ARALIN 32
Ipinahayag Nang May Pananalig
KAPAG ang isang tao ay nagsasalita nang may pananalig, nakikita ng iba na siya ay lubos na naniniwala sa kaniyang sinasabi. Ang gayong pananalig ay nahayag sa ministeryo ni apostol Pablo. Sa mga naging mananampalataya sa Tesalonica, siya ay sumulat: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi dumating sa gitna ninyo sa pamamagitan lamang ng pananalita kundi sa pamamagitan din ng . . . matibay na pananalig.” (1 Tes. 1:5) Ang pananalig na iyon ay nahayag kapuwa sa kaniyang paraan ng pagsasalita at sa paraan ng kaniyang pamumuhay. Ang matibay na pananalig ay dapat ding mahayag sa paraan ng ating paghaharap ng mga katotohanan sa Bibliya.
Ang pagpapakita ng pananalig ay hindi katulad ng pagiging mapaggiit sa sariling opinyon, dogmatiko, o arogante. Sa halip, kapag ang isang taong may pananalig ay nagsasalita ng mga bagay sa Salita ng Diyos, ginagawa niya iyon sa paraang kakikitaan ng matibay na pananampalataya.—Heb. 11:1.
Mga Okasyon Para Ipahayag ang Pananalig. Mahalaga na magsalita nang may pananalig kapag ikaw ay nasa ministeryo sa larangan. Kadalasan ang mapapansin ng mga tao ay ang paraan ng iyong pagsasalita at hindi lamang ang iyong mensahe. Kanilang mapag-uunawa kung ano talaga ang iyong nadarama hinggil sa iyong sinasabi. Ang iyong pananalig ay maaaring magpahiwatig, na higit na mapuwersa kaysa sa mga salita lamang, na may ibabahagi kang napakahalagang bagay.
May pangangailangan din na ipahayag ang pananalig kapag nagpapahayag sa tagapakinig na mga kapananampalataya. Si apostol Pedro ay sumulat ng kaniyang unang kinasihang liham “upang magbigay ng pampatibay-loob at ng isang marubdob na patotoo na ito ang tunay na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” Dito ay hinimok niya ang mga kapatid na: “Tumayo kayong matatag.” (1 Ped. 5:12) Nang sumusulat sa kongregasyon sa Roma, si apostol Pablo ay nagpahayag ng pananalig na nagdulot sa kanila ng kapakinabangan. Siya ay sumulat: “Sapagkat kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) Si Pablo ay sumulat din nang may panghihikayat hinggil sa pangangailangang mangaral sa iba, at ang kaniyang sariling sigasig sa gawaing iyon ay nagbigay ng maliwanag na patotoo na siya’y personal na kumbinsido sa kahalagahan nito. (Gawa 20:18-21; Roma 10:9, 13-15) Ang gayunding pananalig ay dapat na makita sa mga matatandang Kristiyano sa ngayon habang sila’y nagtuturo mula sa Salita ng Diyos.
Sa mga panahon ng pag-aaral at sa iba pang mga pagkakataon, kailangang magsalita ang mga magulang nang may pananalig kapag tinatalakay ang espirituwal na mga bagay sa kanilang mga anak. Ito’y humihiling sa mga magulang na linangin sa kanilang sariling puso ang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga daan. Sa gayon ay makapagsasalita sila sa kanilang mga anak nang may taos-pusong pananalig, ‘sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.’ (Luc. 6:45; Deut. 6:5-7) Ang pagtataglay ng gayong pananalig ay gaganyak din sa mga magulang na magbigay ng halimbawa ng ‘pananampalatayang walang anumang pagpapaimbabaw.’—2 Tim. 1:5.
Lalo nang mahalagang ipahayag ang iyong sarili taglay ang pananalig kapag ang iyong pananampalataya ay hinahamon. Maaaring magtaka ang isang kamag-aral, isang guro, o isang kamanggagawa dahil sa hindi ka nakikibahagi sa ilang pagdiriwang. Ang matatag at makatuwirang sagot ay makatutulong sa kaniya na igalang ang iyong salig-Bibliyang paninindigan. Kumusta kung may magsikap na humikayat sa iyo sa maling paggawi—pandaraya, maling paggamit ng mga droga, o seksuwal na imoralidad? Mahalagang liwanagin na tiyak na hindi ka gagawi ng gayon at na walang anumang panghihikayat ang magpapabago sa iyong kaisipan. Kailangang magsalita ka nang may pananalig kapag tinatanggihan mo ang paggawa niyaon. Noong pinaglalabanan ang imoral na pagtatangka ng asawa ni Potipar, matatag na sinabi ni Jose: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Nang siya’y nagpumilit, si Jose ay tumakas mula sa bahay.—Gen. 39:9, 12.
Kung Paano Nahahayag ang Pananalig. Ang mga salitang iyong ginagamit ay malaki ang magagawa upang maipahayag ang iyong pananalig. Sa maraming pagkakataon bago bigkasin ni Jesus ang mahahalagang pangungusap, ganito muna ang kaniyang sinasabi: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo.” (Juan 3:3, 5, 11; 5:19, 24, 25) Ang pananalig ni Pablo ay nakita sa mga pananalitang gaya ng “kumbinsido ako,” “Alam ko at naniniwala ako sa Panginoong Jesus,” at “nagsasabi ako ng katotohanan, hindi ako nagsisinungaling.” (Roma 8:38; 14:14; 1 Tim. 2:7) Hinggil sa katuparan ng kaniyang salita, sa pana-panahon ay kinasihan ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang gumawa ng empatikong pananalita, gaya ng, “Iyon ay walang pagsalang magkakatotoo.” (Hab. 2:3) Kapag binabanggit mo ang mga hulang ito, maaari mong gamitin ang kahawig na pananalita. Kung nagtitiwala ka hindi sa iyong sarili kundi kay Jehova at kung nakikipag-usap ka sa iba sa magalang na paraan, ang mga pananalitang nagpapamalas ng gayunding pananalig ay magpapatotoo na ikaw ay may matibay na pananampalataya.
Ang pananalig ay maipakikita rin sa pamamagitan ng iyong marubdob at matinding ekspresyon. Ang mga ekspresyon ng iyong mukha, ang iyong pagkumpas, at ang galaw ng iyong katawan ay nakatutulong na lahat, bagaman maaaring hindi pare-pareho ang mga ito sa lahat ng mga tao. Kahit na ikaw ay mahiyain o likas na mahinang magsalita, kapag ikaw ay lubos na kumbinsido na ang iyong sinasabi ay ang katotohanan at na kailangan ng iba na marinig ito, ang iyong pananalig ay maliwanag na mahahayag.
Sabihin pa, anumang mga kapahayagan ng pananalig na ating ginagawa ay dapat na maging tunay. Kapag nadama ng mga tao na tayo ay nagkukunwari sa halip na nagsasalita mula sa puso, malamang na ituring nilang walang halaga ang ating mensahe. Kaya, higit sa lahat, maging natural. Depende sa dami ng iyong tagapakinig, kakailanganin mong magsalita nang mas malakas ang tinig kaysa sa karaniwan at may higit na tindi. Subalit dapat na ang iyong tunguhin ay ang ipahayag ang iyong sarili nang taimtim at natural.
Mga Tulong sa Pagpapahayag ng Pananalig. Yamang nasasangkot sa iyong pananalig ang iyong mga nadarama hinggil sa iyong materyal, ang mabuting paghahanda ang siyang susi. Ang basta pagkopya ng materyal mula sa isang publikasyon at pagkatapos ay ipahayag ito ay hindi sapat. Kailangan mong lubos na maunawaan ang materyal at maipahayag ito sa iyong sariling mga pananalita. Kailangang lubos kang kumbinsido na ito ay totoo at na ang iyong sinasabi ay mahalaga sa iyong tagapakinig. Ito’y nangangahulugan na kapag naghahanda ka ng iyong presentasyon, isasaalang-alang mo ang kanilang mga kalagayan pati na kung ano ang kanilang maaaring alam na hinggil sa paksa o kung ano ang kanilang nadarama hinggil dito.
Mas madali para sa iba na madama ang ating pananalig kapag matatas ang ating pagpapahayag. Kaya, bilang karagdagan sa paghahanda ng mahusay na materyal, pagbutihin ang iyong pagpapahayag. Bigyan ng pantanging pansin ang mga bahagi ng iyong materyal na nangangailangan ng higit na kataimtiman upang maipahayag mo ang mga ito nang hindi masyadong umaasa sa iyong mga nota. Huwag ding kalimutan na ipanalangin na pagpalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap. Sa ganitong paraan ay ‘makapag-iipon ka ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos’ upang makapagsalita sa paraan na magpapakita ng iyong pananalig sa pagiging totoo at sa kahalagahan ng iyong mensahe.—1 Tes. 2:2.