-
Bakit Magandang Basahin ang Bibliya?Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA
Bakit Magandang Basahin ang Bibliya?
“Akala ko dati, napakahirap maunawaan ang Bibliya.”—Jovy
“Para sa akin, nakakabagot ang pagbabasa ng Bibliya.”—Queennie
“Kapag nakikita ko kung gaano kakapal ang Bibliya, nawawalan ako ng ganang basahin ito.”—Ezekiel
Naisip mo na bang basahin ang Bibliya pero nag-atubili ka dahil nadama mo ang gaya ng mga binanggit sa itaas? Para sa marami, ang hirap basahin ng Bibliya. Pero paano kung malaman mong makatutulong pala sa iyo ang Bibliya para maging mas maligaya at mas kontento sa buhay? At paano kung malaman mong may magagawa ka para maging mas kapana-panabik ang pagbabasa mo? Magiging interesado ka ba sa Bibliya?
Pansinin ang ilang komento ng mga taong nakinabang nang simulan nilang basahin ang Bibliya.
Sinabi ni Ezekiel, na mga 20 anyos: “Dati, para akong nagmamaneho ng sasakyan na wala namang pupuntahan. Pero dahil sa pagbabasa ng Bibliya, nagkaroon ng direksiyon ang buhay ko. May mga praktikal na payo ito na nagagamit ko sa araw-araw.”
Ikinuwento ni Frieda, na mga 20 anyos din: “May pagka-magagalitin din ako noon. Pero unti-unti kong [nabago] ito dahil sa pagbabasa ko ng Bibliya. Bihira na ngayon ang hindi ko nakakasundo kaya mas marami na akong kaibigan.”
Sinabi ni Eunice, mga 50 anyos, tungkol sa Bibliya, “Natulungan ako nito na maging mabuting tao, [at] baguhin ang pangit kong pag-uugali.”
Gaya ng napatunayan nila at ng milyon-milyong iba pa, ang pagbabasa ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas kasiya-siyang buhay. (Isaias 48:17, 18) Makatutulong din ito sa iyo na (1) makagawa ng tamang mga desisyon, (2) magkaroon ng tunay na mga kaibigan, (3) maharap ang stress, at (4) higit sa lahat, malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. Galing sa Diyos ang mga payo ng Bibliya, kaya hinding-hindi ka mapapahamak kung susundin mo ito. Laging tama ang payo na mula sa Diyos.
Kaya mahalaga na simulan ang pagbabasa ng Bibliya. Anong praktikal na mga mungkahi ang tutulong sa iyo para masimulan at ma-enjoy ang pagbabasa?
-
-
Paano Ko Ito Sisimulan?Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA
Paano Ko Ito Sisimulan?
Ano ang makatutulong sa iyo para masiyahan ka at mas makinabang sa pagbabasa ng Bibliya? Tingnan ang limang mungkahi na nakatulong sa marami.
Pumili ng tamang lugar. Humanap ng tahimik na lugar. Para makapagpokus ka sa binabasa mo, bawasan ang mga panggambala. Makatutulong din sa iyo ang angkop na liwanag at sariwang hangin para mas makinabang sa pagbabasa.
Magkaroon ng tamang saloobin. Dahil ang Bibliya ay mula sa ating makalangit na Ama, makikinabang ka nang husto kung magiging gaya ka ng isang bata na sabik na matuto sa kaniyang mapagmahal na magulang. Kung mayroon kang negatibo o maling impresyon tungkol sa Bibliya, isaisantabi ito para maturuan ka ng Diyos.—Awit 25:4.
Manalangin bago magbasa. Mga kaisipan ng Diyos ang mababasa sa Bibliya, kaya hindi nakapagtatakang kailangan natin ang kaniyang tulong para maunawaan ito. Nangako ang Diyos na magbibigay siya ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Ang banal na espiritung iyon ang makatutulong para maunawaan mo ang kaisipan ng Diyos. Sa kalaunan, tutulong ito sa iyo na maunawaan “maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Corinto 2:10.
Unawain ang binabasa. Huwag lang basta magbasa. Pag-isipang mabuti ang iyong binabasa. Tanungin ang sarili: ‘Ano ang magagandang katangian ng tauhang binabasa ko? Paano ko siya matutularan?’
Magtakda ng espesipikong tunguhin. Para makinabang sa pagbabasa ng Bibliya, humanap ng magagandang aral na talagang makatutulong sa iyo. Maaari kang magtakda ng tunguhin gaya ng: ‘Gusto ko pang makilala ang Diyos.’ ‘Gusto kong maging mas mabuting tao at mas mabuting asawa.’ Pagkatapos, pumili ng bahagi ng Bibliya na makatutulong sa iyo na abutin ang mga tunguhing iyon.a
Ang limang mungkahing ito ay makatutulong sa iyo na simulan ang pagbabasa. Pero paano mo mae-enjoy ang pagbabasa? Ang susunod na artikulo ay nagbibigay ng ilang mungkahi.
a Kung hindi ka sigurado kung anong bahagi ng Bibliya ang makatutulong sa iyo, matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.
-
-
Paano Ko Ito Mae-enjoy?Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA
Paano Ko Ito Mae-enjoy?
Boring? Nakaka-enjoy? Ano ang pagbabasa ng Bibliya para sa iyo? Depende iyan sa paraan ng pagbabasa mo. Alamin kung ano ang magagawa mo para mas ma-enjoy mo ang pagbabasa ng Bibliya.
Pumili ng isang mapananaligang salin na gumamit ng makabagong wika. Kung ang binabasa mo ay gumamit ng maraming makalumang salita na hindi mo naiintindihan, malamang na hindi ka masisiyahan sa pagbabasa nito. Kaya humanap ng Bibliya na gumamit ng mga salitang madaling maunawaan at aantig sa iyong puso. Dapat na tumpak din ang pagkakasalin nito.a
Gamitin ang teknolohiya. Sa ngayon, ang Bibliya ay hindi lang makukuha sa inimprentang edisyon kundi available din ito sa digital format. May mga Bibliya na mababasa online o mada-download sa computer, tablet, o cellphone. May dagdag na feature ang ilang bersiyon ng Bibliya kung saan mabilis mong makikita ang ibang talata ng Bibliya sa kaparehong paksa o mapaghahambing mo ang iba’t ibang salin. Kung mas gusto mong makinig kaysa sa magbasa, mayroon ding audio recording ng Bibliya. Marami ang nasisiyahang makinig nito habang nagbibiyahe, naglalaba, o gumagawa ng iba pang gawaing puwedeng makinig ang isa. Bakit hindi mo subukang humanap ng paraang angkop para sa iyo?
Gumamit ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Makatutulong ang mga ito para mas makinabang ka sa pagbabasa. May mga mapa ng lupain sa Bibliya na tutulong sa iyo na maging pamilyar sa mga lugar na nababasa mo at maging malinaw sa isip ang mga eksena. May mga artikulo sa magasing ito o sa seksiyong “Turo ng Bibliya” sa jw.org/tl na makatutulong para lumalim ang kaalaman mo sa Bibliya.
Gumamit ng iba’t ibang paraan sa pagbabasa. Kung mahirap para sa iyo na basahin ang buong Bibliya, subukang simulan ang pagbabasa sa bahagi na gustong-gusto mo. Kung may tauhan sa Bibliya na gusto mong pag-aralan, puwede mo munang basahin ang lahat ng ulat sa Bibliya tungkol sa kaniya. May mga halimbawa sa kahon na “Pag-aralan ang Bibliya—Kilalanin ang mga Tauhan Nito” na puwede mong sundan. O baka gusto mong basahin ang Bibliya ayon sa paksa o ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Bakit hindi mo subukan ang isa sa mga ito?
a Napatunayan ng marami na ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay tumpak, mapananaligan, at napakadaling maunawaan. Ang Bibliyang ito ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa mahigit 130 wika. Mada-download mo ito sa website na jw.org/tl. Puwede mo ring i-download ang app na JW Library. O kung gusto mo, isang Saksi ni Jehova ang maaaring magdala ng kopya nito sa inyong tahanan.
-
-
Paano Mapagaganda ng Bibliya ang Buhay Ko?Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA
Paano Mapagaganda ng Bibliya ang Buhay Ko?
Ang Bibliya ay hindi lang isang pangkaraniwang aklat. Mababasa rito ang payo ng ating Maylikha. (2 Timoteo 3:16) Malaki ang maitutulong sa atin ng mensahe nito. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Kaya nitong baguhin ang ating buhay sa dalawang paraan—naglalaan ito ng gabay para sa ating araw-araw na buhay at tinutulungan tayo nito na makilala ang Diyos at malaman ang kaniyang mga pangako.—1 Timoteo 4:8; Santiago 4:8.
Gaganda ang buhay mo ngayon. Matutulungan tayo ng Bibliya kahit sa mga personal na bagay. May mga praktikal na payo ito tungkol sa mga sumusunod:
Pakikitungo sa iba.—Efeso 4:31, 32; 5:22, 25, 28, 33.
Emosyonal at pisikal na kalusugan.—Awit 37:8; Kawikaan 17:22.
Pamantayang moral.—1 Corinto 6:9, 10.
Kalagayan sa pananalapi.—Kawikaan 10:4; 28:19; Efeso 4:28.a
Napahalagahan ng isang mag-asawa sa Asia ang mga payo ng Bibliya. Gaya ng maraming bagong kasal, nahirapan silang mag-adjust sa isa’t isa at magkaroon ng bukás na komunikasyon. Pero isinabuhay nila ang mga natututuhan nila sa Bibliya. Ang resulta? Sinabi ng mister na si Vicent: “Natulungan ako ng nababasa ko sa Bibliya na maipakita ang pag-ibig habang hinaharap ang mga hamon sa pagsasama naming mag-asawa. Dahil sa gabay ng Bibliya, naging masaya ang pagsasama namin.” Ganiyan din ang nadama ng asawa niyang si Annalou. Sinabi niya: “Nakatulong sa amin ang mga halimbawa na nasa Bibliya. Masaya na ako at kontento sa aming pagsasama at mga tunguhin sa buhay.”
Makikilala mo ang Diyos. Ganito pa ang sinabi ni Vicent: “Dahil sa pagbabasa ng Bibliya, lalo akong napalapít kay Jehova.” Makikita sa sinabing ito ni Vicent ang isang napakahalagang bagay—matutulungan ka ng Bibliya na makilala ang Diyos. Kaya hindi ka lang makikinabang sa kaniyang payo, puwede ka pa niyang maging kaibigan. Malalaman mong may ipinapangako siyang mas magandang kinabukasan, isang “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 6:19) Walang ibang aklat ang makapagsasabi niyan sa iyo.
Kung sisimulan mong magbasa ng Bibliya at patuloy itong gagawin, makikinabang ka rin—gaganda ang buhay mo ngayon at makikilala mo ang Diyos. Pero habang binabasa mo ang Bibliya, malamang na maraming tanong ang papasok sa isip mo. Kapag nangyari iyan, tandaan ang halimbawa ng isang opisyal na Etiope na nabuhay 2,000 taon na ang nakalipas. Napakarami niyang tanong tungkol sa Bibliya. Nang tanungin kung naiintindihan niya ang kaniyang binabasa, sinabi niya: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?”b Kaya agad niyang tinanggap ang tulong mula sa isang guro ng Bibliya na si Felipe, isang alagad ni Jesus. (Gawa 8:30, 31, 34) Kung gusto mo ring matuto pa tungkol sa Bibliya, hinihimok ka naming magpadala ng request sa www.jw.org/tl o sumulat sa adres na makikita sa magasing ito. Maaari kang makipag-ugnayan sa isang Saksi ni Jehova o pumunta sa isang Kingdom Hall sa inyong lugar. Bakit hindi mo subukang basahin ang Bibliya ngayon at hayaan nitong baguhin ang buhay mo?
Nag-aalinlangan ka ba kung mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya? Panoorin ang maikling video na Paano Tayo Nakakasiguro na Totoo ang Sinasabi ng Bibliya? Para makita ito, magpunta sa jw.org/tl at tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO > ANG BIBLIYA.
a Para sa iba pang halimbawa ng praktikal na mga payo ng Bibliya, magpunta sa jw.org/tl. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.
b Tingnan din ang artikulong “Maling Akala Lang Ba Ito?”
-