Kabanata 36
Nawasak ang Dakilang Lunsod
Pangitain 12—Apocalipsis 18:1–19:10
Paksa: Ang pagbagsak at pagkapuksa ng Babilonyang Dakila; ipinatatalastas ang kasal ng Kordero
Panahon ng katuparan: Mula 1919 hanggang sa matapos ang malaking kapighatian
1. Ano ang magiging hudyat ng pagsisimula ng malaking kapighatian?
BIGLANG-BIGLA, nakagigitla, mapangwasak—ganito ang magiging wakas ng Babilonyang Dakila! Isa ito sa magiging pinakakapaha-pahamak na pangyayari sa buong kasaysayan, at magiging hudyat ng pagsisimula ng “malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”—Mateo 24:21.
2. Bagaman nagsibangon at nagsibagsak ang pulitikal na mga imperyo, anong uri ng imperyo ang nananatili?
2 Matagal na ring naririto ang huwad na relihiyon. Umiiral na ito mula pa noong panahon ng uhaw-sa-dugong si Nimrod, na sumalansang kay Jehova at nag-udyok sa mga tao na magtayo ng Tore ng Babel. Nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga rebeldeng iyon at pangalatin sila sa buong lupa, dala-dala nila ang huwad na relihiyon ng Babilonya. (Genesis 10:8-10; 11:4-9) Mula noon, nagsibangon at nagsibagsak ang pulitikal na mga imperyo, subalit nanatili ang maka-Babilonyang relihiyon. Nagkaroon ito ng iba’t ibang anyo, hanggang sa maging isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang inihulang Babilonyang Dakila. Ang pinakaprominenteng bahagi nito ay ang Sangkakristiyanuhan, na naitatag dahil sa pagsasanib ng sinaunang maka-Babilonyang mga turo at ng apostatang doktrinang “Kristiyano.” Dahil sa napakahabang kasaysayan ng Babilonyang Dakila, maraming tao ang hindi makapaniwalang mawawasak ito.
3. Paano tinitiyak ng Apocalipsis ang kapahamakan ng huwad na relihiyon?
3 Angkop lamang kung gayon na tiyakin ng Apocalipsis ang kapahamakan ng huwad na relihiyon sa pamamagitan ng paglalaan sa atin ng dalawang detalyadong paglalarawan hinggil sa kaniyang pagbagsak at sa kasunod na mga pangyayari na hahantong sa kaniyang lubusang pagkawasak. Nakita na natin siya bilang ang “dakilang patutot” na sa wakas ay winasak ng kaniyang dating mga kalaguyo sa larangan ng pulitika. (Apocalipsis 17:1, 15, 16) Ngayon, sa isa pang karagdagang pangitain, mamamasdan natin siya bilang isang lunsod, ang relihiyosong antitipo ng sinaunang Babilonya.
Nabuwal ang Babilonyang Dakila
4. (a) Anong pangitain ang sumunod na nakikita ni Juan? (b) Paano natin makikilala ang anghel, at bakit angkop na siya ang magpatalastas hinggil sa pagbagsak ng Babilonyang Dakila?
4 Ipinagpapatuloy ni Juan ang ulat, sa pagsasabi sa atin: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakakita ako ng isa pang anghel na bumababa mula sa langit, na may malaking awtoridad; at nagliwanag ang lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian. At sumigaw siya sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na.’” (Apocalipsis 18:1, 2a) Ito ang ikalawang pagkakataon na narinig ni Juan ang patalastas na ito ng anghel. (Tingnan ang Apocalipsis 14:8.) Ngunit sa pagkakataong ito, naidiin ang kahalagahan nito dahil sa karingalan ng makalangit na anghel, sapagkat nagliliwanag ang buong lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian! Sino kaya siya? Maraming siglo bago nito, noong nag-uulat si propeta Ezekiel hinggil sa isang makalangit na pangitain, sinabi niya na “ang lupa mismo ay nagliwanag dahil sa kaniyang [kay Jehova] kaluwalhatian.” (Ezekiel 43:2) Ang tanging anghel na maaaring magningning sa kaluwalhatian gaya ni Jehova ay ang Panginoong Jesus, na siyang ‘sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’ (Hebreo 1:3) Noong 1914, naging makalangit na Hari si Jesus, at mula noon, ginagamit na niya ang kaniyang awtoridad sa lupa bilang kasamang Hari at Hukom na itinalaga ni Jehova. Kaya nga angkop lamang na siya ang maghayag ng pagbagsak ng Babilonyang Dakila.
5. (a) Sino ang ginagamit ng anghel upang ibalita ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila? (b) Nang magsimula ang paghatol sa mga nag-aangking kabilang sa “bahay ng Diyos,” ano ang nangyari sa Sangkakristiyanuhan?
5 Sino ang ginagamit ng anghel na may malaking awtoridad upang ihayag ang ganitong kagila-gilalas na balita sa sangkatauhan? Aba, ang mismong mga tao na napalaya dahil sa pagbagsak na iyon, ang mga pinahirang nalabi sa lupa, ang uring Juan. Mula noong 1914 hanggang 1918, naghirap sila nang husto sa kamay ng Babilonyang Dakila, subalit noong 1918, ang Panginoong Jehova at ang kaniyang “mensahero ng [Abrahamikong] tipan,” si Jesu-Kristo, ay nagsimulang humatol sa “bahay ng Diyos,” ang nag-aangking mga Kristiyano. Kaya nilitis ang apostatang Sangkakristiyanuhan. (Malakias 3:1; 1 Pedro 4:17) Ang kaniyang malaking pagkakasala sa dugo noong unang digmaang pandaigdig, ang pakikipagsabuwatan niya sa pag-uusig sa tapat na mga saksi ni Jehova, at ang kaniyang maka-Babilonyang mga turo ay hindi nakatulong sa kaniya sa panahon ng paghatol; ni nagkamit man ng pagsang-ayon ng Diyos ang alinmang ibang bahagi ng Babilonyang Dakila.—Ihambing ang Isaias 13:1-9.
6. Bakit masasabing bumagsak na noong 1919 ang Babilonyang Dakila?
6 Kaya pagsapit ng 1919, bumagsak na ang Babilonyang Dakila, at sa loob ng isang araw, wika nga, nabuksan ang daan upang ang bayan ng Diyos ay makalaya at maisauli sa kanilang lupain ng espirituwal na kasaganaan. (Isaias 66:8) Nang taóng iyon, minaniobra na ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo ang mga bagay-bagay, bilang ang Lalong-Dakilang Dario at ang Lalong-Dakilang Ciro, upang hindi na masupil pa ng huwad na relihiyon ang bayan ni Jehova. Hindi na sila ngayon mapigilan nito sa paglilingkod kay Jehova at sa pagbabalita sa sinumang makikinig na ang tulad-patutot na Babilonyang Dakila ay nahatulan na at ang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova ay malapit na!—Isaias 45:1-4; Daniel 5:30, 31.
7. (a) Bagaman hindi nawasak ang Babilonyang Dakila noong 1919, paano siya minalas ni Jehova? (b) Nang bumagsak ang Babilonyang Dakila noong 1919, ano ang ibinunga nito sa bayan ni Jehova?
7 Totoo, hindi nawasak ang Babilonyang Dakila noong 1919—kung paanong hindi nawasak ang sinaunang lunsod ng Babilonya noong 539 B.C.E., nang magapi ito ng mga hukbo ni Ciro na Persiano. Subalit sa pangmalas ni Jehova, bumagsak na ang organisasyong iyon. Nahatulan na siya at malapit nang ilapat ang hatol sa kaniya; kaya hindi na bihag pa ng huwad na relihiyon ang bayan ni Jehova. (Ihambing ang Lucas 9:59, 60.) Pinalaya ang mga ito upang maglingkod bilang tapat at maingat na alipin ng Panginoon at maglaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Tumanggap sila ng hatol na “Mahusay” at inatasan na maging abalang muli sa gawain ni Jehova.—Mateo 24:45-47; 25:21, 23; Gawa 1:8.
8. Anong pangyayari ang ipinahahayag ng bantay sa Isaias 21:8, 9, at kanino ngayon lumalarawan ang bantay na iyon?
8 Libu-libong taon na ang nakalilipas, gumamit si Jehova ng iba pang propeta upang ihula ang makasaysayang pangyayaring ito. Bumanggit si Isaias hinggil sa isang bantay na “sumigaw na parang leon: ‘Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo kung araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi.’” At anong pangyayari ang nauunawaan ng bantay at ipinahahayag niya nang may tulad-leong katapangan? Ito: “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at ang lahat ng mga nililok na imahen ng kaniyang mga diyos ay binasag na niya [ni Jehova] sa lupa!” (Isaias 21:8, 9) Ang bantay na ito ay angkop na lumalarawan sa gising na gising na uring Juan sa ngayon, samantalang ginagamit nito ang magasing Bantayan at iba pang teokratikong publikasyon upang malawakang ibalita na bumagsak na ang Babilonya.
Paghina ng Babilonyang Dakila
9, 10. (a) Paano humina ang impluwensiya ng maka-Babilonyang relihiyon mula noong Digmaang Pandaigdig I? (b) Paano inilalarawan ng makapangyarihang anghel ang bumagsak na kalagayan ng Babilonyang Dakila?
9 Ang pagbagsak ng sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E. ang pasimula ng unti-unting paghina nito na humantong sa kaniyang pagkawasak. Sa katulad na paraan, mula noong unang digmaang pandaigdig, kapansin-pansin ang paghina ng impluwensiya ng maka-Babilonyang relihiyon sa buong daigdig. Sa Hapon, ipinagbawal ang pagsamba sa emperador sa relihiyong Shinto pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa Tsina, kontrolado ng pamahalaang Komunista ang lahat ng relihiyosong paghirang at gawain. Sa Protestanteng hilagang Europa, ang karamihan sa mga tao ay wala nang interes sa relihiyon. At kamakailan lamang, humina ang Simbahang Romano Katoliko dahil sa mga pagkakabaha-bahagi at di-pagkakasundo sa gitna mismo ng kanilang nasasakupan sa buong daigdig.—Ihambing ang Marcos 3:24-26.
10 Ang lahat ng pangyayaring ito ay walang-pagsalang bahagi ng ‘pagkatuyo ng ilog ng Eufrates’ bilang paghahanda sa dumarating na pagsalakay ng militar sa Babilonyang Dakila. Maaaninaw rin ang ‘pagkatuyong’ ito sa patalastas ng papa noong Oktubre 1986 na ang simbahan ay tiyak na “mamumulubing muli”—dahil sa napakalaking pagkakautang nito. (Apocalipsis 16:12) Partikular na mula noong 1919, ang Babilonyang Dakila ay nalantad sa paningin ng madla bilang isang espirituwal na ilang, gaya ng ipinatatalastas ngayon ng makapangyarihang anghel: “At siya ay naging tahanang dako ng mga demonyo at kublihang dako ng bawat maruming hininga at kublihang dako ng bawat marumi at kinapopootang ibon!” (Apocalipsis 18:2b) Malapit na siyang maging literal na ilang, wasak gaya ng mga kagibaan ng Babilonya sa makabagong Iraq.—Tingnan din ang Jeremias 50:25-28.
11. Sa anong diwa naging “tahanang dako ng mga demonyo” at ‘kublihang dako ng bawat maruming hininga at ng maruruming ibon’ ang Babilonyang Dakila?
11 Ang salitang “demonyo” na ginagamit dito ay malamang na nakakatulad ng salitang “hugis-kambing na mga demonyo” (se‘i·rimʹ) na masusumpungan sa paglalarawan ni Isaias hinggil sa bumagsak na Babilonya: “At doon ay tiyak na hihiga ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig, at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga kuwagong agila. At doon tatahan ang mga avestruz, at ang hugis-kambing na mga demonyo ay magpapaluksu-lukso roon.” (Isaias 13:21) Maaaring hindi ito tumutukoy sa literal na mga demonyo kundi sa mabalahibong mga hayop na naninirahan sa disyerto at mukhang mga demonyo sa tingin ng mga nagmamasid. Sa mga kagibaan ng Babilonyang Dakila, ang makasagisag na pag-iral ng ganitong mga hayop, pati na ng mabaho at nakalalasong hangin (“maruming hininga”) at ng maruruming ibon ay lumalarawan sa kaniyang patay na kalagayan sa espirituwal. Wala siyang maibibigay na anumang pag-asang buhay para sa sangkatauhan.—Ihambing ang Efeso 2:1, 2.
12. Paano nakakatulad ng hula ni Jeremias sa kabanata 50 ang kalagayan ng Babilonyang Dakila?
12 Ang kalagayan niya ay katulad na katulad ng hula ni Jeremias: “‘May tabak laban sa mga Caldeo,’ ang sabi ni Jehova, ‘at laban sa mga tumatahan sa Babilonya at laban sa kaniyang mga prinsipe at laban sa kaniyang marurunong. . . . Isang kagibaan ang sumasakaniyang tubig, at ito ay tutuyuin. Sapagkat iyon ay lupain ng mga nililok na imahen, at dahil sa kanilang nakatatakot na mga pangitain ay gumagawi sila na parang baliw. Kaya ang mga namamalagi sa mga pook na walang tubig ay tatahang kasama ng mga hayop na nagpapalahaw, at tatahanan siya ng mga avestruz; at hindi na siya kailanman tatahanan, ni mananahanan man siya sa sali’t salinlahi.’” Ang idolatriya at pag-usal ng paulit-ulit na mga panalangin ay hindi makapagliligtas sa Babilonyang Dakila mula sa paghihiganti na kahalintulad ng pagpapabagsak ng Diyos sa Sodoma at Gomorra.—Jeremias 50:35-40.
Alak ng Galit
13. (a) Paano itinatawag-pansin ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila? (b) Anong imoralidad na laganap noon sa sinaunang Babilonya ang masusumpungan din sa Babilonyang Dakila?
13 Itinatawag-pansin naman ngayon ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila, sa pagsasabing: “Sapagkat dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapida ang lahat ng mga bansa ay bumagsak, at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya, at ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang walang-kahihiyang karangyaan.” (Apocalipsis 18:3) Tinuruan niya ang lahat ng bansa ng kaniyang maruruming relihiyosong gawain. Sa sinaunang Babilonya, ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus, bawat babae ay obligadong magpatutot sa pagsamba sa templo minsan sa kaniyang buhay. Ang nakasusuklam na seksuwal na imoralidad ay makikita hanggang sa mga panahong ito sa mga rebultong napinsala ng digmaan sa Angkor Wat sa Kampuchea at sa mga templo sa Khajuraho, India, kung saan ang diyos ng Hindu na si Vishnu ay makikitang napaliligiran ng nakaririmarim at mahahalay na tagpo. Sa Estados Unidos, ang pagbubunyag sa imoralidad na yumanig sa mga ebanghelisador sa TV noong 1987, at muli noong 1988, pati na ang paglalantad sa laganap na homoseksuwalidad ng mga ministro ng relihiyon, ay nagpapakita na kinukunsinti maging ng Sangkakristiyanuhan ang nakagigimbal at labis-labis na literal na pakikiapid. Subalit nabiktima ng isa pang mas malubhang uri ng pakikiapid ang lahat ng bansa.
14-16. (a) Anong bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika ang nabuo sa Pasistang Italya? (b) Nang salakayin ng Italya ang Abyssinia, ano ang sinabi ng mga obispo ng Simbahang Romano Katoliko?
14 Narepaso na natin ang bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika na mabilis na nagluklok kay Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya sa ilalim ng Nazi. Nagdusa rin ang iba pang bansa dahil sa pakikialam ng relihiyon sa sekular na mga gawain. Halimbawa: Sa Pasistang Italya, nilagdaan nina Mussolini at Kardinal Gasparri noong Pebrero 11, 1929 ang Lateran Treaty upang maging soberanong estado ang Vatican City. Inangkin ni Pope Pius XI na kaniya nang “isinauli ang Italya sa Diyos, at ang Diyos naman sa Italya.” Gayon nga ba? Isaalang-alang ang nangyari pagkaraan ng anim na taon. Noong Oktubre 3, 1935, sinalakay ng Italya ang Abyssinia, anupat sinasabing “lupain [iyon] ng mga barbaro na nagpapahintulot pa rin sa pang-aalipin.” Sino ba talaga ang gumawing tulad ng barbaro? Kinondena ba ng Simbahang Katoliko ang pagiging barbaro ni Mussolini? Hindi malinaw ang mga komento ng papa, subalit tahasan naman ang kaniyang mga obispo sa pagbasbas sa hukbong sandatahan ng kanilang Italyanong “bayang-tinubuan.” Sa aklat na The Vatican in the Age of the Dictators, ganito ang iniulat ni Anthony Rhodes:
15 “Sa kaniyang Liham-Pastoral noong ika-19 ng Oktubre [1935], sumulat ang Obispo ng Udine [Italya], ‘Hindi napapanahon at hindi naaangkop para sa atin na sabihin kung ano ang tama at mali sa kasong ito. Ang tungkulin natin bilang mga Italyano, at lalo’t higit bilang mga Kristiyano ay tumulong sa ikatatagumpay ng ating hukbo.’ Ganito ang isinulat ng Obispo ng Padua noong ika-21 ng Oktubre, ‘Sa mga oras na ito ng kagipitan na pinagdaraanan natin, nananawagan kami sa inyo na manampalataya sa ating mga estadista at hukbong sandatahan.’ Noong ika-24 ng Oktubre, binasbasan ng Obispo ng Cremona ang mga watawat ng rehimyento at nagsabi: ‘Pagpalain nawa ng Diyos ang mga kawal na ito na, sa lupain ng Aprika, ay sasakop sa bago at mabungang lupain para sa mga henyo ng Italya, upang dalhin sa mga ito ang kulturang Romano at Kristiyano. Muli nawang manaig ang Italya bilang gurong Kristiyano para sa buong daigdig.’”
16 Sa basbas ng Romano Katolikong klero, winasak ang Abyssinia. Masasabi ba ng mga ito sa paanuman na gaya sila ni apostol Pablo na “malinis sa dugo ng lahat ng tao”?—Gawa 20:26.
17. Paano nagdusa ang Espanya dahil sa pagkabigo ng kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’?
17 Bukod sa Alemanya, Italya, at Abyssinia, isa pang bansa ang naging biktima ng pakikiapid ng Babilonyang Dakila—ang Espanya. Isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng Gera Sibil noong 1936-39 sa lupaing ito ay ang mga hakbang na ginawa ng demokratikong pamahalaan upang bawasan ang napakalaking kapangyarihan ng Simbahang Romano Katoliko. Habang nagpapatuloy ang digmaan, tinawag ni Franco, lider ng rebolusyonaryong hukbo ng Katolikong Pasista, ang kaniyang sarili bilang “Kristiyanong Punong Kumandante ng Banal na Krusada,” isang titulo na binitiwan niya nang maglaon. Daan-daang libong Kastila ang namatay sa labanan. Bukod dito, ayon sa isang katamtamang pagtaya, ang mga Nasyonalista ni Franco ay pumatay ng 40,000 miyembro ng Popular Front, samantalang ang huling nabanggit ay pumatay naman ng 8,000 klerigo—mga monghe, pari, madre, at mga nobisya. Gayon na lamang ang naging lagim at trahedya ng gera sibil, anupat naidiin na isang katalinuhang makinig sa mga salita ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Nakasusuklam nga na nasangkot ang Sangkakristiyanuhan sa gayong lansakang pagbububo ng dugo! Talagang bigo ang kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’!—Isaias 2:4.
Ang mga Naglalakbay na Mangangalakal
18. Sino ang “mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa”?
18 Sino ang “mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa”? Walang alinlangan na tinatawag natin sila ngayong mga negosyante, mga higante ng komersiyo, mga tusong mamumuhunan sa malalaking negosyo. Hindi ibig sabihin nito na maling masangkot sa legal na negosyo. Ang Bibliya ay naglalaan ng matalinong payo para sa mga negosyante, at nagbababala laban sa pandaraya, kasakiman, at mga tulad nito. (Kawikaan 11:1; Zacarias 7:9, 10; Santiago 5:1-5) May higit na kapakinabangan sa “makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili.” (1 Timoteo 6:6, 17-19) Gayunman, hindi sumusunod sa matuwid na mga simulain ang sanlibutan ni Satanas. Laganap ang katiwalian. Masusumpungan ito sa relihiyon, sa pulitika—at sa malalaking negosyo. Sa pana-panahon, inilalantad ng media ang mga iskandalo, gaya ng pangungurakot ng matataas na opisyal ng gobyerno at ilegal na kalakalan ng mga armas.
19. Anong katotohanan tungkol sa ekonomiya ng daigdig ang nagpapakita kung bakit negatibo ang paglalarawan ng Apocalipsis sa mga mangangalakal sa lupa?
19 Ang internasyonal na kalakalan ng armas ay humigit na sa $1,000,000,000,000 bawat taon, samantalang daan-daang milyon katao ang napagkakaitan ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Talagang nakapanlulumo. Pero lumilitaw na isang pangunahing sandigan ng ekonomiya ng daigdig ang mga sandata. Noong Abril 11, 1987, ganito ang iniulat ng isang artikulo sa Spectator ng London: “Kung ang bibilangin lamang ay ang mga industriyang tuwirang nauugnay rito, nasasangkot ang humigit-kumulang 400,000 trabaho sa [Estados Unidos] at 750,000 naman sa Europa. Subalit ang nakapagtataka, habang lumalaki ang papel ng paggawa ng mga armas sa lipunan at ekonomiya, naipagwawalang-bahala naman ang aktuwal na isyu kung sapat bang napoprotektahan ang mga tagagawa ng sandata.” Malaki ang kinikita kapag ikinakalakal ang mga bomba at iba pang sandata sa iba’t ibang panig ng lupa, maging sa potensiyal na mga kaaway. Balang-araw, baka ang mga bomba ring iyon ang tumupok at pumuksa sa mga nagbebenta nito. Kaylaking kabalintunaan! Nariyan din ang katiwalian sa industriya ng armas. Sa Estados Unidos lamang, ayon sa Spectator, “hindi maipaliwanag kung bakit nalulugi taun-taon ng $900-milyong halaga ng armas at kagamitan ang Pentagon.” Hindi kataka-takang negatibo ang paglalarawan ng Apocalipsis sa mga mangangalakal sa lupa!
20. Anong halimbawa ang nagpapakita na sangkot ang relihiyon sa tiwaling mga gawain sa negosyo?
20 Gaya ng inihula ng maluwalhating anghel, lubhang nasangkot sa gayong tiwaling mga gawain sa negosyo ang relihiyon. Halimbawa, nariyan ang pagkakasangkot ng Vatican sa pagbagsak ng Banco Ambrosiano ng Italya noong 1982. Nagpatuloy ang kaso sa loob ng dekada ng 1980, at hindi pa rin nasasagot ang katanungang ito: Saan napunta ang pera? Noong Pebrero 1987, ang mga mahistrado sa Milan ay nagpalabas ng mga mandamiyento de aresto para sa tatlong klerigo ng Vatican, kasama na ang isang arsobispong Amerikano, sa paratang na mga kasabuwat sila sa maanomalyang pagkabangkarote, subalit hindi pumayag ang Vatican sa kahilingan ukol sa ekstradisyon. Noong Hulyo 1987, sa kabila ng maingay na pagpoprotesta, ang mga mandamiyento ay pinawalang-bisa ng pinakamataas na Korte ng mga Apelasyon sa Italya batay sa isang matagal nang tratado sa pagitan ng Vatican at ng pamahalaan ng Italya.
21. Paano natin nalaman na hindi nasangkot si Jesus sa kuwestiyunableng mga gawain sa negosyo noong kaniyang panahon, subalit ano ang nakikita natin ngayon sa maka-Babilonyang relihiyon?
21 Nasangkot ba si Jesus sa kuwestiyunableng mga gawain sa negosyo noong panahon niya? Hindi. Wala siyang anumang ari-arian, sapagkat ‘wala nga siyang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.’ Pinayuhan ni Jesus ang isang mayaman at kabataang tagapamahala: “Ipagbili mo ang lahat ng mga bagay na taglay mo at ipamahagi mo sa mga taong dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at halika maging tagasunod kita.” Napakainam na payo ito, sapagkat wala na siyang magiging mga kabalisahan sa pagnenegosyo kung gagawin niya ito. (Lucas 9:58; 18:22) Sa kabaligtaran, madalas na may kuwestiyunableng mga koneksiyon sa malalaking negosyo ang maka-Babilonyang relihiyon. Halimbawa, iniulat ng Albany Times Union noong 1987 na inamin ng pinansiyal na administrador ng Katolikong artsidiyosesis ng Miami, Florida, E.U.A., na ang simbahan ay kasosyo ng mga kompanya na gumagawa ng mga sandatang nuklear, mararahas at malalaswang pelikula, at mga sigarilyo.
“Lumabas Kayo sa Kaniya, Bayan Ko”
22. (a) Ano ang sinasabi ng isang tinig mula sa langit? (b) Bakit nagsaya ang bayan ng Diyos noong 537 B.C.E. at noong 1919 C.E.?
22 Ang susunod na mga pananalita ni Juan ay tumutukoy sa higit pang katuparan ng sunud-sunod na hula: “At narinig ko ang isa pang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.’” (Apocalipsis 18:4) Ang mga hula hinggil sa pagbagsak ng sinaunang Babilonya sa Hebreong Kasulatan ay may kalakip ding utos mula kay Jehova para sa kaniyang bayan: “Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonya.” (Jeremias 50:8, 13) Ang bayan ng Diyos ay hinihimok din ngayon na tumakas yamang nalalapit na ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila. Noong 537 B.C.E., nagsaya nang husto ang tapat na mga Israelita dahil sa pagkakataong makatakas mula sa Babilonya. Sa katulad na paraan, nagsaya ang bayan ng Diyos nang mapalaya sila sa maka-Babilonyang pagkabihag noong 1919. (Apocalipsis 11:11, 12) At mula noon, milyun-milyong iba pa ang tumalima sa utos na tumakas.
23. Paano idiniriin ng tinig mula sa langit ang pagkaapurahan ng pagtakas mula sa Babilonyang Dakila?
23 Talaga bang gayon na lamang kaapurahan ang tumakas mula sa Babilonyang Dakila, tumiwalag sa mga relihiyon ng sanlibutan at lubusang humiwalay rito? Ganoon nga, sapagkat dapat nating isaalang-alang ang pangmalas ng Diyos sa matanda nang relihiyosong dambuhalang ito, ang Babilonyang Dakila. Tahasan niyang tinukoy ito na dakilang patutot. Kaya ngayon, karagdagan pang impormasyon tungkol sa patutot ang ipinababatid kay Juan ng tinig mula sa langit: “Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang walang-katarungang mga gawa. Ibigay ninyo sa kaniya ang gaya rin ng kaniya mismong ibinigay, at gawin ninyo sa kaniya nang makalawang ulit pa, oo, makalawang dami ng mga bagay na ginawa niya; sa kopa na pinaglagyan niya ng halo ay maglagay kayo ng makalawang ulit pa ng halo para sa kaniya. Kung gaano niya niluwalhati ang kaniyang sarili at namuhay sa walang-kahihiyang karangyaan, sa gayunding paraan ay bigyan ninyo siya ng pahirap at pagdadalamhati. Sapagkat sa kaniyang puso ay patuloy niyang sinasabi, ‘Ako ay nakaupong isang reyna, at hindi ako balo, at hindi ko kailanman makikita ang pagdadalamhati.’ Iyan ang dahilan kung bakit sa isang araw ay darating ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 18:5-8.
24. (a) Dapat tumakas ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila upang maiwasan ang ano? (b) Ang mga hindi tatakas mula sa Babilonyang Dakila ay mapaparamay sa kaniya sa anong mga kasalanan?
24 Napakatinding pananalita! Kaya kailangan ang pagkilos. Hinimok ni Jeremias ang mga Israelita noong kaniyang panahon na kumilos, at nagsabi: “Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonya, . . . sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ni Jehova. Mayroon siyang pakikitungo na iginaganti rito. Lumabas kayo mula sa gitna niya, O bayan ko, at bawat isa ay maglaan ng pagtakas para sa kaniyang kaluluwa mula sa nag-aapoy na galit ni Jehova.” (Jeremias 51:6, 45) Sa katulad na paraan, ang tinig mula sa langit ay nagbababala ngayon sa bayan ng Diyos na tumakas mula sa Babilonyang Dakila upang huwag tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Ipinahahayag na ngayon ang tulad-salot na mga kahatulan ni Jehova laban sa sanlibutang ito, kasali na ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 8:1–9:21; 16:1-21) Dapat ihiwalay ng bayan ng Diyos ang kanilang sarili mula sa huwad na relihiyon kung hindi nila gustong danasin ang mga salot na ito at mamatay na kasama niya sa dakong huli. Bukod dito, kung mananatili sila sa loob ng organisasyong iyon, mapaparamay sila sa kaniyang mga kasalanan. Gaya niya, magkakasala rin sila ng espirituwal na pangangalunya at pagbububo ng dugo “ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.”—Apocalipsis 18:24; ihambing ang Efeso 5:11; 1 Timoteo 5:22.
25. Sa anu-anong paraan lumabas ang bayan ng Diyos mula sa sinaunang Babilonya?
25 Gayunman, paano nga ba makalalabas ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila? Sa kalagayan ng sinaunang Babilonya, kinailangang aktuwal na maglakbay ang mga Judio mula sa lunsod ng Babilonya pabalik sa Lupang Pangako. Subalit hindi lamang iyan. Sa makahulang paraan ay sinabi ni Isaias sa mga Israelita: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya, manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Oo, dapat nilang talikdan ang lahat ng maruruming gawain ng maka-Babilonyang relihiyon na maaaring magparumi sa kanilang pagsamba kay Jehova.
26. Paano sinunod ng mga Kristiyano sa Corinto ang mga salitang ‘Lumabas kayo mula sa kanila at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’?
26 Sinipi ni apostol Pablo ang mga salita ni Isaias nang lumiham siya sa mga taga-Corinto, at nagsabi: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’” Hindi naman kinailangan ng mga Kristiyano sa Corinto na lisanin ang Corinto upang masunod ang utos na ito. Gayunman, kinailangan nilang literal na iwasan ang maruruming templo ng huwad na relihiyon, at ihiwalay rin ang kanilang sarili sa espirituwal na paraan mula sa maruruming gawain ng mga mananambang iyon sa diyus-diyosan. Noong 1919, ang bayan ng Diyos ay nagsimulang tumakas mula sa Babilonyang Dakila sa ganitong paraan, anupat nililinis ang kanilang sarili mula sa anumang natitirang maruruming turo o kaugalian. Kaya makapaglilingkod sila sa kaniya bilang kaniyang dinalisay na bayan.—2 Corinto 6:14-17; 1 Juan 3:3.
27. Anu-ano ang mga pagkakatulad ng paghatol sa sinaunang Babilonya at sa Babilonyang Dakila?
27 Ang pagbagsak at pagkatiwangwang nang maglaon ng sinaunang Babilonya ay parusa sa kaniyang mga kasalanan. “Sapagkat umabot hanggang sa langit ang kaniyang kahatulan.” (Jeremias 51:9) Ang mga kasalanan ng Babilonyang Dakila ay “umabot [din] hanggang sa langit,” anupat umabot na ito sa pansin mismo ni Jehova. Nagkakasala siya ng kawalang-katarungan, idolatriya, imoralidad, paniniil, pagnanakaw, at pagpaslang. Sa isang antas, ang pagbagsak ng sinaunang Babilonya ay kagantihan sa ginawa niya sa templo ni Jehova at sa kaniyang tunay na mga mananamba. (Jeremias 50:8, 14; 51:11, 35, 36) Ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila at ang kaniyang pagkapuksa sa dakong huli ay mga kapahayagan din ng paghihiganti dahil sa ginawa niya sa tunay na mga mananamba sa nakalipas na mga siglo. Ang kaniyang pangwakas na pagkapuksa ay tunay ngang pasimula ng “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.”—Isaias 34:8-10; 61:2; Jeremias 50:28.
28. Ano ang magiging pamantayan ng katarungan ni Jehova para sa Babilonyang Dakila, at bakit?
28 Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kapag ninakawan ng isang Israelita ang kaniyang kababayan, di-kukulanging doble ng ninakaw niya ang ibabalik niya. (Exodo 22:1, 4, 7, 9) Sa dumarating na pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ito rin ang magiging pamantayan ng katarungan ni Jehova. Gagantihan siya nang makalawang ulit sa kaniyang ginawa. Hindi pagpapakitaan ng awa ang Babilonyang Dakila sapagkat hindi rin siya nagpakita ng awa sa kaniyang mga biktima. Pinagsamantalahan niya ang mga tao sa lupa upang tustusan ang kaniyang “walang-kahihiyang karangyaan.” Siya naman ngayon ang magdurusa at magdadalamhati. Inakala ng sinaunang Babilonya na ligtas na ligtas siya, at naghambog: “Hindi ako uupo bilang balo, at hindi ko mararanasan ang pagkawala ng mga anak.” (Isaias 47:8, 9, 11) Inaakala rin ng Babilonyang Dakila na ligtas siya. Subalit ang kaniyang pagkapuksa, na iniutos ni Jehova na “malakas,” ay mabilis na mangyayari, na waring sa “isang araw” lamang!
[Talababa]
a Talababa sa New World Translation Reference Bible.
[Kahon sa pahina 263]
“Ang mga Hari . . . ay Nakiapid sa Kaniya”
Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, bultu-bultong opyo ang ipinupuslit ng mga negosyanteng Europeo tungo sa Tsina. Noong Marso 1839, sinikap sugpuin ng mga opisyal na Tsino ang ilegal na kalakalan at sinamsam ang 20,000 kahon ng drogang ito mula sa mga negosyanteng taga-Britanya. Naging dahilan ito ng igtingan sa pagitan ng Britanya at ng Tsina. Nang sumasamâ na ang ugnayan ng dalawang bansa, hinimok ng ilang misyonerong Protestante ang Britanya na makipagdigma, sa pamamagitan ng ganitong mga pangungusap:
“Ikinagagalak ng aking puso ang mga suliraning ito, sapagkat sa palagay ko’y gagalitin nito ang pamahalaan ng Inglatera, at maaaring alisin na ng Diyos, sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, ang mga hadlang sa pagpasok ng ebanghelyo ni Kristo sa Tsina.”—Henrietta Shuck, misyonerong Southern Baptist.
Nang dakong huli, sumiklab ang digmaan—ang digmaan na kilala ngayon bilang Digmaan ng Opyo. Buong-pusong pinasigla ng mga misyonero ang Britanya sa ganitong mga komento:
“Napipilitan akong muni-munihin ang kasalukuyang takbo ng mga pangyayari hindi lamang bilang isang suliranin na nagsasangkot ng opyo o ng mga taga-Britanya, kundi bilang isang magaling na pamamaraan ng Maykapal na gamitin ang kabalakyutan ng tao upang matupad ang Kaniyang mga layuning magpakita ng awa sa Tsina sa pamamagitan ng pagbutas sa pader na nagbubukod sa kaniya.”—Peter Parker, misyonerong Congregationalist.
Isa pang misyonerong Congregationalist, si Samuel W. Williams, ang nagsabi: “Malinaw na minaniobra ng Diyos ang lahat ng nangyari sa kapansin- pansing paraan, at hindi tayo nag-aalinlangan na Siyang nagsabi na Siya’y dumating upang magdala ng tabak sa lupa ay naririto na nga upang mabilis na lipulin ang Kaniyang mga kaaway at itatag ang Kaniyang sariling kaharian. Magtitiwarik at magtitiwarik Siya hanggang sa mailuklok Niya ang Prinsipe ng Kapayapaan.”
Tungkol sa kakila-kilabot na pagpatay sa mga mamamayang Tsino, isinulat ng misyonerong si J. Lewis Shuck: “Ang ganitong mga eksena ay itinuturing kong . . . tuwirang pamamaraan ng Panginoon upang palisin ang sukal na humahadlang sa pagsulong ng Banal na Katotohanan.”
Idinagdag pa ng misyonerong Congregationalist na si Elijah C. Bridgman: “Malimit gamitin ng Diyos ang kamay na bakal ng kapangyarihang sibil upang ihanda ang daan ukol sa Kaniyang kaharian . . . Ang ahensiyang ginamit sa napakahalagang mga sandaling ito ay ang tao; at ang kapangyarihang umuugit ay mula sa Diyos. Ginamit ng mataas na gobernador ng lahat ng bansa ang Inglatera upang parusahan at payukuin ang Tsina.”—Pagsipi mula sa “Ends and Means,” 1974, sanaysay ni Stuart Creighton Miller na inilathala sa The Missionary Enterprise in China and America (Pananaliksik ng Harvard na inedit ni John K. Fairbank).
[Kahon sa pahina 264]
‘Yumaman ang mga Naglalakbay na Mangangalakal’
“Sa pagitan ng 1929 at ng pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II, ginamit ni [Bernadino] Nogara [pinansiyal na administrador ng Vatican] ang pondo ng Vatican at mga ahente ng Vatican sa iba’t ibang pitak ng ekonomiya ng Italya—partikular na sa planta ng kuryente, komunikasyon sa telepono, pagpapautang at pagbabangko, maliliit na perokaril, at sa paggawa ng mga kagamitang pang-agrikultura, semento, at artipisyal na mga hibla ng tela. Marami sa mga negosyong ito ang kumita nang malaki.
“Sinamsam ni Nogara ang ilang kompanya kasali na ang La Società Italiana della Viscosa, La Supertessile, La Società Meridionale Industrie Tessili, at La Cisaraion. Pinagsanib ni Nogara ang lahat ng ito sa iisang kompanya, na pinanganlan niyang CISA-Viscosa at pinamahala rito si Baron Francesco Maria Oddasso, isa sa lubhang pinagkakatiwalaang hermano sa Vatican, saka niya minaniobra ang pagsasanib ng bagong kompanya sa pinakamalaking pabrika ng tela sa Italya, ang SNIA-Viscosa. Nang maglaon, lumaki nang lumaki ang sosyo ng Vatican sa SNIA-Viscosa, at di-nagtagal ang Vatican na ang namahala rito—at ang patotoo ay ang pagiging bise-presidente nang maglaon ni Baron Oddasso.
“Sa ganitong paraan pinasok ni Nogara ang industriya ng tela. Sapagkat maraming alam na pasikut-sikot si Nogara, pinasok din niya ang ibang industriya sa iba namang paraan. Malamang na mas malaki ang nagawa ng . . . di-makasariling taong ito upang bigyang-buhay ang ekonomiya ng Italya kaysa kaninupamang indibiduwal na negosyante sa kasaysayan ng Italya . . . Hindi lubusang nakamit ni Benito Mussolini ang imperyo na pinangarap niya, subalit natulungan niya ang Vatican at si Bernadino Nogara na makalikha ng naiibang uri ng pamamahala.”—The Vatican Empire, ni Nino Lo Bello, pahina 71-3.
Isa lamang itong halimbawa ng matalik na pagtutulungan ng mga mangangalakal sa lupa at ng Babilonyang Dakila. Hindi kataka- takang magdalamhati ang mga negosyanteng ito kapag nawala na ang kanilang kasosyo sa negosyo!
[Larawan sa pahina 259]
Nang mangalat ang mga tao sa buong lupa, dala-dala nila ang maka-Babilonyang relihiyon
[Mga larawan sa pahina 261]
Gaya ng isang bantay, inihahayag ng uring Juan na bumagsak na ang Babilonya
[Larawan sa pahina 266]
Ang mga kagibaan ng sinaunang Babilonya ay lumalarawan sa nalalapit na pagkawasak ng Babilonyang Dakila