Pasulungin ang Kakayahan Bilang Isang Guro
ANO ang tunguhin mo bilang isang guro? Kung ikaw ay naging isang mamamahayag ng Kaharian kamakailan, walang alinlangang nagnanais ka na matuto kung paano magdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, yamang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang atas na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Kung naranasan mo na ang gawaing ito, marahil ang tunguhin mo ay upang maging higit na mabisa sa pag-abot sa puso ng mga nais mong tulungan. Kung ikaw ay isang magulang, tiyak na nanaisin mong maging ang uri ng guro na makagaganyak sa iyong mga anak na mag-alay ng kanilang buhay sa Diyos. (3 Juan 4) Kung ikaw ay isang matanda o nagsisikap na maging gayon, marahil ay nanaisin mong maging isang pangmadlang tagapagsalita na makapagkikintal sa kaniyang mga tagapakinig ng taimtim na pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga daan. Paano mo maaabot ang mga tunguhing ito?
Kumuha ng aral mula sa Dalubhasang Guro, si Jesu-Kristo. (Luc. 6:40) Si Jesus man ay nagsasalita sa isang pulutong sa tabi ng bundok o sa ilang tao lamang habang sila’y naglalakad sa daan, ang kaniyang sinasabi at ang paraan ng kaniyang pagsasabi ay nag-iwan ng di-malilimutang alaala. Pinasigla ni Jesus ang isip at puso ng kaniyang mga tagapakinig, at siya’y gumawa ng praktikal na aplikasyon na kanilang mauunawaan. Magagawa mo kaya ang gayunding mga bagay?
Manalig kay Jehova
Ang kakayahan ni Jesus na magturo ay naging mabisa dahil sa kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang makalangit na Ama at dahil sa pagpapala ng espiritu ng Diyos. Ikaw ba’y marubdob na nananalangin kay Jehova upang makapagdaos ng isang mabisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Kung ikaw ay isang magulang, palagian ka bang nananalangin ukol sa patnubay ng Diyos sa pagtuturo sa iyong mga anak? Ikaw ba’y taos-pusong nananalangin kapag naghahandang magbigay ng mga pahayag o mangasiwa sa mga pulong? Ang gayong may-pananalanging pananalig kay Jehova ay tutulong sa iyo upang maging isang higit na mabisang guro.
Ang pagkaumaasa kay Jehova ay nahahayag din sa pamamagitan ng pananalig sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa panalangin noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang isang sakdal na tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita.” (Juan 17:14) Bagaman may malawak na karanasan si Jesus, hindi siya kailanman nagsalita mula sa kaniyang sarili. Lagi niyang sinasalita ang itinuro sa kaniya ng kaniyang Ama, anupat nag-iwan ng isang halimbawa upang sundan natin. (Juan 12:49, 50) Ang salita ng Diyos, na iningatan sa Bibliya, ay may kapangyarihang makaimpluwensiya sa mga tao—sa kanilang mga pagkilos, kaibuturan ng kaisipan, at mga damdamin. (Heb. 4:12) Habang ikaw ay sumusulong sa kaalaman sa Salita ng Diyos at natututo sa mahusay na paggamit nito sa iyong ministeryo, mapasusulong mo ang uri ng kakayahan sa pagtuturo na aakay sa mga tao sa Diyos.—2 Tim. 3:16, 17.
Parangalan si Jehova
Ang pagiging isang guro bilang pagtulad kay Kristo ay hindi ang basta makapagbigay lamang ng isang kawili-wiling diskurso. Tunay nga, ang mga tao ay namangha sa ‘kaakit-akit na mga salita’ ni Jesus. (Luc. 4:22) Subalit ano ba ang tunguhin ni Jesus sa mahusay na pagsasalita? Iyon ay upang parangalan si Jehova, hindi upang makatawag ng pansin sa sarili niya mismo. (Juan 7:16-18) At hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 5:16) Ang payong iyan ay dapat na makaimpluwensiya sa paraan ng ating pagtuturo. Dapat na maging layon natin na iwasan ang anumang bagay na makasisira sa tunguhing iyan. Kaya kapag nagpaplano kung ano ang sasabihin natin o kung paano natin sasabihin iyon, makabubuting itanong sa ating sarili, ‘Ito ba’y magpapalaki ng pagpapahalaga kay Jehova, o ito ba’y makatatawag ng pansin sa akin?’
Halimbawa, ang mga ilustrasyon at mga halimbawa sa totoong buhay ay maaaring gamitin nang mabisa sa pagtuturo. Gayunman, kapag gumawa ng isang mahabang ilustrasyon o nagsalaysay ng isang karanasan na masyadong detalyado, maaaring mawala ang punto na nais ituro. Gayundin naman, ang pagkukuwento ng mga istorya upang mang-aliw lamang ay sumisira sa layunin ng ating ministeryo. Sa katunayan, ang guro ay tumatawag ng pansin sa kaniyang sarili sa halip na maisakatuparan ang tunay na tunguhin ng teokratikong edukasyon.
‘Kilalanin ang Pagkakaiba’
Upang ang isang tao ay tunay na maging alagad, kailangang maunawaan niyang mabuti kung ano ang itinuturo. Kailangan niyang marinig ang katotohanan at makita kung ano ang pagkakaiba nito sa ibang mga paniniwala. Ang paghahambing ay makatutulong upang tamuhin ito.
Paulit-ulit na hinimok ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘kilalanin ang pagkakaiba’ sa pagitan ng kung ano ang malinis at kung ano ang marumi. (Lev. 10:9-11) Kaniyang sinabi na kailangang ituro sa bayan ng mga maglilingkod sa kaniyang dakilang espirituwal na templo ang “pagkakaiba sa pagitan ng bagay na banal at ng bagay na di-banal.” (Ezek. 44:23) Ang aklat ng Kawikaan ay punô ng paghahambing sa pagitan ng katuwiran at ng kabalakyutan, sa pagitan ng karunungan at ng kamangmangan. Maging sa mga bagay na hindi magkasalungat ay maaaring makita ang kaibahan ng isa’t isa. Ipinakita ni apostol Pablo ang pagkakaiba ng isang taong matuwid at ng isang taong mabuti, gaya ng nakaulat sa Roma 5:7. Sa aklat ng mga Hebreo, kaniyang ipinakita ang kahigitan ng paglilingkod ni Kristo bilang mataas na saserdote kaysa yaong kay Aaron. Sa katunayan, gaya ng isinulat ng ika-17 siglong edukador na si John Amos Comenius: “Ang pagtuturo ay nangangahulugan lamang ng pagpapakita kung paano nagkakaiba ang mga bagay-bagay sa isa’t isa sa kanilang iba’t ibang mga layunin, mga anyo, at mga pinagmulan. . . . Kaya, siya na mahusay sa pagpapaliwanag ng pagkakaiba ng mga bagay-bagay ay nagtuturong mabuti.”
Kunin bilang halimbawa, ang pagtuturo sa isa hinggil sa Kaharian ng Diyos. Kung hindi niya nauunawaan kung ano ang Kaharian, maaaring ipakita mo kung paano naiiba ang sinasabi ng Bibliya sa ideya na ang Kaharian ay isa lamang kalagayan sa puso ng isang tao. O maaari mong ipakita kung paanong ang Kaharian ay naiiba sa mga pamahalaan ng tao. Subalit, para sa mga tao na nakaaalam na sa mga pangunahing katotohanang ito, maaari mong gawing higit na detalyado. Maaaring ipakita mo sa kanila kung paano naiiba ang Mesiyanikong Kaharian mula sa sariling pansansinukob na paghahari ni Jehova, na inilalarawan sa Awit 103:19, o mula ‘sa kaharian ng Anak ng pag-ibig ng Diyos,’ na binabanggit sa Colosas 1:13, o mula sa “pangangasiwa,” na binabanggit sa Efeso 1:10. Ang pagpapakita ng pagkakaiba ay makatutulong upang ang mahalagang turong ito ng Bibliya ay maging maliwanag sa iyong tagapakinig.
Paulit-ulit na ginamit ni Jesus ang paraang ito ng pagtuturo. Ipinakita niya ang pagkakaiba ng popular na pagkaunawa sa Kautusang Mosaiko at ng tunay na layunin ng Kautusan. (Mat. 5:21-48) Ipinakita niya ang pagkakaiba ng tunay na makadiyos na debosyon sa mapagpaimbabaw na mga gawa ng mga Pariseo. (Mat. 6:1-18) Ipinakita niya ang pagkakaiba ng espiritu ng mga ‘namamanginoon’ sa iba at ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na dapat ipakita ng kaniyang mga tagasunod. (Mat. 20:25-28) Sa isa pang pagkakataon, na nakaulat sa Mateo 21:28-32, inanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na paghambingin nila sa ganang sarili ang pag-aaring matuwid sa sarili at ang tunay na pagsisisi. Aakayin tayo nito sa isa pang mahalagang pitak ng mabuting pagtuturo.
Pasiglahin ang mga Tagapakinig na Mag-isip
Sa Mateo 21:28, ating mababasa na ipinakita ni Jesus ang kaniyang paghahalintulad sa pamamagitan ng pagtatanong: “Ano sa palagay ninyo?” Ang isang may-kakayahang guro ay hindi lamang basta magsasabi ng mga katotohanan o magbibigay ng mga sagot. Sa halip, pasisiglahin niya ang kaniyang mga tagapakinig na linangin ang kakayahang mag-isip. (Kaw. 3:21; Roma 12:1) Ito ay ginagawa, sa isang bahagi, sa pamamagitan ng pagtatanong. Gaya ng masusumpungan sa Mateo 17:25, si Jesus ay nagtanong: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng mga impuwesto o pangulong buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa kanilang mga anak o mula sa ibang mga tao?” Ang nakapupukaw-kaisipang mga tanong ni Jesus ay tumulong kay Pedro upang makagawa ng kaniyang sariling tamang konklusyon hinggil sa pagbabayad ng buwis sa templo. Gayundin naman, sa pagtugon sa lalaking nagtanong, “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” pinaghambing ni Jesus ang ginawa ng isang saserdote at ng isang Levita sa ginawa ng isang Samaritano. Pagkatapos ay iniharap niya ang tanong na ito: “Sino sa tatlong ito sa wari mo ang naging kapuwa ng taong nahulog sa kamay ng mga magnanakaw?” (Luc. 10:29-36) Dito muli, sa halip na mag-isip para sa kaniyang tagapakinig, siya’y inanyayahan ni Jesus na sagutin ang kaniyang sariling tanong.—Luc. 7:41-43.
Abutin ang Puso
Kinikilala ng mga guro na nakauunawa sa kahulugan ng Salita ng Diyos na ang tunay na pagsamba ay hindi basta pagsasaulo lamang ng ilang mga katotohanan at pag-ayon sa ilang alituntunin. Ito’y nakasalig sa isang mabuting kaugnayan kay Jehova at sa pagpapahalaga sa kaniyang mga daan. Ang gayong pagsamba ay nagsasangkot sa puso. (Deut. 10:12, 13; Luc. 10:25-27) Sa Kasulatan, ang terminong “puso” ay kadalasang tumutukoy sa buong panloob na pagkatao, lakip na ang mga bagay gaya ng mga pagnanasa, pagmamahal, damdamin, at pagganyak.
Batid ni Jesus na bagaman ang mga tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ang Diyos ay tumitingin sa puso. (1 Sam. 16:7) Ang ating paglilingkod sa Diyos ay dapat nauudyukan ng ating pag-ibig sa kaniya, hindi ng mga pagsisikap na pahangain ang kapuwa tao. (Mat. 6:5-8) Sa kabilang panig, ang mga Pariseo ay gumawa ng maraming bagay na pakitang-tao. Labis nilang idiniin ang pag-ayon sa mga detalye ng Kautusan at pagsunod sa mga alituntuning kanilang ginawa. Subalit hindi nila naipakita sa kanilang buhay ang mga katangian na mag-uugnay sa kanila sa Diyos na inaangkin nilang sinasamba. (Mat. 9:13; Luc. 11:42) Itinuro ni Jesus na bagaman ang pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos ay mahalaga, ang kahalagahan ng gayong pagsunod ay nakikilala sa pamamagitan ng kung ano ang nasa puso. (Mat. 15:7-9; Mar. 7:20-23; Juan 3:36) Ang ating pagtuturo ay magdudulot ng pinakamalaking kabutihan kung tutularan natin ang halimbawa ni Jesus. Mahalaga na tulungan natin ang mga tao na matutuhan kung ano ang hinihiling sa kanila ng Diyos. Subalit mahalaga rin para sa kanila na makilala at ibigin si Jehova bilang isang persona upang maipakita ng kanilang paggawi na pinahahalagahan nila ang sinang-ayunang kaugnayan sa tunay na Diyos.
Mangyari pa, upang makinabang mula sa gayong pagtuturo, kailangang harapin ng mga tao kung ano ang nasa kanilang puso. Hinimok ni Jesus ang mga tao na suriin ang kanilang mga motibo at siyasatin ang kanilang mga damdamin. Kapag itinutuwid ang isang maling pangmalas, tinatanong niya ang kaniyang mga tagapakinig kung bakit nila inisip, sinabi, o ginawa ang gayong mga bagay. Subalit, upang hindi maiwan sa gayong kalagayan, nilakipan ni Jesus ang kaniyang pagtatanong ng isang pananalita, isang ilustrasyon, o isang pagkilos na nagpasigla sa kanila na malasin nang wasto ang mga bagay-bagay. (Mar. 2:8; 4:40; 8:17; Luc. 6:41, 46) Matutulungan din natin ang ating mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagmumungkahi sa kanila na tanungin ang kanilang sarili ng mga tanong gaya ng: ‘Bakit nakaaakit sa akin ang ganitong landas ng pagkilos? Bakit ganito ang nagiging reaksiyon ko sa situwasyong ito?’ Pagkatapos ay ganyakin silang tingnan ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ni Jehova.
Gumawa ng Aplikasyon
Nalalaman ng isang mabuting guro na ang “karunungan ang pangunahing bagay.” (Kaw. 4:7) Ang karunungan ay ang kakayahang ikapit ang kaalaman nang matagumpay upang lutasin ang mga suliranin, upang iwasan ang mga panganib, upang abutin ang mga tunguhin, upang tulungan ang iba. Pananagutan ng isang guro na tulungan ang mga estudyante na matutuhang gawin ang gayon subalit hindi upang gumawa ng mga pagpapasiya para sa kanila. Sa pagtalakay sa iba’t ibang simulain ng Bibliya, tulungan ang estudyante na mangatuwiran. Maaari kang bumanggit ng isang kalagayan sa pang-araw-araw na buhay at pagkatapos ay tanungin ang estudyante kung paano makatutulong sa kaniya ang simulain ng Bibliya na katatapos pa lamang ninyong pag-aralan kung siya ay mapapaharap sa gayong kalagayan.—Heb. 5:14.
Sa kaniyang diskurso noong Pentecostes 33 C.E., si apostol Pedro ay nagbigay ng isang halimbawa ng praktikal na aplikasyon na nakaapekto sa buhay ng mga tao. (Gawa 2:14-36) Pagkatapos niyang talakayin ang tatlong teksto sa Kasulatan na diumano’y pinaniniwalaan ng pulutong, ikinapit ni Pedro ang mga ito sa liwanag ng mga pangyayaring nasaksihan nilang lahat. Bilang resulta, ang pulutong ay nakadama ng pangangailangang kumilos salig sa kanilang narinig. Ang iyo bang pagtuturo ay may gayunding epekto sa mga tao? Ikaw ba’y nagsasagawa nang higit pa kaysa pagsasabi lamang ng mga katotohanan at tumutulong sa mga tao na maunawaan kung bakit nagkaganito ang mga bagay-bagay? Pinasisigla mo ba sila na isaalang-alang kung paanong ang mga bagay na kanilang natututuhan ay dapat na makaapekto sa kanilang buhay? Maaaring hindi sila humiyaw ng, “Ano ang gagawin namin?” gaya ng ginawa ng pulutong noong Pentecostes, subalit kung ikinapit mong mabuti ang mga kasulatan, sila’y magaganyak upang gumawa ng karapat-dapat na pagkilos.—Gawa 2:37.
Kapag nagbabasa ng Bibliya kasama ng inyong mga anak, kayong mga magulang ay may mainam na pagkakataon upang sanayin sila na mag-isip ng praktikal na aplikasyon ng mga simulain ng Bibliya. (Efe. 6:4) Halimbawa, maaaring pumili kayo ng ilang talata mula sa nakaiskedyul na pagbabasa sa Bibliya sa linggong iyon, talakayin ang kahulugan ng mga iyon, at pagkatapos ay magbangon ng mga tanong gaya nito: ‘Paano ito naglalaan sa atin ng patnubay? Paano natin magagamit ang mga talatang ito sa ministeryo? Ano ang isinisiwalat ng mga ito tungkol kay Jehova at sa paraan ng kaniyang paggawa ng mga bagay-bagay, at paano mapalalaki nito ang ating pagpapahalaga sa kaniya?’ Pasiglahin ang iyong pamilya na magkomento sa mga puntong ito sa panahon ng pagtalakay ng mga tampok na bahagi ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ang mga talatang kinumentuhan nila ang malamang na siyang matandaan nila.
Magbigay ng Isang Mabuting Halimbawa
Ikaw ay nagtuturo hindi lamang sa pamamagitan ng iyong sinasabi kundi sa pamamagitan din ng iyong ginagawa. Ang iyong mga pagkilos ay naglalaan ng isang praktikal na halimbawa kung paano ikakapit ang mga bagay na iyong sinabi. Sa ganitong paraan ay natututo ang mga bata. Kapag tinutularan nila ang kanilang magulang, ipinakikita nito na gusto nilang maging kagaya ng kanilang mga magulang. Gusto nilang malaman kung ano ang nararanasan ng kanilang mga magulang sa kanilang ginagawa. Sa katulad na paraan, kapag ang mga tinuturuan mo ay ‘tumutulad sa iyo gaya mo naman kay Kristo,’ pasimula na silang nakararanas ng mga pagpapala sa paglakad sa mga daan ni Jehova. (1 Cor. 11:1) Ang pakikitungo sa kanila ng Diyos ay nagiging bahagi ng kanilang sariling mga karanasan.
Ito ay isang seryosong paalaala sa kahalagahan ng pagbibigay ng wastong halimbawa. Ang ‘uri ng pagkatao [natin] na nararapat sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon’ ay malaki ang magagawa sa pagbibigay sa ating tinuturuan ng isang buháy na pagtatanghal kung paano ikakapit ang mga simulain sa Bibliya. (2 Ped. 3:11) Kung pinasisigla mo ang isang estudyante sa Bibliya na basahin nang palagian ang Salita ng Diyos, maging masikap ka sa pagbabasa nito sa ganang sarili. Kung gusto mong matuto ang iyong mga anak na sumunod sa mga simulain ng Bibliya, tiyaking makita nila na ang iyong mga pagkilos ay kasuwato ng kalooban ng Diyos. Kung tinuturuan mo ang kongregasyon na maging masigasig sa ministeryo, tiyaking ikaw ay lubos na nakikibahagi sa gawaing iyon. Kapag ginagawa mo ang iyong itinuturo, ikaw ay nasa mas mabuting kalagayan upang maganyak ang iba.—Roma 2:21-23.
May kinalaman sa pagpapasulong ng iyong pagtuturo, itanong mo sa sarili: ‘Kapag ako’y nagtuturo, ito ba’y nagagawa sa paraang nakaaapekto sa saloobin, pananalita, o pagkilos ng mga nakaririnig nito? Upang gawing maliwanag ang mga bagay-bagay, naipakikita ko ba ang pagkakaiba ng isang ideya o landasin ng pagkilos mula sa iba? Ano ang ginagawa ko upang matulungan ang aking mga estudyante, ang aking mga anak, o ang aking tagapakinig sa isang pulong upang matandaan ang sinasabi ko? Ipinakikita ko ba nang maliwanag sa aking mga tagapakinig kung paano nila maikakapit ang kanilang natututuhan? Nakikita ba nila ito sa aking halimbawa? Napahahalagahan ba nila kung paanong ang kanilang pagtugon sa paksang tinatalakay ay makaiimpluwensiya sa kanilang kaugnayan kay Jehova?’ (Kaw. 9:10) Patuloy na magbigay-pansin sa mga bagay na ito habang sinisikap mong pasulungin ang kakayahan bilang isang guro. “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 Tim. 4:16.