ARALIN 27
Ekstemporanyong Pagpapahayag
MAAARING pinaghirapan mo ang iyong pahayag. Maaaring mayroon kang nakapagtuturong materyal. Ang lohika ay maaaring mahusay. Maaaring kaya mo itong ipahayag nang matatas. Subalit kung ang pansin ng iyong tagapakinig ay nababahagi—kakatiting lamang ang kanilang pinakikinggan sa iyong sinasabi sapagkat ang kanilang isip ay malimit na nagpapagala-gala sa ibang mga bagay—gaano kaya kabisa ang iyong presentasyon? Kung sila’y nahihirapang mapanatiling nakatuon ang kanilang isip sa pahayag, maaabot mo kaya ang kanilang puso?
Ano kaya ang maaaring nasa ugat ng gayong suliranin? Iba’t ibang salik ang maaaring dahilan nito. Kadalasan, ito’y dahil sa hindi nabibigkas ang pahayag sa ekstemporanyong paraan. Sa ibang salita, lubhang madalas na kinukonsulta ng tagapagsalita ang kaniyang mga nota, o kaya’y masyadong pormal ang istilo ng kaniyang pagpapahayag. Gayunman, ang mga suliraning ito ay may tuwirang kaugnayan sa paraan ng paghahanda ng pahayag.
Kung isusulat mo muna nang buo ang iyong pahayag at saka mo sisikaping gumawa ng isang balangkas, malamang na mahihirapan kang ibigay ang pahayag sa ekstemporanyong paraan. Bakit? Sapagkat napili mo na ang eksaktong mga salita na pinaplano mong gamitin. Gamitin mo man ang balangkas sa pagpapahayag, pagsisikapan mo pa ring alalahanin ang mga salitang iyong ginamit sa orihinal na bersiyon. Kapag ang isang bagay ay nakasulat, ang salita ay mas pormal at ang balangkas ng pangungusap ay higit na masalimuot kaysa sa pang-araw-araw na pagsasalita. Mahahalata ito sa iyong pagpapahayag.
Sa halip na isulat ang bawat detalye ng pahayag, subukin ang sumusunod: (1) Piliin ang isang tema at ang mga pangunahing aspekto ng paksa na gagamitin mo sa pagbuo ng temang iyon. Para sa isang maikling pahayag, ang dalawang pangunahing punto ay sapat na. Ang mas mahabang pahayag ay maaaring mangailangan ng apat o lima. (2) Sa ilalim ng bawat pangunahing punto, itala ang mga pangunahing kasulatan na pinaplano mong gamitin sa pagbuo nito; itala rin ang iyong mga ilustrasyon at susing mga argumento. (3) Isipin kung paano mo ihaharap ang pahayag. Maaaring isulat mo pa nga nang kumpleto ang isa o dalawang pangungusap. Gayundin, planuhin ang iyong konklusyon.
Ang paghahanda para sa pagpapahayag ay napakahalaga. Subalit huwag ulit-ulitin ang pahayag nang salita-por-salita sa layuning isaulo ito. Sa ekstemporanyong pagsasalita, ang dapat bigyang-diin sa paghahanda para sa pagpapahayag ay hindi ang mga salita, kundi ang mga ideya na ipahahayag. Ang huling nabanggit ay dapat na repasuhin hanggang sa madali nang magkasunud-sunod ang mga ito sa iyong isip. Kapag ang balangkas ng iyong pahayag ay nabuo sa lohikal na paraan at naisaplanong mabuti, hindi ito magiging mahirap, at sa iyong pagpapahayag, kusa at madaling bubukal ang mga ideya.
Isaalang-alang ang mga Kapakinabangan. Ang isang mahalagang bentaha ng ekstemporanyong pagpapahayag ay na ikaw ay magsasalita sa natural na paraan na madaling tanggapin ng mga tao. Ang iyong pagpapahayag ay magiging mas masigla at sa gayo’y magiging mas kawili-wili sa iyong tagapakinig.
Ang paraang ito ng pagsasalita ay nagbibigay sa iyo ng napakaraming pagkakataon na makatingin sa mata ng iyong mga tagapakinig, na magpapabuti ng iyong komunikasyon sa kanila. Yamang hindi ka umaasa sa mga nota para sa mga salitang gagamitin sa bawat pangungusap, mas madarama ng iyong mga tagapakinig na alam na alam mo ang iyong paksa at taimtim kang naniniwala sa iyong sinasabi. Kaya, ang uring ito ng pagpapahayag ay nagdudulot ng isang masigla at parang nakikipag-usap na presentasyon, isang tunay na puso-sa-pusong pagtalakay.
Ang ekstemporanyong pagpapahayag ay maaari ring ibagay sa kalagayan. Ang materyal ay hindi masyadong mahigpit ang pagkakabuo para hindi mo na mabago pa ito. Ipagpalagay nang maaga pa sa araw ng iyong pagpapahayag, may lumabas na isang namumukod-tanging balita na may tuwirang kaugnayan sa iyong paksa. Hindi ba’t angkop na banggitin ito? O marahil samantalang nagsasalita ka, napansin mo na maraming bata sa tagapakinig na nagsisipag-aral pa. Napakainam nga na iangkop ang iyong mga ilustrasyon at pagkakapit sa layunin na matulungan silang maunawaan kung paanong ang materyal ay nakaaapekto sa kanilang buhay!
Ang isa pang bentaha ng ekstemporanyong pagpapahayag ay ang pagpapasigla nito sa iyo mismong isip. Kapag mayroon kang tagapakinig na nagpapahalaga at tumutugon, ikaw mismo ay sumisigla anupat napalalawak mo pa ang mga ideya o maaari kang gumamit ng panahon upang ulitin ang ilang punto para sa pagdiriin. Kapag napansin mong nawawala ang interes ng tagapakinig, maaari kang gumawa ng hakbang upang malutas ang suliranin sa halip na basta magsalita sa mga tao na ang mga isip ay nasa ibang dako.
Iwasan ang mga Panganib. Dapat mong mabatid na ang ekstemporanyong pagsasalita ay may potensiyal na mga panganib din. Ang isa ay ang tendensiyang sumobra sa oras. Kapag nagsingit ka ng napakaraming karagdagang ideya sa panahon ng pahayag, ang oras ay maaaring maging isang suliranin. Mapagtatagumpayan mo ito kung isusulat mo sa iyong balangkas ang oras na itinakda para sa bawat seksiyon ng pahayag. Saka mahigpit na sundin ang iskedyul na ito.
Ang isa pang panganib, lalo na sa makaranasang mga tagapagsalita, ay ang labis na pagtitiwala sa sarili. Dahil sa pagiging bihasa sa pagsasalita sa madla, maaaring masumpungan ng ilan na hindi naman mahirap ang biglaang magtipon ng ilang ideya at pagkasiyahin iyon sa itinakdang oras. Subalit ang pagpapakumbaba at pagpapahalaga sa bagay na tayo ay nakikibahagi sa isang programa ng edukasyon na doo’y si Jehova mismo ang siyang Dakilang Tagapagturo ay dapat na gumanyak sa atin na harapin ang bawat atas nang may pananalangin at paghandaan itong mabuti.—Isa. 30:20; Roma 12:6-8.
Marahil ang higit na ikinababahala ng maraming tagapagsalitang walang karanasan sa ekstemporanyong pagpapahayag ay na baka makalimutan nila ang gusto nilang sabihin. Huwag hayaang ang alalahaning ito ang maging dahilan upang hindi mo gawin ang pasulóng na hakbang na ito sa mabisang pagsasalita. Maghandang mabuti, at umasa kay Jehova para sa tulong ng kaniyang espiritu.—Juan 14:26.
Ang ibang mga tagapagsalita ay nag-aatubili dahil sa labis na pagkabahala sa pagpili ng tamang mga salita. Totoo, ang isang ekstemporanyong pahayag ay maaaring hindi maging kasinghusay sa pagpili ng mga salita at balarila kung ihahambing sa isang manuskritong pahayag, subalit nahihigitan naman ito ng kaakit-akit na istilo na parang nakikipag-usap lamang. Mas madaling tumugon ang mga tao sa mga ideya na inihaharap sa mga salitang madali nilang maintindihan at sa mga pangungusap na hindi masalimuot. Kung maghahanda kang mabuti, ang angkop na paghahanay ng mga salita ay magiging natural, hindi dahil sa isinaulo mo ito, kundi dahil sa narepaso mong mabuti ang mga ideya. At kapag gumagamit ka ng mabuting pananalita sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, ito ay lalabas nang natural kapag ikaw ay nasa plataporma.
Kung Anong Uri ng mga Nota ang Dapat Gamitin. Sa kalaunan at dahil sa pagsasanay, mapaiikli mo ang iyong balangkas sa ilang salita lamang para sa bawat punto ng iyong pahayag. Ang mga ito, kasama ng nakatalang mga kasulatan na pinaplano mong gamitin, ay maaaring ilistang lahat sa isang kard o pilyego ng papel para sa madaliang reperensiya. Sa ministeryo sa larangan, sa maraming pagkakataon ay makapagsasaulo ka ng isang simpleng balangkas. Kapag nakapagsaliksik ka na sa isang paksa para sa pagdalaw-muli, maaaring gumawa ka ng ilang maiikling nota sa kapirasong papel at isingit iyon sa mga pahina ng iyong Bibliya. O maaaring gamitin mo na lamang ang isang balangkas mula sa “Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-uusapan” o sa materyal na masusumpungan sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan bilang saligan ng inyong pagtalakay.
Gayunman, kung ikaw ay naatasang gumanap ng ilang bahagi sa pulong sa loob ng ilang linggo at marahil ay magbibigay rin ng mga pahayag pangmadla, masusumpungan mong nangangailangan ka ng higit na detalyadong mga nota. Bakit? Upang muling sariwain sa iyong isip ang materyal bago gampanan ang bawat atas na iyon. Magkagayunman, kung ikaw ay labis na aasa sa mga notang iyon para sa mga salitang gagamitin sa panahon ng iyong pagpapahayag—na tinitingnan ang mga ito sa halos bawat pangungusap—mawawala sa iyo ang mga kapakinabangan na siyang katangian ng ekstemporanyong pagpapahayag. Kung gagamit ka ng detalyadong mga nota, markahan ang mga ito upang madali mong makita ang ilang salitang itinatampok at ang binanggit na mga kasulatan na bumubuo sa iyong balangkas.
Bagaman ang pagpapahayag ng isang makaranasang tagapagsalita ay karaniwan nang ekstemporanyo, may bentaha rin kung ilalakip ang iba pang anyo ng pagpapahayag. Sa pambungad at sa konklusyon, kung saan ang mahusay na pagtingin sa tagapakinig ay kailangang nalalakipan ng mapuwersa at pilíng pananalita, ang ilang sauladong pangungusap ay maaaring maging mabisa. Kapag gumagamit ng mga pangyayari, numero, pagsipi, o mga kasulatan, ang pagbabasa ay angkop at maaaring magamit taglay ang mabuting epekto.
Kapag ang Iba ay Humihingi ng Paliwanag. Kung minsan ay hinihingan tayo ng paliwanag hinggil sa ating mga paniniwala at wala nang pagkakataon para sa patiunang paghahanda. Ito ay maaaring mangyari kapag nagbangon ng pagtutol ang isang natagpuan natin sa paglilingkod sa larangan. Ang gayunding mga situwasyon ay maaaring bumangon kapag kasama ng ating mga kamag-anak, sa dakong pinagtatrabahuhan, o sa paaralan. Ang mga opisyal ng pamahalaan ay maaari ring humingi ng mga paliwanag hinggil sa ating mga paniniwala at sa ating paraan ng pamumuhay. Ang Kasulatan ay humihimok: “Laging [maging] handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1 Ped. 3:15.
Pansinin kung paanong sina Pedro at Juan ay sumagot sa Judiong Sanedrin, gaya ng nakaulat sa Gawa 4:19, 20. Sa dalawang pangungusap lamang, naipaliwanag nilang mabuti ang kanilang paninindigan. Ginawa nila iyon sa paraang angkop sa kanilang tagapakinig—na ipinakikitang ang isyung kinakaharap ng mga apostol ay dapat ding harapin ng korte. Nang maglaon, inihain ang huwad na mga paratang laban kay Esteban, at siya’y dinala sa korte ring iyon. Basahin ang kaniyang mapuwersang di-pinaghandaang sagot sa Gawa 7:2-53. Paano niya inorganisa ang kaniyang materyal? Siya’y nagharap ng mga pangyayari ayon sa pagkakasunud-sunod sa kasaysayan. Sa isang angkop na punto, pinasimulan niyang idiin ang rebelyosong espiritu na ipinakita ng bansang Israel. Sa konklusyon, ipinakita niya na nagpamalas din ng gayong espiritu ang Sanedrin nang ipapatay nito ang Anak ng Diyos.
Kapag tinawag ka para sa isang biglaang pagpapaliwanag hinggil sa iyong mga paniniwala, ano ang makatutulong sa iyo upang ang iyong mga komento ay maging mabisa? Tularan si Nehemias na tahimik na nanalangin bago niya sinagot ang tanong ni Haring Artajerjes. (Neh. 2:4) Pagkatapos, karaka-rakang bumuo ng isang balangkas sa isip. Ang mga pangunahing hakbangin ay maaaring itala sa ganitong paraan: (1) Pumili ng isa o dalawang punto na dapat ilakip sa paliwanag (maaari mong gamitin ang mga puntong masusumpungan sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan). (2) Pagpasiyahan kung aling mga kasulatan ang gagamitin mo upang suportahan ang mga puntong iyon. (3) Planuhin kung paano sisimulan ang iyong paliwanag nang mataktika upang ang nagtatanong ay maging handang makinig. Pagkatapos ay magsimulang magsalita.
Kapag ginigipit, matatandaan mo pa kaya kung ano ang dapat gawin? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras na iyon; sapagkat ang nagsasalita ay hindi lamang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo.” (Mat. 10:19, 20) Ito’y hindi nangangahulugan na mapapasaiyo ang makahimalang “pagsasalita ng karunungan” gaya ng ibinigay sa unang-siglong mga Kristiyano. (1 Cor. 12:8) Subalit kung regular mong sinasamantala ang edukasyong inilalaan ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod sa kongregasyong Kristiyano, ipaaalaala sa iyo ng banal na espiritu ang angkop na impormasyon kapag iyon ay kinakailangan.—Isa. 50:4.
Walang alinlangan, ang ekstemporanyong pagpapahayag ay maaaring maging napakabisa. Kung iniinsayo mo ito nang regular kapag gumaganap ng mga atas sa kongregasyon, kung gayon hindi magiging mahirap kung kakailanganin mong magbigay ng biglaang sagot, yamang ang paraan ng pagbalangkas nito ay magkapareho. Huwag mag-atubili. Ang pagkatutong magsalita nang ekstemporanyo ay makatutulong sa iyo upang higit na maging mabisa ang iyong ministeryo sa larangan. At kung may pribilehiyo kang magbigay ng mga pahayag sa kongregasyon, malamang na mapananatili mo ang pansin ng tagapakinig at masasaling ang kanilang puso.