ARALIN 44
Mabisang Paggamit ng mga Tanong
PALIBHASA ang mga tanong ay nangangailangan ng sagot—maging sa bibigan o sa isipan—nakatutulong ang mga ito upang maisangkot ang iyong mga tagapakinig. Ang mga tanong ay makatutulong sa iyo na mapasimulan ang mga pag-uusap at tamasahin ang pagpapalitan ng mga ideya sa nakapagpapasiglang paraan. Bilang isang tagapagsalita at isang guro, maaaring gumamit ka ng mga tanong upang pumukaw ng interes, upang tumulong sa isa na makipagkatuwiranan sa isang paksa, o upang higit pang maidiin ang iyong sinasabi. Kapag ginagamit mong mabuti ang mga tanong, pinasisigla mo ang iba na aktibong mag-isip sa halip na basta makinig na lamang. Magtakda ng tunguhin sa isipan, at iharap ang iyong mga tanong sa paraang makatutulong upang maabot ito.
Upang Mapasigla ang Pag-uusap. Kapag nakikibahagi ka sa ministeryo sa larangan, maging alisto sa mga pagkakataon upang himukin ang mga tao na magpahayag ng kanilang pangmalas kung nais nilang gawin iyon.
Pinasisimulan ng maraming Saksi ang kapana-panabik na talakayan sa pamamagitan lamang ng pagtatanong ng, “Napag-isip-isip mo na ba . . . ?” Kapag nakapili sila ng isang tanong na talagang nasa isip ng maraming tao, malamang sa magkakaroon sila ng kaiga-igayang resulta sa ministeryo sa larangan. Kahit na ang tanong ay bago sa kaisipan ng kausap, maaaring pumukaw ito ng pag-uusisa. Maraming iba’t ibang bagay ang maihaharap sa pamamagitan ng mga ekspresyong gaya ng “Ano sa palagay mo . . . ?,” “Ano ang nadarama mo . . . ?,” at “Naniniwala ka ba . . . ?”
Nang lumapit ang ebanghelisador na si Felipe sa isang opisyal ng korte ng Etiopia na bumabasa nang malakas sa hula ni Isaias, si Felipe ay nagtanong lamang: “Talaga bang nalalaman mo [o, nauunawaan mo ba] ang iyong binabasa?” (Gawa 8:30) Ang tanong na ito ang nagbukas ng daan upang maipaliwanag ni Felipe ang mga katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo. Sa paggamit ng kahawig na tanong, nasumpungan ng ilang makabagong-panahong mga Saksi ang mga tao na tunay na nagugutom sa malinaw na kaunawaan sa katotohanan ng Bibliya.
Kapag sila ay binigyan ng pagkakataong magpahayag ng kanilang sariling pangmalas, maraming tao ang mas malamang na makikinig sa iyo. Pagkatapos mong magtanong, makinig na mabuti. Maging mabait sa halip na maging mapamuna kapag sinasagot ang komento ng tao. Magbigay ng komendasyon kailanma’t taimtim na magagawa mo. Sa isang okasyon, pagkatapos “sumagot [ang isang eskriba] nang may katalinuhan,” pinapurihan siya ni Jesus, sa pagsasabing: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” (Mar. 12:34) Kahit na hindi ka sumasang-ayon sa pangmalas ng kausap, maaari mong pasalamatan siya dahil sa pagpapahayag ng kaniyang pangmalas. Ang kaniyang sinabi ay maaaring magpahiwatig sa iyo ng isang saloobin na kailangan mong isaalang-alang kapag ibinabahagi sa kaniya ang katotohanan ng Bibliya.
Upang Maiharap ang Mahahalagang Ideya. Kapag nagsasalita ka sa isang grupo o nakikipag-usap sa isang indibiduwal, sikaping gumamit ng mga tanong upang maipakilala ang mahahalagang ideya. Tiyaking ang iyong mga tanong ay may kaugnayan sa mga bagay na doo’y tunay na interesado ang iyong tagapakinig. Maaaring gumamit ka rin ng mga tanong na lilikha ng pananabik dahil sa ang sagot ay hindi madaling makukuha. Kung hihinto kang sumandali pagkatapos na magtanong, malamang na magbigay-pansin ang iyong tagapakinig taglay ang malaking interes sa kung ano ang kasunod.
Sa isang okasyon, si propeta Mikas ay gumamit ng ilang katanungan. Pagkatapos na itanong kung ano ang inaasahan ng Diyos sa mga sumasamba sa kaniya, ang propeta ay nagharap ng apat pang katanungan, na bawat isa ay may kalakip na posibleng kasagutan. Ang lahat ng mga katanungang iyon ay nakatulong upang maihanda ang mga mambabasa para sa makahulugang kasagutan na ginamit niya upang wakasan ang bahaging iyon ng kaniyang pagtalakay. (Mik. 6:6-8) Maaari mo bang gawin ang kagaya nito kapag nagtuturo? Subukin ito.
Upang Makapangatuwiran sa Isang Paksa. Maaaring gumamit ng mga tanong upang tulungan ang iba na makita ang lohika ng isang argumento. Nang magbigay ng isang maselang na kapahayagan sa Israel, ginawa ito ni Jehova, gaya ng makikita sa Malakias 1:2-10. Sinabi muna niya sa kanila: “Inibig ko kayo.” Hindi nila pinahalagahan ang pag-ibig na iyon, anupat siya ay nagtanong: “Hindi ba si Esau ay kapatid ni Jacob?” Pagkatapos ay tinukoy ni Jehova ang tiwangwang na kalagayan ng Edom bilang katibayan na dahil sa kanilang kabalakyutan, hindi inibig ng Diyos ang bansang iyon. Sinundan niya ito ng mga ilustrasyon na sinasalitan ng mga tanong upang idiin ang kabiguan ng Israel na wastong tugunin ang kaniyang pag-ibig. Ang ilan sa mga tanong ay binuo na para bang ang di-tapat na mga saserdote ang naghaharap ng mga ito. Ang iba ay mga tanong ni Jehova sa mga saserdote. Ang pag-uusap ay umaantig ng mga damdamin at kumukuha ng ating atensiyon; ang lohika ay di-matututulan; ang mensahe ay di-malilimutan.
Ang ilang tagapagsalita ay mabisang gumagamit ng mga tanong sa gayunding paraan. Bagaman hindi inaasahang sasagutin nang bibigan, ang isipan ng tagapakinig ay nasasangkot, na para bang nakikibahagi sila sa pag-uusap.
Kapag tayo ay nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, ang paraang ginagamit natin ay humihiling ng pakikibahagi ng estudyante. Sabihin pa, mas malaking kabutihan ang naidudulot kapag ang estudyante ay sumasagot sa sariling pananalita. Sa isang mabait na tono, gumamit ng karagdagang mga tanong upang makipagkatuwiranan sa estudyante. Sa mga susing punto, himukin siyang gumamit ng Bibliya bilang saligan ng kaniyang sagot. Maaari mo ring itanong: “Paanong ang ating tinatalakay ay kaugnay ng isa pang puntong ito na katatapos nating pag-aralan? Bakit ito mahalaga? Paano ito dapat makaapekto sa ating buhay?” Ang ganitong paraan ay higit na mabisa kaysa magpahayag ka ng sarili mong paniniwala o magbigay ka ng mas mahabang paliwanag. Sa ganitong paraan, tinutulungan mo ang estudyante na gumamit ng kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran” upang sumamba sa Diyos.—Roma 12:1.
Kung hindi maunawaan ng isang estudyante ang isang ideya, maging matiyaga. Maaaring pinagsisikapan niyang ihambing ang iyong sinasabi sa mga bagay na maraming taon na niyang pinaniniwalaan. Ang pagtalakay sa paksa sa naiibang anggulo ay maaaring makatulong. Gayunman, kung minsan ang kailangan lamang ay napakasimpleng pangangatuwiran. Gamiting mabuti ang Kasulatan. Gumamit ng mga ilustrasyon. Kalakip ng mga ito, gumamit ng simpleng mga tanong na aakit sa tao na mangatuwiran batay sa ebidensiya.
Upang Alamin Kung Ano ang Niloloob. Kapag sinasagot ng mga tao ang mga tanong, hindi nila isinisiwalat sa tuwina kung ano ang tunay nilang niloloob. Maaari silang sumagot ayon lamang sa inaakala nilang gusto mong marinig. Kailangan ang kaunawaan. (Kaw. 20:5) Kagaya ng ginawa ni Jesus, maaari kang magtanong: “Pinaniniwalaan mo ba ito?”—Juan 11:26.
Nang magdamdam ang marami sa mga alagad ni Jesus dahil sa kaniyang sinabi at tumalikod sa kaniya, inanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na magpahayag ng kanilang niloloob. Siya ay nagtanong: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” Ipinahayag ni Pedro ang kanilang niloloob sa pagsasabing: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:67-69) Sa ibang okasyon, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Sino ang Anak ng tao ayon sa sinasabi ng mga tao?” Sinundan niya ito ng isang tanong na nag-anyaya sa kanila na magpahayag kung ano ang laman ng kanilang mga puso. “Kayo naman, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Bilang tugon, sinabi ni Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mat. 16:13-16.
Kapag nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, masusumpungan mong kapaki-pakinabang na gumamit ng gayunding paraan sa ilang isyu. Maaari mong itanong: “Paano minamalas ng iyong mga kaklase (o mga kamanggagawa) ang bagay na ito?” Saka mo maitatanong: “Ano naman ang iyong palagay rito?” Kapag alam mo ang tunay na niloloob ng isang tao, nagiging posible na makatulong ka nang malaki bilang isang guro.
Upang Higit Pang Makapagdiin. Ang mga tanong ay magagamit din upang higit pang maidiin ang mga ideya. Ginawa ito ni apostol Pablo, gaya nang nakaulat sa Roma 8:31, 32: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin? Siya na hindi nagkait maging ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay niya siya para sa ating lahat, bakit hindi rin niya may-kabaitang ibibigay sa atin ang lahat ng iba pang bagay kasama siya?” Pansinin na, sa bawat kaso, ang tanong ay higit pang pinalalawak mula sa sugnay na nauna rito.
Matapos iulat ang kahatulan ni Jehova laban sa hari ng Babilonya, ipinahayag ni propeta Isaias ang matibay na pananalig sa pamamagitan ng pagdaragdag ng: “Si Jehova ng mga hukbo ang nagpasiya, at sino ang makasisira nito? At ang kaniyang kamay ang nakaunat, at sino ang makapipigil nito?” (Isa. 14:27) Sa mismong nilalaman ng mga ito, ang gayong mga tanong ay nagpapahiwatig na ang ipinahayag na ideya ay hindi maaaring tutulan. Hindi na kailangan ang kasagutan.
Upang Maibunyag ang Maling Kaisipan. Ang mga tanong na maingat na pinag-isipan ay mabibisang kasangkapan din sa pagbubunyag ng maling kaisipan. Bago pagalingin ang isang lalaki, tinanong ni Jesus ang mga Pariseo at ilang eksperto sa Kautusan: “Kaayon ba ng kautusan ang magpagaling kapag sabbath o hindi?” Matapos isagawa ang pagpapagaling, sinundan niya ito ng isa pang tanong: “Sino sa inyo, kung ang kaniyang anak o toro ay mahulog sa balon, ang hindi siya kaagad hahanguin sa araw ng sabbath?” (Luc. 14:1-6) Hindi na kailangan ang kasagutan, ni may nagbigay man nito. Ibinunyag ng mga tanong ang kanilang maling kaisipan.
Kung minsan, maging ang tunay na mga Kristiyano ay nagkakaroon ng maling kaisipan. Ang ilan sa unang-siglong Corinto ay nagdadala sa kanilang mga kapatid sa hukuman upang malutas ang mga suliranin sa pagitan nila. Paano hinarap ni apostol Pablo ang bagay na ito? Siya’y nagharap ng sunud-sunod na naaangkop na katanungan upang maituwid ang kanilang kaisipan.—1 Cor. 6:1-8.
Sa pamamagitan ng laging paggamit, matututuhan mo ang mabisang paggamit ng mga tanong. Gayunman, huwag kaliligtaan na maging magalang, lalo na kapag nakikipag-usap sa mas nakatatanda, sa mga taong hindi mo personal na kilala, at sa mga may awtoridad. Gumamit ng mga tanong upang maiharap ang katotohanan ng Bibliya sa kaakit-akit na paraan.