ARALIN 23
Nilinaw ang Praktikal na Kahalagahan
MAGING ikaw man ay nagsasalita sa isang indibiduwal o sa mas maraming tagapakinig, hindi katalinuhan na ipagpalagay na magiging interesado sa iyong paksa ang iyong (mga) tagapakinig dahilan lamang sa interesado ka rito. Mahalaga ang iyong mensahe, subalit kung hindi mo lilinawin ang praktikal na kahalagahan nito, hindi mo marahil mapananatili nang matagal ang interes ng iyong tagapakinig.
Ito ay totoo maging sa tagapakinig sa Kingdom Hall. Maaaring sila ay makinig kapag gumamit ka ng isang ilustrasyon o karanasan na hindi pa nila naririnig. Subalit maaaring tumigil sila sa pakikinig kapag nagsalita ka tungkol sa mga bagay na alam na nila, lalo na kung hindi mo nalinang ang mga bagay na iyon. Kailangang tulungan mo sila na makita kung bakit at kung paano nila talaga pakikinabangan ang sinasabi mo.
Pinasisigla tayo ng Bibliya na mag-isip sa praktikal na paraan. (Kaw. 3:21) Ginamit ni Jehova si Juan Bautista upang akayin ang mga tao tungo “sa praktikal na karunungan ng mga matuwid.” (Luc. 1:17) Ito ay karunungang nag-uugat sa kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova. (Awit 111:10) Yaong mga nagpapahalaga sa karunungang ito ay natutulungang humarap nang matagumpay sa buhay ngayon at manghawakang mahigpit sa tunay na buhay, ang dumarating na buhay na walang hanggan.—1 Tim. 4:8; 6:19.
Paggawang Praktikal ng Isang Pahayag. Upang maging praktikal ang iyong pahayag, dapat mong pag-isipang mabuti hindi lamang ang materyal kundi maging ang tagapakinig din. Huwag mo silang ituring na basta isang grupo lamang. Ang grupong iyon ay binubuo ng mga indibiduwal at mga pamilya. Maaaring mayroon doong mga napakabata pa, tin-edyer, adulto, at ilang may-edad na. Maaaring mayroon doong mga bagong interesado gayundin ng mga nagpasimulang maglingkod kay Jehova bago ka pa ipanganak. Ang ilan ay maaaring may-gulang sa espirituwal; ang iba naman ay maaaring lubhang naiimpluwensiyahan pa ng ilang saloobin at mga gawain ng sanlibutan. Tanungin ang iyong sarili: ‘Paano kaya pakikinabangan ng mga tagapakinig ang materyal na tatalakayin ko? Paano ko kaya sila matutulungan na makuha ang punto?’ Maaari kang magpasiya na bigyan ng pangunahing pansin ang isa o dalawa lamang sa mga grupong binanggit dito. Gayunman, huwag mo namang tuluyang kaligtaan ang iba.
Ano kaya kung ikaw ay naatasang tumalakay ng isang saligang turo sa Bibliya? Paano mo magagawang kapaki-pakinabang ang gayong pahayag sa tagapakinig na naniniwala na sa turong iyon? Pagsikapang patibayin pa ang kanilang pananalig doon. Paano? Sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa maka-Kasulatang ebidensiya na umaalalay rito. Maaari mo ring mapalalim pa ang kanilang pagpapahalaga sa turong iyon ng Bibliya. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagpapakita kung paanong ang turo ay kasuwato ng iba pang mga katotohanan ng Bibliya at ng sariling personalidad ni Jehova. Gumamit ng mga halimbawa—sa totoong-buhay na mga karanasan hangga’t maaari—na nagpapakita kung paanong ang pagkaunawa sa partikular na turong ito ay pinakinabangan ng mga tao at nakaimpluwensiya sa kanilang pangmalas sa kinabukasan.
Huwag limitahan ang praktikal na aplikasyon sa iilan lamang maiikling pangungusap sa konklusyon ng iyong pahayag. Sa pasimula pa lamang, dapat na madama na ng bawat isa sa iyong tagapakinig na “sangkot ako rito.” Pagkatapos na mailatag ang pundasyong iyan, patuloy na gumawa ng praktikal na aplikasyon habang binubuo mo ang bawat isa sa mga pangunahing punto sa katawan ng iyong pahayag gayundin sa konklusyon.
Kapag gumagawa ng pagkakapit, tiyaking gawin iyon sa paraan na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Ano ang kahulugan nito? Ito ay nangangahulugan ng paggawa nito sa isang maibiging paraan at sa pagpapakita ng empatiya. (1 Ped. 3:8; 1 Juan 4:8) Maging sa pagharap sa mabibigat na suliranin sa Tesalonica, sinikap ni apostol Pablo na maitampok ang positibong mga aspekto ng espirituwal na pagsulong ng kaniyang mga Kristiyanong kapatid na lalaki at babaing naroroon. Nagpahayag din siya ng pagtitiwala na sa bagay na tinatalakay noon, nanaisin nilang gawin kung ano ang tama. (1 Tes. 4:1-12) Kay inam na huwaran upang tularan!
Layunin ba ng iyong pahayag na mapasigla ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita sa iba? Pukawin ang kasiglahan at pagpapahalaga para sa pribilehiyo. Gayunman, habang ginagawa ito, ingatan sa isipan na ang laki ng makakayanan ng mga indibiduwal sa pakikibahagi rito ay nagkakaiba-iba, at ito ay isinasaalang-alang sa Bibliya. (Mat. 13:23) Huwag mong pabigatan ang iyong mga kapatid sa pamamagitan ng pagpapadama na sila’y nagkukulang. Ang Hebreo 10:24 ay humihimok sa atin na “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” Kung tayo ay nag-uudyukan sa pag-ibig, ang mga gawang salig sa isang mabuting motibo ay susunod. Sa halip na pagsikapang iutos ang pagsunod, kilalanin na nais ni Jehova na itaguyod natin “ang pagkamasunurin sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 16:26) Taglay ito sa isipan, sinisikap nating patibayin ang pananampalataya—kapuwa ang sa atin at sa ating mga kapatid.
Pagtulong sa Iba na Makuha ang Punto. Samantalang nagpapatotoo ka sa iba, huwag mong kaliligtaan na itampok ang praktikal na kahalagahan ng mabuting balita. Ang pagsasagawa nito ay humihiling na isaalang-alang mo kung ano ang nasa isip ng mga tao sa inyong teritoryo. Paano mo malalaman ito? Makinig sa mga balita sa radyo o sa telebisyon. Tingnan ang unang pahina ng pahayagan. Gayundin, pagsikapang akayin ang mga tao sa pag-uusap, at makinig kapag sila ay nagsasalita. Maaaring matuklasan mong sila pala’y nakikipagpunyagi sa mabibigat na suliranin—kawalan ng trabaho, pagbabayad ng upa, karamdaman, kamatayan ng isang miyembro ng pamilya, panganib sa krimen, kawalang-katarungan sa mga kamay ng isang may kapangyarihan, paghihiwalay ng mag-asawa, pagkontrol sa maliliit na anak, at iba pa. Makatutulong ba sa kanila ang Bibliya? Aba oo.
Kapag pinasisimulan ang isang pakikipag-usap, malamang na taglay mo ang isang paksa sa isipan. Gayunman, kung ipinahihiwatig ng tao na may ibang isyu na gusto niyang pag-usapan muna, huwag mag-atubiling talakayin iyon kung magagawa mo, o sabihing babalik ka taglay ang ilang makatutulong na impormasyon. Sabihin pa, iniiwasan nating ‘manghimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa atin,’ subalit nagagalak tayong ibahagi sa iba ang praktikal na payo na iniaalok ng Bibliya. (2 Tes. 3:11) Maliwanag na ang higit na nakatatawag-pansin sa mga tao ay ang payo ng Bibliya na may personal na epekto sa kanilang buhay.
Kung hindi makikita ng mga tao kung paano makaaapekto sa kanila nang personal ang ating mensahe, maaaring tapusin na nila agad ang pakikipag-usap. Kahit na hinahayaan nila tayong magsalita, ang pagkabigo nating maipakita ang praktikal na kahalagahan ng paksa ay maaaring mangahulugan na bahagya lamang ang magiging epekto ng ating mensahe sa kanilang buhay. Sa kabilang dako, kung malinaw nating maipakikita ang praktikal na kahalagahan ng mensahe, ang ating pagtalakay ay maaaring maging dahilan ng malaking pagbabago sa buhay ng mga tao.
Kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, patuloy na itampok ang praktikal na aplikasyon. (Kaw. 4:7) Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang maka-Kasulatang payo, mga simulain, at mga halimbawa na nagpapakita sa kanila kung paano lalakad sa mga daan ni Jehova. Idiin ang mga kapakinabangang idinudulot ng pagsasagawa nito. (Isa. 48:17, 18) Ito ay magpapakilos sa mga estudyante na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kanilang buhay. Linangin sa kanila ang pag-ibig kay Jehova at ang pagnanais na paluguran siya, at hayaang magmula sa kanilang kalooban ang pagganyak na ikapit ang payo mula sa Salita ng Diyos.