ARALIN 9
Pagbabagu-bago ng Tono ng Boses
ANG paggamit mo ng simpleng pagdiriin ng mga susing salita ay tumutulong sa tagapakinig na maunawaan ang sinasabi mo. Subalit kapag ginagamit mong mabuti ang iba’t ibang lakas ng tinig, bilis, at pagtataas o pagbababa ng tono, ang iyong pahayag ay maaaring maging higit na kasiya-siyang pakinggan. Higit pa rito, ito ay maaaring magsabi sa iyong tagapakinig kung ano ang iyong nadarama sa iyong sinasabi. Ang iyong saloobin hinggil sa materyal ay makaiimpluwensiya sa kung ano ang kanilang madarama hinggil dito. Ito ay totoo maging nagsasalita ka man mula sa plataporma o sa isang indibiduwal sa ministeryo sa larangan.
Ang tinig ng tao ay isang kamangha-manghang instrumento, na malaki ang kakayahan para sa pagkakaiba-iba. Kapag wastong ginamit, ito ay makapagbibigay-buhay sa isang pahayag, makasasaling sa puso, makaaantig ng mga damdamin, at makagaganyak sa pagkilos. Gayunman, hindi ito matatamo sa pamamagitan lamang ng pagmamarka sa iyong mga nota upang ipakita kung saan babaguhin ang lakas ng tinig, iibahin ang bilis, o patataasin o pabababain ang tono. Ang pagbabagu-bago ng tono ng boses bilang tugon sa gayong mga hudyat ay magiging artipisyal. Sa halip na magtawid ng buhay at kulay sa iyong pahayag, maaaring makaasiwa ito sa tagapakinig. Ang wastong paggamit ng pagbabagu-bago ng tono ng boses ay nagmumula sa puso.
Kapag ginamit nang may katalinuhan, ang pagbabagu-bago ng tono ng boses ay hindi magbibigay ng di-nararapat na pansin sa tagapagsalita. Sa halip, ito ay tutulong sa tagapakinig na makuha ang kahulugan ng paksang tinatalakay.
Baguhin ang Lakas ng Tinig. Ang isang paraan upang magkaroon ng pagkakaiba-iba ang iyong pagsasalita ay ang pagbabago sa lakas ng iyong tinig. Subalit ito’y hindi dapat na maging isa lamang rutin ng pagpapalakas o pagpapahina ng tinig sa paraang nakasasawa. Makasisira iyon sa diwa ng iyong sinasabi. Kapag napakadalas mong inilalakas ang iyong tinig, hindi magiging maganda ang impresyon.
Ang lakas ng iyong tinig ay dapat na maging angkop sa materyal. Nagbabasa ka man ng isang apurahang utos, tulad ng masusumpungan sa Apocalipsis 14:6, 7 o sa Apocalipsis 18:4, o isang kapahayagan ng matinding kombiksiyon, gaya ng nakaulat sa Exodo 14:13, 14, ang angkop na pagpapalakas ng tinig ay makabubuti. Gayundin, kapag nagbabasa ka ng isang matinding panunuligsa mula sa Bibliya, tulad ng masusumpungan sa Jeremias 25:27-38, ang pagbabagu-bago sa lakas ng iyong tinig ay magpapatingkad sa ilang pananalita nang higit kaysa sa iba.
Isaalang-alang din ang iyong tunguhin. Gusto mo bang maganyak ang iyong tagapakinig na kumilos? Nais mo bang patingkarin ang mga pangunahing punto sa iyong presentasyon? Ang mas malakas na tinig, kapag ginamit taglay ang mabuting pagpapasiya, ay nakatutulong upang maabot ang mga tunguhing ito. Gayunman, ang basta paglalakas lamang ng iyong tinig ay maaaring bumigo sa iyong layunin. Paano? Ang iyong sinasabi ay maaaring humiling ng init at damdamin sa halip ng mas malakas na tinig. Tatalakayin natin ito sa Aralin 11.
Kapag ginamit taglay ang mabuting pagpapasiya, ang paghina ng tinig ay maaaring umantig ng pananabik. Subalit iyon ay kadalasang nangangailangan ng mas matinding tono karaka-raka pagkatapos niyaon. Ang mababang tinig na nilakipan ng matinding tono ay maaaring gamitin upang maghatid ng kabalisahan o takot. Ang pinahinang tinig ay maaari ring gamitin upang magpahiwatig na ang sinasabi ay may pangalawahing kahalagahan kung ihahambing sa nakapalibot dito. Gayunman, kung ang iyong tinig ay laging mababa, ito ay maaaring magtawid ng kawalan ng katiyakan o kawalan ng kombiksiyon sa iyong bahagi o kawalan ng tunay na interes sa iyong paksa. Maliwanag, ang mahinang tono ay kailangang gamitin taglay ang mabuting pagpapasiya.
Baguhin ang Iyong Bilis. Sa pang-araw-araw na pagsasalita, ang mga salita ay dumadaloy nang kusa habang ipinahahayag natin ang ating mga kaisipan. Kapag tayo’y natutuwa, karaniwan nang tayo ay nagsasalita nang mabilis. Kapag gusto nating matandaan ng iba ang ating sinasabi, ang ating pagsasalita ay bumabagal.
Gayunman, iilan lamang sa mga baguhang tagapagsalita ang nakapag-iiba-iba ng kanilang bilis. Bakit? Masyado silang nagtutuon ng pansin sa mga salitang kanilang gagamitin. Maaaring ang lahat ng ito ay nakasulat. Kahit na hindi ibibigay ang pahayag mula sa isang manuskrito, ang mga salita ay maaaring halos saulado. Bilang resulta, ang lahat ay ipinahahayag sa pare-parehong bilis. Ang pagkatutong magpahayag mula sa isang balangkas ay tutulong upang maituwid ang kahinaang ito.
Iwasan mo ang biglang pagpapabilis anupat ipinagugunita nito sa isa ang isang naglalakad na pusa na biglang lumulundag papalayo kapag nakakakita ito ng aso. At huwag kailanman magsasalita nang napakabilis anupat ang pagbigkas mo ng mga salita ay nagiging malabo.
Upang matamo ang pagkakaiba-iba ng iyong bilis, huwag basta na lamang tutulin o babagal sa mga regular na agwat. Sa halip na mapabuti ang iyong inihaharap na materyal, ang gayong istilo ng pagpapahayag ay makasisira rito. Ang mga pagbabago ng bilis ay dapat na bumagay sa iyong sinasabi, sa damdaming nais mong itawid, at sa iyong tunguhin. Gawin ang iyong pahayag sa katamtamang bilis. Upang maitawid ang katuwaan, magsalita nang mas mabilis, kagaya ng gagawin mo sa pang-araw-araw na buhay. Ito ay angkop din kapag bumabanggit ng mga punto na hindi masyadong mahalaga o kapag nagsasalaysay ng mga pangyayari na ang mga detalye ay hindi naman mahalaga. Magbibigay ito ng pagkakaiba-iba at makatutulong upang ang iyong pahayag ay hindi magmukhang masyadong seryoso. Sa kabilang panig, ang mas mabibigat na argumento, ang mga pangunahing punto, at ang mga tampok na bahagi ng pahayag ay kadalasang humihiling ng mas mabagal na takbo.
Bagu-baguhin ang Pagtataas o Pagbababa ng Iyong Tono. Gunigunihin ang isang tao na tumutugtog ng isang instrumento sa musika sa loob ng isang oras o higit pa. Sa buong panahong iyon, iisang nota lamang ang kaniyang tinutugtog—una ay malakas, pagkatapos ay mahina, kung minsan ay mabilis, at pagkatapos ay mabagal. May pagbabagu-bago ng lakas at ng bilis, subalit dahil sa walang pagbabagu-bago ang pagtataas o pagbababa ng tono, ang “musika” ay hindi masyadong kaakit-akit. Sa katulad na paraan, kung walang pagkakaiba-iba sa pagtataas o pagbababa ng tono, ang ating boses ay hindi magiging kanais-nais sa pandinig.
Dapat pansinin na hindi pare-pareho ang epekto ng mga pagbabago sa pagtataas o pagbababa ng tono sa lahat ng wika. Sa mga de-tonong wika, tulad ng Tsino, ang pagtataas o pagbababa ng tono ay maaaring bumago sa kahulugan ng isang salita. Gayunman, kahit na sa gayong wika, may mga bagay na magagawa ang isang tao upang magkaroon ng higit na pagkakaiba-iba ang kaniyang pagsasalita. Maaaring pag-aralan niyang pasulungin ang maaabot ng kaniyang boses samantalang pinananatili ang gayunding antas para sa iba’t ibang tono. Kaya maaaring ang matataas na tono ay gawin niyang mas mataas pa at ang mabababang tono nang mas mababa pa.
Maging sa mga wikang hindi naman de-tono, ang pagbabago sa pagtataas o pagbababa ng tono ay maaaring magtawid ng iba’t ibang ideya. Halimbawa, ang medyo pagtataas ng tono na sinasabayan ng gayunding lakas ng tinig ay maaaring gamitin sa pagdiriin ng mga susing salita. O ang pagbabago sa pagtataas o pagbababa ng tono ay maaaring maging paraan upang ipahiwatig ang sukat o distansiya. Ang pagtataas ng tono sa dulo ng isang pangungusap ay maaaring magpahiwatig na ang inihaharap ay isang tanong. Ang ilang wika ay maaaring mangailangan ng pagbababa ng tono.
Ang katuwaan at kasiglahan ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng mas mataas na tono. (Sa de-tonong wika, iyon ay maaaring humiling ng isang mas malawak na abot ng boses.) Ang kalungkutan at kabalisahan ay maaaring humiling ng isang mas mababang tono. (O sa isang de-tonong wika, mas limitadong abot ng boses.) Ang mga damdaming nabanggit dito ay yaong mga nakatutulong sa tagapagsalita upang masaling ang puso. Kung nais mong ipahayag ang mga ito, huwag basta bigkasin na lamang ang mga salita. Gamitin ang iyong boses sa paraang magpapakita na nadarama mo rin ang mga ito.
Paglalatag ng Isang Pundasyon. Saan, kung gayon, nagsisimula ang pagbabagu-bago ng tono ng boses? Sa pagpili ng materyal para sa iyong pahayag. Kung wala kang inilalakip kundi pangangatuwiran o pagpapayo, kakaunti lamang ang pagkakataon mo para sa pagkakaiba-iba ng iyong pagpapahayag. Kaya suriin ang iyong balangkas, at tiyaking taglay mo ang mga sangkap na kakailanganin para sa isang makulay at nakapagtuturong presentasyon.
Ipagpalagay na sa kalagitnaan ng iyong pahayag, nahalata mo na kailangan ang higit na pagkakaiba-iba dahil sa waring nawawalan na ng sigla ang iyong presentasyon. Ano kung gayon? Baguhin ang paraan ng paghaharap ng iyong materyal. Paano? Ang isang paraan ay ang buksan ang Bibliya, anyayahan ang tagapakinig na buksan din ang sa kanila, at basahin ang isang kasulatan sa halip na basta magsalita. O palitan ang ilang pananalita ng isang tanong, na nilalakipan ng paghinto ukol sa pagdiriin. Magsingit ng isang simpleng ilustrasyon. Ang mga ito ay mga pamamaraang ginagamit ng makaranasang mga tagapagsalita. Subalit gaano man kahaba ng inyong karanasan, maaari mo ring gamitin ang ganitong mga ideya sa paghahanda ng iyong materyal.
Maaaring sabihin na ang pagbabagu-bago ng tono ng boses ay siyang rekado ng isang pahayag. Kapag wastong uri ang ginamit at sa wastong dami, mapalalabas nito ang buong lasa ng iyong materyal at magiging kasiya-siya ito sa iyong tagapakinig.