ARALIN 33
Mataktika Subalit Matatag
ANG taktika ay ang kakayahang makitungo sa ibang tao nang hindi na kailangan pang makasugat ng damdamin. Sangkot dito ang pagkaalam kung paano at kailan sasabihin ang mga bagay-bagay. Hindi ito nangangahulugan ng pagkokompromiso sa kung ano ang tama o pagpilipit sa mga katotohanan. Ang taktika ay hindi dapat ipagkamali sa takot sa tao.—Kaw. 29:25.
Ang bunga ng espiritu ay naglalaan ng pinakamainam na pundasyon sa pagiging mataktika. Kaya, ang isang tao na nagaganyak ng pag-ibig ay hindi nagnanais na makainis sa iba; nais niyang matulungan sila. Ang isang mabait at mahinahong-loob ay malumanay sa paggawa niya ng mga bagay-bagay. Ang taong mapayapa ay humahanap ng mga paraan upang maitaguyod ang mabubuting relasyon sa iba. Kahit na magaspang ang pag-uugali ng mga tao, ang indibiduwal na may mahabang-pagtitiis ay nananatiling kalmante.—Gal. 5:22, 23.
Sa bagay, anuman ang gawing paraan ng paghaharap ng mensahe ng Bibliya, ikagagalit pa rin ito ng ibang tao. Dahil sa masamang kalagayan ng puso ng karamihan ng mga Judio noong unang siglo, si Jesu-Kristo ay naging “isang batong katitisuran at isang batong-limpak na pambuwal” para sa kanila. (1 Ped. 2:7, 8) May kaugnayan sa kaniyang ginawang paghahayag ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Ako ay pumarito upang magpaningas ng apoy sa lupa.” (Luc. 12:49) At ang mensahe ng Kaharian ni Jehova, na lakip na ang pangangailangang kilalanin ng mga tao ang soberanya ng kanilang Maylalang, ang siya pa ring apurahang isyu na napapaharap sa sangkatauhan. Ikinagagalit ng maraming tao ang mensahe na malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Subalit, bilang pagsunod sa Diyos, nangangaral pa rin tayo. Gayunman, sa paggawa nito, lagi nating tatandaan ang payo ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Mataktika Kapag Nagpapatotoo. Tayo ay napapasailalim ng maraming kalagayan kapag nagsasalita sa iba ng tungkol sa ating pananampalataya. Sabihin pa, ginagawa natin ito samantalang nasa ministeryo sa larangan, subalit hinahanap din natin ang angkop na mga pagkakataon kapag kasama natin ang ating mga kamag-anak, mga kamanggagawa, at mga kaeskuwela. Sa lahat ng situwasyong ito, kailangan ang taktika.
Kapag tayo’y naghaharap ng mensahe ng Kaharian sa paraan na para bang sila’y ating sinasaway, maaaring tanggihan nila ito. Kapag hindi sila humihingi ng tulong at marahil ay hindi nila nadaramang kailangan ito, maaari silang magalit kapag nahihiwatigan nilang sila’y itinutuwid. Paano natin maiiwasan na makapagbigay ng maling impresyon? Ang pagkatuto sa sining ng palakaibigang pakikipag-usap ay makatutulong.
Sikaping pasimulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagbabangon ng isang paksa na doo’y interesado ang kausap. Kung ang taong iyon ay isang kamag-anak, isang kamanggagawa, o isang kaeskuwela, maaaring alam mo na kung saan siya interesado. Kahit na ngayon mo lamang nakausap ang taong iyon, maaari mong ibangon ang isang paksa na iyong napakinggan sa balita o nabasa sa pahayagan. Ang gayong mga paksa ay karaniwan nang nagpapakita kung ano ang nasa isip ng maraming tao. Kapag nagbabahay-bahay ka, maging mapagmasid. Ang mga dekorasyon sa tahanan, mga laruan sa bakuran, mga gamit sa relihiyon, at mga nakadikit sa depensa ng isang sasakyang nakaparada sa daanan ay maaaring higit pang magpahiwatig kung ano ang interes ng may-bahay. Kapag humarap na ang may-bahay, makinig sa kaniyang sinasabi. Ang kaniyang sinasabi ay magpapatunay o kaya’y magtutuwid sa iyong palagay hinggil sa kaniyang interes at pangmalas at magpapahiwatig pa kung ano ang dapat mong isaalang-alang sa pagpapatotoo.
Sa pagpapatuloy ng usapan, ibahagi ang mga punto mula sa Bibliya at sa salig-Bibliyang publikasyon na may kaugnayan sa paksa. Subalit huwag lamang ikaw ang magsalita. (Ecles. 3:7) Isangkot ang iyong may-bahay sa pagtalakay, kung gusto niyang makibahagi. Maging interesado sa kaniyang mga pangmalas at mga opinyon. Ang mga ito ay maaaring magbigay sa iyo ng kailangang pahiwatig upang maging mataktika.
Bago mo sabihin ang anumang bagay, isaalang-alang kung ano ang magiging dating nito sa iyong kausap. Sa Kawikaan 12:8 ay binibigyang papuri ang isang “bibig na may karunungan.” Ang pananalitang Hebreo na ginamit dito ay iniuugnay sa mga ideyang kagaya ng unawa at hinahon. Kaya, kalakip ng karunungan ang pagiging maingat sa pagsasalita bilang resulta ng maingat na pag-iisip sa isang bagay upang makakilos nang may katalinuhan. Ang talatang 18 sa kabanata ring iyon ng Kawikaan ay nagbababala laban sa “nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” Posible na maitaguyod ang katotohanan ng Bibliya nang hindi nakasusugat ng damdamin.
Ang pagpapakita lamang ng kaunawaan sa iyong pagpili ng mga termino ay makatutulong na sa iyo upang maiwasan ang paglalagay ng di-kailangang hadlang. Kung ang paggamit ng terminong “ang Bibliya” ay lilikha ng hadlang sa isip ng iba, maaaring gumamit ka ng pananalitang gaya ng “banal na mga kasulatan” o “isang aklat na ngayon ay inilathala sa mahigit na 2,000 wika.” Kapag binanggit mo ang Bibliya, maaaring kunin mo ang opinyon ng tao hinggil dito at pagkatapos ay isaalang-alang ang kaniyang mga komento sa natitirang bahagi ng inyong pag-uusap.
Kadalasang kasali sa pagiging mataktika ang pagtiyak sa tamang panahon ng pagsasabi ng mga bagay-bagay. (Kaw. 25:11) Maaaring hindi ka sang-ayon sa lahat ng sinasabi ng kausap mo, subalit hindi kailangang gawing isyu ang lahat ng kaniyang ipinahahayag na di-makakasulatang pangmalas. Huwag sabihin agad sa may-bahay ang lahat ng bagay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan.”—Juan 16:12.
Hangga’t posible, taimtim na papurihan ang mga kausap mo. Kahit na mahilig na makipagtalo ang may-bahay, maaari mo pa ring papurihan siya sa panghahawakan sa isang pangmalas. Ginawa ito ni apostol Pablo nang siya ay nakikipag-usap sa mga pilosopo sa Areopago sa Atenas. Ang mga pilosopo ay “nakipag-usap sa kaniya nang may pakikipagtalo.” Paano niya masasabi ang kaniyang punto nang hindi makasusugat ng damdamin? Bago pa nito, kaniyang napagmasdan ang maraming altar na kanilang ginawa para sa kanilang mga diyos. Sa halip na hatulan ang mga taga-Atenas sa kanilang idolatrosong pagsamba, mataktika niyang pinuri ang kanilang pagiging relihiyoso. Sinabi niya: “Nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba.” Ang ganitong paraan ng paglapit ay nagbukas ng daan para maiharap niya ang kaniyang mensahe tungkol sa tunay na Diyos. Bilang resulta, ang ilan ay naging mananampalataya.—Gawa 17:18, 22, 34.
Huwag maging labis ang iyong reaksiyon kapag may ibinangong mga pagtutol. Manatiling kalmante. Malasin ang mga ito bilang mga pagkakataon upang maunawaan ang nasa isip ng tao. Maaari mong pasalamatan siya sa pagsasabi ng kaniyang mga pangmalas. Paano kung bigla niyang sabihin: “Mayroon na akong sariling relihiyon”? Maaari mong itanong sa mataktikang paraan: “Dati ka na bang isang taong relihiyoso?” Saka, idagdag mo pagkatapos na siya’y tumugon: “Sa palagay mo ba’y maaari pang magkaisa ang mga tao sa iisang relihiyon?” Maaaring ito ang magbukas ng daan para sa higit pang pag-uusap.
Ang pagkakaroon ng wastong pangmalas sa ating sarili ay makatutulong sa atin upang maging mataktika. Tayo ay lubos na kumbinsido sa pagiging tama ng mga daan ni Jehova at sa katapatan ng kaniyang Salita. Tayo ay nagsasalita nang may pananalig hinggil sa mga bagay na ito. Subalit walang dahilan upang tayo ay maging mapagmatuwid sa sarili. (Ecles. 7:15, 16) Tayo ay nagpapasalamat sa pagkaalam ng katotohanan at pagtatamasa ng pagpapala ni Jehova, subalit lubos nating nababatid na ang pagtatamo natin ng kaniyang pagsang-ayon ay dahil sa kaniyang di-sana nararapat na kabaitan at sa ating pananampalataya kay Kristo, hindi dahil sa ating sariling katuwiran. (Efe. 2:8, 9) Kinikilala natin ang pangangailangang ‘subukin kung tayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano nga tayo.’ (2 Cor. 13:5) Kaya kapag tayo ay nakikipag-usap sa mga tao hinggil sa pangangailangang sumunod sa mga kahilingan ng Diyos, may pagpapakumbaba din nating ikinakapit ang payo ng Bibliya sa ating sarili. Hindi para sa atin na humatol sa ating kapuwa tao. “Ipinagkatiwala [ni Jehova] ang lahat ng paghatol sa Anak,” at sa harapan ng kaniyang luklukan ng paghatol kailangan tayong managot sa ating ginagawa.—Juan 5:22; 2 Cor. 5:10.
Sa Pamilya at sa mga Kapuwa Kristiyano. Ang paggamit natin ng taktika ay hindi dapat na limitado lamang sa ministeryo sa larangan. Yamang ang taktika ay kapahayagan ng bunga ng espiritu ng Diyos, dapat din nating ipakita ang taktika sa tahanan kapag nakikitungo sa mga miyembro ng pamilya. Ang pag-ibig ay mag-uudyok sa atin na magpakita ng konsiderasyon sa damdamin ng iba. Ang asawa ni Reyna Esther ay hindi mananamba ni Jehova, subalit si Reyna Esther ay nagpakita sa kaniya ng paggalang at malaking kaunawaan nang iniharap sa kaniya ang mga bagay may kinalaman sa mga lingkod ni Jehova. (Esther, kab. 3-8) Sa ilang kaso, ang pagiging mataktika sa pakikitungo sa mga miyembro ng pamilya na di-Saksi ay maaaring humiling na ang ating paggawi, sa halip na ang ating paliwanag hinggil sa ating mga paniniwala, ang siyang magpatotoo sa kanila ng daan ng katotohanan.—1 Ped. 3:1, 2.
Sa katulad na paraan, ang pagiging pamilyar natin sa mga miyembro ng kongregasyon ay hindi nangangahulugan na maaari na tayong maging walang-pakundangan o magaspang sa kanila. Hindi tayo dapat mangatuwiran na sapagkat sila’y maygulang na, kaya na nilang tanggapin iyon. O kaya’y bigyang matuwid ang ating sarili sa pagsasabing: “Buweno, ganiyan talaga ako.” Kung masumpungan natin na ang paraan ng ating pagsasalita ay nakasusugat ng damdamin ng iba, dapat na maging determinado tayong magbago. Ang ating “masidhing pag-ibig sa isa’t isa” ay dapat mag-udyok sa atin na ‘gumawa ng mabuti . . . sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.’—1 Ped. 4:8, 15; Gal. 6:10.
Kapag Nagsasalita sa mga Tagapakinig. Yaong mga nagsasalita sa plataporma ay kailangan ding maging mataktika. Ang mga tagapakinig ay binubuo ng mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan at mga kalagayan. Sila ay nasa iba’t ibang antas ng espirituwal na pagsulong. Ang ilan sa kanila ay maaaring pumunta sa Kingdom Hall sa unang pagkakataon. Ang iba ay maaaring nasa ilalim ng isang maigting na kalagayan na hindi alam ng tagapagsalita. Ano ang makatutulong sa isang tagapagsalita upang maiwasan niyang masugatan ang damdamin ng kaniyang tagapakinig?
Kasuwato ng payo ni apostol Pablo kay Tito, gawin mong tunguhin “na huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, . . . maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:2) Iwasan ang pagtulad sa sanlibutan sa paggamit ng mga termino na humahamak sa mga tao ng ibang lahi, wika, o nasyonalidad. (Apoc. 7:9, 10) Prangkahang talakayin ang mga kahilingan ni Jehova, at ipakita ang karunungan ng pagkakapit ng mga ito; subalit iwasang gumamit ng mapanirang mga pamumuna hinggil doon sa mga hindi pa lubusang lumalakad sa daan ni Jehova. Sa halip, pasiglahin ang lahat na unawain ang kalooban ng Diyos at gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniya. Palambutin ang mga salita ng payo sa pamamagitan ng masigla at taimtim na papuri. Sa paraan ng iyong pagsasalita at sa tono ng iyong tinig, ipaabot sa kanila ang pag-ibig pangkapatid na dapat na taglayin nating lahat para sa isa’t isa.—1 Tes. 4:1-12; 1 Ped. 3:8.