ARALIN 10
Sigla
ANG sigla ay tumutulong upang mabigyan ng buhay ang isang pahayag. Bagaman mahalaga na magkaroon ng nakapagtuturong materyal, ang isang buháy at masiglang paraan ng pagpapahayag ang kailangan upang makuha ang pansin ng tagapakinig. Anuman ang iyong pinagmulang kultura o personalidad, malilinang mo ang sigla.
Magsalita Nang May Damdamin. Sa pakikipag-usap sa isang babaing taga-Samaria, sinabi ni Jesus na yaong mga sumasamba kay Jehova ay dapat na gumawa niyaon “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang kanilang pagsamba ay dapat na maganyak ng mga pusong nagpapahalaga at dapat na maging kasuwato ng katotohanang masusumpungan sa Salita ng Diyos. Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng gayong kalalim na pagpapahalaga, ito ay makikita sa paraan ng kaniyang pagsasalita. May pananabik siyang magsasabi sa iba ng tungkol sa maibiging mga paglalaan ni Jehova. Ang ekspresyon ng kaniyang mukha, ang kaniyang mga kumpas, at ang kaniyang boses ay magpapakita kung ano ang tunay niyang nadarama.
Kung gayon, bakit ang isang tagapagsalita na umiibig kay Jehova at naniniwala sa kaniyang sinasabi ay magkukulang ng sigla kapag nagsasalita? Hindi sapat na siya’y maghanda lamang ng kaniyang sasabihin. Kailangang siya’y magbuhos ng pansin sa kaniyang paksa at damhin ito. Ipagpalagay na siya’y naatasang magsalita hinggil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Kapag ang tagapagsalita ay nagpapahayag, ang kaniyang kaisipan ay kailangang mapuno, hindi lamang ng mga detalye, kundi ng pagpapahalaga sa kahulugan ng hain ni Jesus para sa tagapagsalita mismo at sa kaniyang tagapakinig. Kailangan niyang gunitain ang kaniyang nadamang pasasalamat sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus para sa kamangha-manghang paglalaang ito. Kailangan niyang bulay-bulayin ang dakilang pag-asa sa buhay na binubuksan nito para sa sangkatauhan—walang-hanggang kaligayahan sa sakdal na kalusugan sa isang isinauling paraisong lupa! Kaya kailangang isangkot niya ang kaniyang puso.
Hinggil sa eskribang si Ezra, isang guro sa Israel, ang Bibliya ay nagsasabi na ‘inihanda niya ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon at upang magturo sa Israel.’ (Ezra 7:10) Kung gayundin ang ating gagawin—na inihahanda hindi lamang ang impormasyon kundi ang atin ding mga puso—tayo ay makapagsasalita mula sa puso. Ang gayong taos-pusong kapahayagan ng katotohanan ay malaki ang magagawa upang tulungan ang mga pinagpapahayagan natin na magkaroon ng tunay na pag-ibig sa katotohanan.
Isipin ang Iyong Tagapakinig. Ang isa pang mahalagang salik sa pagpapakita ng sigla ay ang pagkakaroon ng kombiksiyon na kailangang marinig ng iyong tagapakinig ang iyong sasabihin. Ito’y nangangahulugan na kapag naghahanda ka ng iyong presentasyon, hindi ka lamang kailangang maghanda ng kapaki-pakinabang na materyal kundi dapat ka ring manalangin kay Jehova para sa kaniyang patnubay sa paggamit nito upang makinabang ang mga pagpapahayagan mo. (Awit 32:8; Mat. 7:7, 8) Suriing mabuti kung bakit kailangang marinig ng iyong tagapakinig ang impormasyon, kung paano sila makikinabang dito, at kung paano mo ito maihaharap sa paraang makikita nila ang kahalagahan nito.
Pag-aralan mo ang iyong materyal hanggang sa may makita kang bagay na sa palagay mo ay kapana-panabik. Hindi kailangang maging bago ito, subalit ang paghaharap mo ng paksa ay maaaring naiiba. Kung maghahanda ka ng impormasyon na talagang makatutulong sa iyong tagapakinig upang mapatibay ang kanilang relasyon kay Jehova, upang mapahalagahan ang kaniyang mga paglalaan, upang mapagtagumpayan ang mga panggigipit sa buhay ng matandang sistemang ito, o upang maging mabisa sa kanilang ministeryo, kung gayon, taglay mo ang lahat ng dahilan upang maging masigla sa iyong pahayag.
Paano kung ang iyong atas ay ang magbasa sa madla? Upang magawa iyon nang may kasiglahan, higit pa ang kailangan kaysa sa basta mabigkas nang wasto ang mga salita at wastong matipong sama-sama ang mga ito. Pag-aralan ang materyal. Kung magbabasa ka ng isang bahagi ng Bibliya, magsaliksik tungkol dito. Tiyaking nauunawaan mo ang pinakasaligang kahulugan nito. Isaalang-alang kung paano ito kapaki-pakinabang sa iyo at sa iyong tagapakinig, at magbasa taglay ang pagnanais na maitawid iyon sa mga nakikinig sa iyo.
Naghahanda ka ba para sa ministeryo sa larangan? Repasuhin ang iyong paksang mapag-uusapan at ang mga kasulatan na binabalak mong gamitin. Isaalang-alang din kung ano ang nasa isip ng mga tao. Ano ba ang laman ng mga balita? Anong mga suliranin ang napapaharap sa kanila? Kapag nasasangkapan ka upang ipakita sa mga tao na ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng mga solusyon sa mga suliranin na ikinababahala nila, nakadarama ka ng pananabik na gawin iyon, at ang sigla ay dumarating nang natural.
Ipakita ang Sigla sa Pamamagitan ng Buháy na Pagpapahayag. Ang sigla ay mas maliwanag na nakikita sa pamamagitan ng iyong buháy na paraan ng pagpapahayag. Ito ay dapat na makita sa ekspresyon ng iyong mukha. Dapat maipakitang ikaw ay kumbinsido, hindi dogmatiko.
Kailangang maging timbang. Para sa ilan, halos lahat ng bagay ay kapana-panabik. Marahil ay kailangan silang tulungan upang kanilang mabatid na kapag ang isang tao ay nagiging bombastiko o masyadong emosyonal, ang isipan ng kaniyang tagapakinig ay mauukol sa kaniya sa halip na sa mensahe. Sa kabilang panig naman, yaong mga mahiyain ay nangangailangan ng pampatibay-loob upang magpahayag nang mas madamdamin.
Ang sigla ay nakahahawa. Kung mayroon kang mabuting pakikipag-ugnayan sa tagapakinig at masigla sa iyong pahayag, madarama ng iyong tagapakinig ang kasiglahang iyon. Si Apolos ay nagpakita ng kasiglahan sa kaniyang pagsasalita, at siya ay inilarawan bilang isang mahusay na tagapagsalita. Kung ikaw ay nagniningas sa espiritu ng Diyos, mapakikilos ng iyong buháy na pagpapahayag ang mga nakikinig sa iyo.—Gawa 18:24, 25; Roma 12:11.
Sigla na Angkop sa Materyal. Mag-ingat na huwag sumobra ang sigla mo sa buong pahayag mo anupat magiging pagod na pagod ang tagapakinig mo. Anumang payo na ibibigay mo upang ikapit ang mga tinatalakay ay mawawalang-kabuluhan. Ito’y nagdiriin sa pangangailangan na ihanda ang materyal upang magkaroon ng pagkasari-sari ang iyong pagpapahayag. Sikaping huwag madala sa isang istilo na nagpapakita ng kawalang-interes. Kung maingat mong pipiliin ang iyong materyal, magiging ganap kang interesado rito. Subalit may ilang punto na likas na kailangang ipahayag nang may higit na sigla kaysa sa iba, at ang mga ito ay dapat na maingat na pag-ugnay-ugnayin sa buong pahayag mo.
Ang mga pangunahing punto lalo na ang dapat na iharap nang may kasiglahan. Ang iyong pahayag ay dapat na may pinakalitaw na mga punto at mga tampok na bahagi na sadya mong pinatitingkad. Yamang ang mga ito ang pinakatampok na punto ng iyong pahayag, ang mga ito ay kadalasang siyang mga puntong dinisenyo upang gumanyak sa iyong tagapakinig. Kapag nakumbinsi na ang iyong tagapakinig, kailangan mong pasiglahin sila, upang ipakita sa kanila ang mga kapakinabangan ng pagkakapit ng mga pinag-usapan. Ang iyong sigla ay tutulong sa iyo upang maabot ang mga puso ng iyong mga tagapakinig. Ang buháy na pagpapahayag ay hindi kailanman dapat na maging pilít. Dapat na may dahilan para rito, at ang iyong materyal ang magbibigay sa iyo ng dahilang iyon.