Bakit Dapat Manalangin sa Pangalan ni Jesus?
MADALAS ituro ni Jesus kung paano manalangin. Noong panahon niya, “sa mga panulukan ng malalapad na daan” nananalangin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Bakit? “Upang makita ng mga tao.” Halatang-halata na gusto nilang hangaan sila sa kanilang pagiging relihiyoso. Marami ang mahaba at paulit-ulit kung manalangin, na para bang kailangan ang “paggamit ng maraming salita” para dinggin ang isang panalangin. (Mateo 6:5-8) Sinabi ni Jesus na ang gayong nakagawiang pananalangin ay walang saysay, sa gayo’y tinulungan niya ang taimtim na mga tao na malaman kung ano ang iiwasan kapag nananalangin. Pero higit pa ang itinuro ni Jesus bukod sa kung ano ang dapat iwasan sa pananalangin.
Itinuro ni Jesus na dapat nating banggitin sa panalangin ang ating hangaring pakabanalin ang pangalan ng Diyos, dumating ang Kaniyang Kaharian, at mangyari ang Kaniyang kalooban. Itinuro din ni Jesus na angkop lamang na humingi ng tulong sa Diyos tungkol sa mga bagay na nakaaapekto sa ating personal na buhay. (Mateo 6:9-13; Lucas 11:2-4) Sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, ipinakita ni Jesus na kailangan natin ng pagtitiyaga, pananampalataya, at kapakumbabaan para pakinggan ni Jehova ang ating mga panalangin. (Lucas 11:5-13; 18:1-14) At para lalong maging mabisa ang kaniyang pagtuturo, nagpakita siya ng halimbawa.—Mateo 14:23; Marcos 1:35.
Tiyak na nakatulong ang tagubiling ito sa mga alagad ni Jesus na gawing mas makabuluhan ang kanilang mga panalangin. Pero naghintay muna si Jesus hanggang sa huling gabi niya sa lupa bago niya sabihin sa kaniyang mga alagad ang pinakamahalagang aral sa pananalangin.
“Malaking Pagbabago sa Kasaysayan ng Panalangin”
Bago siya arestuhin, halos buong-gabing pinatibay ni Jesus ang kaniyang tapat na mga apostol. Tamang-tama ang panahong iyon para sabihin niya ang isang bagong bagay. “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” ang sabi ni Jesus. “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Saka niya ibinigay ang isang nakapagpapasiglang pangako: “Anuman ang inyong hingin sa pangalan ko, gagawin ko ito, upang ang Ama ay maluwalhati may kaugnayan sa Anak. Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa pangalan ko, gagawin ko iyon.” Nang matatapos na siya sa pakikipag-usap, sinabi niya: “Hanggang sa kasalukuyang panahong ito ay hindi pa kayo humihingi ng isa mang bagay sa pangalan ko. Humingi kayo at kayo ay tatanggap, upang ang inyong kagalakan ay malubos.”—Juan 14:6, 13, 14; 16:24.
Napakahalaga ng mga pananalitang ito. Sinabi ng isang aklat na isa itong “malaking pagbabago sa kasaysayan ng panalangin.” Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na sa kaniya na iukol ang panalangin at hindi sa Diyos. Sa halip, pinasimulan niya ang isang bagong paraan ng paglapit sa Diyos na Jehova.
Sabihin pa, laging dinirinig ng Diyos ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga lingkod. (1 Samuel 1:9-19; Awit 65:2) Pero mula nang makipagtipan ang Diyos sa bansang Israel, kailangang kilalanin ng mga nagnanais na pakinggan ang kanilang panalangin na ang Israel ang piniling bayan ng Diyos. At nang maglaon, mula nang panahon ni Solomon, kailangan nilang kilalanin na ang templo ang pinili ng Diyos na lugar para sa paghahain. (Deuteronomio 9:29; 2 Cronica 6:32, 33) Pero pansamantala lamang ang paraang ito ng pagsamba. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo, ang Kautusan na ibinigay sa Israel at ang paghahain sa templo ay “anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kabuuan ng mga bagay.” (Hebreo 10:1, 2) Ang anino ay kailangang palitan ng katunayan. (Colosas 2:17) Mula noong 33 C.E., hindi na nakadepende sa pagsunod sa Kautusang Mosaiko ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova. Sa halip, ito ay nakadepende na sa pagsunod sa isa na itinuro ng Kautusan—si Kristo Jesus.—Juan 15:14-16; Galacia 3:24, 25.
Isang Pangalang “Nakahihigit sa Lahat ng Iba Pang Pangalan”
Nagbigay si Jesus ng isang nakahihigit na batayan sa paglapit kay Jehova sa pagsasabing siya ay makapangyarihang kaibigan, ang isa na nagbukas ng daan para pakinggan at sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin. Paano ito magagawa ni Jesus para sa atin?
Dahil lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan, anuman ang gawin natin o ihain, hindi pa rin maaalis ang batik na ito o hindi pa rin natin makakamit ang karapatang magkaroon ng kaugnayan sa ating banal na Diyos, si Jehova. (Roma 3:20, 24; Hebreo 1:3, 4) Pero ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa sangkatauhan. (Roma 5:12, 18, 19) Kaya lahat ng nagnanais na mapatawad sa kanilang kasalanan ay may pagkakataon nang magkaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova at “kalayaan sa pagsasalita” sa Diyos—pero posible lamang ito kung mananampalataya sila sa hain ni Jesus at mananalangin sa kaniyang pangalan.—Efeso 3:11, 12.
Kapag nananalangin tayo sa pangalan ni Jesus, ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa tatlong aspekto ng kaniyang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos: (1) Siya ang “Kordero ng Diyos” na sa pamamagitan ng kaniyang hain ay posible na tayong mapatawad sa ating kasalanan. (2) Binuhay siyang muli ni Jehova at isa na ngayong “mataas na saserdote” na naglalaan ng mga pagpapalang dulot ng pantubos. (3) Siya lamang “ang daan” upang makalapit tayo kay Jehova sa panalangin.—Juan 1:29; 14:6; Hebreo 4:14, 15.
Ang pananalangin sa pangalan ni Jesus ay nagpaparangal sa kaniyang pangalan. Angkop lamang ang gayong pagpaparangal, dahil kalooban ni Jehova na sa “pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod . . . , at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:10, 11) Pero ang mas mahalaga, ang pananalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesus ay lumuluwalhati kay Jehova, ang nagbigay ng kaniyang Anak para sa atin.—Juan 3:16.
Para maunawaan natin kung gaano kadakila ang papel ni Jesus, gumamit ang Bibliya ng iba’t ibang titulo at mga pangalan upang ilarawan siya. Tinutulungan tayo nito na maunawaan ang maraming pakinabang na dumarating sa atin dahil sa ginawa ni Jesus, sa ginagawa niya, at sa gagawin pa niya para sa atin. (Tingnan ang kahong “Mahalagang Papel ni Jesus,” sa pahina 14.) Oo, binigyan si Jesus ng “pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”a Ibinigay na sa kaniya ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa.—Filipos 2:9; Mateo 28:18.
Hindi Lamang Basta Nakagawian
Oo, dapat tayong manalangin sa pangalan ni Jesus kung nais nating pakinggan tayo ni Jehova. (Juan 14:13, 14) Pero hindi natin gustong banggitin ang pananalitang “sa pangalan ni Jesus” dahil lamang sa nakagawian na natin ito. Bakit?
Pag-isipan ang isang ilustrasyon. Kapag tumanggap ka ng isang sulat mula sa isang negosyante, karaniwan nang nagtatapos ito sa mga salitang “lubos na gumagalang.” Iniisip mo bang iyon nga ang nadarama ng negosyante para sa iyo, o sinusunod lamang niya ang isang pamantayan sa pagsulat? Oo, ang paggamit ng pangalan ni Jesus sa ating panalangin ay kailangang magkaroon ng mas malalim na kahulugan at hindi basta parang pormal na pagtatapos lamang ng isang liham pangnegosyo. Bagaman dapat tayong manalangin “nang walang lubay,” dapat nating gawin iyon nang “buong puso,” at hindi basta isang rutin lamang.—1 Tesalonica 5:17; Awit 119:145.
Paano mo maiiwasang banggitin ang pananalitang “sa pangalan ni Jesus” na parang rutin lamang? Subukan mong alalahanin ang mga nakaaantig-pusong katangian ni Jesus. Isipin mo kung ano ang nagawa na niya at handa pa niyang gawin para sa iyo. Sa panalangin, pasalamatan mo si Jehova at purihin siya dahil ginamit niya ang kaniyang Anak sa kahanga-hangang paraan. Kapag ginawa mo ito, makaaasa ka na tutuparin ni Jesus ang kaniyang pangako: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anumang bagay ay ibibigay niya ito sa inyo sa pangalan ko.”—Juan 16:23.
[Talababa]
a Ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, ang salitang Griego na isinaling “pangalan” ay maaaring tumukoy sa ‘lahat ng ipinahihiwatig ng isang pangalan—awtoridad, katangian, posisyon, karingalan, kapangyarihan, at kadakilaan.’
[Blurb sa pahina 13]
Dapat tayong manalangin nang “buong puso,” at hindi basta rutin lamang
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
MAHALAGANG PAPEL NI JESUS
Para lubusang maunawaan ang papel ni Jesus, tingnan natin ang ilang mga titulo, paglalarawan, at mga pangalang ibinigay sa kaniya.
Amen.—2 Corinto 1:19, 20; Apocalipsis 3:14.
Anak ng Diyos.—Juan 1:34.
Anak ng Tao.—Mateo 8:20.
Ang Salita.—Juan 1:1.
Apostol.—Hebreo 3:1.
Kamangha-manghang Tagapayo.—Isaias 9:6.
Kordero ng Diyos.—Juan 1:29.
Kristo/Mesiyas.—Mateo 16:16; Juan 1:41.
Emmanuel.—Mateo 1:23.
Guro.—Juan 13:13.
Hari.—Apocalipsis 11:15.
Hukom.—Gawa 10:42.
Huling Adan.—1 Corinto 15:45.
Lider.—Mateo 23:10.
Mabuting Pastol.—Juan 10:11.
Makapangyarihang Diyos.—Isaias 9:6.
Mataas na Saserdote.—Hebreo 4:14, 15.
Miguel na Arkanghel.—1 Tesalonica 4:16; Judas 9.
Panginoon.—Juan 13:13.
Prinsipe ng Kapayapaan.—Isaias 9:6.
Punong Ahente ng Buhay.—Gawa 3:15.
Tagapagligtas.—Lucas 2:11.
Tagapamagitan.—1 Timoteo 2:5.
Tapat na Saksi.—Apocalipsis 1:5.
Ulo ng Kongregasyon.—Efeso 5:23.
Walang-hanggang Ama.—Isaias 9:6.