy ang kanilang mga pagsigaw ukol sa kapayapaan, at lalo pa itong sisidhi pagsapit ng kasukdulan na inihula ni apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
14. Sa anong paraan maaaring isigaw ang “Kapayapaan at katiwasayan!,” at paano maiiwasan ng isa na mailigaw nito?
14 Nitong nakaraang mga taon, ginagamit ng mga pulitiko ang pariralang “kapayapaan at katiwasayan” upang ilarawan ang iba’t ibang adhikain ng tao. Ang mga pagsisikap bang ito ng mga lider ng sanlibutan ang pasimula ng katuparan ng 1 Tesalonica 5:3? O ang tinutukoy kaya ni Pablo ay isa lamang espesipiko at lubhang madulang pangyayari na tatawag sa pansin ng buong daigdig? Yamang madalas na nauunawaan lamang nang lubusan ang mga hula sa Bibliya pagkatapos matupad o habang natutupad ang mga ito, kailangan tayong maghintay upang maunawaan ang mga ito. Samantala, batid ng mga Kristiyano na anumang kapayapaan o katiwasayan ang waring nakakamit ng mga bansa, wala pa rin talagang nagbabago. Nariyan pa rin ang kasakiman, pagkakapootan, krimen, pagkasira ng pamilya, imoralidad, pagkakasakit, dalamhati, at kamatayan. Kaya kung mananatili kang gising sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig at pakikinggan mo ang makahulang mga babala sa Salita ng Diyos, hindi ka maililigaw ng anumang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan.”—Marcos 13:32-37; Lucas 21:34-36.
[Mga talababa]
a Namatay si J. F. Rutherford noong Enero 8, 1942, at humalili sa kaniya bilang pangulo ng Samahang Watch Tower si N. H. Knorr.
b Noong Nobyembre 20, 1940, lumagda ang Alemanya, Italya, Hapon, at Hungary upang bumuo ng isang “bagong Liga ng mga Bansa,” at apat na araw pagkaraan nito, isinahimpapawid naman ng Vatican ang isang Misa at panalangin ukol sa relihiyosong kapayapaan at ukol sa isang bagong kaayusan ng mga bagay. Hindi kailanman nabuo ang “bagong Liga” na iyon.
c Ang konsepto ng Trinidad ay nag-ugat sa sinaunang Babilonya, kung saan ang diyos-araw na si Shamash, ang diyos-buwan na si Sin, at ang diyos-bituin na si Ishtar ay sinamba bilang tatluhang diyos. Ginaya ng Ehipto ang parisang ito, at sumamba kina Osiris, Isis, at Horus. Ang pangunahing diyos ng Asirya na si Asur ay inilalarawan na may tatlong ulo. Gaya ng mga ito, masusumpungan sa mga simbahang Katoliko ang mga imahen na naglalarawan sa Diyos na may tatlong ulo.
d Binibigyang-katuturan ng Webster’s Third New International Dictionary, edisyon ng 1993, ang Diyos na Jehova bilang “isang kataas-taasang bathala na kinikilala at ang tanging bathalang sinasamba ng mga Saksi ni Jehova.”
[Kahon sa pahina 250]
Balintunang “Kapayapaan”
Bagaman idineklara ng UN ang 1986 bilang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan, tumindi ang mapanganib na pagpapaligsahan sa armas. Narito ang nakalulungkot na mga detalyeng binanggit sa World Military and Social Expenditures 1986:
Noong 1986, ang pandaigdig na gastusing pangmilitar ay umabot sa $900 bilyon.
Ang gastusing pangmilitar ng daigdig sa loob ng isang oras ay sapat na sana upang mabakunahan ang 3.5 milyon na namamatay bawat taon dahil sa nakahahawang sakit na maaaring maiwasan.
Sa buong daigdig, 1 sa bawat 5 katao ang nabubuhay sa matinding karalitaan. Ang lahat ng mga taong ito na nagugutom ay mapakakain sana sa loob ng isang taon sa halagang katumbas ng ginugugol ng daigdig sa mga sandata sa loob lamang ng dalawang araw.
Ang lakas ng pagsabog ng nakaimbak na sandatang nuklear sa daigdig ay 160,000,000 beses na mas matindi kaysa sa pagsabog na naganap sa Chernobyl.
Ang lakas ng pagsabog ng isang bombang nuklear ay 500 beses na mas matindi kaysa sa bombang inihulog sa Hiroshima noong 1945.
Ang nuklear na mga arsenal ay makapagpapasabog ng mahigit isang milyong Hiroshima. Ang lakas ng pagsabog ng mga ito ay 2,700 beses na mas matindi kaysa sa ginamit noong Digmaang Pandaigdig II, kung saan 38 milyon katao ang namatay.
Lalong dumalas at higit na naging mapamuksa ang mga digmaan. Ang mga namatay sa digmaan ay umabot sa 4.4 milyon noong ika-18 siglo, 8.3 milyon noong ika-19 na siglo, 98.8 milyon sa unang 86 na taon ng ika-20 siglo. Mula noong ika-18 siglo, bumilis nang mahigit anim na beses ang pagdami ng bilang ng mga namamatay sa digmaan kaysa sa paglago ng populasyon ng daigdig. Noong ika-20 siglo, mas marami nang sampung beses ang mga namamatay sa bawat digmaan kaysa noong ika-19 na siglo.
[Mga larawan sa pahina 247]
Gaya ng inihula tungkol sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop, ang Liga ng mga Bansa ay naibulid sa kalaliman noong Digmaang Pandaigdig II subalit bumangong muli bilang Nagkakaisang mga Bansa
[Mga larawan sa pahina 249]
Bilang pagsuporta sa “Taon ng Kapayapaan” ng UN, ang mga kinatawan ng mga relihiyon sa daigdig na nagtipon sa Assisi, Italya, ay naghandog ng nakalilitong mga panalangin, subalit walang isa man sa kanila ang nanalangin sa buháy na Diyos, si Jehova