Paggawa ng Isang Balangkas
KAPAG naatasang magbigay ng isang pahayag, pinaghihirapan ng marami na isulat ito nang buo, mula sa pambungad hanggang sa konklusyon. Bago matapos ang pahayag, marahil ay napakarami nang burador ang nagawa. Ang proseso ay maaaring gumugol ng mga oras.
Ganito ba ang paraan mo sa paghahanda ng iyong mga pahayag? Nais mo bang matutuhan ang mas madaling paraan? Kapag natutuhan mo kung paano maghahanda ng isang balangkas, hindi mo na kailangang isulat pa ang lahat-lahat. Ito’y magbibigay sa iyo ng higit na panahon upang insayuhin ang pagpapahayag. Ang iyong mga presentasyon ay hindi lamang magiging mas madaling ibigay kundi magiging higit na kawili-wiling pakinggan at higit na gaganyak sa iyong tagapakinig.
Mangyari pa, para sa mga pahayag pangmadlang ibinibigay sa kongregasyon, isang saligang balangkas ang inilalaan. Gayunman, hindi ganito ang kaso para sa karamihan ng iba pang mga pahayag. Maaaring atasan ka lamang ng isang paksa o ng isang tema. O marahil ay hilingan kang kubrehan ang espesipikong nakalathalang materyal. Kung minsan ikaw ay bibigyan lamang ng ilang tagubilin. Para sa lahat ng gayong mga atas, kakailanganin mong maghanda ng iyong sariling balangkas.
Ang sampol sa pahina 41 ay magbibigay sa iyo ng ideya kung paano maisasaayos ang isang maikling balangkas. Pansinin na ang bawat pangunahing punto ay nagsisimula sa kaliwang mardyin at ito’y nakasulat sa malalaking titik. Sa ilalim ng bawat pangunahing punto ay nakalista ang mga ideya na sumusuporta rito. Ang mga karagdagang punto na gagamitin upang mabuo ang mga ideyang iyon ay nakalista sa ilalim ng mga ito at nakapasok ng ilang espasyo mula sa kaliwang mardyin. Suriing maingat ang balangkas na ito. Pansinin na ang dalawang pangunahing punto ay tuwirang kaugnay ng tema. Pansinin din na ang mga pangalawahing punto ay hindi lamang basta mga kawili-wiling bagay. Sa halip, ang bawat isa ay sumusuporta sa pangunahing punto na lumilitaw sa itaas nito.
Kapag naghahanda ka ng isang balangkas, maaaring hindi ito maging kagayang-kagaya ng sampol. Subalit kapag naunawaan mo ang mga simulaing nasasangkot, ang mga ito’y makatutulong sa iyo na maorganisa ang iyong materyal at maihanda ang isang mabuting pahayag sa isang makatuwirang haba ng panahon. Paano mo gagawin ito?
Magsuri, Pumili, at Mag-organisa
Kailangan mo ang isang tema. Ang iyong tema ay hindi basta isang pangkalahatang paksa na maaaring buuin sa isang salita lamang. Ito ang pangunahing ideya na nais mong itawid, at ito’y nagpapahiwatig kung sa anong anggulo binabalak mong talakayin ang iyong paksa. Kung ang isang tema ay iniatas, suriing maingat ang bawat pangunahing salita. Kung bubuuin mo ang iniatas na tema salig sa nakalathalang materyal, pag-aralan ang materyal na iyon taglay sa isip ang tema. Kung naatasan ka ng isang paksa lamang, kung gayon, bahala ka nang pumili ng tema. Gayunman, bago gawin ito, makatutulong sa iyo na gumawa ng ilang pagsasaliksik. Sa pagpapanatiling bukas ng iyong isip, madalas na makakukuha ka ng mga bagong ideya.
Habang ginagawa mo ang mga hakbanging ito, patuloy mong tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit mahalaga ang materyal na ito sa aking tagapakinig? Ano ang aking tunguhin?’ Dapat na ito’y hindi lamang upang makubrehan ang materyal o makapagbigay ng isang makulay na pahayag kundi upang makapaglaan ng materyal na magiging kapaki-pakinabang para sa iyong tagapakinig. Kapag nabuo na ang iyong tunguhin, isulat ito. Lagi mo itong isasaisip habang naghahanda ka.
Pagkatapos mong matiyak kung ano ang iyong tunguhin at makapili ng isang temang kaayon nito (o masuri kung paano naaangkop ang atas na tema sa tunguhing iyon), magiging mas tukuy na tukoy ang iyong pagsasaliksik. Humanap ng materyal na may partikular na kapakinabangan sa iyong tagapakinig. Huwag maging kontento sa mga bagay na kapit sa pangkalahatan, kundi humanap ng mga espesipikong punto na makapagtuturo at talagang makatutulong. Maging makatuwiran sa dami ng ginagawa mong pagsasaliksik. Kalimitan nang madali kang magkaroon ng mas maraming materyal kaysa sa magagamit mo, kaya kakailanganin mong maging mapamili.
Alamin ang mga pangunahing punto na kailangan mong talakayin upang mabuo ang iyong tema at maabot ang iyong tunguhin. Ito ang magiging iyong batayan, ang iyong saligang balangkas. Gaano karaming pangunahing punto ang nararapat talakayin? Marahil ang dalawa ay sapat na para sa maikling pagtalakay, at kadalasang ang lima ay sapat na maging sa isang oras na diskurso. Mas kakaunti ang mga pangunahing punto, mas malamang na matandaan ng iyong tagapakinig ang mga ito.
Minsang ang iyong tema at ang mga pangunahing punto ay nasa isip na, organisahin mo na ang iyong sinaliksik na materyal. Pagpasiyahan kung ano ang tuwirang kaugnay ng iyong mga pangunahing punto. Piliin ang mga detalye na makapagdaragdag ng bagong mga punto sa iyong presentasyon. Sa pagpili mo ng mga kasulatan upang sumuporta sa mga pangunahing punto, bigyang pansin ang mga ideya na makatutulong sa iyo na makapangatuwiran sa mga tekstong iyon sa isang makabuluhang paraan. Ilagay ang bawat bagay sa ilalim ng pangunahing punto na kinabibilangan nito. Kung ang ilang impormasyon ay hindi angkop sa alinman sa iyong mga pangunahing punto, alisin ito—kahit na ito ay kapana-panabik—o ilagay ito sa isang salansan para magamit sa ibang pagkakataon. Ingatan lamang ang pinakamahusay na materyal. Kapag napakarami ang sinisikap mong kubrehan, kakailanganin mong magsalita nang masyadong mabilis at ang iyong pagkubre ay magiging mababaw lamang. Mas mabuting magtawid ng iilang punto na may tunay na kahalagahan sa tagapakinig at pagbutihin iyon. Huwag kang lalampas sa oras.
Kung hindi mo pa nagagawa ito, ayusin ngayon ang iyong materyal sa lohikal na pagkakasunud-sunod. Ginawa ito ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas. Pagkatapos na makapagtipon ng maraming patotoo hinggil sa kaniyang paksa, inihanay niya ang mga ito sa “lohikal na pagkakasunud-sunod.” (Luc. 1:3) Maaari mong isaayos ang iyong materyal ayon sa kronolohiya o ayon sa tema, marahil ay alinsunod sa sanhi at epekto o problema at solusyon, depende sa kung ano ang pinakamabisa upang maabot ang iyong tunguhin. Hindi dapat magkaroon ng biglaang paglipat mula sa isang ideya tungo sa iba. Dapat na akaying mabuti ang mga tagapakinig mula sa isang kaisipan tungo sa iba, na walang patlang na mahirap pag-ugnayin. Ang iniharap na ebidensiya ay dapat na umakay sa tagapakinig tungo sa lohikal na mga konklusyon. Habang isinasaayos mo ang iyong mga punto, isipin kung ano ang magiging datíng ng presentasyon sa iyong tagapakinig. Madali ba nilang masusubaybayan ang iyong ideya? Maaantig ba silang kumilos salig sa kanilang napakinggan, kasuwato ng tunguhin na nasa iyong isipan?
Pagkatapos, maghanda ng isang pambungad na pupukaw ng interes para sa iyong paksa at magpapakita sa iyong tagapakinig na ang tatalakayin mo ay may tunay na kahalagahan sa kanila. Makatutulong kung isusulat mo ang ilan sa iyong unang mga pangungusap. Sa katapusan, planuhin ang isang gumaganyak na konklusyon na kaayon ng iyong tunguhin.
Kung maaga mong ihahanda ang iyong balangkas, magkakaroon ka ng panahon upang pinuhin ito bago mo ibigay ang pahayag. Maaari mong makita ang pangangailangang suportahan ang ilang ideya sa pamamagitan ng ilang estadistika, isang ilustrasyon, o isang karanasan. Ang paggamit ng kasalukuyang pangyayari o ilang bagay na kapana-panabik sa komunidad ay maaaring makatulong sa iyong tagapakinig na makita agad ang kahalagahan ng materyal. Habang nirerepaso mo ang iyong pahayag, maaaring makita mo ang higit pang paraan para maibagay ang impormasyon sa iyong tagapakinig. Ang proseso ng pagsusuri at pagpipino ay mahalaga sa pagsasaayos ng mabuting materyal upang maging isang mabisang pahayag.
Ang ilang tagapagsalita ay maaaring mangailangan ng mas detalyadong nota kaysa sa iba. Subalit kung oorganisahin mo ang iyong materyal sa ilalim lamang ng ilang pangunahing punto, aalisin kung ano ang hindi talaga makatutulong sa mga ito, at ilalagay ang iyong mga ideya sa lohikal na pagkakasunud-sunod, masusumpungan mo na sa kaunting pagsasanay, hindi mo na kakailanganing isulat pa ang lahat-lahat. Kaylaki ngang panahon ang matitipid nito! At ang kalidad ng iyong mga pahayag ay susulong. Makikitang maliwanag na ikaw ay tunay na nakikinabang sa edukasyong nakukuha mo mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.