‘Bigyang-Pansin Kung Paano Ka Nakikinig’
ANG pakikinig ay isang mahalagang salik upang matuto. Ito’y maaari ring makaimpluwensiya sa pag-asa ng isang tao na makaligtas. Nang si Jehova ay naghahanda upang iligtas ang kaniyang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, siya’y nagbigay ng mga instruksiyon kay Moises, na siyang nagsabi sa matatandang lalaki ng Israel kung ano ang kailangan nilang gawin upang mailigtas ang kanilang mga panganay mula sa anghel ng kamatayan. (Ex. 12:21-23) Itinawid naman ng matatandang lalaki ang impormasyong ito sa bawat sambahayan. Ito’y inihatid nang bibigan. Ang bayan ay kailangang makinig na mabuti. Paano sila tumugon? Iniulat ng Bibliya: “Ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel ang gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises at kay Aaron. Gayung-gayon ang ginawa nila.” (Ex. 12:28, 50, 51) Bilang resulta, naranasan ng Israel ang kagila-gilalas na pagliligtas.
Sa ngayon, inihahanda tayo ni Jehova para sa lalo pang dakilang pagliligtas. Tunay nga, ang instruksiyon na kaniyang inilalaan ay dapat nating bigyan ng maingat na pansin. Ang gayong instruksiyon ay ibinibigay sa mga pulong ng kongregasyon. Ikaw ba ay lubusang nakikinabang mula sa gayong mga pagtitipon? Ang kalakhan ay nakasalalay sa kung paano ka nakikinig.
Natatandaan mo ba ang mga tampok na bahagi ng instruksiyon na ibinibigay sa mga pulong? Kaugalian mo ba, linggu-linggo, na maghanap ng mga paraan upang ikapit sa iyong buhay ang instruksiyong ibinibigay o ibahagi iyon sa iba?
Ihanda ang Iyong Puso
Upang lubusang makinabang sa inilalaang instruksiyon sa mga pagpupulong na Kristiyano, kailangan nating ihanda ang ating mga puso. Ang kahalagahan ng paggawa nito ay pinatitingkad sa nangyari noong paghahari ni Haring Jehosapat ng Juda. Si Jehosapat ay nanindigang matatag para sa tunay na pagsamba. “Inalis pa nga niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste mula sa Juda” at inatasan ang mga prinsipe, mga Levita, at mga saserdote upang ituro ang Kautusan ni Jehova sa mga tao sa lahat ng lunsod ng Juda. Gayunman, “ang matataas na dako ay hindi nawala.” (2 Cro. 17:6-9; 20:33) Ang pagsamba sa mga huwad na diyos at ang isinasagawang di-awtorisadong anyo ng pagsamba kay Jehova sa matataas na dako ng mga pagano ay nag-ugat na nang husto anupat hindi naalis ang mga ito.
Bakit ang instruksiyong isinaayos ni Jehosapat ay hindi nagkaroon ng namamalaging impluwensiya? Ang ulat ay nagpapatuloy: “Hindi pa naihahanda ng bayan ang kanilang puso para sa Diyos ng kanilang mga ninuno.” Kanilang narinig iyon subalit hindi sila kumilos alinsunod doon. Marahil ay nadama nilang hindi kombinyente ang paglalakbay patungo sa templo sa Jerusalem upang maghandog ng mga hain. Sa paano man, ang kanilang mga puso ay hindi napakilos ng pananampalataya.
Upang hindi maanod pabalik sa mga daan ng sanlibutan ni Satanas, dapat na ihanda natin ang ating mga puso upang tumanggap ng instruksiyon na ibinibigay ni Jehova sa ngayon. Paano? Ang isang mahalagang paraan ay sa pamamagitan ng panalangin. Dapat nating idalangin na ating tatanggapin ang banal na instruksiyon taglay ang isang mapagpasalamat na espiritu. (Awit 27:4; 95:2) Ito’y makatutulong sa atin upang mapahalagahan ang mga pagsisikap ng ating mga kapatid na, bagaman di-sakdal, ay handang ipagamit ang kanilang sarili kay Jehova sa pagtuturo sa kaniyang bayan. Ito’y magpapakilos sa atin na magpasalamat kay Jehova hindi lamang dahil sa mga bagong bagay na ating natututuhan kundi dahil din sa pagkakataong mapalalim ang ating pagpapahalaga sa mga bagay na dati na nating natutuhan. Sa pagnanais na lubusang gawin ang kalooban ng Diyos, tayo ay nananalangin: “Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. . . . Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:11.
Ituon ang Iyong Pansin
Maraming hadlang sa ating matamang pakikinig. Ang ating mga kaisipan ay maaaring mapuno ng mga kabalisahan. Ang ingay at galaw ng mga tagapakinig o sa labas ng dakong pulungan ay maaaring makagambala sa atin. Dahil sa pagiging di-komportable, maaaring mahirapan tayong magtuon ng pansin. Kadalasang nasusumpungan ng mga may maliliit na anak na nababahagi ang kanilang pansin. Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatiling nakatuon ang ating pansin sa programa?
Ang mga mata ay may malaking impluwensiya kung saan natin itinutuon ang ating pansin. Gamitin ang iyong mga mata upang tulungan kang magtuon ng pansin sa pamamagitan ng pananatiling nakatingin sa tagapagsalita. Kapag siya’y bumanggit ng isang teksto sa Bibliya—kahit na yaong pamilyar—tingnan ito, at sumubaybay habang binabasa niya ito. Paglabanan ang tukso na ibaling ang iyong ulo sa direksiyon na pinagmumulan ng bawat ingay o galaw. Kapag lubhang pinupuno ng mga mata ang iyong isip ng mga nakagagambalang impormasyon, marami ang hindi mo makukuha sa inihaharap mula sa plataporma.
Kung may “mga nakababalisang kaisipan” na nagiging dahilan upang maging mahirap para sa iyo na magpako ng pansin sa programa, manalangin kay Jehova para sa kailangang kapanatagan ng isip at puso upang makapagbigay ng pansin. (Awit 94:19; Fil. 4:6, 7) Gawin iyon nang paulit-ulit kung kinakailangan. (Mat. 7:7, 8) Ang mga pulong ng kongregasyon ay isang paglalaan mula kay Jehova. Makapagtitiwala ka na ninanais niyang makinabang ka mula sa mga ito.—1 Juan 5:14, 15.
Pakikinig sa mga Pahayag
Malamang na maaalaala mo ang magagandang punto na iyong narinig sa mga pahayag. Gayunman, ang pakikinig sa isang pahayag ay nagsasangkot nang higit pa kaysa sa pagkuha lamang ng namumukod-tanging mga punto. Ang pahayag ay parang isang paglalakbay. Bagaman may kapana-panabik na mga bagay na makikita sa tabi ng daan, ang pangunahing bagay ay ang destinasyon, ang tunguhin. Maaaring sinisikap ng tagapagsalita na akayin ang tagapakinig sa isang tiyak na konklusyon o pakilusin sila na gawin ang isang bagay.
Isaalang-alang ang talumpati ni Josue sa bansang Israel, na nakaulat sa Josue 24:1-15. Ang kaniyang tunguhin ay upang pakilusin ang bayan na manindigang matatag para sa tunay na pagsamba sa pamamagitan ng lubusang paghihiwalay ng kanilang sarili mula sa idolatriya ng nakapalibot na mga bansa. Bakit napakahalaga niyaon? Ang paglaganap ng huwad na pagsamba ay nagharap ng isang malubhang panganib sa mabuting katayuan ng bansa sa harapan ni Jehova. Ang bayan ay tumugon sa pagsusumamo ni Josue sa pamamagitan ng pagsasabing: “Malayong mangyari, sa ganang amin, na iwan si Jehova upang maglingkod sa ibang mga diyos. . . . Maglilingkod . . . kami kay Jehova.” At ginawa nga nila iyon!—Jos. 24:16, 18, 31.
Habang nakikinig ka sa isang pahayag, sikaping unawain ang tunguhin nito. Isaalang-alang kung paanong ang mga puntong tinatalakay ng tagapagsalita ay nakatutulong sa pag-abot sa tunguhing iyon. Tanungin ang iyong sarili kung ano ang hinihiling ng impormasyon na gawin mo.
Pakikinig sa Panahon ng Pagtalakay
Ang Pag-aaral sa Bantayan, ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, at ang ilang bahagi ng Pulong sa Paglilingkod ay isinasagawa sa pamamagitan ng tanong-sagot na pagtalakay sa nakalimbag na materyal salig sa Bibliya.
Ang pakikinig sa panahon ng pagtalakay, sa ilang bahagi, ay tulad ng pakikibahagi sa isang pag-uusap. Upang lubusang makinabang, makinig na mabuti. Obserbahan kung saang direksiyon patungo ang pagtalakay. Pansinin kung paano idiniriin ng konduktor ang tema at ang pangunahing mga punto. Sagutin sa isip ang kaniyang mga tanong. Makinig habang ipinaliliwanag at ikinakapit ng iba ang materyal. Ang pagtingin sa impormasyon mula sa punto-de-vista ng iba ay maaaring magbigay sa iyo ng iba pang anggulo sa isang pamilyar na paksa. Tumulong sa pagpapalitan ng punto-de-vista sa pamamagitan ng pagpapahayag ng iyong sariling pananampalataya.—Roma 1:12.
Ang patiunang pag-aaral sa iniatas na materyal ay makatutulong sa iyo na magbuhos ng pansin sa pagtalakay at sumubaybay sa mga komento ng iba. Kung mahirap sa kalagayan mo na pag-aralang mabuti ang materyal, gumugol ng kahit na ilang minuto lamang upang magkaroon ng pangkalahatang pangmalas sa impormasyon bago ang pulong. Ang paggawa nito ay magpapangyari sa iyo na makinabang nang malaki mula sa pagtalakay.
Pakikinig sa mga Asamblea at mga Kombensiyon
Sa mga asamblea at mga kombensiyon, malamang na mas maraming pang-abala kaysa sa mga pulong ng kongregasyon. Naghaharap ito ng mas malaking hamon sa pakikinig. Ano ang makatutulong sa atin?
Ang isang mahalagang salik ay ang pagkakaroon ng sapat na pamamahinga sa gabi. Bago magpasimula ang programa sa bawat araw, ipako sa isipan ang tema. Tingnan ang pamagat ng bawat pahayag, at subukang pag-isipan nang patiuna kung ano ang ihaharap. Gamiting mabuti ang iyong Bibliya. Nasumpungan ng karamihan na ang pagkuha ng maiikling nota ng mga pangunahing punto ay nakatutulong sa kanila na mapanatiling nakatuon ang kanilang isipan sa programa. Gumawa ng nota ng mga instruksiyong pinaplano mong ikapit sa iyong sariling buhay at ministeryo. Ipakipag-usap ang ilang punto habang naglalakbay ka patungo at pauwi mula sa lugar ng asamblea sa bawat araw. Ito’y makatutulong sa iyo upang matandaan ang impormasyon.
Pagsasanay sa mga Anak na Makinig
Ang mga magulang na Kristiyano ay makatutulong sa kanilang mga anak—kahit na sa mga sanggol—na maging ‘marunong ukol sa kaligtasan’ sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa mga pulong ng kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon. (2 Tim. 3:15) Yamang ang mga bata ay nagkakaiba-iba sa disposisyon at sa itinatagal ng pagtutuon ng pansin, kailangan ang unawa sa pagtulong sa kanila na matutuhan ang matamang pakikinig. Baka makatulong sa iyo ang sumusunod na mga mungkahi.
Sa tahanan, magsaayos ng mga panahon upang ang iyong maliliit na anak ay maupong tahimik at magbasa o tumingin sa mga larawan sa ating mga publikasyong Kristiyano. Sa mga pulong, iwasan ang paggamit ng mga laruan upang mapanatiling abala ang mga bata. Kung paanong totoo sa sinaunang Israel, ang mga bata rin naman sa ngayon ay presente “upang makapakinig sila at upang matuto sila.” (Deut. 31:12) Kapag praktikal, kahit na yaong mga anak na napakamusmos pa ay pinaglalaanan ng ilang magulang ng personal na kopya ng pinag-aaralang mga publikasyon. Habang lumalaki ang mga bata, tulungan silang maghanda upang makabahagi sa mga programa na humihiling ng pakikibahagi ng tagapakinig.
Isinisiwalat ng Kasulatan ang malapit na kaugnayan sa pagitan ng pakikinig kay Jehova at ng pagsunod sa kaniya. Ito’y makikita sa mga salita ni Moises sa bansang Israel: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay . . . sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Deut. 30:19, 20) Sa ngayon, ang pakikinig sa instruksiyong inilalaan ni Jehova at ang masunuring pagkakapit nito sa ating mga buhay ay mahalaga sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos at sa pagpapala ng buhay na walang hanggan. Gaano nga kahalaga, kung gayon, na ating sundin ang payo ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig”!—Luc. 8:18.