ARALIN 38
Pumupukaw-Interes na Pambungad
ANG pambungad ay isang mahalagang bahagi ng anumang pahayag. Kapag talagang napukaw mo ang interes ng iyong tagapakinig, magugustuhan nilang makinig pa nang higit sa kung ano ang susunod na sasabihin. Sa ministeryo sa larangan, kung ang iyong pambungad ay hindi nakapukaw ng interes, maaaring hindi mo na maipagpatuloy ang iyong presentasyon. Kapag nagbibigay ka ng pahayag sa Kingdom Hall, hindi ka naman iiwan ng iyong tagapakinig, ngunit ang mga indibiduwal ay maaaring magsimulang mag-isip ng ibang mga bagay kapag hindi mo nakuha ang kanilang interes.
Kapag naghahanda ng iyong pambungad, isaisip ang sumusunod na mga tunguhin: (1) pagkuha sa pansin ng iyong tagapakinig, (2) malinaw na pagbanggit sa iyong paksa, at (3) pagpapakita kung bakit mahalaga ang paksa sa iyong tagapakinig. Sa ilang pagkakataon, ang tatlong tunguhing ito ay maaaring matamo nang halos sabay-sabay. Gayunman, kung minsan ang mga ito ay maaaring bigyang-pansin nang isa-isa, at ang ayos ay maaaring iba-iba.
Kung Paano Kukunin ang Pansin ng Iyong Tagapakinig. Ang bagay na ang mga tao ay nagtipon upang makinig sa isang pahayag ay hindi nangangahulugan na sila’y handang magbigay ng kanilang di-nababahaging pansin sa paksa. Bakit hindi? Ang kanilang buhay ay puspos ng maraming bagay na humihingi ng kanilang pansin. Sila ay maaaring nababahala sa isang suliranin sa tahanan o sa iba pang kabalisahan sa buhay. Ang hamon na napapaharap sa iyo bilang tagapagsalita ay ang kunin at panatilihin ang pansin ng tagapakinig. Mahigit pa sa isang paraan na magagawa mo ito.
Ang isa sa pinakabantog na mga pahayag na naibigay kailanman ay ang Sermon sa Bundok. Paano ito nagsimula? Ayon sa ulat ni Lucas, sinabi ni Jesus: “Maligaya kayong mga dukha, . . . maligaya kayo na nagugutom ngayon, . . . maligaya kayo na tumatangis ngayon, . . . maligaya kayo kailanma’t kinapopootan kayo ng mga tao.” (Luc. 6:20-22) Bakit nakapukaw iyon ng interes? Sa ilang salita, kinilala ni Jesus ang ilan sa malulubhang suliranin na kailangang harapin ng kaniyang mga tagapakinig. Pagkatapos, sa halip na talakayin nang mahaba ang mga suliranin, ipinakita niya na ang mga tao na nagtataglay ng gayong mga suliranin ay maaari pa ring maging maligaya, at ginawa niya iyon sa paraan na nagustuhan ng kaniyang mga tagapakinig na makinig pa nang higit.
Ang mga tanong ay maaaring gamitin nang mabisa upang pumukaw ng interes, subalit dapat na tama ang mga ito. Kung ang iyong mga tanong ay nagpapahiwatig na ikaw ay magsasalita lamang ng tungkol sa mga bagay na alam na ng mga tagapakinig, maaaring maglaho kaagad ang interes. Huwag kang magtatanong ng magdudulot ng kahihiyan sa iyong tagapakinig o na magbibigay sa kanila ng masamang impresyon. Sa halip, pagsikapan mong buuin ang iyong mga tanong para antigin silang mag-isip. Huminto sandali pagkatapos ng bawat tanong upang magkaroon ng panahon ang iyong mga tagapakinig na sagutin ito sa kanilang isipan. Kapag nadarama nilang sila’y nakikipag-usap sa iyo sa pamamagitan ng isip, nakuha mo na ang kanilang pansin.
Ang paggamit ng isang karanasan sa tunay na buhay ay isa pang mabuting paraan upang makuha ang pansin. Subalit ang basta pagsasalaysay ng isang kuwento ay maaaring bumigo sa iyong layunin kung ang karanasan ay magdudulot ng kahihiyan sa sinuman sa iyong tagapakinig. Kung ang iyong kuwento ay natandaan subalit ang aral nito ay nakalimutan, hindi ka nagtagumpay sa iyong layunin. Kapag ang isang karanasan ay ginamit sa pambungad, ito ay dapat na maglatag ng pundasyon para sa ilang mahahalagang aspekto ng katawan ng iyong pahayag. Bagaman ang ilang detalye ay kakailanganin upang gawing buháy ang salaysay, maging maingat na huwag humaba nang di-kinakailangan ang mga karanasan.
Pinasisimulan ng ilang tagapagsalita ang isang diskurso sa pamamagitan ng isang balita kamakailan, isang pagsipi mula sa isang lokal na pahayagan, o isang pananalita ng isang kilalang awtoridad. Ang mga ito ay maaaring maging mabisa rin kung talagang akma sa paksa at angkop sa tagapakinig.
Kung ang iyong pahayag ay bahagi ng isang simposyum o isang bahagi sa Pulong sa Paglilingkod, kung gayon ay kadalasang pinakamabuti na gawing maikli ang iyong pambungad at tuwiran sa punto. Kung nagbibigay ka ng pahayag pangmadla, manatili sa oras na nakalaan para sa pambungad. Ang katawan ng pahayag ang magdadala ng impormasyon na siyang pinakamahalaga sa iyong tagapakinig.
May pagkakataong masusumpungan mong nagsasalita ka sa harapan ng tagapakinig na nagdududa o masusungit pa nga. Paano mo makukuha ang kanilang pansin? Si Esteban, isang sinaunang Kristiyano na inilarawan bilang “puspos ng espiritu at karunungan,” ay sapilitang dinala sa harapan ng Judiong Sanedrin. Doon ay gumawa siya ng isang mahusay na pagtatanggol sa Kristiyanismo. Paano siya nagsimula? Sa isang magalang na paraan at sa pagtukoy sa bagay na kapuwa nila pinaniniwalaan. “Mga lalaki, mga kapatid at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham.” (Gawa 6:3; 7:2) Sa Areopago sa Atenas, ibinagay ni apostol Pablo ang kaniyang pambungad sa lubhang naiibang uri ng mga tagapakinig, sa pagsasabing: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba.” (Gawa 17:22) Bilang resulta ng mabibisang pambungad, ang dalawang klase ng tagapakinig na ito ay handang makinig nang higit pa.
Kapag nasa paglilingkod ka sa larangan, kailangan mo ring makuha ang pansin ng mga tao. Kung hindi patiunang naisaayos ang iyong pagdalaw, maaaring abala ang may-bahay sa iba pang mga gawain. Sa ilang bahagi ng daigdig, ang di-imbitadong mga panauhin ay inaasahan na magiging deretso agad sa punto. Sa ibang dako naman, hinihiling ng kaugalian na isaalang-alang ang ilang pormalidad bago mo sabihin ang dahilan ng iyong pagdalaw.—Luc. 10:5.
Sa alinmang kalagayan, ang tunay na pagkapalakaibigan ay maaaring makatutulong sa paglikha ng relasyong makabubuti sa pag-uusap. Kadalasang kapaki-pakinabang na magpasimula sa bagay na may tuwirang kaugnayan sa nasa isip ng tao. Paano mo matitiyak kung ano ang gagamitin? Buweno, kapag lumalapit ka sa tao, siya ba ay may ginagawa? Marahil siya’y nagsasaka, naglilinis sa palibot ng kaniyang bahay, nagkukumpuni ng kotse, nagluluto, naglalaba, o nag-aalaga ng mga bata. May pinagmamasdan ba siya—isang pahayagan o isang pangyayari sa kalye? Ang kaniya bang kapaligiran ay nagpapakita ng pantanging interes sa pangingisda, isport, musika, paglalakbay, computer, o iba pang bagay? Kadalasang ikinababahala ng mga tao kung ano ang kanilang narinig kamakailan sa radyo o nakita sa telebisyon. Ang isang tanong o isang maikling komento hinggil sa alinman sa gayong mga bagay ay maaaring umakay sa isang palakaibigang pag-uusap.
Ang pangyayari noong makipag-usap si Jesus sa isang Samaritana sa balon na malapit sa Sicar ay isang namumukod-tanging halimbawa kung paano pasisimulan ang isang pag-uusap sa layuning magbigay ng isang patotoo.—Juan 4:5-26.
Kailangan mong maingat na ihanda ang iyong pambungad, lalo na kung ang inyong kongregasyon ay malimit na gumagawa sa teritoryo nito. Kung hindi, maaaring hindi ka makapagbigay ng isang patotoo.
Ipakilala ang Iyong Paksa. Sa kongregasyong Kristiyano, ang tsirman o ang sinumang nauna sa iyo sa programa ang kadalasang magsasabi ng pamagat ng iyong pahayag at magpapakilala sa iyo. Gayunman, magiging kapaki-pakinabang para sa iyo na ipaalaala sa iyong tagapakinig ang iyong paksa sa iyong pambungad na pananalita. Maaaring gawin ito, subalit hindi kailangang ito’y maging salita por salitang pagbanggit ng tema. Mangyari pa, ang tema ay unti-unting nahahayag habang nagpapatuloy ang pahayag. Sa anumang paraan sa pambungad, kailangan kang magtuon ng pansin sa iyong paksa.
Nang isugo ang kaniyang mga alagad upang mangaral, malinaw na inihayag ni Jesus ang mensahe na kanilang ipangangaral. “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” (Mat. 10:7) Hinggil sa ating panahon, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral.” (Mat. 24:14) Tayo ay hinihimok na “ipangaral ang salita,” alalaong baga, manatili sa Bibliya kapag nagpapatotoo. (2 Tim. 4:2) Gayunman, bago buksan ang Bibliya o akayin ang pansin sa Kaharian, kadalasan na kailangang sabihin ang ilang bagay na ikinababahala sa kasalukuyan. Maaaring magkomento ka hinggil sa krimen, kawalang-trabaho, kawalang-katarungan, digmaan, kung paano tutulungan ang mga kabataan, sakit, o kamatayan. Subalit huwag masyadong magtatagal sa negatibong mga bagay; ang iyong mensahe ay positibo. Pagsikapang akayin ang usapan sa Salita ng Diyos at sa pag-asa ng Kaharian.
Ipakita Kung Bakit ang Paksa ay Mahalaga sa Iyong Tagapakinig. Kung magsasalita ka sa kongregasyon, makatuwirang asahan mo na yaong makikinig sa iyo sa pangkalahatan ay interesado sa tatalakayin mo. Subalit sila ba ay makikinig kagaya ng ginagawa ng isang tao kapag siya’y natututo ng isang bagay na talagang nakaaapekto sa kaniya? Sila ba ay magbibigay-pansin sapagkat batid nila na ang kanilang naririnig ay akma sa kanilang kalagayan sa buhay at sapagkat napasisigla mo sila na magkaroon ng pagnanais na asikasuhin iyon? Magkakatotoo lamang iyon kung isinaalang-alang mong maingat ang iyong tagapakinig—ang kanilang mga kalagayan, ang kanilang mga ikinababahala, ang kanilang mga saloobin—sa paghahanda mo ng iyong pahayag. Kung ginawa mo ito, kung gayo’y ilakip sa iyong pambungad ang bagay na nagpapahiwatig niyaon.
Ikaw man ay nagsasalita mula sa plataporma o nagpapatotoo sa isang indibiduwal, ang isa sa pinakamabuting paraan upang mapukaw ang interes sa paksa ay ang pagsasangkot sa iyong tagapakinig. Ipakita kung paanong ang kanilang mga suliranin, ang kanilang mga pangangailangan, o ang mga tanong na nasa kanilang isipan ay kaugnay ng paksang iyong tinatalakay. Kung liliwanagin mo na hihigit ka pa sa pangkalahatang aspekto ng paksa at tatalakayin mo ang espesipikong aspekto nito, sila ay higit na matamang makikinig sa iyo. Upang magawa iyon, kailangan kang maghandang mabuti.
Ang Paraan ng Paghaharap Mo Nito. Kung ano ang sasabihin mo sa iyong pambungad ay may pangunahing kahalagahan, subalit kung paano mo sasabihin ito ay maaari ring pumukaw ng interes. Sa dahilang ito ang iyong paghahanda ay dapat na magsangkot hindi lamang sa kung ano ang sasabihin mo kundi kung paano mo rin sasabihin ito.
Ang pagpili ng tamang salita ay mahalaga sa pagsasakatuparan ng iyong tunguhin, kaya maaaring makatulong sa iyo kung maingat mong paghahandaan ang unang dalawa o tatlong pangungusap. Ang maikli at simpleng mga pangungusap ay kadalasang siyang pinakamabuti. Para sa isang pahayag sa kongregasyon, nanaisin mong isulat ang mga ito sa iyong nota, o baka sasauluhin mo ang mga ito upang ang iyong pambungad na mga salita ay magdala ng tindi na kailangan nito. Ang pagpapahayag ng isang mabisang pambungad nang hindi nagmamadali ay makatutulong sa iyo na maging palagay upang maisagawa mo ang natitirang bahagi ng iyong pahayag.
Kung Kailan Ito Ihahanda. Iba’t iba ang opinyon sa bagay na ito. Ang ilang makaranasang tagapagsalita ay naniniwala na ang paghahanda ng isang pahayag ay dapat na magsimula sa pambungad. Ang iba naman na nakapag-aral ng tungkol sa pagsasalita sa madla ay may opinyon na ang pambungad ay dapat na ihanda kapag natapos na ang kabuuan ng katawan.
Tiyak lamang na kailangan mong malaman kung ano ang iyong paksa at kung ano ang mga pangunahing punto na pinaplano mong buuin bago mo maisaayos ang mga detalye ng isang kanais-nais na pambungad. Subalit kumusta kung naghahanda ka ng iyong pahayag mula sa isang inilimbag na balangkas? Pagkatapos basahin ang balangkas, kung mayroon kang ideya para sa pambungad, tiyak na hindi makasasamâ kung isusulat mo ito. Tandaan din, na upang maging mabisa ang iyong pambungad, dapat mong isaalang-alang ang iyong tagapakinig bukod pa sa materyal na nasa balangkas.