ARALIN 25
Paggamit ng Isang Balangkas
ANG pagsasalita mula sa isang balangkas ay pinangangambahan ng maraming tao. Mas palagay sila kung ang lahat ng kanilang sasabihin ay nakasulat sa papel o saulado.
Subalit, sa totoo lamang, tayong lahat ay nagsasalita araw-araw nang walang manuskrito. Ginagawa natin ito sa pakikipag-usap sa pamilya at sa mga kaibigan. Ginagawa natin ito kapag nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. At ginagawa natin ito kapag taos-pusong nananalangin, pribado man o para sa isang grupo.
Kapag nagpapahayag ka, may pagkakaiba ba kung ikaw man ay gumamit ng isang manuskrito o ng isang balangkas? Bagaman ang pagbabasa ng isang inihandang manuskrito ay makatutulong upang matiyak ang katumpakan at ang paggamit ng pilíng salita, may limitasyon ito sa pag-abot sa mga puso. Kapag marami kang binabasang pangungusap, kadalasang gumagamit ka ng bilis at pagbabago ng tinig na kakaiba sa iyong karaniwang istilo ng pakikipag-usap. Kapag ang iyong pansin ay higit na nakatuon sa iyong papel kaysa sa iyong tagapakinig, baka marami ang hindi matamang makikinig kagaya ng gagawin nila kung nadarama nilang talagang interesado ka sa kanila at iniaangkop ang iyong materyal sa kanilang mga kalagayan. Para sa isang tunay na gumaganyak na pahayag, ang ekstemporanyong pagpapahayag ang siyang pinakamabuti.
Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay dinisenyo upang tumulong sa atin sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nakikipag-usap tayo sa ating mga kaibigan, hindi natin inilalabas ang kapirasong papel at binabasa sa kanila ang ating mga ideya upang matiyak ang paggamit ng pinakamabubuting salita. Sa paglilingkod sa larangan, hindi tayo nagdadala ng isang manuskrito upang basahin, sa pangambang baka malimutan natin ang ilang punto na nais nating ibahagi sa mga tao. Kapag nagtatanghal sa paaralan kung paano magpapatotoo sa ilalim ng gayong mga kalagayan, sikaping magsalita sa pinakanatural na paraan hangga’t maaari. Sa pamamagitan ng mabuting paghahanda, masusumpungan mo na ang isang balangkas, nasa isip man o nakasulat, ay kadalasang sapat na upang ipaalaala sa iyo ang mga pangunahing ideya na nais mong talakayin. Subalit paano ka magkakaroon ng kinakailangang kompiyansa upang maisagawa ito?
Organisahin ang Iyong mga Ideya. Upang makagamit ng isang balangkas kapag nagsasalita, kailangan mong organisahin ang iyong mga ideya. Ito’y hindi nangangahulugan ng pagpili ng mga salitang pinaplano mong gamitin. Ito’y nangangahulugan lamang na mag-isip muna bago ka magsalita.
Sa pang-araw-araw na buhay, ang isang taong padalus-dalos ay maaaring makapagsalita ng mga bagay na sa dakong huli ay pinagsisisihan niya. Ang iba namang tao ay maaaring magsalita na parang walang direksiyon, na nagpapalipat-lipat mula sa isang ideya tungo sa iba. Ang dalawang tendensiyang ito ay maaaring mabisang mapagtagumpayan sa pamamagitan ng panandaliang paghinto upang makabuo ng isang simpleng balangkas sa isip bago magsalita. Una, ipako mo sa isip ang iyong tunguhin, pagkatapos ay pumili ng mga hakbangin na kailangan mong gawin upang matamo ito, at saka magsalita.
Ikaw ba ay naghahanda para sa paglilingkod sa larangan? Gumugol ng panahon hindi lamang upang organisahin ang laman ng iyong bag sa pagpapatotoo kundi upang organisahin din ang iyong mga ideya. Kung nagpasiya kang gumamit ng isa sa mga mungkahing presentasyon mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian, basahin ito nang ilang ulit upang maging maliwanag sa isip ang mga pangunahing ideya. Sabihin ang diwa nito sa isa o dalawang maiikling pangungusap. Ibagay ang mga salita sa iyong personalidad at sa mga kalagayan sa inyong teritoryo. Masusumpungan mo na nakatutulong ang pagkakaroon ng isang balangkas sa isip. Ano ang maaaring kalakip nito? (1) Bilang pambungad, maaari mong banggitin ang isang bagay na ikinababahala ng maraming tao sa inyong komunidad. Anyayahan ang kausap na magkomento. (2) Taglayin sa isip ang isang espesipikong bagay na maaari mong ibahagi hinggil sa paksa, lakip na ang isa o dalawang kasulatan na nagpapakita kung ano ang ipinangakong gagawin ng Diyos upang magdulot ng kaginhawahan. Kapag nabigyan ng pagkakataon, idiin na iyo’y gagawin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, ang kaniyang makalangit na pamahalaan. (3) Pasiglahin ang kausap na kumilos alinsunod sa iyong tinalakay. Maaari kang mag-alok ng literatura at/o ng isang pag-aaral sa Bibliya at gumawa ng tiyak na mga kaayusan upang ipagpatuloy ang pagtalakay.
Ang tanging balangkas na marahil ay kakailanganin mo para sa gayong presentasyon ay yaong nasa isip. Kung nais mong kumonsulta sa isang nakasulat na balangkas bago ka gumawa ng unang pagdalaw, marahil ang balangkas ay magtataglay lamang ng ilang salita na magagamit mo sa iyong pambungad, isa o dalawang nakatalang kasulatan, at isang maikling nota hinggil sa kung ano ang nais mong ilakip sa iyong konklusyon. Ang paghahanda at paggamit ng gayong balangkas ay hahadlang sa atin na magpaliguy-ligoy, at tutulong sa atin upang makapag-iwan ng isang maliwanag na mensahe na madaling tandaan.
Kung madalas na may bumabangong tanong o pagtutol sa inyong teritoryo, maaaring masumpungan mong makatutulong ang paggawa ng pagsasaliksik sa bagay na ito. Kadalasan, ang kailangan mo lamang ay dalawa o tatlong pangunahing punto lakip na ang mga kasulatan na umaalalay sa mga ito. Ang “Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-uusapan” o mga subtitulong nasa makakapal na letra sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay maaaring makapaglaan ng tamang-tamang balangkas na kailangan mo. Maaaring makasumpong ka ng isang angkop na pagsipi mula sa ibang lathalain na nais mong ilakip. Gumawa ng isang maikling nasusulat na balangkas, ikabit ang isang naka-xerox na kopya ng pagsipi, at ingatan ang mga ito kasama ng iyong mga kagamitan sa paglilingkod sa larangan. Kapag ang may-bahay ay nagtanong o tumutol, ipabatid sa kaniya na ikinalulugod mo ang pagkakataong makapagbigay ng paliwanag hinggil sa iyong pinaniniwalaan. (1 Ped. 3:15) Gamitin ang balangkas bilang saligan ng iyong sagot.
Kapag kakatawanin mo sa panalangin ang iyong pamilya, isang grupo ng pag-aaral sa aklat, o ang kongregasyon, kapaki-pakinabang din na organisahin ang iyong mga ideya. Ayon sa Lucas 11:2-4, si Jesus ay nagbigay sa kaniyang mga alagad ng isang simpleng balangkas para sa makahulugang panalangin. Sa pag-aalay ng templo sa Jerusalem, si Solomon ay nanalangin nang mahaba. Maliwanag na pinag-isipan niya ang paksa nang patiuna. Itinuon muna niya ang pansin kay Jehova at sa Kaniyang pangako kay David; pagkatapos ay sa templo; at pagkatapos ay inisa-isa niya ang espesipikong mga kalagayan at mga grupo ng mga tao. (1 Hari 8:22-53) Maaari tayong makinabang mula sa mga halimbawang ito.
Panatilihing Simple ang Iyong Balangkas sa Pahayag. Ang iyo bang balangkas ay nilayong gamitin sa pagbibigay ng isang diskurso? Gaano karaming impormasyon ang dapat na ilakip dito?
Tandaan na ang layunin ng isang balangkas ay upang tulungan kang maalaala ang mga ideya. Maaaring nadarama mong kapaki-pakinabang na isulat nang kumpleto ang ilang pangungusap upang gamitin bilang isang pambungad. Subalit pagkatapos nito, magtuon ng pansin sa mga ideya, hindi sa mga salita. Kung isusulat mo ang mga ideyang iyon sa mga pangungusap, gawing maiikli ang mga pangungusap. Ang ilang pangunahing punto na pinaplano mong buuin ay dapat na lumitaw nang maliwanag sa iyong balangkas. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsulat sa mga ito sa malalaking letra, pagsasalungguhit sa mga punto, o pagkukulay sa mga ito. Sa ilalim ng bawat pangunahing punto, itala ang mga ideya na nais mong gamitin kapag binubuo ito. Itala ang mga kasulatan na pinaplano mong basahin. Karaniwan nang pinakamabuti na gawin ang aktuwal na pagbabasa mula sa Bibliya. Isulat ang mga ilustrasyon na nais mong gamitin. Maaaring magkaroon ka rin ng ilang mahalagang sekular na pagsipi na naaangkop. Maglagay ng sapat na detalye sa iyong mga nota upang makapagharap ng espesipikong mga punto. Ang balangkas ay mas madaling gamitin kung ito ay masinop.
Ang ilan ay gumagamit ng balangkas na napakasimple. Ang isang balangkas ay maaaring buuin ng iilang susing salita, nakatalang mga kasulatan na sisipiin ng tagapagsalita mula sa kaniyang memorya, at mga ginuhit na dibuho o mga larawan na makatutulong sa kaniya upang maalaala ang mga ideya. Sa pamamagitan ng simpleng mga notang ito, maihaharap ng isang tagapagsalita ang kaniyang materyal sa lohikal na pagkakasunud-sunod at sa paraang nakikipag-usap. Iyan ang layunin ng araling ito.
Sa pahina 39 hanggang 42 ng aklat na ito, masusumpungan mo ang pagtalakay sa “Paggawa ng Isang Balangkas.” Makatutulong nang malaki kung babasahin mo ang materyal na iyon habang pinag-aaralan mo ang araling ito sa “Paggamit ng Isang Balangkas.”
Kung Paano Gagamitin ang Balangkas. Gayunman, ang iyong tunguhin sa puntong ito ay hindi lamang upang maghanda ng iyong pahayag sa anyong balangkas. Ito ay upang mabisang gamitin ang balangkas.
Ang unang hakbang sa paggamit ng iyong balangkas ay ang paghahanda para sa pagpapahayag. Tingnan ang tema, basahin ang bawat isa sa mga pangunahing punto, at sabihin sa iyong sarili kung ano ang kaugnayan sa tema ng bawat isa sa mga pangunahing puntong iyon. Itala kung gaano kalaking panahon ang mailalaan sa bawat pangunahing punto. Bumalik ngayon at pag-aralan ang unang pangunahing punto. Repasuhin ang mga argumento, mga kasulatan, mga ilustrasyon, at mga halimbawa na pinaplano mong gamitin upang buuin ang puntong iyon. Balikan ang materyal nang ilang ulit hanggang sa ang seksiyong iyon ng iyong pahayag ay maliwanag na sa isip. Gayundin ang gawin sa bawat isa sa iba pang mga pangunahing punto. Isaalang-alang kung ano ang maaari mong alisin, kung kinakailangan, upang matapos sa takdang oras. Pagkatapos ay repasuhin ang buong pahayag. Pagtuunan ng pansin ang mga ideya, hindi ang mga salita. Huwag sauluhin ang pahayag.
Kapag nagpapahayag ka, dapat na mapanatili mo ang madalas na pagtingin sa mata ng iyong tagapakinig. Matapos basahin ang isang kasulatan, karaniwan nang magagawa mong makapangatuwiran dito sa pamamagitan ng iyong Bibliya nang hindi na tumitingin pang muli sa iyong mga nota. Sa gayunding paraan, kung gumagamit ka ng isang ilustrasyon, ilahad iyon gaya ng pagsasalaysay mo sa mga kaibigan sa halip na basahin iyon mula sa iyong mga nota. Habang nagsasalita ka, huwag kang titingin sa iyong mga nota upang basahin ang bawat pangungusap doon. Magsalita mula sa puso, at maaabot mo ang mga puso niyaong mga nakikinig sa iyo.
Kapag naging bihasa ka na sa sining ng pagsasalita mula sa isang balangkas, nakagawa ka na ng isang napakahalagang pasulóng na hakbang tungo sa pagiging isang mahusay na tagapagsalita sa madla.