Malugod Kayong Tinatanggap sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
SA PALIBOT ng daigdig, sa mahigit na 200 bansa, milyun-milyong estudyante ang nakikinabang bawat linggo sa edukasyon mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ang ilan ay bago. Ang iba ay nakadalo na sa paaralan sa loob ng maraming taon. Ang paaralan ay idinaraos sa sampu-sampung libong lugar. Saanman kayo nakatira sa lupa, ang iisang programa ng edukasyon ay maaari ninyong tamasahin. Ang mga tao na may iba’t ibang edad, etnikong grupo, at pinag-aralan ay tumatanggap ng teokratikong pagtuturong ito nang walang bayad.
Nang pasinayaan ang paaralan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1943, ang layunin nito ay binanggit sa ganitong pananalita: “Upang ihanda ang lahat ng ‘tapat na tao,’ yaong mga nakarinig ng Salita ng Diyos at nagpatunay sa kanilang pananampalataya rito, para ‘makapagturo sa iba’ . . . sa layuning gawin ang bawat isa . . . na higit na nasasangkapang maghayag sa madla ng pag-asang nasa kaniya.” (Course in Theocratic Ministry, p. 4) Ang layunin ng paaralan ay gayon pa rin hanggang sa araw na ito.
Sa totoo lamang, ano ba ang pinakamabuting bagay na magagawa ng sinuman sa atin sa ating bigay-Diyos na kaloob na pagsasalita? Ang Bibliya ay sumasagot: “Bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah.” (Awit 150:6) Kapag ginagawa natin iyan, napasasaya natin ang puso ng ating makalangit na Ama. Napatutunayan natin sa kaniya na tumutugon nang may pasasalamat ang ating mga puso sa kaniyang kabutihan at pag-ibig. Hindi kataka-taka na ang mga Kristiyano ay laging pinasisiglang “maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan”! (Heb. 13:15) Sa pag-asang matulungan ka na mapasulong ang iyong kakayahang gamitin ang iyong bigay-Diyos na mga kaloob upang purihin si Jehova, malugod ka naming tinatanggap bilang isang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
Bagaman ang pangmadlang pagbabasa at ang mga sining ng pagsasalita at pagtuturo ay binibigyan ng malaking pansin sa paaralan, ang mga kapakinabangan ng edukasyon sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay hindi limitado roon. Habang nakikibahagi ka, matutulungan ka upang malinang ang mahahalagang kakayahan gaya ng personal na pagbabasa, pakikinig at pagtatanda, pag-aaral, pagsasaliksik, pagsusuri at pag-oorganisa, pakikipag-usap, pagsagot sa mga tanong, at pagsusulat ng mga ideya. Ang Bibliya mismo at ang mga publikasyong salig sa Bibliya ang magiging saligan sa pag-aaral at sa mga komento at mga presentasyong ibibigay sa paaralan. Habang pinupuno mo ang iyong kaisipan ng mahahalagang katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos, matututuhan mong isipin ang mga kaisipan ng Diyos. Tunay ngang magiging kapaki-pakinabang ito sa bawat aspekto ng buhay! Tungkol sa kahalagahan ng Salita ng Diyos, ang ika-20 siglong edukador ng unibersidad na si William Lyon Phelps ay sumulat: “Ang bawat isa na may lubos na kaalaman sa Bibliya ay tunay na matatawag na may pinag-aralan. . . . Ako’y naniniwala na ang kaalaman sa Bibliya na walang kurso sa kolehiyo ay higit na mahalaga kaysa sa isang kurso sa kolehiyo na walang Bibliya.”
Kung Paano Lubusang Makikinabang
Mangyari pa, upang lubusang makinabang mula sa edukasyong inilalaan sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ikaw, bilang estudyante, ay dapat gumawa ng personal na pagsisikap. Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang kasamang Kristiyanong si Timoteo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Tim. 4:15) Sa anong praktikal na mga paraan magagawa mo ito?
Hangga’t maaari, dumalo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo bawat linggo. Gamitin nang may katalinuhan ang aklat-araling ito na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Isulat ang iyong pangalan sa espasyong nakalaan para rito sa pahinang pantitulo. Lagi mong dalhin ang aklat kapag dumadalo ka sa paaralan. Ang aklat-araling ito ay pinaglaanan din ng espasyo para sulatan ng estudyante. Kapag may nabasa ka rito na mahahalagang punto na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo, salungguhitan ang mga iyon. Gamitin ang malapad na gilid nito upang isulat ang mga praktikal na punto na iyong natututuhan sa panahon ng mga pagtalakay sa paaralan.
Isang inilimbag na kopya ng programa na susundin sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ang ilalaan nang hiwalay. Kasama rin sa iskedyul ang mga detalye kung paano idaraos ang paaralan. Makikita mong praktikal na ilakip ang iskedyul sa aklat na ito, kung saan ito madaling masusumpungan.
Sa paghahanda para sa lingguhang sesyon ng paaralan, laging isaisip na ang Bibliya ang pangunahing aklat-aralin. Bigyan ng priyoridad ang pagbabasa ng anumang bahagi ng Bibliya na maaaring nakaiskedyul sa linggong iyon. Kung mababasa mo rin nang patiuna ang materyal para sa iba’t ibang bahagi ng programa, ito man ay magiging lubhang kapaki-pakinabang.
Sa panahon ng pag-aaral, maaaring magkaroon ng mga pagkakataon para makabahagi ang tagapakinig. Lubusang samantalahin ang mga ito. Ang pakikibahagi sa gayong mga pagtalakay ay isang mahalagang salik sa pagtatanda sa iyong napapakinggan at sa pagkakapit nito sa iyong personal na buhay.
Mangyari pa, magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng estudyante na makapagpahayag o makapagtanghal sa harap ng kongregasyon. Samantalahing lubos ang bawat pagkakataong iyon. Ituon mo nga ang iyong sarili sa pagpapasulong ng anumang katangian sa pagsasalita na iniatas sa iyo. Bibigyan ka ng payo sa layuning magpatuloy ang iyong pagsulong. Tanggapin nang maluwag sa loob ang gayong personal na tulong. Sa iyong aklat, isulat ang espesipikong mga mungkahi kung ano ang maaari mong gawin nang personal upang sumulong. Yamang mahirap para sa isang tao na maobserbahan ang kaniyang sarili gaya ng magagawa ng iba, ang maibigin, salig-Bibliyang mga mungkahi at payong inilaan ay makatutulong nang malaki sa iyong pagsulong. Totoo iyon kahit na ikaw ay nakatala sa paaralan sa loob ng maraming taon.—Kaw. 1:5.
Gusto mo bang sumulong nang mas mabilis? Kung ikaw ay may personal na pagkukusa, magagawa iyon. Pag-aralan nang patiuna ang materyal na sasaklawin sa pahayag ng bawat estudyante. Kung kakailanganin ang isang kahaliling tagapagsalita, nasa kalagayan kang makapagboluntaryo, at iyon ay magbibigay sa iyo ng higit na karanasan. Kapag ang iba ay nagpapahayag, pakinggang mabuti kung paano nila inihaharap ang materyal. Tayo ay natututo sa isa’t isa.
Karagdagan pa, kung ipinahihintulot ng iyong kalagayan, mapabibilis mo ang iyong pagsulong sa pamamagitan ng patiunang pag-aaral nang personal ng mga nasa aklat-araling ito. Pagkatapos mong matutuhang mabuti kung ano ang nasa sumusunod na 15 aralin, magpatuloy ka tungo sa “Programa Para sa Pagpapasulong ng Kakayahan Bilang Isang Tagapagsalita at Isang Guro,” pasimula sa pahina 78. Una, pag-aralan ang bawat leksiyon, at gawin ang mga pagsasanay na binalangkas may kaugnayan dito. Ikapit sa iyong ministeryo kung ano ang iyong natututuhan. Malaki ang maitutulong nito sa iyong pagsulong bilang isang tagapagsalita at bilang isang guro ng Salita ng Diyos.
Ang iyong edukasyon mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay makatutulong upang maihanda ka sa kung ano ang pinakamahalaga sa buhay. Yamang tayo ay nabubuhay dahil sa kalooban ng Diyos, ang pagpuri sa kaniya ang siyang pinakalayunin ng ating pag-iral. Ang Diyos na Jehova ay nararapat sa pinakamataas na uri ng papuri. (Apoc. 4:11) Ang edukasyong tinatanggap natin sa paaralan ay isang paraan upang maisakatuparan ito anupat makapag-iisip tayo nang maliwanag, makakikilos nang may katalinuhan, at maitatawid nang mabisa ang kamangha-manghang mga katotohanan mula sa kinasihang Salita ng Diyos.