BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Humanga Ako sa Malinaw at Makatuwirang Sagot ng Bibliya
ISINILANG: 1948
BANSANG PINAGMULAN: HUNGARY
DATING NAGHAHANAP NG SAGOT SA MAHAHALAGANG TANONG SA BUHAY
ANG AKING NAKARAAN:
Ipinanganak ako sa Székesfehérvár, Hungary, isang lunsod na may makulay na kasaysayan sa nakalipas na mahigit 1,000 taon. Pero nakalulungkot, naaalaala ko pa rin ang bakas na iniwan ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Pinalaki ako ng aking lolo’t lola. Hindi ko sila malilimutan—lalo na si Lola Elisabeth. Tinuruan niya akong magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Mula sa edad na tatlo, gabi-gabi naming dinarasal ang panalanging tinatawag kung minsan na Ama Namin. Pero saka ko lang talaga naintindihan ang kahulugan ng panalanging iyon nang mahigit 25 anyos na ako.
Sina Lolo’t Lola ang nag-alaga sa akin noong bata pa ako dahil araw at gabing nagtatrabaho ang mga magulang ko para makabili ng disenteng bahay. Pero tuwing ikalawang Sabado, sama-samang kumakain ang buong pamilya. Lagi kong naaalaala ang mga panahong iyon na magkakasama kami.
Noong 1958, natupad ang pangarap ng mga magulang ko na makabili ng bahay para sa aming tatlo. Sa wakas, makakapiling ko na rin sila—ang saya-saya ko! Pero makalipas ang anim na buwan, bigla iyong naglaho. Namatay si Tatay dahil sa kanser.
Lumong-lumo ako. Naaalala ko pang nanalangin ako: “Diyos ko, nagmakaawa akong iligtas ninyo si Tatay. Kailangan ko siya. Bakit hindi ninyo sinagot ang mga panalangin ko?” Gusto ko talagang malaman kung nasaan si Tatay. Naitanong ko: ‘Nasa langit na kaya siya? O talagang wala na siya?’ Inggit na inggit ako sa mga batang may tatay pa.
Sa loob ng maraming taon, halos araw-araw akong nasa sementeryo. Lumuluhod ako sa puntod ni Tatay at nananalangin: “Diyos ko, gusto ko pong malaman kung nasaan si Tatay.” Ipinanalangin ko rin na tulungan akong maintindihan ang layunin ng buhay.
Sa edad na 13, nag-aral ako ng German. Naisip ko na sa dami ng literaturang German, baka mahanap ko ang sagot sa mga tanong ko. Noong 1967, nag-aral ako sa lunsod ng Jena, na bahagi noon ng East Germany. May-pananabik kong binasa ang mga aklat ng mga pilosopong Aleman, lalo na ang tungkol sa layunin ng pag-iral ng tao. Bagaman may nakita akong magagandang ideya, hindi ako nakontento sa mga ito. Patuloy pa rin akong nanalangin para sa mga sagot.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Noong 1970, bumalik ako sa Hungary, at doon ko nakilala ang napangasawa kong si Rose. Nasa ilalim ng Komunismo ang Hungary nang panahong iyon. Di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal, tumakas kami papuntang Austria. Plano namin na mula roon ay lilipat kami sa Sydney, Australia, kung saan nakatira ang tiyo ko.
Nakahanap agad ako ng trabaho sa Austria. Isang araw, sinabi ng katrabaho ko na makikita ko sa Bibliya ang sagot sa lahat ng tanong ko. Binigyan niya ako ng ilang aklat tungkol sa Bibliya. Binasa ko agad ang mga iyon at gusto ko pang matuto. Kaya sumulat ako sa mga Saksi ni Jehova, ang tagapaglathala ng mga aklat na iyon, para humiling ng higit pang literatura.
Noong unang anibersaryo ng aming kasal, dinalaw kami ng isang kabataang Saksi na taga-Austria. Dinala niya ang mga literaturang hiniling ko at inalok ako ng pag-aaral sa Bibliya, na tinanggap ko naman. Dahil sabik na sabik akong matuto, dalawang beses kaming nag-aaral sa isang linggo—na tumatagal nang mga apat na oras!
Tuwang-tuwa ako sa mga itinuturo ng mga Saksi mula sa Bibliya. Nang ipakita nila ang pangalan ng Diyos na Jehova sa Bibliya kong Hungarian, halos hindi ako makapaniwala. Sa loob ng 27 taon kong pagsisimba, hindi man lang nabanggit kahit minsan ang pangalan ng Diyos. Humanga ako sa malinaw at makatuwirang sagot ng Bibliya sa mga tanong ko. Halimbawa, natutuhan kong walang kamalayan ang mga patay, parang natutulog lang nang napakahimbing. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-15) Natutuhan ko rin ang pangako ng Bibliya na isang bagong sanlibutan kung saan “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:3, 4) Umaasa akong makitang muli si Tatay, dahil sa bagong sanlibutang iyon, “magkakaroon ng pagkabuhay-muli.”—Gawa 24:15.
Sumama rin si Rose sa pag-aaral ng Bibliya. Mabilis ang aming pagsulong anupat natapos namin ang publikasyong ginagamit sa pag-aaral sa loob lang ng dalawang buwan! Dinaluhan namin ang bawat pulong ng mga Saksi sa Kingdom Hall. Hangang-hanga kami sa pag-ibig, pagtutulungan, at pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova.—Juan 13:34, 35.
Noong 1976, naaprobahan kaming lumipat sa Australia. Agad naming nahanap ang mga Saksi ni Jehova roon. At mabilis na napalagay ang aming loob dahil sa mainit nilang pagtanggap. Naging Saksi kami noong 1978.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Sa wakas nahanap ko na ang sagot sa mga tanong na matagal nang gumugulo sa isip ko. Sa pagiging malapít sa Diyos na Jehova, nahanap ko na rin ang pinakamabuting Ama sa buong mundo. (Santiago 4:8) At napakahalaga rin sa akin ang pag-asang makita kong muli ang aking tatay sa bagong sanlibutan.—Juan 5:28, 29.
Noong 1989, bumalik kami ni Rose sa Hungary para ibahagi ang aming paniniwala sa aming mga kaibigan, kapamilya, at pati na sa ibang tao. Nagkapribilehiyo kaming maturuan ang daan-daang tao tungkol sa Bibliya. Mahigit 70 sa kanila ang sumama sa amin sa paglilingkod kay Jehova, pati na ang mahal kong nanay.
Nanalangin ako nang 17 taon para malaman ang sagot sa mga tanong ko. Lumipas pa ang 39 na taon, patuloy pa rin akong nananalangin—pero ngayon ang sinasabi ko, “Salamat po, mahal kong Ama sa langit, dahil sinagot ninyo ang mga panalangin ko.”