ARALIN 6
Wastong Pagdiriin ng mga Susing Salita
KAPAG nagsasalita o nagbabasa ka nang malakas, mahalaga na hindi mo lamang nabibigkas nang tama ang bawat salita kundi naidiriin mo rin ang mga susing salita at mga pananalitang nagdadala ng diwa sa paraang naitatawid nito nang maliwanag ang mga ideya.
Ang wastong pagdiriin ng mga susing salita ay nagsasangkot nang higit pa kaysa ibayong pagdiriin lamang sa iilan o maging sa maraming salita. Ang tamang mga salita ay dapat na idiin. Kapag maling mga salita ang naidiin, ang kahulugan ng sinasabi mo ay maaaring maging malabo sa iyong tagapakinig, at maaaring maging dahilan naman upang gumala-gala ang kanilang isipan sa iba pang mga bagay. Kahit na maganda ang materyal, ang pahayag na kulang at di-tama ang pagdiriin ng mga susing salita ay hindi magiging epektibo sa pagganyak sa tagapakinig.
Ang karagdagang pagdiriin ay maisasagawa sa iba’t ibang paraan, na kadalasa’y ginagamit ang kombinasyon ng mga ito: sa pamamagitan ng higit na lakas ng tinig, sa pamamagitan ng higit na tindi ng damdamin, sa pamamagitan ng dahan-dahan at di-nagmamadaling pananalita, sa pamamagitan ng paghinto bago o pagkatapos ng isang pananalita (o pareho), at sa pamamagitan ng mga kumpas at ekspresyon ng mukha. Sa ilang wika, ang pagdiriin ay maaari ring isagawa sa pamamagitan ng pagbababa o pagtataas ng tono ng boses. Isaalang-alang ang materyal at ang mga kalagayan upang matiyak kung ano ang pinakaangkop.
Kapag nagpapasiya kung ano ang idiriin, isaalang-alang ang sumusunod. (1) Sa anumang pangungusap, natitiyak kung anong mga salita ang dapat bigyan ng karagdagang pagdiriin hindi lamang sa pamamagitan ng ibang bahagi ng pangungusap kundi sa pamamagitan din ng konteksto. (2) Ang pagdiriin ng mga susing salita ay maaaring gamitin upang patingkarin ang pasimula ng isang bagong ideya, maging ito man ay isang pangunahing punto o basta pagbabago lamang sa takbo ng pangangatuwiran. Maaari ring akayin nito ang atensiyon sa konklusyon ng isang hanay ng pangangatuwiran. (3) Maaaring gamitin ng isang tagapagsalita ang pagdiriin ng mga susing salita upang ipakita kung ano ang damdamin niya sa isang bagay. (4) Ang wastong pagdiriin ng mga susing salita ay maaari ring gamitin upang itampok ang mga pangunahing punto ng isang pahayag.
Upang magamit ang pagdiriin ng mga susing salita sa ganitong mga paraan, dapat na maunawaang mabuti ng isang tagapagsalita o ng isang pangmadlang tagapagbasa ang kaniyang materyal at magkaroon ng marubdob na pagnanais na maunawaan ito ng kaniyang tagapakinig. Hinggil sa tagubiling ibinigay noong kapanahunan ni Ezra, ang Nehemias 8:8 ay nagsasabi: “Patuloy silang bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” Maliwanag na nalaman niyaong mga nagbasa at nagpaliwanag ng Kautusan ng Diyos sa pagkakataong iyon ang kahalagahan ng pagtulong sa kanilang tagapakinig na maunawaan ang kahulugan ng binasa, upang matandaan ito, at ikapit.
Kung Ano ang Maaaring Lumikha ng Suliranin. Nagagawa ng karamihan sa mga tao na maging maliwanag kung ano ang ibig nilang sabihin sa normal na pag-uusap sa araw-araw. Gayunman, kapag kanilang binabasa ang materyal na isinulat ng iba, ang pagtiyak kung aling mga salita o pangungusap ang dapat na idiin ay maaaring magharap ng isang hamon. Ang susi ay naroroon sa maliwanag na pagkaunawa sa materyal. Iyon ay humihiling ng maingat na pag-aaral sa kung ano ang nakasulat. Kaya kung hinilingan kang magbasa ng ilang materyal sa pulong ng kongregasyon, dapat kang maghandang mabuti.
Ang ilang tao ay gumagamit ng maaaring tawagin na “pantay-pantay na pagdiriin” sa halip na pagdiriin ng mga susing salita. Kanilang idiniriin ang mga salita sa halos bawat magkakaparehong agwat, maging makahulugan man o hindi ang gayong pagdiriin. Idiniriin naman ng iba ang di-pangunahing mga salita, na naglalagay marahil ng sobrang pagdiriin sa mga pang-ukol at mga pangatnig. Kapag ang pagdiriin ay hindi nakatutulong sa ikaliliwanag ng ideya, madali itong maging isang nakagagambalang pinagkagawian.
Sa pagsisikap na gumamit ng pagdiriin ng mga susing salita, ang ilang tagapagsalita ay naglalakas ng tinig anupat maaaring madama ng tagapakinig na kinagagalitan sila. Mangyari pa, iyon ay bihirang magdulot ng mabubuting resulta. Kung ang pagdiriin ng mga susing salita ay hindi natural, maaaring magbigay ito ng impresyon na hinahamak ng tagapagsalita ang kaniyang tagapakinig. Mas mabuti pa nga ang mamanhik na lamang sa kanila salig sa pag-ibig at tulungang makita nila na ang ipinahahayag ay kapuwa maka-Kasulatan at makatuwiran!
Kung Paano Susulong. Kadalasang ang isang tao na may suliranin sa pagdiriin ng mga susing salita ay hindi ito namamalayan. Baka kailangang may magtawag pansin pa nito sa kaniya. Kung kailangan kang sumulong sa larangang ito, ang iyong tagapangasiwa sa paaralan ay tutulong sa iyo. Gayundin, malayang humingi ng tulong sa sinumang mahusay na tagapagsalita. Hilingin sa kaniya na makinig na mabuti sa iyong pagbabasa at pagsasalita at pagkatapos ay magbigay ng mga mungkahi ukol sa ikasusulong.
Bilang pasimula, maaaring imungkahi ng iyong tagapayo na gamitin mo ang isang artikulo sa Ang Bantayan bilang saligan ng pagsasanay. Walang pagsalang sasabihin niya sa iyo na suriin ang bawat pangungusap upang matiyak kung aling mga salita o mga parirala ang kailangang idiin upang ang kahulugan ay madaling maunawaan. Maaaring ipaalaala niya sa iyo na bigyan ng pantanging pansin ang ilang mga salita na italiko. Tandaan na ang mga salita sa isang pangungusap ay magkakaugnay. Kadalasan, ang dapat idiin ay grupo ng mga salita, hindi basta isang nagsosolong salita. Sa ilang wika, mapasisigla ang mga estudyante na isaalang-alang na mabuti kung ano ang ipinahihiwatig ng mga tuldik hinggil sa wastong pagdiriin ng mga susing salita.
Bilang kasunod na hakbang sa pag-aaral kung ano ang dapat na idiin, maaaring himukin ka ng iyong tagapayo na isaalang-alang ang mas malawak na konteksto bukod pa sa mismong pangungusap. Ano ang pangunahing ideya na tinatalakay sa buong parapo? Paano iyon makaaapekto sa dapat mong idiin sa indibiduwal na mga pangungusap? Tingnan ang pamagat ng artikulo at ang makakapal na letrang subtitulo na sa ilalim nito ay lumilitaw ang iyong materyal. Paano ito makaaapekto sa mga pananalita na pipiliin mong idiin? Ang lahat ng ito ay mga salik na dapat isaalang-alang. Subalit mag-ingat na huwag maglagay ng mabigat na pagdiriin sa napakaraming salita.
Nagsasalita ka man nang ekstemporanyo o nagbabasa, maaaring pasiglahin ka rin ng iyong tagapayo na hayaang ang takbo ng pangangatuwiran ay makaimpluwensiya sa pagdiriin ng mga susing salita. Kailangang malaman mo kung saan nagtatapos ang takbo ng pangangatuwiran o kung saan lumilipat ang presentasyon mula sa isang mahalagang ideya tungo sa iba. Pahahalagahan ito ng tagapakinig kung itatawag-pansin sa kanila ng iyong paraan ng pagpapahayag kung saan ang mga lugar na ito. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagdiriin sa mga salitang gaya ng una sa lahat, pagkatapos, sa wakas, kaya, at samakatuwid.
Itatawag pansin din sa iyo ng iyong tagapayo ang mga ideyang nais mong bigyan ng pantanging damdamin. Upang magawa ito, maaari mong idiin ang mga salitang tulad ng lubha, walang pasubali, tiyak na hindi, hindi sukat akalain, mahalaga, at palagi. Ang paggawa mo nito ay maaaring makaimpluwensiya sa damdamin ng iyong tagapakinig hinggil sa sinasabi mo. Higit pa ang tatalakayin tungkol dito sa Aralin 11, “Init at Damdamin.”
Upang mapasulong mo ang pagdiriin ng mga susing salita, pasisiglahin ka ring gawing maliwanag sa isip ang mga pangunahing punto na nais mong matandaan ng iyong tagapakinig. Ito ay bibigyan ng higit na konsiderasyon sa punto ng pangmadlang pagbabasa sa Aralin 7, “Naidiin ang Pangunahing mga Ideya,” at mula sa punto ng pagsasalita sa Aralin 37, “Itinampok ang mga Pangunahing Punto.”
Kung pinagsisikapan mong mapasulong ang iyong ministeryo sa larangan, bigyan mo ng pantanging pansin kung paano ka nagbabasa ng mga kasulatan. Gawing kaugalian na tanungin mo ang sarili, ‘Bakit ko binabasa ang tekstong ito?’ Para sa isang guro, ang basta pagsasabi ng mga salita nang wasto ay hindi laging sapat. Maging ang pagbabasa ng teksto taglay ang damdamin ay maaaring hindi makasapat. Kung sinasagot mo ang katanungan ng isa o nagtuturo ka ng isang saligang katotohanan, makabubuting idiin sa kasulatan ang mga salita o pananalita na sumusuporta sa pinag-uusapan. Kung hindi, maaaring hindi makuha ng taong iyong binabasahan ang punto.
Yamang ang pagdiriin ng mga susing salita ay nagsasangkot sa karagdagang diin sa ilang salita at mga parirala, maaaring maging sobra ang pagdiriin ng isang walang karanasang tagapagsalita sa mga salita at mga pariralang iyon. Ang mga resulta ay magiging gaya ng mga nota na tinutugtog ng isang tao na nagsisimula pa lamang matuto sa isang instrumento ng musika. Gayunman, sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay, ang bawat “nota” ay magiging bahagi ng “musika” na naipahahayag nang maganda.
Pagkatapos mong matutuhan ang ilang pangunahing bagay, ikaw ay nasa kalagayan na upang makinabang sa pamamagitan ng pagmamasid sa makaranasang mga tagapagsalita. Di-maglalaon at malalaman mo kung ano ang magagawa ng iba’t ibang antas ng pagdiriin. At mapahahalagahan mo ang paggamit ng pagdiriin sa iba’t ibang paraan upang gawing maliwanag ang kahulugan ng sinasabi mo. Ang pagpapasulong sa wastong pagdiriin ng mga susing salita ay may malaking magagawa upang maging mabisa ang iyong personal na pagbabasa at pagsasalita.
Huwag basta pag-aralan ang tungkol sa pagdiriin ng mga susing salita upang makaraos lamang. Upang makapagsalita nang mabisa, patuloy na pagsumikapan ito hanggang sa mabihasa ka sa pagdiriin ng mga susing salita at magamit mo ito sa paraang natural sa pandinig ng iba.