ARALIN 14
Pagiging Natural
ANG pagpapahayag ng iyong sarili sa natural na paraan ay isang pangunahing katangian na tutulong sa iyo upang matamo ang pagtitiwala ng iba. Magtitiwala ka ba sa sinabi ng isang tao na nakamaskara nang siya’y makipag-usap sa iyo? Magbibigay ba sa iyo ng higit na pagtitiwala kung ang mukhang nakapinta sa maskara ay mas guwapo kaysa sa mismong mukha ng nagsasalita? Malamang na hindi. Kaya sa halip na gumamit ng balatkayo, gumawi ka nang likas sa iyo.
Ang pagiging natural ay hindi dapat na ipagkamali sa pagkawalang-ingat. Ang di-wastong balarila, maling pagbigkas, at malabong pagsasalita ay hindi angkop. Ang salitang lansangan ay dapat ding iwasan. Gusto nating ipakita sa tuwina ang angkop na dignidad, kapuwa sa ating pananalita at sa ating paggawi. Ang isang taong nagpapakita ng gayong pagiging natural ay hindi masyadong pormal ni masyadong nag-iisip na pahangain ang iba.
Sa Ministeryo sa Larangan. Kapag lumalapit ka sa isang bahay o sa isang taong nasa isang pampublikong lugar upang magpatotoo, ninenerbiyos ka ba? Gayon ang karamihan sa atin, subalit para sa ilan ang gayong damdamin ay higit na namamalagi kaysa sa iba. Ang tensiyon ay maaaring maging sanhi upang ang boses ay maging puwersado o nanginginig, o ang nerbiyos ay maaaring mahalata sa asiwang galaw ng mga kamay o ng ulo.
Ang isang mamamahayag ay maaaring mapaharap sa ganitong problema sa ilang kadahilanan. Marahil ay nag-iisip siya tungkol sa magagawa niyang impresyon o nag-iisip kung ang kaniyang presentasyon ay magiging matagumpay. Ito ay karaniwan lamang, subalit ang mga problema ay lumilitaw kapag binibigyan ng masyadong atensiyon ang gayong mga bagay. Kung ninenerbiyos ka bago pa makibahagi sa ministeryo, ano ang maaaring makatulong? Ang maingat na paghahanda at marubdob na pananalangin kay Jehova. (Gawa 4:29) Isipin na lamang ang tungkol sa malaking awa ni Jehova sa pag-aanyaya sa mga tao na magtamasa ng sakdal na kalusugan at buhay na walang hanggan sa Paraiso. Isipin ang tungkol sa mga pinagsisikapan mong tulungan at ang kanilang pangangailangang marinig ang mabuting balita.
Tandaan din na ang mga tao ay may malayang kalooban, kaya maaaring tanggapin nila o tanggihan ang mensahe. Ganito rin nang si Jesus ay magpatotoo sa sinaunang Israel. Ang iyong atas ay ang mangaral lamang. (Mat. 24:14) Kahit na ayaw kang pagsalitain ng mga tao, ang iyo mismong presensiya ay magbibigay ng patotoo. Magtatagumpay ka sapagkat hinahayaan mo si Jehova na gamitin ka upang maisakatuparan ang kaniyang kalooban. Sa mga okasyon na may pagkakataon kang magsalita, anong uri ng pagsasalita ang gagamitin mo? Kung natutuhan mong pag-isipan ang mga pangangailangan ng iba, ang iyong pagsasalita ay magiging kaakit-akit at natural.
Sa pagpapatotoo, kapag kumikilos ka at nagsasalita gaya ng ginagawa mo sa araw-araw, magiging palagay ang iyong mga tagapakinig. Maaari pa nga silang higit na maging handang tumanggap sa maka-Kasulatang mga punto na nais mong ibahagi sa kanila. Sa halip na bigyan sila ng isang pormal na diskurso, makipag-usap sa kanila. Maging palakaibigan. Magpakita ng interes sa kanila, at pahalagahan ang kanilang mga komento. Sabihin pa, kapag hinihiling ng wika o lokal na kultura ang ilang tuntunin ng kabutihang asal upang ipakita ang paggalang kapag nakikipag-usap sa mga estranghero, nanaisin mong bigyan ng pansin ang mga ito. Subalit maaari mong laging ihanda ang isang panatag na ngiti.
Sa Plataporma. Kapag nagsasalita ka sa isang grupo, ang isang natural, nakikipag-usap na istilo ng pagsasalita ang kadalasang siyang pinakamabuti. Sabihin pa, kapag marami ang tagapakinig, kailangang higit mong lakasan ang boses. Kung susubukin mong isaulo ang iyong pahayag o kung masyadong detalyado ang iyong mga nota, marahil ay labis kang nababahala sa paggamit ng eksaktong mga salita. Ang angkop na mga salita ay mahalaga, subalit kapag ito ay binigyan ng sobrang atensiyon, ang pagpapahayag ay nagiging artipisyal at napakapormal. Nawawala ang pagiging natural. Ang iyong mga ideya ay dapat na patiunang pag-isipang mabuti, subalit bigyan mo ng higit na atensiyon ang mga ideya, hindi ang eksaktong mga salita.
Ito ay totoo rin kapag ikaw ay kinakapanayam sa isang pulong. Maghandang mabuti, subalit huwag basahin o sauluhin ang iyong mga sagot. Ipahayag ang mga ito nang may natural na pagbabagu-bago ng tono ng boses upang ang iyong mga komento ay kusang lumabas na kaakit-akit.
Kapag sumobra, kahit na ang kanais-nais na mga kalidad sa pagsasalita ay maaaring ituring ng tagapakinig na hindi natural. Halimbawa, dapat na magsalita ka nang maliwanag at gumamit ng wastong pagbigkas subalit hindi hanggang sa punto na ang datíng ng iyong pagsasalita ay napakapormal o artipisyal. Ang mga pagkumpas na empatiko o deskriptibo, kapag isinagawang mabuti, ay magpapasigla sa iyong pahayag, subalit ang pagkumpas na pigíl o maarte ay makasisira sa iyong sinasabi. Gumamit ng sapat na lakas ng tinig, subalit sikaping huwag masyadong malakas. Mabuti na paminsan-minsan ay bigyang-sigla ang iyong pagpapahayag, subalit dapat mong iwasan ang pagiging bombastiko. Ang pagbabagu-bago ng tono ng boses, sigla, at damdamin ay dapat na gamiting lahat sa paraang ang mga ito ay hindi umaakay ng atensiyon sa iyong sarili o makaaasiwa sa iyong tagapakinig.
Likas sa ilang tao na eksaktong nasasabi ang gusto nilang sabihin, kahit na hindi sila nagpapahayag. Ang iba naman ay mas di-pormal sa kanilang pagsasalita. Ang mahalagang bagay ay ang magsalita nang wasto sa araw-araw at gumawi na taglay ang Kristiyanong dignidad. Kung gayon kapag nasa plataporma na, mas madali kang makapagsasalita at makakakilos nang kaakit-akit dahil sa pagiging natural.
Kapag Nagbabasa sa Madla. Ang pagiging natural sa pangmadlang pagbabasa ay nangangailangan ng pagsisikap. Upang matamo ito, kilalanin ang pangunahing mga ideya sa materyal na iyong babasahin, at pansinin kung paano nabubuo ang mga ito. Ingatang mabuti ang mga ito sa isipan; kung hindi, basta ka na lamang magbabasa ng mga salita. Alamin ang pagbigkas ng di-pamilyar na mga salita. Mag-insayo sa pagbabasa nang malakas upang makuha ang wastong pagbabago ng tono at mapagbukud-bukod ang mga salita sa paraang maitatawid nito nang malinaw ang mga ideya. Gawin ito nang paulit-ulit hanggang maging matatas ang iyong pagbabasa. Alaming mabuti ang materyal upang sa pagbabasa mo nito nang malakas, ang iyong pagbabasa ay magiging gaya ng masiglang pag-uusap. Iyon ang pagiging natural.
Sabihin pa, ang karamihan sa ating pangmadlang pagbabasa ay mula sa ating salig-Bibliyang mga publikasyon. Bukod pa sa mga atas ng pagbabasa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, tayo ay nagbabasa ng mga kasulatan sa ministeryo sa larangan at kapag nagpapahayag mula sa plataporma. Ang mga kapatid na lalaki ay inaatasang bumasa ng materyal na isinasaalang-alang sa Pag-aaral sa Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ang ilang kuwalipikadong kapatid na lalaki ay tumatanggap ng mga atas na bumasa ng mga manuskrito sa harapan ng mga tagapakinig sa kombensiyon. Nagbabasa ka man ng Bibliya o ng iba pang mga materyal, basahin mo ang mga bahagi na may mga pagsipi sa paraang buháy ang materyal. Kung maraming indibiduwal ang sinipi, baguhin ang iyong boses para sa bawat isa. Isang paalaala: Huwag maging masyadong dramatiko, kundi lagyan ng sigla ang pagbabasa sa isang natural na paraan.
Ang pagbabasa sa natural na paraan ay parang nakikipag-usap lamang. Ito ay hindi nagiging artipisyal kundi may kombiksiyon.