Mapasusulong Mo ang Iyong Memorya
NILALANG ng Diyos na Jehova ang utak ng tao na may kamangha-manghang kakayahang makatanda. Dinisenyo niya ito bilang isang imbakan na maaaring pagsalukan nang hindi nawawala ang mahahalagang bagay na inilagay roon. Ang disenyo ng utak ay kaayon ng layunin ng Diyos na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman.—Awit 139:14; Juan 17:3.
Subalit kaypala’y nadarama mo na ang karamihan sa inilalagay mo sa iyong isip ay nawawala. Parang wala roon kapag kailangan mo iyon. Ano ang magagawa mo upang mapasulong ang iyong memorya?
Magkaroon ng Interes
Ang interes ay isang mahalagang salik sa pagpapasulong ng memorya. Kung ginagawa nating kaugalian na maging mapagmasid, na maging interesado sa mga tao at sa nangyayari sa ating kapaligiran, ang ating isip ay napasisigla. Kung gayo’y magiging mas madali para sa atin na tumugon taglay ang gayunding interes kapag tayo ay nagbabasa o nakaririnig ng anumang bagay na may namamalaging halaga.
Karaniwan na para sa isang tao na mahirapan sa pagtatanda ng mga pangalan ng mga tao. Subalit, bilang mga Kristiyano, batid natin na mahalaga ang mga tao—ang mga kapuwa Kristiyano, yaong mga binibigyan natin ng patotoo, at ang iba pa na pinakikitunguhan natin samantalang inaasikaso natin ang mga bagay na kinakailangan sa buhay. Ano ang makatutulong sa atin upang matandaan ang mga pangalan na dapat nating tandaan? Itinala ni apostol Pablo ang pangalan ng 26 mula sa isang kongregasyon na sinulatan niya. Ang kaniyang interes sa kanila ay ipinahiwatig ng bagay na hindi lamang niya alam ang kanilang mga pangalan kundi binanggit niya ang espesipikong mga detalye may kinalaman sa marami sa kanila. (Roma 16:3-16) Ang ilan sa makabagong-panahong naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova ay napakahusay magtanda ng mga pangalan, bagaman sila’y palipat-lipat ng kongregasyon bawat linggo. Ano ang nakatutulong sa kanila? Maaaring ginagawa nilang kaugalian na gamitin ang pangalan ng isang tao nang ilang ulit sa unang pagkakataong magkausap sila. Sinisikap nilang iugnay ang pangalan ng tao sa kaniyang mukha. Karagdagan pa, gumugugol sila ng panahon kasama ng iba’t ibang indibiduwal sa ministeryo sa larangan at sa pagsasalu-salo sa pagkain. Kapag may nakilala ka, matatandaan mo kaya ang pangalan ng taong iyon? Magsimula sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mabuting dahilan upang matandaan ang pangalan; pagkatapos ay subukan ang ilan sa nabanggit na mga mungkahi.
Ang pag-alaala sa iyong nabasa ay mahalaga rin. Ano ang makatutulong sa iyo upang sumulong sa bagay na ito? Kapuwa ang interes at pag-unawa ay may ginagampanang bahagi. Kailangang magkaroon ka ng sapat na interes sa iyong binabasa upang maipako roon ang iyong buong pansin. Hindi mo matatandaan ang impormasyon kung naglalakbay ang iyong isip sa ibang dako habang sinisikap mong magbasa. Ang pag-unawa ay napasusulong kapag iyong iniuugnay ang impormasyon sa mga bagay na pamilyar sa iyo o sa kaalaman na dati mo nang taglay. Itanong mo sa sarili: ‘Paano at kailan ko maikakapit ang impormasyong ito sa aking sariling buhay? Paano ko ito magagamit upang tulungan ang iba?’ Ang pag-unawa ay napasusulong din kapag ang binabasa mo ay grupo ng mga salita sa halip na indibiduwal na mga salita. Higit mong mauunawaan ang mga ideya at matutukoy ang pangunahing mga punto, anupat ang mga ito ay mas madaling matandaan.
Gumugol ng Panahon Upang Magrepaso
Ang mga eksperto sa larangan ng edukasyon ay nagdiriin sa kahalagahan ng pagrerepaso. Sa isang pag-aaral, ipinakita ng isang propesor sa kolehiyo na madodoble ang dami ng natatandaang impormasyon sa pamamagitan ng isang minutong pagrerepaso kaagad. Kaya karaka-raka kapag nakatapos ka na sa iyong pagbabasa—o sa ilang pangunahing bahagi nito—repasuhin agad sa isip ang pangunahing mga ideya upang maikintal ito sa iyong kaisipan. Isipin kung paano mo maipaliliwanag sa iyong sariling pananalita ang alinman sa bagong mga punto na iyong natutuhan. Kung sinasariwa mo agad sa memorya ang iyong nabasang ideya, mas matagal mong matatandaan ang punto.
Pagkatapos, sa susunod na ilang araw, humanap ng pagkakataon upang repasuhin ang iyong nabasa sa pamamagitan ng pagsasabi ng impormasyon sa iba. Maaari mong gawin iyon sa isang miyembro ng pamilya, sa isang nasa kongregasyon, sa isang kamanggagawa, sa isang kamag-aral, sa isang kapitbahay, o sa sinumang masumpungan mo sa ministeryo sa larangan. Sikaping ulitin hindi lamang ang mga susing katotohanan kundi ang maka-Kasulatang pangangatuwiran na kaugnay ng mga ito. Sa paggawa nito ay makikinabang ka, na makatutulong upang ikintal ang mahahalagang bagay sa iyong memorya; ito’y pakikinabangan din ng iba.
Bulay-bulayin ang Mahahalagang Bagay
Bukod sa pagrerepaso ng iyong nabasa at pagsasabi nito sa iba, masusumpungan mo na ang pagbubulay-bulay ng mahahalagang bagay na natutuhan ay kapaki-pakinabang. Ganiyan ang ginawa ng mga manunulat ng Bibliya na sina Asap at David. Sinabi ni Asap: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aalalahanin ko ang iyong kamangha-manghang gawain noong sinaunang panahon. At bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 77:11, 12) Si David ay sumulat din ng gayon: “Sa mga pagbabantay sa gabi ay binubulay-bulay kita,” at “naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon; binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa.” (Awit 63:6; 143:5) Ginagawa mo ba iyon?
Ang gayong malalim at nakatuon ang isip na pagbubulay-bulay mo tungkol sa mga ginagawa ni Jehova, sa kaniyang mga katangian, at mga kapahayagan ng kaniyang kalooban ay higit pa ang nagagawa kaysa makatulong lamang sa iyo na matandaan ang mga impormasyon. Kung lagi mong ginagawa ang gayong paraan ng pag-iisip, ikikintal nito sa iyong puso ang tunay na mahahalagang bagay. Huhubugin nito ang uri ng pagkataong nasa loob mo. Ang mga alaala na malilikha nito ay magpapamalas ng iyong kaloob-loobang mga kaisipan.—Awit 119:16.
Ang Papel ng Espiritu ng Diyos
Kapag sinisikap tandaan ang mga katotohanan hinggil sa mga ginagawa ni Jehova at ang mga bagay na sinalita ni Jesu-Kristo, hindi tayo iniiwang nag-iisa. Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Samantalang nananatili pa akong kasama ninyo ay sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito. Ngunit ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:25, 26) Sina Mateo at Juan ay kabilang sa mga naroroon. Totoo bang naging isang katulong nila ang banal na espiritu? Aba, oo! Makalipas ang halos walong taon, natapos ni Mateo ang pagsulat ng unang detalyadong ulat ng buhay ni Kristo, lakip na ang walang-kasinghalagang mga alaala gaya ng Sermon sa Bundok at ang detalyadong tanda ng pagkanaririto ni Kristo at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Animnapu’t limang taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni apostol Juan ang kaniyang Ebanghelyo, lakip na ang mga detalye ng sinabi ni Jesus noong huling gabing kasama ng mga apostol ang Panginoon bago niya ibinigay ang kaniyang buhay. Walang alinlangan, na kapuwa sina Mateo at Juan ay nagkaroon ng malinaw na mga alaala ng mga bagay na sinabi at ginawa ni Jesus habang sila’y kasama niya, subalit ang banal na espiritu ay gumanap ng isang mahalagang papel upang matiyak na hindi nila malilimutan ang importanteng mga detalye na nais ni Jehova na maisama sa kaniyang nasusulat na Salita.
Ang banal na espiritu ba ay kumikilos bilang isang katulong ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon? Gayon nga! Mangyari pa, hindi inilalagay ng banal na espiritu sa ating mga kaisipan ang mga bagay na hindi pa natin natutuhan, subalit ito ay kumikilos bilang isang katulong upang panumbalikin sa ating mga kaisipan ang importanteng mga bagay na ating napag-aralan na noong nakaraan. (Luc. 11:13; 1 Juan 5:14) Pagkatapos, habang lumilitaw ang pangangailangan, ang mga kakayahan ng ating pag-iisip ay napakikilos upang ‘maalaala ang mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas.’—2 Ped. 3:1, 2.
‘Huwag Mong Kalilimutan’
Paulit-ulit na binabalaan ni Jehova ang Israel: ‘Huwag mong kalilimutan.’ Hindi naman sa inaasahan niya na matatandaan nila ang lahat ng bagay nang lubusan. Subalit sila’y hindi dapat na magumon sa personal na mga tunguhin anupat ang paggunita sa mga naging pakikitungo sa kanila ni Jehova ay mailagay na lamang nila sa likuran. Dapat nilang panatilihing buháy sa kanilang mga alaala ang pagliligtas sa kanila ni Jehova nang patayin ng kaniyang anghel ang lahat ng panganay ng Ehipto at nang buksan ni Jehova ang Dagat na Pula at pagkatapos ay sarhan iyon, anupat nalunod si Paraon at ang kaniyang hukbo. Dapat na alalahanin ng mga Israelita na ibinigay sa kanila ng Diyos ang kaniyang Kautusan sa Bundok Sinai at na kaniyang inakay sila sa ilang at tungo sa Lupang Pangako. Hindi sila dapat na makalimot sa diwang ang mga alaala ng mga bagay na ito ay dapat na patuloy na magkaroon ng malalim na epekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.—Deut. 4:9, 10; 8:10-18; Ex. 12:24-27; Awit 136:15.
Tayo rin ay dapat mag-ingat na huwag makalimot. Habang hinaharap natin ang mga panggigipit sa buhay, kailangan nating alalahanin si Jehova, na iniingatan sa isipan kung anong uri siya ng Diyos at ang pag-ibig na kaniyang ipinakita sa pagkakaloob ng kaniyang Anak, na naglaan ng isang pantubos para sa ating mga kasalanan upang tayo ay magkamit ng sakdal na buhay magpakailanman. (Awit 103:2, 8; 106:7, 13; Juan 3:16; Roma 6:23) Ang regular na pagbabasa sa Bibliya at ang aktibong pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo sa larangan ay magpapanatiling buháy ng mahahalagang katotohanang ito sa atin.
Kapag napapaharap sa paggawa ng mga desisyon, malalaki man o maliliit, isipin ang mahahalagang katotohanang iyon, at hayaang makaimpluwensiya ang mga ito sa iyong pag-iisip. Huwag makalilimot. Umasa kay Jehova ukol sa patnubay. Sa halip na malasin ang mga bagay-bagay mula lamang sa makalamang pangmalas o magtiwala sa dagling simbuyo ng di-sakdal na puso, tanungin mo ang sarili, ‘Anong payo o mga simulain mula sa Salita ng Diyos ang dapat na makaimpluwensiya sa aking desisyon?’ (Kaw. 3:5-7; 28:26) Hindi mo maaalaala ang mga bagay na hindi mo kailanman nabasa o narinig. Subalit habang sumusulong ka sa tumpak na kaalaman at sa pag-ibig kay Jehova, ang nakaimbak na kaalaman na maaalaala mo sa tulong ng espiritu ng Diyos ay lalawak, at ang iyong lumalaking pag-ibig kay Jehova ay gaganyak sa iyo upang kumilos na kasuwato nito.