KABANATA 18
Paano Ko Makakayanan ang Stress sa School?
“Grabe ang stress sa school, kaya madalas, parang gusto kong umiyak at sumigaw.”—Sharon.
“Hindi nagbabago ang tindi ng stress sa school kahit malaki ka na—ang nagbabago lang, yung mga dahilan.”—James.
MINSAN ba, parang hindi naiintindihan ng mga magulang mo kung gaano ka ka-stress sa school? Baka sabihin nila sa iyo na wala ka namang binabayarang upa sa bahay, pinapakaing pamilya, o pinaglilingkurang amo kaya bakit ka mai-stress. Pero para sa iyo, talagang nakaka-stress ang school! Baka nga feeling mo, mas nai-stress ka pa kaysa sa mga magulang mo.
Baka biyahe pa lang papunta at pauwi sa school, nakaka-stress na. “Laging may nag-aaway sa school bus,” ang sabi ni Tara, taga-Estados Unidos. “Ihihinto ng drayber ang bus, at pabababain kaming lahat. Nale-late tuloy kami nang kalahating oras, minsan nga lampas pa.”
Pagdating mo sa school, wala na bang stress? Mayroon pa rin! Baka problema mo ang sumusunod:
● Stress dahil sa mga teacher.
“Gusto ng mga teacher ko na maging pinakamahusay ako sa klase at makakuha ng matataas na grade, kaya nape-pressure akong gawin ang lahat para matuwa sila.”—Sandra.
“Kapag matalino ang estudyante, ipupursige ng mga teacher na mag-top siya sa klase.”—April.
“Mamaliitin ka ng ibang teacher kapag hindi mo inabot yung academic goals na gusto nila para sa iyo, kahit na may maganda ka nang goal para sa sarili mo.”a—Naomi.
Nai-stress ka rin ba sa teacher mo? Ano ang epekto nito sa iyo?
․․․․․
● Stress dahil sa mga kaeskuwela.
“Mas malaya at palabán ang mga estudyante sa haiskul. Kung hindi ka gagaya sa kanila, hindi ka nila magugustuhan.”—Kevin.
“Araw-araw, nandiyan ang tukso na uminom at makipag-sex. Kung minsan, ang hirap magpigil ng sarili.”—Aaron.
“Ngayong 12 na ako, nape-pressure akong makipag-date. Lagi na lang akong sinasabihan, ‘Wala ka pa ring boyfriend?’”—Alexandria.
“Pinipilit ako noon ng mga kaklase ko na makipag-date. Nang tumanggi ako, sabi nila, tomboy daw ako. Ten pa lang ako noon!”—Christa.
Ano ang epekto sa iyo ng stress dahil sa mga kaeskuwela mo?
․․․․․
● Iba pang bagay na nakaka-stress. Lagyan ng ✔ ang nakaka-stress sa iyo nang sobra—o isulat sa patlang ang sariling sagot.
□ Nalalapit na exam
□ Takdang-aralin
□ Mataas na expectation ng mga magulang
□ Mataas na expectation mo sa sarili
□ Sexual harassment o panggugulo ng mga siga
□ Iba pa ․․․․․
Apat na Hakbang Laban sa Stress
Sa school, talagang may stress. Pero masama ang epekto ng sobrang stress. Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.” (Kawikaan 12:25) Puwede mo iyang maiwasan. Kailangan mo lang matutuhan kung paano haharapin ang stress.
Ang pagharap sa stress ay parang weight lifting. Kailangan ng weight lifter ang wastong paghahanda. Dapat na hindi sobra sa kaya niya ang bubuhatin at tama ang teknik sa pagbuhat para lumakas ang kaniyang muscle at hindi mapinsala ang katawan. Kung masyadong mabigat ang barbel at hindi tama ang pagbuhat, puwedeng magkaroon ng injury ang kaniyang muscle o mabalian pa nga siya ng buto.
Kaya mo ring harapin ang stress at gawin ang mga bagay na kailangan mong tapusin nang hindi naman sinasagad ang sarili mo. Paano? Subukan ang mga hakbang na ito:
1. Alamin ang nakaka-stress sa iyo. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ayon sa isang praktikal na kasabihan. (Kawikaan 22:3) Pero hindi ka ‘makapagkukubli’ sa bagay na nakaka-stress sa iyo kung hindi mo naman alam kung ano ito. Kaya balikan ang nilagyan mo ng ✔ sa naunang pahina. Ano ang talagang nakaka-stress sa iyo?
2. Mag-research. Halimbawa, kung nai-stress ka sa sobrang dami ng assignment, basahin ang mga mungkahi sa Kabanata 13 ng Tomo 2. Kung pine-pressure ka ng kaklase mo na gumawa ng kahalayan, may praktikal na mga payo sa Kabanata 2, 5, at 15 ng tomo ring iyon.
3. Kumilos na ngayon. Puwedeng lumala ang problema kapag ipinagwawalang-bahala ito. Lalo ka lang mai-stress. Kapag alam mo na ang dapat mong gawin para maiwasan ang nakaka-stress sa iyo, kumilos agad. Halimbawa, kung isa kang Saksi ni Jehova at nagsisikap kang sumunod sa pamantayan ng Bibliya, sabihin mo agad sa iba kung ano ang relihiyon mo. Makakabawas ito sa stress mo. Ganito ang sinabi ni Marchet, 20: “Simula pa lang ng pasukán, nakikipag-usap na ako sa iba tungkol sa ilang paksa na alam kong magbibigay sa akin ng pagkakataon para ipaliwanag ang sinusunod kong mga pamantayan sa Bibliya. Kasi mas mahirap kapag hindi ko agad nasasabing Saksi ako. Malaking tulong talaga ang pagsasabi sa iba ng paniniwala ko at ang pamumuhay ayon dito.”
4. Humingi ng tulong. Kahit ang pinakamalakas na weight lifter ay may limitasyon. Ikaw rin. Pero hindi mo kailangang buhating mag-isa ang pasanin. (Galacia 6:2) Bakit hindi makipag-usap sa iyong mga magulang at sa iba pang may-gulang na Kristiyano? Ipakita mo sa kanila ang mga sagot mo sa kabanatang ito at hingin ang payo nila.
Stress—Nakakabuti?
Alam mo ba na magandang indikasyon ang stress? Kasi kapag nakakaramdam ka ng stress, ibig sabihin, masipag ka at gumagana ang iyong konsiyensiya. Pansinin kung paano inilalarawan ng Bibliya ang isang taong hindi nai-stress: “Ikaw na tamad, hanggang kailan ka pa hihiga? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkakatulog? Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong.”—Kawikaan 6:9-11.
Ganito ang sabi ni Heidi, 16: “Baka sa tingin mo, sobra na ang pressure sa school. Pero ang totoo, iyan din naman ang haharapin mo kapag nagtatrabaho ka na.” Totoo, mahirap ma-stress, pero kung alam mo kung paano ito haharapin, makakayanan mo ito at mapapatatag ka nito.
Solusyon ba ang paghinto sa pag-aaral?
[Talababa]
a May higit pang impormasyon sa Kabanata 20 ng aklat na ito.
TEMANG TEKSTO
‘Ihagis ninyo sa [Diyos] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’—1 Pedro 5:7.
TIP
Hatiin sa dalawang kategorya ang iyong mga problema—mga problemang kaya mong lutasin at mga problemang hindi mo kontrolado. Gawin mo ang magagawa mo sa mga problemang kaya mong lutasin. Saka mo na lang pag-isipan ang mga problemang hindi mo kontrolado, kung may oras ka pa.
ALAM MO BA . . . ?
Kung sapat ang tulog mo gabi-gabi—di-bababa ng walong oras—makakatulong ito sa iyo na makayanan ang stress. Tatalas pa ang memorya mo!
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para mas makayanan ko ang stress, sisikapin kong matulog palagi nang alas ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit lalo ka lang mai-stress kung perfectionist ka?
● Sino ang puwede mong makausap kapag masyado ka nang nai-stress?
[Blurb sa pahina 132]
“Araw-araw, nagpe-pray kami ni Daddy kapag inihahatid niya ako sa school. Malaking tulong iyon para mapanatag ako.”—Liz
[Larawan sa pahina 131]
Ang pagharap sa stress ay parang pagbubuhat ng barbel. Kapag ginawa ito sa tamang paraan, maganda ang resulta—lalakas ka at tatatag