Isa Bang Pagsusuri sa Kalusugan Para sa Iyo?
Ang Samahang Watch Tower ay hindi nagrerekomenda o gumagawa ng mga pasiya para sa mga tao tungkol sa mga paraan sa panggagamot at pagsusuri. Gayunman, kung ang ilang paraan ay may mga bahaging pinag-aalinlanganan dahil sa mga simulain ng Bibliya, maaaring pag-ukulan ng pansin ang mga ito. Kung magkagayon ay isasaalang-alang ng bawat isa kung ano ang nasasangkot at saka magpapasiya kung ano ang gagawin.
Mahal na mga Kapatid: Nais ko pong malaman ang inyong opinyon. Ang [isang manggagamot] ay waring nakapagpapagaling naman, subalit naghihinala ako sa isang paraan na ginagamit niya. . . . Sa pamamagitan ng pagsusuri ay tinitiyak niya kung ano ang suliranin. Pagkatapos upang malaman kung anong uri ng gamot o gaano karami niyaon ang gagamitin, idinidikit niya ang isang bote ng gamot sa balat malapit sa isang glandula o sa isang sangkap ng katawan. Tinatangka niyang ibaba ang nakataas na braso ng pasyente. Ang uri ng gamot o ang dami nito ay natitiyak sa pamamagitan ng puwersa na kailangan niya upang ibaba ang braso. Ang teoriya ay na ang mga electron, tulad ng koryente, ay dumadaloy buhat sa gamot sa pamamagitan ng metal na takip ng bote tungo sa isang bahagi ng katawan, anupat pinalalakas iyon. Ito ba ay kagaya ng pangkukulam sa tubig?
ANG liham na ito mula sa Oregon, E.U.A., ay tungkol sa isang pamamaraan na ginagamit ng ilan upang tiyakin ang mga pangangailangan sa nutrisyon, pagtimbang-timbangin ang emosyonal na mga suliranin, arukin ang mga alaala, at lutasin ang mga tanong tungkol sa pang-araw-araw na buhay. Gaano man kalaganap ang pamamaraang ito, may katuwiran ba ang mga hinala ng sumulat?
Kalusugan—Sa Anong Halaga?
Mula noong sinaunang panahon, sinikap na ng mga tao na maunawaan kung bakit sila nagkakasakit at kung papaano gagaling. Nakahihigit ang mga Israelita sapagkat alam nila na sila’y mga makasalanan, at sila’y may mga batas buhat sa Diyos na tumulong sa kanila upang maiwasan ang pagkakaroon o pagkalat ng maraming sakit. (Levitico 5:2; 11:39, 40; 13:1-4; 15:4-12; Deuteronomio 23:12-14) Gayunman, humingi rin ng tulong ang bayan ng Diyos buhat sa kuwalipikadong mga manggagamot noong kanilang kaarawan.—Isaias 1:6; 38:21; Marcos 2:17; 5:25, 26; Lucas 10:34; Colosas 4:14.
Anong laking pagkakaiba sa mga tao sa sinaunang Babilonya at Ehipto! Ang panlunas ng kanilang “mga doktor” ay salig sa likas na mga sangkap, gayunman marami sa kanilang “panggagamot” ay mailalarawan ngayon bilang pagkukunwari. May binabanggit ang isang tekstong hieroglyphic sa Ehipto tungkol sa isang doktor na gumamot ng pagkabulag sa pamamagitan ng paggamit ng isang mabahong pinaghalong mata ng baboy, antimony, red ocher, at pulót. Ang halong ito ay ibinubuhos sa tainga ng maysakit! Isang sinaunang patotoo ang nag-aangkin na “talagang mahusay” ang gamot na ito. Ang pang-akit nito ay maaaring nadagdagan pa ng pagiging kakaiba o mahiwaga nito.
Madalas manawagan ang mga taga-Babilonya at mga Ehipsiyo sa mahihiwagang kapangyarihan.a Maaaring hilingin ng isang pari/doktor sa pasyente na hingahan ang mga butas ng ilong ng isang tupa, sa paniniwalang may puwersa, o lakas, na maaaring dumaloy buhat sa pasyente tungo sa iba pang nilalang at magkaroon ng epekto. Pinapatay ang tupa, at ipinagpapalagay na sa pamamagitan ng atay nito ay maisisiwalat ang sakit o ang hinaharap ng pasyente.—Isaias 47:1, 9-13; Ezekiel 21:21.
Mangyari pa, hindi gagamit ng espiritismo ang may-takot sa Diyos na manggagamot sa sinaunang Israel. Ganito ang may-kapantasang utos ng Diyos: “Hindi dapat makasumpong sa inyo . . . ng sinumang nanghuhula, isang nagsasagawa ng salamangka o sinumang nagmamasid ng mga tanda o isang manggagaway . . . Sapagkat ang bawat gumagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12; Levitico 19:26; 20:27) Kumakapit din ito sa Kristiyanong mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Nararapat ang pag-iingat.
Nang nakaraang mga taon maraming tao ang bumaling sa “panghaliling” mga pamamaraan sa pagsusuri at mga panggagamot. Ito ay pangunahin nang isang bagay na ukol sa personal na pagpapasiya. (Mateo 7:1; ihambing ang Roma 14:3, 4.) Sabihin pa, nakalulungkot kung ang sinumang Kristiyano ay magiging totoong abala sa kontrobersiyal na mga usaping pangkalusugan anupat nahihigitan nito ang kanilang ministeryo, na siyang tanging tiyak na paraan upang iligtas ang mga buhay. (1 Timoteo 4:16) Hindi sinasabi ng Bibliya na sa bagong sanlibutan ang sakit ay gagamutin at ang sakdal na kalusugan ay matatamo sa pamamagitan ng pamamaraang medikal, mga damo, diyeta, o di-pangkaraniwang panggagamot. Sa katunayan, ang lubusang paggaling ay magaganap lamang sa pamamagitan ng pagpapatawad ng kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus.—Isaias 33:24; Apocalipsis 22:1, 2.
Anong mga Puwersa ang Nasasangkot?
Ano ang maaaring isaalang-alang ng isang Kristiyano sa paggawa ng sariling pasiya tungkol sa kaugalian ng pagsusuri sa kalamnan na nabanggit sa liham sa pasimula?
Ang ilang paraan ng pagsusuri sa lakas o galaw ng mga kalamnan ay bahagi ng pangkaraniwang medisina, at iilan ang tututol sa pagiging mabisa ng mga ito. Halimbawa, ang poliomyelitis (maagang pagkaparalisa) ay makapagpapahina ng mga kalamnan, at ang paggamot para rito ay maaaring gamitan ng tinatawag na kinesiology—“ang pag-aaral ng mga kalamnan at ng galaw ng mga kalamnan.” Ang gayong kinesiology ay ginagamit din sa paggamot upang mapanauli ang mga biktima ng atake serebral. Mauunawaan ng karamihan ng tao ang gayong paggamot.
Subalit kumusta naman ang tungkol sa pagsubok ng kalamnan na inilarawan sa liham sa pasimula ng artikulong ito? Ang ganitong uri ng “kinesiology” ay ginagamit sa pagtatangkang malaman kung ang ilang klase ng pagkain, damo, o mga bitamina ay makatutulong o makapipinsala sa isang tao. Gaya ng madalas na ginagawa, iniuunat ng isa ang kaniyang braso, at tinutuunang pababa ng manggagamot upang subukin ang lakas ng kalamnan. Pagkatapos ay ilalagay ng pasyente ang isang klase ng pagkain o sustansiya sa kaniyang bibig, sa kaniyang tiyan, o sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay muling susuriin ang mga kalamnan. Inaangkin na kung kailangan niya ang pagkaing iyon, magiging mas malakas ang kaniyang braso; kung iyon ay makasásamâ sa kaniya, magiging mas mahina ang mga kalamnan.b
Ang ilan na nakasubok na nito ay naniniwalang mabisa ito at na ang epekto ay salig sa mga puwersa na nasa loob ng katawan. Nangangatuwiran sila na maraming bagay ang di-maipaliwanag ng modernong siyensiya ngunit nangyayari at maaaring obserbahan. Kaya naman, inaangkin nila na maaaring may mga dinadaluyan ng lakas o pagkilos sa pagitan ng mga puwersa at mga sustansiya, kahit hindi pa natutuklasan o tinatanggap ang mga ito ng mga doktor.
Sa kabilang banda, ganito ang sabi ng aklat na Applied Kinesiology: “Kung minsan itinuturo [ng mga aklat] na ang mga sustansiyang kemikal, gaya ng pagkain, ay natatantiya sa pamamagitan ng paghawak sa sustansiya at pagsubok sa kalamnan. Walang ebidensiya na nagpapahiwatig ng pagkamaaasahan ng ganitong uri ng pagsusuri. . . . Ang pilosopikong saloobin ay maaaring napakatindi anupat ang patiunang opinyon ng nagsusuri ay nakahahadlang sa pagkuha ng tumpak na impormasyon sa proseso ng pagsusuri.” “Ang kalamnan ng pasyente ay maaaring madaling gawing waring mahina o malakas ng isang tagapagsuri na sanay sa manwal na pagsusuri sa kalamnan ayon sa kaniyang sariling pagpapasiya sa pamamagitan lamang ng pagbabago ng . . . pagsusuri nang bahagyang-bahagya.”
Mag-ingat!
Gayunpaman, ang ilang pagsubok sa kalamnan ay higit pa rito. Isaalang-alang ang tinatawag na “kahaliling pagsubok.” Ito ay maaaring gawin sa kaso ng isang matanda o isang sanggol na napakahina upang subukin. Samantalang hinahawakan ng kahalili ang sanggol, sinusuri ng manggagamot ang braso ng kahalili. Ito ay ginamit na sa mga alagang hayop; ang braso ng kahalili ay sinusuri habang nakapatong ang kaniyang kamay sa isang collie, German shepherd, o iba pang may-sakit na alagang hayop.
Wala tayo sa kalagayang humatol sa gayong gawain, ngunit maitatanong ninyo, ‘May mga puwersa ba buhat sa katawan na nasa likod ng mga epektong ito?’ Napatunayan ng mga siyentipiko ang pag-iral ng mga cosmic ray, microwave, at iba’t ibang uri ng elektromagnetikong radyasyon. Gayunman, lahat ba ng nilalang, kahit mga sanggol at mga alagang hayop sa bahay, ay may panloob na mga puwersa na makadadaloy papalabas at lilikha ng isang masusuring epekto sa ibang tao? Inakala ng mga taga-Babilonya na ang mga puwersa ay makadadaloy papalabas at makaaapekto sa isang tupa. Maitatanong mo sa iyong sarili, ‘Naniniwala ba ako na gayundin ang maaaring mangyari sa mga tao o mga hayop sa ngayon? O baka may iba pang paliwanag tungkol sa mga epekto?’
Inaangkin ng ilang mga manggagamot na nasusukat ang “mga puwersa” ng isang tao sa pamamagitan ng mga ikid na yari sa metal o mga pendulo. Ang mga ito diumano ay gumagalaw habang ang “kapaligiran ng lakas” ng kapuwa manggagamot at pasyente ay nagkakaepekto sa isa’t isa. Isang manggagamot at manunulat sa larangang ito, na dating isang mananaliksik na siyentipiko, ang gumagamit minsan ng isang pendulo sa pagsusuri. Iginigiit din niya na nakikita niya ang “kapaligiran ng lakas ng tao” o ang maykulay na sinag na diumano’y bumabalot sa paligid ng mga tao. Inaangkin niya na siya’y may “lagusang paningin” na maaaring makatagos sa katawan upang makita ang mga tumor, selula ng dugo, o mga mikrobyo, at makita ang nakaraan.c
Gaya ng nabanggit na, ang pagsukat ng puwersa sa pamamagitan ng lakas ng braso ay ginagamit upang suriin ang emosyon. Ganito ang sabi ng isang popular na aklat: “Kung nais ninyong isabay ang bahagyang pagsusuri sa emosyon, itanong nang maririnig, ‘May suliranin ba kayo?’ at muling suriin. Ito ay paminsan-minsang magpapahina sa braso kung di-mabuti ang nutrisyon.” Ginagamit ng ilan ang gayong pagsubok “upang tukuyin ang edad na kung saan ang espesipikong pisikal, emosyonal o espirituwal na dagok sa buhay” ay naganap. Ginagamit din ito upang gumawa ng ‘oo o hindi’ na mga pasiya tungkol sa pang-araw-araw na mga bagay.
Malamang, marami na gumagawa ng gayong pagsubok sa kalamnan (kinesiology) ay magsasabi na naiiba ang kanilang pamamaraan kaysa sa kababanggit lamang, na walang nasasangkot na espiritismo, o na hindi sila gumagawa ng pagsusuri sa emosyon. Gayunpaman, ang ginagawa ba nila ay nakasalig pa rin sa paniniwala sa mga puwersa sa loob ng bawat tao na maaaring subukin o makita sa pamamagitan lamang ng ilang tao na nag-aangking may natatanging kapangyarihan?
Hindi ipinagwawalang-bahala ng mga Kristiyano ang gayong mga isyu. Ganito ang payo ng Diyos sa Israel: “Bagong buwan at sabbath, ang mga pagtitipon—hindi ko na matiis ang paggamit ng mahiwagang kapangyarihan sa taimtim na kapulungan.” (Isaias 1:13) Nang maging apostata ang bansang iyan, sila’y ‘nagsasagawa ng panghuhula at nagmamasid ng mga tanda.’ (2 Hari 17:17; 2 Cronica 33:1-6) Maliwanag na humanap sila ng impormasyon sa pamamagitan ng pantanging mga seremonya, at pagkatapos ay nagsasalita sila ng “mahiwaga.”—Zacarias 10:2.
Maaaring di-nakasásamâ ang ilang pagsubok sa kalamnan, na ginagawa nang walang anumang pinsala sa pasyente o sa manggagamot. Subalit maliwanag na ang ilan ay maaaring may mahiwaga o kahima-himalang mga bahagi, gaya ng lagusang paningin, mahihiwagang sinag, at ng paggamit ng pendulo. Hindi dapat gumamit ang mga Kristiyano ng gayong mahihiwagang kapangyarihan. Hindi sila dapat mag-eksperimento sa gayong mga bagay, sapagkat hindi sila interesado sa malalalim na bagay ni Satanas. (Apocalipsis 2:24) Sa halip, may mabuting dahilan upang mag-ingat tungkol sa anumang bagay na maaaring waring may kaugnayan sa pagsasagawa ng espiritismo, na hinahatulan ng Salita ng Diyos.—Galacia 5:19-21.
Pananagutan ng manggagamot ang ginagawa niya, at hindi namin layunin na suriin at hatulan ang mga pag-aangkin at pamamaraan ng bawat isa. Kahit na kung inaakala mo na ang ilan sa mga gawaing ito ay nagsasangkot ng mahiwagang kapangyarihan, maliwanag na marami sa mga sumubok nito ay ginawa iyon nang walang kamalay-malay, na hindi inisip na masasangkot sa espiritismo. Maaaring iyon ay pagpapahiwatig lamang ng kanilang matinding hangarin para sa mabuting kalusugan. Gayunpaman, ang ilan na nasangkot sa gayong mga gawain ay nagpasiya nang dakong huli na hindi sulit ang anumang maaaring matamong pisikal na pakinabang kung ihahambing sa panganib sa espirituwal.
Muli, ang bawat isa ang siyang magpapasiya kung ano ang gagawin hinggil sa gayong personal na mga bagay. Gayunman, dapat alalahanin ng mga Kristiyano ang payo ng Diyos: “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, ngunit ang isang matalino ay nag-iingat ng kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kumakapit din iyan sa mga pag-aangkin ukol sa kalusugan.
Sabik si Satanas na ilayo ang mga lingkod ng Diyos buhat sa tunay na pagsamba. Magsasaya ang Diyablo kung magagawa niya iyon sa pamamagitan ng pag-akay sa mga Kristiyano na mawili sa ibang bagay. Higit pa siyang masisiyahan kung sila ay mawili sa mga bagay na, o waring, mahiwagang pamamaraan na aakit sa kanila tungo sa espiritismo.—1 Pedro 5:8.
Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko, hindi nagbabago ang pangmalas ng Diyos tungkol sa okultismo. Gaya nang nabanggit na, inutusan ng Diyos ang mga Israelita na “sinumang nanghuhula, nagsasagawa ng salamangka o sinumang nagmamasid ng mga tanda o isang manggagaway, o nangkukulam” ay hindi dapat masumpungan sa gitna nila. “Ang bawat gumagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam kay Jehova . . . Dapat mong patunayan ang iyong sarili na walang-pagkukulang kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-13.
Isang karunungan nga, kung gayon, para sa mga Kristiyano sa ngayon na magsuot ng “kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos . . . sapagkat tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako”!—Efeso 6:11, 12.
[Mga talababa]
a Kumukunsulta pa rin ang maraming tao sa mga shaman, mga doktor kulam, o nakakatulad na mga nagpapagaling. Ang shaman ay “isang pari na gumagamit ng salamangka sa layuning gamutin ang maysakit, hulaan ang nakatago, at supilin ang mga pangyayari.” Maaaring pagsamahin ng isang doktor kulam, o shaman, ang mga damo at ang espiritismo (nananawagan sa mahihiwagang puwersa). Iiwasan ng isang maingat, tapat na Kristiyano ang gayong pagkasangkot sa espiritismo, kahit na waring nagbibigay iyon ng lunas.—2 Corinto 2:11; Apocalipsis 2:24; 21:8; 22:15.
b Ito ay isang karaniwang paglalarawan, subalit maaaring iba-iba ang proseso ng pagsusuri. Halimbawa, maaaring hilingin sa pasyente na pagdikitin niya ang kaniyang hinlalaki at hintuturo, at sisikapin ng manggagamot na paghiwalayin ang mga ito.
c Ganito ang isinulat niya: “Papaano nagaganap ang waring kahima-himalang mga pangyayaring ito? . . . Ang proseso na ginagamit ko ay tinatawag na pagpapatong ng mga kamay, pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya o espirituwal na pagpapagaling. Hindi naman ito talagang isang kahima-himalang proseso, kundi napakasimple . . . Bawat isa ay may kapaligiran ng lakas o sinag na bumabalot at tumatagos sa pisikal na katawan. Ang kapaligiran ng lakas na ito ay may malapit na kaugnayan sa kalusugan. . . . Ang High Sense Perception ay isang uri ng ‘paningin’ na doo’y nakikita mo ang isang larawan sa iyong isip nang hindi gumagamit ng iyong normal na paningin. Hindi ito guniguni. Kung minsan ito ay tinutukoy bilang ikalawang paningin.”