Ang mga Himala ni Jesus—Ano ang Iyong Matututuhan?
BAKA magulat kang malaman na ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus sa lupa ay hindi kailanman gumamit ng salita sa orihinal na wika para sa “himala.” Ang salitang Griego (dyʹna·mis) na isinasalin kung minsan na “himala” ay literal na nangangahulugang “kapangyarihan.” (Lucas 8:46) Maaari rin itong isaling “kakayahan” o “makapangyarihang mga gawa.” (Mateo 11:20; 25:15) Ayon sa isang iskolar, ang terminong Griego na ito ay “nagdiriin sa makapangyarihang gawa na ginanap, at lalo na, sa kapangyarihang ginamit upang maisakatuparan ito. Inilalarawan ang pangyayari bilang kapahayagan ng gumaganang kapangyarihan ng Diyos.”
Ang isa pang terminong Griego (teʹras) ay kadalasang isinasalin na “palatandaan” o “kababalaghan.” (Juan 4:48; Gawa 2:19) Itinatampok ng salitang ito ang epekto sa mga nagmamasid. Ang pulutong at ang mga alagad ay madalas na namangha sa makapangyarihang mga gawa ni Jesus.—Marcos 2:12; 4:41; 6:51; Lucas 9:43.
Ang ikatlong terminong Griego (se·meiʹon) na tumutukoy sa mga himala ni Jesus ay nagpapahiwatig ng “tanda.” “Nakatuon [ito] sa mas malalim na kahulugan ng himala,” ang sabi ng iskolar na si Robert Deffinbaugh. Idinagdag pa niya: “Ang tanda ay himala na naghahatid ng katotohanan hinggil sa ating Panginoong Jesus.”
Ilusyon ba o Bigay-Diyos na Kapangyarihan?
Hindi inilalarawan ng Bibliya ang mga himala ni Jesus bilang mga pandaraya o mga ilusyon na dinisenyo para libangin ang mga tao. Ang mga ito ay kapahayagan ng “maringal na kapangyarihan ng Diyos,” gaya ng nangyari sa isang batang lalaki na mula sa kaniya ay pinalayas ni Jesus ang isang demonyo. (Lucas 9:37-43) Imposible ba ang gayong makapangyarihang mga gawa para sa Makapangyarihang Diyos—ang Isa na inilalarawang may ‘saganang dinamikong lakas’? (Isaias 40:26) Siyempre, hindi!
Binabanggit ng mga ulat ng Ebanghelyo ang humigit-kumulang sa 35 himala ni Jesus. Subalit hindi isinisiwalat ang kabuuang bilang ng kaniyang mga himala. Halimbawa, sinasabi sa Mateo 14:14: “Nakita niya [ni Jesus] ang isang malaking pulutong; at nahabag siya sa kanila, at pinagaling niya ang kanilang mga maysakit.” Hindi sinasabi sa atin kung gaano karaming taong may sakit ang pinagaling niya sa pagkakataong iyon.
Mahalaga ang gayong makapangyarihang mga gawa sa pag-aangkin ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas. Ipinakita nga ng Kasulatan na nakagawa ng mga himala si Jesus dahil sa bigay-Diyos na kapangyarihan. Tinukoy ni apostol Pedro si Jesus bilang “isang lalaki na hayagang ipinakita ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo mismo.” (Gawa 2:22) Sa isa pang pagkakataon, binanggit ni Pedro na “pinahiran siya [si Jesus] ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain na gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat niyaong mga sinisiil ng Diyablo; sapagkat ang Diyos ay sumasakaniya.”—Gawa 10:37, 38.
Hindi maihihiwalay ang mga himala ni Jesus sa kaniyang mensahe. Isinisiwalat ng Marcos 1:21-27 ang naging reaksiyon ng pulutong sa turo ni Jesus at sa isa sa kaniyang mga himala. Sinasabi ng Marcos 1:22 na ang mga pulutong ay ‘lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo,’ at binabanggit ng talata 27 na ang mga tao ay “nanggilalas” nang palayasin niya ang isang demonyo. Nagbigay ng patotoo kapuwa ang makapangyarihang mga gawa ni Jesus at ang kaniyang mensahe na siya ang ipinangakong Mesiyas.
Hindi lamang nag-angkin si Jesus na siya ang Mesiyas; nagbigay ng katibayan sa pagiging Mesiyas niya ang bigay-Diyos na kapangyarihang nakita sa kaniyang mga himala, lakip na ang kaniyang mga salita at iba pang mga gawa. Nang bumangon ang mga tanong hinggil sa papel at atas niya, tahasang sumagot si Jesus: “Taglay ko ang patotoong mas dakila kaysa sa taglay ni Juan [na Tagapagbautismo], sapagkat ang mismong mga gawang iniatas sa akin ng aking Ama upang ganapin, na siyang mga gawa na aking ginagawa, ang nagpapatotoo tungkol sa akin na isinugo ako ng Ama.”—Juan 5:36.
Mga Palatandaan ng Pagiging Totoo
Bakit tayo makatitiyak na totoo at tunay ang mga himala ni Jesus? Isaalang-alang ang mga palatandaan ng pagiging totoo.
Sa pagganap ng kaniyang makapangyarihang mga gawa, hindi kailanman inakay ni Jesus ang pansin sa kaniyang sarili. Tiniyak niya na ang magiging bunga ng anumang himala ay ang makatanggap ang Diyos ng papuri at kaluwalhatian. Halimbawa, bago pagalingin ang isang taong bulag, idiniin ni Jesus na magaganap ang pagpapagaling “upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kaniyang kalagayan.”—Juan 9:1-3; 11:1-4.
Di-tulad ng mga ilusyunista, mahiko, at albularyo, hindi kailanman gumamit si Jesus ng hipnotismo, pandaraya, kagila-gilalas na mga pagtatanghal, mga gayuma sa mahika, o madamdaming mga ritwal. Hindi siya gumamit ng pamahiin o mga relikya. Pansinin ang mahinhing paraan ng pagpapagaling ni Jesus sa dalawang lalaking bulag. “Sa pagkahabag,” ang sabi ng ulat, “hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata, at kaagad silang nagkaroon ng paningin, at sila ay sumunod sa kaniya.” (Mateo 20:29-34) Walang sangkot na ritwal, seremonya, o magarbong pagtatanghal. Hayagang ginanap ni Jesus ang kaniyang makahimalang mga gawa, kadalasan sa harap ng maraming saksi. Hindi siya gumamit ng espesyal na mga ilaw, entablado, o gamit. Sa kabaligtaran, ang diumanong mga himala sa makabagong panahon ay kadalasang hindi masuhayan ng ebidensiya.—Marcos 5:24-29; Lucas 7:11-15.
Kinikilala kung minsan ni Jesus ang pananampalataya ng mga nakinabang sa kaniyang mga himala. Subalit hindi nakahadlang sa paggawa ng himala ni Jesus ang kawalan ng pananampalataya ng isang tao. Nang nasa Capernaum siya sa Galilea, “ang mga tao ay nagdala sa kaniya ng maraming tao na inaalihan ng demonyo; at pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng isang salita, at pinagaling niya ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan.”—Mateo 8:16.
Ang mga himala ni Jesus ay isinagawa upang sapatan ang aktuwal na pisikal na mga pangangailangan ng mga tao, hindi upang magtanghal lamang sa harap ng mauusisang nagmamasid. (Marcos 10:46-52; Lucas 23:8) At hindi kailanman gumawa ng mga himala si Jesus upang siya mismo ang makinabang sa paanuman.—Mateo 4:2-4; 10:8.
Kumusta Naman ang mga Ulat ng Ebanghelyo?
Inihatid sa atin ang katotohanan hinggil sa mga himala ni Jesus sa pamamagitan ng mga pahina ng apat na Ebanghelyo. May mga dahilan ba upang manalig sa mga ulat na ito habang sinusuri natin kung totoo ang mga himala na sinasabing ginawa ni Jesus? Oo, mayroon.
Gaya ng nabanggit na, hayagang ginawa ang mga himala ni Jesus, sa harap ng maraming saksi. Isinulat ang pinakaunang mga Ebanghelyo noong panahong buhay pa ang karamihan sa mga saksing iyon. Hinggil sa katapatan ng mga manunulat ng Ebanghelyo, ganito ang sabi ng aklat na The Miracles and the Resurrection: “Ang pagpaparatang sa mga sumulat ng ebanghelyo na sinadya nilang ikubli ang makasaysayang katotohanan sa maraming kuwento-kuwento ng himala sa layuning itaguyod ang mga propaganda ng relihiyon ay lubusang kawalang-katarungan. . . . Nilayon nilang maging tapat na mga tagapag-ulat.”
Hindi kailanman pinag-alinlanganan ng Judiong mga kalaban ng Kristiyanismo ang makapangyarihang mga gawa na inilalarawan sa mga Ebanghelyo. Ang tanging hinamon nila ay ang pinanggalingan ng kapangyarihan na ginamit sa paggawa ng mga ito. (Marcos 3:22-26) Hindi rin matagumpay na naitanggi ng mga kritiko nitong bandang huli ang mga himala ni Jesus. Sa kabaligtaran, noong una at ikalawang siglo C.E., marami ang bumanggit sa makahimalang mga gawa na ginanap ni Jesus. Maliwanag na may matibay tayong dahilan para malasing totoo ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kaniyang mga himala.
Ang Lalaki sa Likod ng mga Himala
Hindi kumpleto ang pagsusuri sa mga himala ni Jesus kung ito ay limitado lamang sa lohikal na mga argumento tungkol sa pagiging totoo ng mga ito. Sa paglalarawan sa makapangyarihang mga gawa ni Jesus, isinisiwalat ng mga Ebanghelyo ang isang tao na may masidhing damdamin, di-mapapantayang habag, at matinding interes sa kapakanan ng kaniyang mga kapuwa-tao.
Isaalang-alang ang nangyari sa isang ketongin na lumapit kay Jesus at desperadong nakiusap: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Yamang “nahabag” siya, iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo ang ketongin, na nagsasabi: “Ibig ko. Luminis ka.” Gumaling kaagad ang lalaki. (Marcos 1:40-42) Ipinakita ni Jesus sa gayong paraan ang kaniyang empatiya na nagpakilos sa kaniya na gamitin ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang gumawa ng mga himala.
Ano ang nangyari nang may makasalubong si Jesus na prusisyon ng libing na papalabas sa lunsod ng Nain? Ang namatay na kabataan ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang balo. Yamang siya ay “nahabag” sa babae, lumapit si Jesus sa kaniya at nagsabi: “Huwag ka nang tumangis.” Pagkatapos ay binuhay niyang muli ang anak na lalaki nito.—Lucas 7:11-15.
Ang isang nakaaaliw na aral na makukuha sa mga himala ni Jesus ay na “nahabag” siya at gumawa ng mga bagay para makatulong sa mga tao. Ngunit ang mga himalang iyon ay hindi lamang kasaysayan. “Si Jesu-Kristo ay gayon pa rin kahapon at ngayon, at magpakailanman,” ang sabi ng Hebreo 13:8. Nagpupuno na siya ngayon bilang makalangit na Hari, handa at may kakayahang gamitin ang kaniyang bigay-Diyos na makahimalang kapangyarihan nang mas malawakan kaysa noong nasa lupa siya bilang tao. Hindi na magtatagal, gagamitin ni Jesus ang mga ito upang pagalingin ang masunuring sangkatauhan. Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang malaman ang higit pa tungkol sa maningning na pag-asang ito para sa hinaharap.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Ang mga himala ni Jesus ay kapahayagan ng “maringal na kapangyarihan ng Diyos”
[Larawan sa pahina 7]
Si Jesus ay taong may masidhing damdamin