Paghahanda ng mga Pahayag sa Madla
BAWAT linggo, ang karamihan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasaayos ng isang pangmadlang pahayag sa isang maka-Kasulatang paksa. Kung ikaw ay isang matanda o isang ministeryal na lingkod, nagpapakita ka ba ng katunayan ng pagiging isang mabisang tagapagpahayag sa madla, isang guro? Kung gayon, ikaw ay maaaring maanyayahang magbigay ng isang pahayag pangmadla. Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay nakatulong sa sampu-sampung libong mga kapatid na lalaki na maging kuwalipikado sa pribilehiyong ito ng paglilingkod. Kapag naatasang magbigay ng isang pahayag pangmadla, saan ka dapat magsimula?
Pag-aralan ang Balangkas
Bago ka gumawa ng anumang pagsasaliksik, basahin muna ang balangkas at bulay-bulayin ito hanggang sa makuha mo ang diwa nito. Ipako ang iyong isip sa tema, na siyang pamagat ng pahayag. Ano ba ang ituturo mo sa iyong tagapakinig? Ano ang iyong tunguhin?
Maging pamilyar sa mga pangunahing uluhan. Suriin ang mga pangunahing puntong iyon. Paano umuugnay ang bawat isa sa tema? Sa ilalim ng bawat pangunahing punto, may nakalistang ilang pangalawahing punto. Ang mga puntong umaalalay sa mga pangalawahing punto ay nakalista sa ilalim ng mga ito. Isaalang-alang kung paanong ang bawat seksiyon ng balangkas ay sumasalig sa nauna rito, umaakay sa susunod, at tumutulong upang maisakatuparan ang tunguhin ng pahayag. Minsang maunawaan mo ang tema, ang tunguhin ng pahayag, at kung paano maisasakatuparan ng mga pangunahing punto ang layuning iyan, kung gayon ay handa ka nang magsimula sa pagbuo ng materyal.
Sa pasimula makatutulong na isipin mo na ang iyong pahayag ay apat o limang maiikling pahayag, na bawat isa ay may isang pangunahing punto. Ihanda ang mga ito nang isa-isa.
Ang balangkas na inilaan ay isang kasangkapan sa paghahanda. Hindi ito nilayong magsilbi bilang mga nota ng iyong pahayag. Ito ay parang isang kalansay. Kailangang lagyan mo ito ng laman, wika nga, bigyan ito ng puso, at hingahan ito ng buhay.
Paggamit ng Kasulatan
Ibinatay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad ang kanilang turo sa Kasulatan. (Luc. 4:16-21; 24:27; Gawa 17:2, 3) Magagawa mo rin ang gayon. Ang Kasulatan ang dapat na maging pinakasaligan ng iyong pahayag. Sa halip na basta ipaliwanag at ikapit ang mga pananalitang ginamit sa inilaang balangkas, unawain kung paano sinusuhayan ng Kasulatan ang mga pananalitang iyon, at pagkatapos ay magturo mula sa Kasulatan.
Habang inihahanda mo ang iyong pahayag, suriin ang bawat talatang binanggit sa balangkas. Pansinin ang konteksto. Ang ilang teksto ay maaaring magbigay lamang ng nakatutulong na karagdagang impormasyon. Hindi kailangang basahin o komentuhan ang lahat ng mga iyon sa panahon ng iyong pahayag. Piliin kung ano ang pinakamabuti para sa iyong tagapakinig. Kung pagtutuunan mo ng pansin ang mga kasulatang binanggit sa nakalimbag na balangkas, marahil ay hindi mo na kakailanganin pang gumamit ng karagdagang mga reperensiya sa Kasulatan.
Ang tagumpay ng iyong pahayag ay depende, hindi sa dami ng ginagamit na kasulatan, kundi sa kalidad ng pagtuturo. Kapag naghaharap ng mga kasulatan, ipakita kung bakit ginagamit ang mga ito. Maglaan ng panahon sa pagkakapit ng mga ito. Pagkatapos mong basahin ang isang kasulatan, panatilihing nakabukas ang iyong Bibliya habang tinatalakay mo ang teksto. Malamang na gayundin ang gagawin ng iyong tagapakinig. Paano mo maaantig ang interes ng iyong tagapakinig at matutulungan sila na makinabang nang lubusan mula sa Salita ng Diyos? (Neh. 8:8, 12) Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag, ilustrasyon, at aplikasyon.
Pagpapaliwanag. Kapag naghahanda upang magpaliwanag ng isang susing teksto, tanungin mo ang sarili: ‘Ano ang kahulugan nito? Bakit ko ginagamit ito sa aking pahayag? Ano kaya ang maaaring itanong ng mga tagapakinig sa kanilang sarili hinggil sa talatang ito?’ Marahil ay kakailanganin mong suriin ang konteksto, ang kalagayan noon, ang nakapaligid na pangyayari, ang puwersa ng mga salita, ang layunin ng kinasihang manunulat. Ito ay nangangailangan ng pagsasaliksik. Makasusumpong ka ng saganang mahahalagang impormasyon sa mga publikasyong inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Huwag mong sikaping ipaliwanag ang lahat ng bagay hinggil sa talata, kundi ipaliwanag kung bakit kailangan mong ipabasa iyon sa iyong tagapakinig may kaugnayan sa tinatalakay na punto.
Ilustrasyon. Ang layunin ng mga ilustrasyon ay upang akayin ang iyong tagapakinig sa mas malalim na antas ng pagkaunawa o upang tulungan silang matandaan ang isang punto o simulain na iyong tinalakay. Ang mga ilustrasyon ay tumutulong sa mga tao na maunawaan kung ano ang sinabi mo sa kanila at maiugnay iyon sa bagay na alam na nila. Ito ang ginawa ni Jesus nang ibigay niya ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Ang “mga ibon sa langit,” “mga liryo sa parang,” isang “makipot na pintuang-daan,” isang “bahay sa ibabaw ng batong-limpak,” at maraming nakakatulad na pangungusap ang nagpangyari sa kaniyang turo na maging empatiko, maliwanag, at hindi malilimutan.—Mat., kab. 5-7.
Aplikasyon. Ang pagpapaliwanag at paglalarawan sa isang kasulatan ay nagtatawid ng kaalaman, subalit ang pagkakapit ng kaalamang iyan ang siyang nagdudulot ng mga resulta. Totoo, pananagutan ng iyong tagapakinig na kumilos salig sa mensahe ng Bibliya, subalit matutulungan mo silang maunawaan kung ano ang kailangang gawin. Kapag natiyak mo na nauunawaan ng iyong tagapakinig ang talatang tinatalakay at nakikita ang kaugnayan nito sa puntong ibinangon, maglaan ng sapat na panahon upang ipakita sa kanila ang tindi ng epekto nito sa paniniwala at paggawi. Itampok ang mga kapakinabangan ng pagtalikod sa mga maling ideya o paggawi na hindi kaayon ng katotohanang tinatalakay.
Habang pinag-iisipan mo kung paano ikakapit ang mga kasulatan, tandaan na ang mga tao na nakikinig sa iyo ay may iba’t ibang pinagmulan at napapaharap sa napakaraming iba’t ibang mga kalagayan. Maaaring may mga bagong interesado, mga kabataan, mga may-edad na, at yaong mga nagpupunyagi sa iba’t ibang personal na suliranin. Gawing praktikal at makatotohanan ang iyong pahayag. Iwasan ang pagbibigay ng payo na tila ang nasa isip mo ay iilang indibiduwal lamang.
Ang mga Kapasiyahan ng Tagapagsalita
Ang ilang kapasiyahan hinggil sa iyong pahayag ay ginawa na para sa iyo. Ang mga pangunahing punto ay maliwanag na ipinakikita, at ang haba ng panahong dapat mong ilaan sa pagtalakay sa bawat pangunahing uluhan ay maliwanag na ipinamamalas. Ang iba pang mga kapasiyahan ay nakasalalay na sa iyo. Maaari mong piliing gumugol ng mas maraming panahon sa ilang pangalawahing punto at kaunti naman para sa iba. Huwag ipalagay na kailangan mong saklawin ang lahat ng pangalawahing punto sa gayunding antas. Maaaring maging dahilan ito upang madaliin mo ang materyal anupat hindi makayanan ng iyong mga tagapakinig. Paano mo matitiyak kung alin ang lubos na tatalakayin at kung alin ang babanggitin lamang sa maikli, o nang pahapyaw? Itanong mo sa sarili: ‘Alin sa mga punto ang makatutulong sa akin upang maitawid ang pangunahing ideya ng pahayag? Alin sa mga ito ang magbibigay ng pinakamalaking kapakinabangan sa aking tagapakinig? Hihina ba ang hanay ng inihaharap na ebidensiya kung lalaktawan ko ang ilang binanggit na kasulatan at kaugnay na punto?’
Buong ingat na iwasan ang pagpapasok ng espekulasyon o personal na opinyon. Maging ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay umiwas na magsalita ‘mula sa kaniyang sarili.’ (Juan 14:10) Kilalanin na ang dahilan kung bakit ang mga tao ay nagtutungo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay upang pakinggan ang pagtalakay sa Bibliya. Kung ikaw ay kinikilala bilang isang mahusay na tagapagsalita, malamang na iyon ay dahil sa kaugalian mong umakay ng pansin, hindi sa iyong sarili, kundi sa Salita ng Diyos. Dahil dito, ang iyong mga pahayag ay pinahahalagahan.—Fil. 1:10, 11.
Matapos na gawing isang malaman na paliwanag ng Kasulatan ang isang simpleng balangkas, kailangan mo na ngayong insayuhin ang iyong pahayag. Kapaki-pakinabang na gawin iyon nang malakas. Mahalagang tiyakin na ang lahat ng punto ay maliwanag sa iyong isipan. Kailangan na gawing taos sa puso ang iyong pahayag, buháy na buháy ang paghaharap sa materyal, at masigla ang iyong presentasyon ng katotohanan. Bago ibigay ang iyong pahayag, tanungin mo ang sarili: ‘Ano ang nais kong maisakatuparan? Lumilitaw ba ang mga pangunahing punto? Talaga bang nagawa kong ang Kasulatan ang siyang pinakasaligan ng aking pahayag? Ang bawat pangunahing punto ba ay natural na umaakay tungo sa susunod? Ang pahayag ba ay nagpapalaki ng pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga paglalaan? Ang konklusyon ba ay may tuwirang kaugnayan sa tema, nagpapakita sa tagapakinig kung ano ang dapat gawin, at gumaganyak sa kanilang gawin iyon?’ Kung masasagot mo ng oo ang mga tanong na ito, kung gayon ay nasa kalagayan kang ‘gumawa ng mabuti dahil sa kaalaman,’ sa kapakinabangan ng kongregasyon at sa kapurihan ni Jehova!—Kaw. 15:2.