ARALIN 7
Naidiin ang Pangunahing mga Ideya
ANG isang mahusay na tagabasa ay hindi lamang tumitingin sa indibiduwal na pangungusap, ni maging sa parapo na doo’y lumilitaw ito. Kapag siya ay nagbabasa, taglay niya sa isipan ang pangunahing mga ideya ng kabuuang materyal na kaniyang inihaharap. Ito ang nakaiimpluwensiya sa kaniyang ilalagay na pagdiriin.
Kapag hindi nasunod ang prosesong ito, hindi magkakaroon ng mga litaw na punto sa pahayag. Walang anumang maliwanag na maitatampok. Kapag natapos na ang presentasyon, baka maging mahirap na matandaan ang anumang bagay na namumukod-tangi.
Kadalasan ay malaki ang nagagawa ng wastong pagbibigay pansin sa idiniriing pangunahing mga ideya upang mapabuti ang pagbabasa ng isang ulat sa Bibliya. Ang gayong pagdiriin ay magpapangyaring maging mas makabuluhan ang pagbabasa ng mga parapo sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o sa isang pulong ng kongregasyon. At ito’y lalo nang mahalaga kapag nagbibigay ng isang pahayag mula sa isang manuskrito, gaya ng kung minsan ay ginagawa sa ating mga kombensiyon.
Kung Paano Ito Gagawin. Sa paaralan, maaaring atasan ka na bumasa ng isang bahagi sa Bibliya. Ano ang dapat na idiin? Kung may pangunahing ideya o mahalagang pangyayari na pinagbatayan ng materyal na iyong babasahin, magiging angkop na itampok ito.
Kahit na ang bahaging babasahin mo ay isang tula o prosa, kawikaan o salaysay, makikinabang ang iyong tagapakinig kung babasahin mo itong mabuti. (2 Tim. 3:16, 17) Upang magawa ito kailangan mong isaalang-alang kapuwa ang iyong babasahin at ang iyong tagapakinig.
Kung magbabasa ka nang malakas mula sa isang publikasyon sa isang pag-aaral sa Bibliya o sa isang pulong ng kongregasyon, ano ang pangunahing mga ideya na kailangan mong idiin? Ituring ang mga sagot sa nakaimprentang mga tanong sa pag-aaral bilang siyang pangunahing mga ideya. Idiin din ang mga kaisipang nauugnay sa makakapal-na-letrang subtitulo na sa ilalim nito ay lumilitaw ang materyal.
Hindi inirerekomenda na lagi kang gumamit ng manuskrito para sa mga pahayag na ibinibigay sa kongregasyon. Gayunman, sa pana-panahon, ang mga manuskrito ay inilalaan para sa ilang pahayag sa kombensiyon upang ang nagkakaisang mga punto ay maiharap nang magkakatulad sa lahat ng kombensiyon. Upang maidiin ang pangunahing mga ideya sa gayong mga manuskrito, dapat munang maingat na suriin ng tagapagsalita ang materyal. Ano ang pangunahing mga punto? Dapat niyang matukoy ang mga ito. Ang pangunahing mga punto ay hindi basta mga ideya na sa palagay niya ay kapana-panabik. Ito ang mga susing punto na dito umiikot ang materyal. Kung minsan ang isang maikling paglalahad ng isang pangunahing ideya sa manuskrito ay nagpapakilala sa isang salaysay o sa isang argumento. Kadalasan, isang mapuwersang pananalita ang ibinibigay matapos iharap ang suhay na ebidensiya. Kapag natukoy na ang mga susing puntong ito, dapat markahan ng tagapagsalita ang mga ito sa kaniyang manuskrito. Kadalasang iilan lamang ang mga ito, marahil ay hindi hihigit sa apat o lima. Pagkatapos, kailangan siyang mag-insayo sa pagbabasa sa paraang madaling matutukoy ng tagapakinig ang mga ito. Ito ang mga litaw na punto ng pahayag. Kapag ang materyal ay ipinahayag nang may wastong pagdiriin, ang pangunahing mga ideyang ito ay malamang na matatandaan. Iyan ang dapat na maging tunguhin ng tagapagsalita.
May iba’t ibang paraan upang magawa ng isang tagapagsalita ang kinakailangang pagdiriin upang tulungan ang tagapakinig na matukoy ang pangunahing mga punto. Maaari siyang gumamit ng higit na kasiglahan, pagbabago ng bilis, tindi ng damdamin, o angkop na pagkumpas, upang bumanggit ng ilan.