ARALIN 45
Mga Ilustrasyon/Mga Halimbawa na Nagtuturo
ANG mga ilustrasyon at mga halimbawa ay mabibisang paraan sa pagtuturo. Ang mga ito ay kadalasang napakabisa sa pag-akit at pagpapanatili ng pansin. Pinasisigla ng mga ito ang kakayahang mag-isip. Ang mga ito ay pumupukaw ng mga damdamin anupat maaaring maabot ang budhi at ang puso. Kung minsan, ang mga ilustrasyon ay maaaring gamitin upang mapagtagumpayan ang pagtatangi. Ang mga ito ay mabisang pantulong din sa memorya. Ginagamit mo ba ang mga ito sa iyong pagtuturo?
Ang mga talinghaga ay mga ilustrasyon na kadalasa’y nangangailangan ng iilan lamang salita; subalit maiguguhit nito sa isip ang ubod-linaw na mga larawan. Kapag maingat na pinili, ang karamihan sa kahulugan ng mga ito ay madaling maunawaan sa ganang sarili. Subalit lalo pang maidiriin ng isang guro ang kahalagahan ng mga ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng maikling paliwanag. Ang Bibliya ay punô ng mga halimbawa na mula roo’y maaari kang matuto.
Magsimula sa mga Paghahalintulad at mga Metapora. Ang mga paghahalintulad ang pinakasimpleng talinghaga. Kung ngayon ka lamang natututong gumamit ng mga ilustrasyon, baka makatulong sa iyo na dito ka magsimula. Ang mga ito ay karaniwan nang sinisimulan sa mga salitang “tulad” o “gaya ng.” Bagaman ang pinaghahambing ay dalawang bagay na lubhang magkaiba, itinatampok ng mga paghahalintulad ang magkaparehong aspekto ng mga ito. Ang Bibliya ay punô ng matalinghagang pananalita hinggil sa mga bagay na nilalang—mga halaman, mga hayop, at mga bagay na nasa langit—gayundin ang hinggil sa karanasan ng tao. Sa Awit 1:3, ipinabatid sa atin na ang taong regular na nagbabasa ng Salita ng Diyos ay “tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig,” isang punungkahoy na mabunga at hindi nalalanta. Ang balakyot ay sinasabing “tulad ng leon” na nag-aabang upang sunggaban ang biktima. (Awit 10:9) Ipinangako ni Jehova kay Abraham na ang kaniyang binhi ay magiging “tulad ng mga bituin sa langit” sa dami at “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Gen. 22:17) Hinggil sa matalik na kaugnayan na pinapangyari ni Jehova na maging posible sa pagitan niya at ng bansang Israel, sinabi ng Diyos: “Kung paanong ang sinturon ay kumakapit sa mga balakang ng lalaki,” gayon Niya pinakapit sa Kaniya ang Israel at ang Juda.—Jer. 13:11.
Ang mga metapora ay nagtatampok din ng magkaparehong aspekto ng dalawang lubhang magkaibang bagay. Subalit ang metapora ay higit na mapuwersa. Ito ay tumutukoy sa isang bagay na para bang ito rin mismo ang siyang bagay na inihahambing, anupat iniuukol sa bagay na iyon ang ilang katangian ng pinaghahambingan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” (Mat. 5:14) Bilang paglalarawan sa pinsalang maaaring idulot ng di-kontroladong pananalita, ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang dila ay isang apoy.” (Sant. 3:6) Tungkol kay Jehova, si David ay umawit: “Ikaw ang aking malaking bato at aking moog.” (Awit 31:3) Ang isang metapora na piniling mabuti ay kadalasang nangangailangan ng bahagyang paliwanag lamang o kahit wala na. Ang puwersa nito ay nasa kaiklian nito. Ang metapora ay makatutulong sa iyong tagapakinig na matandaan ang isang punto sa paraang hindi magagawa ng isang simpleng pagsasabi ng katotohanan.
Ang hyperbole ay pagpapalabis, na kailangang gamitin nang maingat o kung hindi ay baka lumikha ito ng maling pagkaunawa. Ginamit ni Jesus ang talinghagang ito upang iguhit ang isang di-malilimutang larawan nang itanong niya: “Bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata?” (Mat. 7:3) Bago mo gamitin ito o ang iba pang mga talinghaga, pag-aralan muna ang mabisang paggamit ng paghahalintulad at ng metapora.
Gumamit ng mga Halimbawa. Sa halip na gumamit ng matalinghagang pananalita, maaaring gumamit ka ng mga halimbawa, maging ito man ay kathang kuwento o mga karanasan sa tunay na buhay, bilang mga pantulong sa pagtuturo. Ang mga ito ay karaniwan nang napapasobra, kaya kailangang gamitin ito nang maingat. Ang gayong mga halimbawa ay kailangan lamang gamitin upang suportahan ang mga punto na talagang mahalaga, at ang mga ito ay dapat na iharap sa paraan na ang punto ng pagtuturo ang matatandaan, hindi lamang ang istorya.
Bagaman hindi lahat ng mga halimbawa ay kailangang maging aktuwal na mga pangyayari, dapat na mailarawan ng mga ito ang mga saloobin o situwasyon sa tunay na buhay. Kaya, nang itinuturo kung paano mamalasin ang mga nagsisising makasalanan, ipinaghalimbawa ni Jesus ang kaniyang punto sa pagsasalaysay tungkol sa kagalakan ng isang lalaki na nakasumpong sa kaniyang nawawalang tupa. (Luc. 15:1-7) Bilang kasagutan sa isang lalaki na hindi lubos na nakaunawa sa ibig sabihin ng Kautusan sa utos na ibigin ang kapuwa, inilahad ni Jesus ang istorya ng isang Samaritano na tumulong sa isang napinsalang lalaki na hindi tinulungan ng isang saserdote at ng isang Levita. (Luc. 10:30-37) Kung matututo kang maging mahusay sa pagmamasid sa saloobin at pagkilos ng mga tao, mabisa mong magagamit ang paraang ito ng pagtuturo.
Inilahad ni propeta Natan ang isang kathang-isip na pangyayari upang sawayin si Haring David. Ang istorya ay mabisa sapagkat naiwasan nito ang situwasyon na maaaring umakay kay David na bigyang-matuwid ang sarili. Ang istorya ay tungkol sa isang taong mayaman na may maraming tupa at isang taong dukha na may isa lamang babaing kordero na inaalagaan niya taglay ang mapagmahal na pagkalinga. Si David mismo ay naging isang pastol, kaya mauunawaan niya ang damdamin ng may-ari ng kordero. Tumugon si David taglay ang matuwid na pagkagalit sa taong mayaman na kumuha sa pinakamamahal na kordero ng taong dukha. Pagkatapos ay tuwirang sinabi ni Natan kay David: “Ikaw mismo ang taong iyon!” Naantig ang puso ni David, at siya’y taimtim na nagsisi. (2 Sam. 12:1-14) Sa pamamagitan ng pagsasanay, matututuhan mong harapin ang emosyonal na mga isyu sa kaakit-akit na paraan.
Maraming halimbawa na mahalaga sa pagtuturo ang mapupulot mula sa mga pangyayaring nakaulat sa Kasulatan. Ginawa ito ni Jesus sa ilang salita nang sabihin niya: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” (Luc. 17:32) Nang isa-isahin ang tanda ng kaniyang pagkanaririto, tinukoy ni Jesus “ang mga araw ni Noe.” (Mat. 24:37-39) Sa Hebreo kabanata 11, tinukoy ni apostol Pablo ang pangalan ng 16 na lalaki at babae bilang mga halimbawa ng pananampalataya. Habang lalo kang nagiging pamilyar sa Bibliya, makapupulot ka ng mapupuwersang halimbawa mula sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga pangyayari at sa mga taong binanggit sa mga pahina nito.—Roma 15:4; 1 Cor. 10:11.
Kung minsan ay masusumpungan mong kapaki-pakinabang na pagtibayin ang isang punto ng pagtuturo sa pamamagitan ng makabagong-panahong karanasan sa tunay na buhay. Gayunman, kapag ginagawa ito, maging maingat na gumamit lamang ng mga karanasan na napatunayang totoo at iwasan yaong magbibigay ng kahihiyan sa kaninuman sa iyong tagapakinig o tatawag ng pansin sa isang kontrobersiyal na paksa na walang kinalaman sa tema. Tandaan din na ang karanasan ay dapat na may layunin. Huwag maglalahad ng di-kinakailangang mga detalye na maglilihis ng pansin sa layunin ng iyong presentasyon.
Mauunawaan Kaya Ito? Anumang ilustrasyon o halimbawa ang gagamitin mo, dapat na maisakatuparan nito ang isang tiyak na layunin. Iyon kaya’y maisasagawa nito kung hindi mo ito ikakapit sa paksang tinatalakay?
Pagkatapos tukuyin ang kaniyang mga alagad bilang “ang liwanag ng sanlibutan,” idinagdag ni Jesus ang ilang pangungusap tungkol sa paggamit ng isang lampara at kung ano ang pananagutang ipinahihiwatig nito sa kanila. (Mat. 5:15, 16) Sinundan niya ang kaniyang ilustrasyon tungkol sa nawawalang tupa ng isang komento hinggil sa kagalakan sa langit dahil sa pagsisisi ng isang makasalanan. (Luc. 15:7) At pagkatapos ng kaniyang istorya tungkol sa madamaying Samaritano, tinanong ni Jesus ang kaniyang tagapakinig ng isang naaangkop na tanong at sinundan iyon ng ilang tuwirang payo. (Luc. 10:36, 37) Bilang paghahambing, ipinaliwanag ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon hinggil sa iba’t ibang uri ng lupa at niyaong isa tungkol sa mga panirang-damo sa bukirin doon lamang sa mga mapagpakumbabang nagtatanong, hindi sa pulutong. (Mat. 13:1-30, 36-43) Tatlong araw bago ang kaniyang kamatayan, si Jesus ay naglahad ng ilustrasyon tungkol sa mga mamamatay-taong tagapagsaka sa ubasan. Hindi siya gumawa ng pagkakapit; hindi na kailangan ito. “[Ang] punong saserdote at [ang] mga Pariseo . . . [ay nakapansin] na siya ay nagsasalita tungkol sa kanila.” (Mat. 21:33-45) Kaya ang uri ng ilustrasyon, ang saloobin ng tagapakinig, at ang iyong layunin ay pawang tumitiyak kung kakailanganin ang pagkakapit at, kung oo, gaano karami ang dapat gawin.
Ang paglinang sa kakayahang gumamit ng mga ilustrasyon at mga halimbawa sa mabisang paraan ay nangangailangan ng panahon, subalit sulit ang pagsisikap. Ang mga ilustrasyon na piniling mabuti ay nakaaakit kapuwa sa isipan at sa damdamin. Ang resulta ay na ang mensahe ay naitatawid nang may puwersa na kadalasan ay hindi magagawa ng simpleng mga kapahayagan ng katotohanan.