Ikadalawampu’t Isang Kabanata
Lumalawak ang Tunay na Pagsamba sa Buong Daigdig
1. Anong nakapagpapatibay na mensahe ang nilalaman ng Isaias kabanata 60?
ANG kabanata 60 ng Isaias ay isinulat bilang isang makapukaw-damdaming drama. Sa pambungad na mga talata, tinatawagan ang ating pansin ng isang makabagbag-pusong tagpo. Sunud-sunod na mga pangyayari ang mabilis na magaganap pagkatapos nito, anupat aakayin tayo sa isang nakaaantig na wakas. Iginuguhit ng kabanata sa makulay na paglalarawan ang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa sinaunang Jerusalem at ang pandaigdig na paglawak ng tunay na pagsamba sa ngayon. Bukod diyan, tinutukoy nito ang walang-hanggang pagpapala na nakalaan para sa lahat ng tapat na mga mananamba ng Diyos. Bawat isa sa atin ay maaaring gumanap ng isang papel sa katuparan ng kaakit-akit na bahaging ito ng hula ni Isaias. Kung gayon, suriin natin itong mabuti.
Sumisikat ang Liwanag sa Kadiliman
2. Ano ang iniutos sa isang babaing nakahandusay sa kadiliman, at bakit kailangang apurahan ang kaniyang pagsunod?
2 Ang pambungad na mga salita sa kabanatang ito ng Isaias ay patungkol sa isang babaing nasa malungkot na kalagayan. Maliwanag na siya’y nakahandusay sa lapag sa gitna ng kadiliman. Walang anu-ano, tumagos ang liwanag sa karimlan nang sumigaw si Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Bumangon ka, O babae, magpasinag ka ng liwanag, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating na at sa iyo ay sumikat na ang mismong kaluwalhatian ni Jehova.” (Isaias 60:1) Oo, ang “babae” ay dapat nang tumayo at magpaaninag ng kaluwalhatian ng Diyos! Bakit kaya ito apurahan? Nagpatuloy ang hula: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa; ngunit sa iyo ay sisikat si Jehova, at sa iyo ay makikita ang kaniyang kaluwalhatian.” (Isaias 60:2) Para sa kapakinabangan niyaong mga nakapalibot sa kaniya na nag-aapuhap pa rin sa kadiliman, ang “babae” ay dapat na ‘magpasinag ng liwanag.’ Ano ang magiging resulta? “Ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong pagsikat.” (Isaias 60:3) Ang pambungad na mga salitang ito ay naglalaan ng pinakadiwa ng ipaliliwanag nang higit pang detalyado sa mga susunod na talata—ang tunay na pagsamba ay dapat na lumawak sa buong daigdig!
3. (a) Sino ang “babae”? (b) Bakit malaon nang nakahandusay sa kadiliman ang “babae”?
3 Bagaman tungkol sa mga pangyayari sa hinaharap ang tinutukoy, sinabi ni Jehova sa “babae” na ang liwanag nito ay “dumating na.” Idiniriin nito ang katiyakan na matutupad ang hula. Ang “babae” na tinutukoy ay ang Sion, o Jerusalem, ang kabisera ng Juda. (Isaias 52:1, 2; 60:14) Ang lunsod ay kumakatawan sa buong bansa. Sa panahon ng unang katuparan ng hulang ito, ang “babae” ay nasumpungang nakahandusay sa kadiliman, na kinaroroonan niya mula nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Gayunman, noong 537 B.C.E., isang tapat na nalabi ng mga tapong Judio ang bumalik sa Jerusalem at nagsauli ng dalisay na pagsamba. Sa wakas, pinasikat ni Jehova ang liwanag sa kaniyang “babae,” at ang kaniyang isinauling bayan ay naging bukal ng kaliwanagan sa gitna ng madilim na kalagayang espirituwal ng mga bansa.
Isang Mas Malaking Katuparan
4. Sino sa ngayon sa lupa ang kumakatawan sa “babae,” at kung palalawakin, kanino pa kumakapit ang makahulang salita?
4 Ang ating interes sa mga makahulang salitang ito ay higit pa sa katuparan nito sa sinaunang Jerusalem. Sa ngayon, ang makalangit na “babae” ni Jehova ay kinakatawan sa lupa ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Sa panahon ng pag-iral nito, mula noong Pentecostes 33 C.E. hanggang sa ngayon, ang espirituwal na bansang ito ay umabot na sa kabuuang bilang na 144,000 pinahiran-ng-espiritung miyembro, “na binili mula sa lupa” at may pag-asa na mamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Apocalipsis 14:1, 3) Ang makabagong-panahong katuparan ng Isaias kabanata 60 ay nakasentro sa mga kabilang sa 144,000 na nabubuhay sa lupa sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Ang hula ay may kinalaman din sa mga kasama ng pinahirang mga Kristiyanong ito, ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.”—Apocalipsis 7:9; Juan 10:11, 16.
5. Kailan nasumpungan ng natitira pang mga miyembro ng Israel ng Diyos na sila’y nakahandusay sa kadiliman, at kailan sumikat sa kanila ang liwanag ni Jehova?
5 Sa loob ng maikling panahon sa pagsisimula ng mga taon ng 1900, nasumpungan niyaong mga kabilang sa Israel ng Diyos na naririto pa sa lupa na sila ay nakahandusay sa kadiliman, wika nga. Ang unang digmaang pandaigdig ay natapos na ang kalagayan nila’y makasagisag na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis—ang kanilang mga bangkay ay nakahandusay “sa malapad na daan ng dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto.” (Apocalipsis 11:8) Gayunman, noong 1919, pinasikat ni Jehova sa kanila ang kaniyang liwanag. Bilang tugon, sila’y tumayo at nagpaaninag ng liwanag ng Diyos, anupat walang-takot na naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 5:14-16; 24:14.
6. Paano tumugon ang sanlibutan sa pangkalahatan sa paghahayag ng maharlikang pagkanaririto ni Jesus, subalit sino ang naakit sa liwanag ni Jehova?
6 Palibhasa’y naiimpluwensiyahan ni Satanas, ang pinuno ng “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito,” tinanggihan ng mga tao sa pangkalahatan ang patalastas hinggil sa maharlikang pagkanaririto ni Jesu-Kristo, “ang liwanag ng sanlibutan.” (Efeso 6:12; Juan 8:12; 2 Corinto 4:3, 4) Magkagayunman, milyun-milyon ang naakit sa liwanag ni Jehova, kabilang na ang “mga hari” (yaong naging mga pinahirang tagapagmana ng makalangit na Kaharian) at “mga bansa” (ang malaking pulutong ng ibang mga tupa).
Nagdudulot ng Taos-Pusong Kagalakan ang Paglawak
7. Anong nakapagpapasiglang tanawin ang nakita ng “babae”?
7 Sa pagbuo ng temang nakasaad sa Isaias 60:3, inutusan pa ni Jehova ang “babae”: “Itingin mo ang iyong mga mata sa buong palibot at masdan!” Nang sumunod ang “babae,” isang nakapagpapasiglang tanawin ang bumulaga sa kaniya—pauwi na ang kaniyang mga anak! “Silang lahat ay natipon; pumaroon sila sa iyo. Mula sa malayo ay patuloy na dumarating ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong mga anak na babae na aalagaan sa tagiliran.” (Isaias 60:4) Ang internasyonal na paghahayag ng Kaharian na nagsimula noong 1919 ay nagbunga ng libu-libo pang pinahirang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” na isinama sa Israel ng Diyos. Sa ganitong paraan kinumpleto ni Jehova ang inihulang bilang na 144,000, na mamamahalang kasama ni Kristo.—Apocalipsis 5:9, 10.
8. Ano ang ikinaliligaya ng Israel ng Diyos mula noong 1919?
8 Nagdulot ng kagalakan ang pagdaming ito. “Sa panahong iyon ay makikita mo at ikaw ay tiyak na magniningning, at ang iyong puso ay manginginig at lálakí, sapagkat sa iyo ay pupunta ang kayamanan ng dagat; ang mismong yaman ng mga bansa ay paroroon sa iyo.” (Isaias 60:5) Ang pagtitipon sa mga pinahiran noong mga taon ng 1920 at 1930 ay nagdulot ng malaking kaligayahan sa Israel ng Diyos. Subalit nagkaroon pa sila ng karagdagang dahilan upang magalak. Lalo na mula noong kalagitnaan ng mga taon ng 1930, ang mga taong dati’y bahagi ng “dagat” ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos ay lumabas mula sa lahat ng bansa upang sumamba na kasama ng Israel ng Diyos. (Isaias 57:20; Hagai 2:7) Ang mga taong ito ay hindi naglilingkod sa Diyos ayon sa sarili nilang kagustuhan. Sa halip, sila’y pumaparoon sa “babae” ng Diyos at nagiging bahagi ng nagkakaisang kawan ng Diyos. Bilang resulta, lahat ng mga lingkod ng Diyos ay nakikibahagi sa paglawak ng tunay na pagsamba.
Nagpisan sa Jerusalem ang mga Bansa
9, 10. Sino ang nakitang nagpipisan sa Jerusalem, at paano sila tinanggap ni Jehova?
9 Sa paggamit ng mga ilustrasyong pamilyar sa mga kontemporaryo ni Isaias, inilarawan ni Jehova ang paglawak. Habang nakatingin mula sa kaniyang kinatatayuan sa Bundok Sion, minasdan muna ng “babae” ang abot-tanaw sa dakong silangan. Ano ang kaniyang nakita? “Ang dumadaluyong na karamihan ng mga kamelyo ay tatakip sa iyo, ang mga batang kamelyong lalaki ng Midian at ng Epa. Lahat niyaong mula sa Sheba—darating sila. Ginto at olibano ang kanilang dadalhin. At ang mga kapurihan ni Jehova ay ipatatalastas nila.” (Isaias 60:6) Ang mga pulutong ng mga kamelyo na ginagamit ng naglalakbay na mga mangangalakal mula sa iba’t ibang tribo ay bumabagtas sa mga daan patungong Jerusalem. (Genesis 37:25, 28; Hukom 6:1, 5; 1 Hari 10:1, 2) Kabi-kabila ang mga kamelyo, gaya ng baha na tumatakip sa lupain! Ang mga pulutong ay may dalang mga mamahaling kaloob, na nagpapakitang kapayapaan ang hangarin ng pagparoon ng mga mangangalakal. Nais nilang sumamba kay Jehova at magbigay sa kaniya ng pinakamainam na maihahandog nila.
10 Hindi lamang ang mga mangangalakal na ito ang dumarating. “Ang lahat ng kawan ng Kedar—titipunin sa iyo ang mga iyon. Ang mga barakong tupa ng Nebaiot—maglilingkod sa iyo ang mga iyon.” Oo, naglalakbay rin ang nagpapastol na mga tribo patungong Jerusalem. May dala silang mga kaloob na pinakamahalaga nilang mga pag-aari—mga kawan ng tupa—at inihahandog nila ang kanilang sarili bilang mga lingkod. Paano sila tatanggapin ni Jehova? Sinabi niya: “May pagsang-ayong isasampa sa aking altar ang mga iyon, at pagagandahin ko ang aking sariling bahay ng kagandahan.” (Isaias 60:7) Tinanggap ni Jehova ang kanilang mga kaloob, na gagamitin sa dalisay na pagsamba.—Isaias 56:7; Jeremias 49:28, 29.
11, 12. (a) Anong tanawin ang bumulaga sa “babae” habang pinagmamasdan niya ang gawing kanluran? (b) Bakit napakarami ang nagmamadali patungo sa Jerusalem?
11 Sinabihan ngayon ni Jehova ang “babae” na tumingin naman sa abot-tanaw sa dakong kanluran, at nagtanong siya: “Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap, at parang mga kalapati patungo sa kanilang mga butas sa bahay-ibon?” Si Jehova mismo ang sumagot: “Sa akin ay patuloy na aasa ang mga pulo, ang mga barko rin ng Tarsis gaya noong una, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at ang kanilang ginto na kasama nila, patungo sa pangalan ni Jehova na iyong Diyos at patungo sa Banal ng Israel, sapagkat pagagandahin ka niya.”—Isaias 60:8, 9.
12 Gunigunihin mong nakatayo ka sa tabi ng “babae,” habang nakatanaw sa gawing kanluran sa ibayo ng Malaking Dagat. Ano ang iyong nakikita? Isang ulap ng mapuputing butil mula sa malayo na sumasalimbay sa ibabaw ng tubig. Para itong mga ibon, subalit habang papalapit ang mga ito, nakikita mong ito pala’y mga barko na ang mga layag ay nakaladlad. Sila’y nanggaling “mula sa malayo.”a (Isaias 49:12) Napakaraming sasakyang-dagat ang mabilis na papalapit sa Sion anupat tulad sila ng isang kawan ng papauwing mga kalapati. Bakit kaya nagmamadali ang pangkat ng mga barko? Sabik na itong maihatid ang karga nitong mga mananamba ni Jehova na nanggaling sa malalayong daungan. Sa katunayan, lahat ng bagong dating—kapuwa mga Israelita at mga banyaga, mula sa silangan o kanluran at mula sa malalapit o malalayong lupain—ay nagmamadali patungo sa Jerusalem upang ialay ang lahat-lahat sa pangalan ni Jehova, ang kanilang Diyos.—Isaias 55:5.
13. Sa makabagong panahon, sino ang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae,” at sino ang “yaman ng mga bansa”?
13 Isa ngang buháy na buháy na larawan ang iginuhit ng Isaias 60:4-9 hinggil sa pandaigdig na paglawak na naganap mula nang ang “babae” ni Jehova ay magpasinag ng liwanag sa gitna ng kadiliman ng sanlibutang ito! Unang dumating ang “mga anak na lalaki” at “mga anak na babae” ng makalangit na Sion, yaong naging pinahirang mga Kristiyano. Noong 1931, hayagang nagpakilala ang mga ito bilang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay isang ulap ng mga maaamo, “ang mismong yaman ng mga bansa” at “ang kayamanan ng dagat,” ang nagmadali sa pagsama sa natitirang mga kapatid ni Kristo.b Sa ngayon, lahat ng mga lingkod na ito ni Jehova mula sa apat na sulok ng daigdig at mula sa lahat ng uri ng pamumuhay ay nakikisama sa Israel ng Diyos sa pagpuri sa kanilang Soberanong Panginoon, si Jehova, at sa pagdakila sa kaniyang pangalan bilang ang pinakamaringal na pangalan sa buong sansinukob.
14. Paanong ang mga bagong dating ay ‘isasampa sa altar’ ng Diyos?
14 Ano naman kaya ang ibig sabihin na ang mga bagong dating na ito mula sa mga bansa ay ‘isasampa sa altar’ ng Diyos? Ang hain ay inilalagay sa isang altar. Gumamit si apostol Pablo ng pananalita na may kaugnayan sa hain nang isulat niya: “Namamanhik ako sa inyo . . . na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Handang ibigay ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang sarili. (Lucas 9:23, 24) Iniuukol nila ang kanilang panahon, lakas, at mga kakayahan sa pagtataguyod ng dalisay na pagsamba. (Roma 6:13) Sa paggawa nito, sila’y naghahandog ng kaayaayang mga hain ng papuri sa Diyos. (Hebreo 13:15) Nakapagpapasigla nga na milyun-milyon sa mga mananamba ni Jehova sa ngayon, kapuwa bata at matanda, ang naglalagay ng kanilang pansariling hangarin sa isang posisyon na pangalawa lamang sa kapakanan ng Kaharian ng Diyos! Nagpapamalas sila ng tunay na espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili.—Mateo 6:33; 2 Corinto 5:15.
Nakikibahagi sa Pagpapalawak ang mga Bagong Dating
15. (a) Noong sinaunang panahon, paano ipinamalas ang awa ni Jehova may kaugnayan sa mga banyaga? (b) Sa makabagong panahon, paano nakikibahagi ang “mga banyaga” sa pagtatayo ng tunay na pagsamba?
15 Ang mga bagong dating ay naghahandog kapuwa ng kanilang mga ari-arian at personal na paglilingkod bilang suporta sa “babae” ni Jehova. “Itatayo ng mga banyaga ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo; sapagkat sa aking galit ay sinaktan kita, ngunit sa aking kabutihang-loob ay tiyak na kaaawaan kita.” (Isaias 60:10) Ipinamalas ang awa ni Jehova noong ikaanim na siglo B.C.E. nang ang mga banyaga ay tumulong sa gawaing pagtatayo sa Jerusalem. (Ezra 3:7; Nehemias 3:26) Sa mas malaking katuparan sa ngayon, ang “mga banyaga,” ang malaking pulutong, ay sumusuporta sa pinahirang nalabi sa pagtatayo ng tunay na pagsamba. Tumutulong sila sa pagpapasulong ng mga katangiang Kristiyano sa kanilang mga tinuturuan ng Bibliya at sa gayo’y pinatitibay ang mga kongregasyong Kristiyano at pinatatatag ang tulad-lunsod na “mga pader” ng organisasyon ni Jehova. (1 Corinto 3:10-15) Nagtatayo rin sila sa literal na paraan, anupat nagpapagal sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, mga Assembly Hall, at mga pasilidad ng Bethel. Sa gayon ay nakikisama sila sa kanilang pinahirang mga kapatid sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng lumalawak na organisasyon ni Jehova.—Isaias 61:5.
16, 17. (a) Paano napananatiling bukás ang “mga pintuang-daan” ng organisasyon ng Diyos? (b) Paano naglingkod sa Sion ang “mga hari”? (c) Ano ang mangyayari sa mga nagsisikap na isara ang “mga pintuang-daan” na nais ni Jehova na panatilihing nakabukas?
16 Bawat taon bilang resulta ng espirituwal na programa ng pagtatayo, daan-daang libong “mga banyaga” ang nagsisimulang makiugnay sa organisasyon ni Jehova, at bukás ang daan para sa iba pa. Sinabi ni Jehova: “Ang iyong mga pintuang-daan ay laging pananatilihing bukás; hindi isasara ang mga iyon maging sa araw o sa gabi, upang dalhin sa iyo ang yaman ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ang mangunguna.” (Isaias 60:11) Sino, kung gayon, ang “mga hari” na nangunguna sa pagdadala sa Sion ng yaman ng mga bansa? Noong sinaunang panahon, pinakilos ni Jehova ang puso ng ilang pinuno upang “maglingkod sa” Sion. Halimbawa, si Ciro ang nagpasimuno sa pagpapabalik sa mga Judio sa Jerusalem upang itayong muli ang templo. Nang maglaon, nag-abuloy si Artajerjes ng mga yaman at isinugo si Nehemias upang itayong muli ang mga pader ng Jerusalem. (Ezra 1:2, 3; Nehemias 2:1-8) Tunay, “ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova.” (Kawikaan 21:1) Mapakikilos ng ating Diyos maging ang makapangyarihang mga pinuno upang gumawang kasuwato ng kaniyang kalooban.
17 Sa makabagong panahon, tinangka ng maraming “mga hari,” o sekular na mga awtoridad, na isara ang “mga pintuang-daan” ng organisasyon ni Jehova. Subalit ang iba nama’y naglingkod sa Sion sa pamamagitan ng paggawa ng mga pasiyang nakatulong upang mapanatiling bukás ang “mga pintuang-daan” na iyon. (Roma 13:4) Noong 1919, pinalaya ng sekular na mga awtoridad si Joseph F. Rutherford at ang kaniyang mga kasama mula sa di-makatarungang pagkabilanggo. (Apocalipsis 11:13) “Nilulon” ng mga pamahalaan ng tao ang baha ng pag-uusig na ibinuga ni Satanas matapos siyang ibagsak mula sa langit. (Apocalipsis 12:16) Ang ilang pamahalaan ay nagtaguyod ng pagpaparaya sa relihiyon, na kung minsan ay alang-alang lamang sa mga Saksi ni Jehova. Ang uring ito ng paglilingkod ay nagpangyaring maging mas madali para sa pulu-pulutong na maaamo na dumaan sa bukás na “mga pintuang-daan” papasók sa organisasyon ni Jehova. At kumusta naman ang mga sumasalansang na nagtatangkang isara ang “mga pintuang-daan” na iyon? Hinding-hindi sila magtatagumpay. Tungkol sa kanila ay sinabi ni Jehova: “Ang alinmang bansa at ang alinmang kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay malilipol; at ang mga bansa ay walang pagsalang mawawasak.” (Isaias 60:12) Lahat ng lumalaban sa “babae” ng Diyos—ito man ay mga indibiduwal o mga organisasyon—ay malilipol sa dumarating na digmaan ng Armagedon sa pinakamatagal.—Apocalipsis 16:14, 16.
18. (a) Ano ang kahulugan ng pangakong yayabong ang mga punungkahoy sa Israel? (b) Ano ang ‘dako ng mga paa’ ni Jehova sa ngayon?
18 Pagkatapos ng babalang ito ng kahatulan, ang hula ay bumaling na muli sa mga pangako ng pagkakataas at kasaganaan. Sa pakikipag-usap sa kaniyang “babae,” sinabi ni Jehova: “Sa iyo ay darating ang mismong kaluwalhatian ng Lebanon, ang puno ng enebro, ang puno ng fresno at ang sipres na magkakasabay, upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo; at luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.” (Isaias 60:13) Ang mayayabong na punungkahoy ay sumasagisag sa kagandahan at pagkamabunga. (Isaias 41:19; 55:13) Ang mga pananalitang “santuwaryo” at “dako ng aking mga paa” sa talatang ito ay tumutukoy sa templo ng Jerusalem. (1 Cronica 28:2; Awit 99:5) Gayunman, ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang templo sa Jerusalem ay isang makasagisag na paglalarawan na nagpapaaninaw ng isang mas dakilang espirituwal na templo, ang kaayusan ng paglapit kay Jehova sa pagsamba salig sa hain ni Kristo. (Hebreo 8:1-5; 9:2-10, 23) Sa ngayon ay niluluwalhati ni Jehova ang ‘dako ng kaniyang mga paa,’ ang makalupang mga looban ng dakilang espirituwal na templong ito. Ang mga ito’y naging totoong kahali-halina anupat inaakit ng mga ito ang mga tao mula sa lahat ng bansa upang makibahagi sa tunay na pagsamba roon.—Isaias 2:1-4; Hagai 2:7.
19. Ano ang mapipilitang kilalanin ng mga sumasalansang, at kailan nila ito gagawin sa pinakamatagal?
19 Muli ngayong pinagtutuunan ng pansin ang mga sumasalansang, sinabi ni Jehova: “Sa iyo ay paroroon ang mga anak niyaong mga pumipighati sa iyo, na yumuyukod; at lahat niyaong nakikitungo sa iyo nang walang galang ay yuyukod sa mismong mga talampakan ng iyong mga paa, at tatawagin ka nga nilang lunsod ni Jehova, ang Sion ng Banal ng Israel.” (Isaias 60:14) Oo, sa pagkakita sa napakabilis na pagdami at mas mahusay na paraan ng pamumuhay na idinudulot ng pagpapala ng Diyos sa kaniyang bayan, ang ilang sumasalansang ay mapipilitang yumukod at tumawag sa “babae.” Samakatuwid nga, mapipilitan silang kilalanin—pinakamatagal na sa Armagedon—na ang pinahirang nalabi at ang mga kasama nila ay tunay na kumakatawan sa makalangit na organisasyon ng Diyos, ang “lunsod ni Jehova, ang Sion ng Banal ng Israel.”
Paggamit sa Makukuhang Kayamanan
20. Anong napakalaking pagbabago ng mga kalagayan ang mararanasan ng “babae”?
20 Kay laki ngang pagbabago ng mga kalagayan ang mararanasan ng “babae” ni Jehova! Sinabi ni Jehova: “Sa halip na ikaw ay maging isa na pinabayaan nang lubusan at kinapootan, na hindi dinaraanan ninuman, gagawin pa man din kitang isang bagay na ipagmamapuri hanggang sa panahong walang takda, isang pagbubunyi sa sali’t salinlahi. At sususuhin mo ang gatas ng mga bansa, at ang suso ng mga hari ay sususuhan mo; at tiyak na makikilala mo na ako, si Jehova, ay iyong Tagapagligtas, at ang Makapangyarihan ng Jacob ay iyong Manunubos.”—Isaias 60:15, 16.
21. (a) Paano naging “isang bagay na ipagmamapuri” ang sinaunang Jerusalem? (b) Anong mga pagpapala ang tinatamasa ng mga pinahirang lingkod ni Jehova mula pa noong 1919, at paano nila sinususo “ang gatas ng mga bansa”?
21 Sa loob ng 70 taon, ang sinaunang Jerusalem ay nawala sa mapa, wika nga, na “hindi dinaraanan ninuman.” Subalit simula noong 537 B.C.E., muling pinatahanan ni Jehova sa mga tao ang lunsod, anupat ginawa itong “isang bagay na ipagmamapuri.” Sa katulad na paraan, sa pagtatapos ng unang digmaang pandaigdig, nakaranas ang Israel ng Diyos ng isang yugto ng pagkatiwangwang anupat pakiramdam nila’y “pinabayaan [na sila] nang lubusan.” Subalit noong 1919, tinubos ni Jehova ang kaniyang mga pinahirang lingkod mula sa pagkabihag, at mula noon ay pinagpala na niya sila ng wala-pang-katulad na paglawak at espirituwal na kasaganaan. Sinususo ng kaniyang bayan “ang gatas ng mga bansa,” anupat ginagamit ang kayamanan ng mga bansa para sa ikasusulong ng tunay na pagsamba. Halimbawa, ang matalinong paggamit ng modernong teknolohiya ang naging dahilan upang maisalin at mailathala ang mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa daan-daang wika. Bilang resulta, daan-daang libo taun-taon ang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at nakakakilala na si Jehova, sa pamamagitan ni Kristo, ang kanilang Tagapagligtas at Manunubos.—Gawa 5:31; 1 Juan 4:14.
Pang-Organisasyong Pagsulong
22. Anong pantanging uri ng pagsulong ang ipinangako ni Jehova?
22 Kasabay sa pagdami ng bilang ng bayan ni Jehova ang mga pang-organisasyong pagsulong. Sinabi ni Jehova: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” (Isaias 60:17) Ang paghalili ng ginto sa tanso ay isang pagsulong, at totoo rin ito sa iba pang materyales na binanggit dito. Kasuwato nito, ang bayan ni Jehova ay nakararanas ng pinasulong na mga kaayusan sa organisasyon sa mga huling araw.
23, 24. Anong pinasulong na mga kaayusan sa organisasyon ang nararanasan ng bayan ni Jehova mula pa noong 1919?
23 Pagsapit ng 1919, ang mga kongregasyon ay may matatanda at mga diakono na inihalal sa demokratikong paraan. Simula nang taóng iyon, isang direktor sa paglilingkod ang inatasan sa teokratikong paraan upang mangasiwa sa paglilingkod sa larangan ng kongregasyon, subalit may mga pangyayari na ang ilan sa inihalal na matatanda ay lumaban sa direktor sa paglilingkod. Noong 1932, nagbago ang mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng magasing Bantayan, tinagubilinan ang mga kongregasyon na itigil na ang paghahalal ng matatanda at mga diakono. Sa halip, sila’y maghahalal ng isang komite sa paglilingkod upang gumawang kasama ng direktor sa paglilingkod. Iyan ay isang napakalaking pagsulong.
24 Noong 1938, mas marami pang “ginto” ang dinala nang isaayos na lahat ng mga lingkod sa kongregasyon ay dapat na atasan sa teokratikong paraan. Ang pangangasiwa sa kongregasyon ay nalagay sa pangangalaga ng isang company servant (nang maglaon, lingkod ng kongregasyon) at ng iba’t ibang mga lingkod na tumutulong sa kaniya, na pawang inatasan sa ilalim ng pangangasiwa ng “tapat at maingat na alipin.”c (Mateo 24:45-47) Gayunman, noong 1972, napag-unawa na ang maka-Kasulatang paraan ng pangangasiwa sa kongregasyon ay sa pamamagitan ng isang lupon ng matatanda sa halip na sa pamamagitan ng iisang tao. (Filipos 1:1) Nagkaroon ng iba pang mga pagbabago kapuwa sa kongregasyon at sa Lupong Tagapamahala. Ang isang halimbawa ng huling nabanggit ay nakita nang ipatalastas noong Oktubre 7, 2000, na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na naglilingkod bilang mga direktor ng Watch Tower Society of Pennsylvania at ng mga kaanib na korporasyon ay kusang-loob na nagbitiw. Sa ganitong paraan, ang Lupong Tagapamahala, na kumakatawan sa tapat at maingat na alipin, ay makapagtutuon ng higit na pansin sa pag-aasikaso sa espirituwal na pangangasiwa sa “kongregasyon ng Diyos” at sa mga kasama nito, ang ibang mga tupa. (Gawa 20:28) Lahat ng mga kaayusang ito ay mga pagsulong. Pinatibay ng mga ito ang organisasyon ni Jehova at pinagpala ang kaniyang mga mananamba.
25. Sino ang nasa likod ng pang-organisasyong pagsulong ng bayan ni Jehova, at anong mga pakinabang ang inaani?
25 Sino kaya ang nasa likod ng mga pagsulong na ito? Ang mga ito ba’y dahil sa kahusayang mag-organisa o sa matalinong pag-iisip ng ilang tao? Hindi, sapagkat sinabi ni Jehova: “Magdadala ako ng ginto.” Lahat ng pagsulong na ito ay bunga ng patnubay ng Diyos. Habang ang bayan ni Jehova ay nagpapasakop sa kaniyang patnubay at gumagawa ng mga pagbabago, sila’y umaani ng mga pakinabang. Namamayani ang kapayapaan sa gitna nila, at ang pag-ibig sa katuwiran ang nag-uudyok sa kanila upang paglingkuran siya.
26. Anong tanda na nagpapakilala sa tunay na mga Kristiyano ang napapansin kahit ng mga sumasalansang?
26 Ang bigay-Diyos na kapayapaan ay nagbubunga ng mga pagbabago. Nangako si Jehova: “Ang karahasan ay hindi na maririnig pa sa iyong lupain, ang pananamsam o ang kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan. At ang iyong mga pader ay tiyak na tatawagin mong Kaligtasan at ang iyong mga pintuang-daan ay Kapurihan.” (Isaias 60:18) Talagang totoo iyan! Maging ang mga sumasalansang ay umaamin na ang kapayapaan ay isang namumukod-tanging tanda ng tunay na mga Kristiyano. (Mikas 4:3) Ang kapayapaang ito sa Diyos at sa gitna mismo ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapangyari upang ang bawat dako ng Kristiyanong pagpupulong ay maging isang nakagiginhawang oasis sa isang marahas na sanlibutan. (1 Pedro 2:17) Ito’y isang patikim sa kasaganaan ng kapayapaan na iiral kapag lahat ng mga naninirahan sa lupa ay naging “mga taong naturuan ni Jehova.”—Isaias 11:9; 54:13.
Ang Maluwalhating Liwanag ng Pagsang-ayon ng Diyos
27. Anong patuluyang liwanag ang sumisikat sa “babae” ni Jehova?
27 Inilarawan ni Jehova ang tindi ng liwanag na sumisikat sa Jerusalem nang sabihin niya: “Sa iyo ay hindi na magiging liwanag ang araw kapag araw, at ang buwan ay hindi na magbibigay sa iyo ng ningning ng liwanag. At si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang iyong Diyos ang magiging iyong kagandahan. Hindi na lulubog ang iyong araw, ni liliit man ang iyong buwan; sapagkat si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang mga araw ng iyong pagdadalamhati ay matatapos na.” (Isaias 60:19, 20) Si Jehova ay mananatiling isang “liwanag na namamalagi nang walang takda” para sa kaniyang “babae.” Hindi siya kailanman “lulubog” na gaya ng araw o “liliit” na gaya ng buwan.d Ang kaniyang patuluyang liwanag ng pagsang-ayon ay sumisikat sa pinahirang mga Kristiyano, ang mga taong kinatawan ng “babae” ng Diyos. Sila, kasama ang malaking pulutong, ay nagtatamasa ng gayong katinding sikat ng espirituwal na liwanag anupat walang kadiliman sa larangan ng pulitika o ekonomiya ng sanlibutan ang magpapakulimlim nito. At nagtitiwala sila sa magandang kinabukasan na inilagay ni Jehova sa kanilang harapan.—Roma 2:7; Apocalipsis 21:3-5.
28. (a) Ano ang ipinangako may kinalaman sa nagbalik na mga naninirahan sa Jerusalem? (b) Ano ang inari ng pinahirang mga Kristiyano noong 1919? (c) Hanggang kailan aariin ng mga matuwid ang lupain?
28 May kinalaman sa mga naninirahan sa Jerusalem, nagpatuloy si Jehova sa pagsasabi: “Kung tungkol sa iyong bayan, silang lahat ay magiging matuwid; hanggang sa panahong walang takda ay aariin nila ang lupain, ang sibol ng aking taniman, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako ay mapaganda.” (Isaias 60:21) Nang bumalik ang likas na Israel mula sa Babilonya, ‘inari nila ang lupain.’ Subalit dito, ang “hanggang sa panahong walang takda” ay naging hanggang noong unang siglo C.E. nang wasakin ng mga hukbo ng Roma ang Jerusalem at ang estadong Judio. Noong 1919, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano ay lumabas mula sa espirituwal na pagkabihag at nagmay-ari ng isang espirituwal na lupain. (Isaias 66:8) Sa lupaing ito, o larangan ng gawain, ay masusumpungan ang isang malaparaisong espirituwal na kasaganaan na hindi lilipas. Di-gaya ng sinaunang Israel, ang espirituwal na Israel bilang isang kalipunan ay hindi magtataksil. Bukod diyan, magkakaroon din ng isang pisikal na katuparan ang hula ni Isaias kapag ang lupa ay naging isang literal na paraiso na kakikitaan ng “kasaganaan ng kapayapaan.” Saka aariin ng mga matuwid na may makalupang pag-asa ang lupain magpakailanman.—Awit 37:11, 29.
29, 30. Paanong “ang munti” ay naging “isang libo”?
29 Masusumpungan sa pagtatapos ng Isaias kabanata 60 ang isang taimtim na pangako, na ginarantiyahan ni Jehova ng kaniyang sariling pangalan. Sinabi niya: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isaias 60:22) Nang ang nanabog na mga pinahiran ay muling sumigla sa gawain noong 1919, sila “ang munti.”e Subalit ang bilang nila ay dumami nang dalhin sa kanila ang natitirang espirituwal na mga Israelita. At talagang kahanga-hanga ang pagdami nang pasimulan nang tipunin ang malaking pulutong.
30 Di-nagtagal, ang kapayapaan at katuwirang umiiral sa gitna ng bayan ng Diyos ay nakaakit sa napakaraming taong tapat-puso anupat “ang maliit” ay literal na naging isang “makapangyarihang bansa.” Sa kasalukuyan, mas malaki pa ang populasyon nito kaysa sa maraming nagsasariling estado sa daigdig. Maliwanag, pinapatnubayan ni Jehova, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang gawaing pang-Kaharian at pinabibilis niya ito. Talagang nakapananabik makita ang pandaigdig na paglawak ng tunay na pagsamba at magkaroon ng bahagi rito! Oo, nakagagalak maunawaan na ang paglagong ito ay nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova, na humula sa mga bagay na ito napakatagal nang panahon ang nakalipas.
[Mga talababa]
a Ang Tarsis ay malamang na nasa lugar na kilala ngayon bilang Espanya. Gayunman, ayon sa ilang reperensiyang akda, ang pananalitang ‘mga barko ng Tarsis’ ay tumutukoy sa uri ng mga barko—“mga sasakyang-dagat na may matataas na palo”—na “may kakayahang maglayag patungong Tarsis,” sa ibang salita, mga barkong itinuturing na angkop sa malayong paglalayag patungo sa malalayong daungan.—1 Hari 22:48.
b Bagaman mayroon nang mga aktibo at masisigasig na Kristiyano na may makalupang pag-asa na nakiugnay sa Israel ng Diyos bago pa ang 1930, ang bilang nila ay kapansin-pansing dumami noong mga taon ng 1930.
c Noon, ang mga lokal na kongregasyon ay tinatawag na mga company.
d Gumamit si apostol Juan ng kahawig na pangungusap sa paglalarawan sa “bagong Jerusalem,” ang 144,000 sa kanilang makalangit na kaluwalhatian. (Apocalipsis 3:12; 21:10, 22-26) Angkop naman ito, sapagkat ang “bagong Jerusalem” ay kumakatawan sa lahat ng miyembro ng Israel ng Diyos matapos nilang tanggapin ang kanilang makalangit na gantimpala, anupat makakasama ni Jesu-Kristo sa pagiging pangunahing bahagi ng “babae” ng Diyos, “ang Jerusalem sa itaas.”—Galacia 4:26.
e Noong 1918, ang katamtamang bilang ng mga nakikibahagi sa pangangaral ng salita bawat buwan ay wala pang 4,000.
[Larawan sa pahina 305]
Ang “babae” ay inutusang “bumangon”
[Larawan sa pahina 312, 313]
Dala ng ‘mga barko ng Tarsis’ ang karga nitong mga mananamba ni Jehova